Chereads / Mura' / Chapter 4 - Ang Simpleng Kindat

Chapter 4 - Ang Simpleng Kindat

Abala sa paggawa ng takdang- aralin si Ana sa kanilang sala. Maalinsangan ang panahon ng araw na iyon na kahit palubog na ang araw ay mainit pa rin ang singaw ng paligid. Kayat agad siyang nagtungo sa kusina upang uminom. Naroon ang kanyang ama na kasalukuyang sinisindihan ang kanilang de- uling na kalan.

"Nandiyan ka pala, nak," wika nito. " magluluto ako ng adobong mani, dala ito ni Pareng Pandoy."

Inunahan na nito ang anak bago pa man ito makapagtanong. Kumunot ang noo ni Ana. Bakit naman magdadala ng mani dito ang taong iyon? Galing ba ito sa probinsya nila at nais nitong makatikim sila ng produkto mula doon? Hanggang sa isang mahinang katok sa kanilang bahagya ng nakabukas na pinto ang narinig niya. Bumulwag si Pandoy na may dalang isang uri ng alak na nakalagay sa long neck na sisidlan. Dire-diretsong tumuloy ang lalaki papunta sa kusina nila. Napangisi ito sa kanya at sabay inilapag ang dalang alak sa mesa.

"Mag papainit lang kami ng tatay mo…." anito.

"Bakit? Malamig po ba?" nakasimangot na tugon niya. Di maitatanggi ang yamot sa kanyang tinig.

Hindi nakaimik ang lalaki sa sinabi niya. Tila napahiya ito at nagkibit- balikat lamang.

" Pagpasensiyahan mo na ang anak ko pare,… medyo pala biro yan eh,.." singit naman ng kanyang ama. " Mamaya patitikimin kita 'nak nitong mani at sigurado magugustuhan mo 'to."

" Hindi na, kulang pa po sa inyo yan.." nakairap na tugon niya.

Ngumisi ang kanyang ama. Gayundin ang lalaki na lalo niyang ikinainis. Iniwan niya ang dalawa sa kusina at nagtungo sa sala. Mabigat ang loob niya sa lalaki. Parang iba talaga ang kutob niya dito. Bihirang makipag-inom ang kanyang ama. Kapag pasko at bagong taon lamang ito nakikipagharap sa inuman o kapag mayroong may kaarawan sa kanilang pamilya o malapit na kamag-anak. Ang tingin niya sa lalaki ay isang masamang impluwensiya para sa kanyang ama. Na baka magyayaya lamang ito ng madalas sa mga ganitong uri ng kaswal na pag-iinom. Dagdagan pa ito ng hindi mawala- walang hinala niya dito. Na ito ay isang masamang tao. Nasa loob ang kulo nito pakiramdam niya kayat dapat siyang magmatiyag. Mananatili siyang nagbabantay sa pakikipag- inom ng kaniyang ama dito hanggang sa makaalis ito ng bahay.

"Isang round pa tayo, prrey!" garalgal nang tinig ni Pandoy.

"Tama na siguro muna pare, next time na lang ulit,.." sagot ng kanyang ama. Inangat nitong nakataob ang kawaling pinaglutuan ng mani. " 'Ala na tayong pulutan, hehehe!!"

"Walang problema sa pulutan,.." sagot naman nito. Dumukot ang kamay nito sa bulsa saka naglabas ng lukot- lukot na isang- daang papel. Tila nasa kailalim na ito ng kanyang bulsa at parang kahu- hulihang maaring mabunot. Inilapit nito ang bibig sa kanyang ama na akmang bubulong. " Utusan mong anak mo prrey…"

Dinig na dinig ni Ana mula sa kanilang kinauupuan ang inimik ng lalaki. Dalawang oras na siyang nagmamasid sa dalawa at bagaman mahina ang huling binanggit nito sa kanyang ama ay naulinigan niya ito. Nahahambugan siya dito at para bang kumulo ang kanyang dugo sa narinig. Ano't parang inuudyukan pa nito ang ama na huwag na munang tumigil sa pag-inom gayung ayaw na nga nito. Balak pati siyang utusan. Sa palagay niya'y ay talamak itong manginginom. Isang taong sugapa sa alak.

"Tumigil na kayo, tay!" may awtoridad na wika ni Ana sa kanyang pagtindig. "gabi na, matutulog na kami!"

Ngayon lamang nagawa ito ni Ana. Hindi niya din maintindihan kung saan nanggaling ang kaniyang lakas ng loob para makapagbitaw ng ganitong klase ng pagsaway. Marahil nga ay nais niyang protektahan ang kanyang ama mula sa isang lasenggong tulad ni Pandoy.

Nagkatinginan ang dalawa. Walang nakaimik ng kahit ano kayat sinamantala niya ang pagkakataon. Tinungo niya ang kusina. Isa –isa niyang inimpis ang mga baso at mangkok na ginamit ng dalawa sa ibabaw ng mesa. Saka hinarap ang lababo para hugasan ang mga ito.

"Mag- aalas otso pa lang,.." wika naman ni Pandoy. " maaga pa naman matulog preey,.." hirit pa nito na lalong ikinairita ni Ana.

"Naku, Mang Pandoy, kung gusto nyo pang mag- inom, sa bahay nyo na lang kayo magpatuloy ng pag-iinom." Walang kagatul- gatol na wika niya.

Nagulat ang lalaki sa binigkas niyang mga salita. Tila ba napayuko ito ng ilang sandali bago muling iniangat ang ulo saka nagpailing- iling. Dahan- dahan itong tumayo na parang mabubuwal. Hindi maitatangging lasing na talaga ito.

"Sige prrey,.." wika nito. " I, I shall retarn,..!"

Sambit nito na habang ikinakaway- kaway ang kanang kamay na nagpapaalam. Napalingon siya dito habang abala sa paghuhugas. Napatingin din ito sa kaniya at bigla siyang kinindatan. Nabigla siya kayat agad niyang binawi ang pansin at itinuon sa ginagawa. Nakaramdam siya ng kaba. Sa gilid ng kaniyang mata ay dama niyang nakatingin pa rin ito sa kaniya. Waring naghihintay na muli niyang ibaling ang pansin dito na hindi naman nito nakuha. Iniwas niyang maigi ang paningin. Sa palagay niya, siya ay bahagyang namutla.

" Sige pre, ingat sa pag-uwi." wika ng kanyang ama.

Hindi na siya nangahas pang ihatid ng tingin ang lalaki. Ayaw niyang muling magtama ang kanilang paningin. Naasiwa siya sa ginawa nitong pagkindat sa kanya. Hindi niya maintindihan kung siya'y nandiri o nabastusan sa inasal nito. Basta ang alam niya ay kinilabutan siya sa ginawa nito. Anong gusto nitong ipahiwatig? Anong ibig sabihin ng mga ganoong senyas? Napakatanda na nito para kumindat sa isang dose- anyos na tulad niya. Isa lang ang alam niya, katulad ni Tonying ay iiwasan na din niya ang lalaki mula ngayon.

"Putputak! Putputak! Putputak!.."

Naalimpungatan sa kanyang pagtulog si Mang Hose sa ingay na nagmumula sa kulungan ng mga manok. Biglang nagputakan ang mga alaga niyang hayop sa isang maulang hating-gabi. Bumangon siya at kinuha ang salakot na nakasabit sa dingding. Nagtangka siyang lumabas ngunit sinalubong siya ng ampias ng malakas na ulan sa pinto na sinabayan pa ng ihip ng hangin papasok sa kanilang bahay. Muli niyang sinara ang pinto at nagtungo sa kusina upang kuhain ang kanyang kapote.

"Ano't nagkakaingay itong mga manok na ito!" yamot niyang nasambit.

Maging si Ana ay napaupo sa papag ng kanyang silid. Nadistorbo rin siya sa pagkakaingay ng mga ito sa kanyang pagkakahimbing. Sinundan niya ng tingin ang paglabas ng kanyang ama mula sa pinto ng kanyang silid. Nag-aalala siya na baka may nais magnakaw ng kanilang mga alagang hayop. Na piniling sabayan ang malakas buhos ng ulan upang hindi mapansin o maulinigan ang pangingialam nito.

Hindi pa ito naganap kahit minsan. Karaniwang naliligalig ang mga manok kapag nagbibitaw ang kanyang ama kasama ng mga kaibigan nito sa loob ng bakod nila. Pero nagaganap lang ito kapag araw. Kayat ganun na lang ang pagtataka nilang mag-ama. At siya, na maghinalang baka may nagtatangkang magnakaw sa kanila.

Nangamba siya sa solong paglabas ng kanyang ama sapagkat wala man lamang itong dalang kahit na ano na maaaring ipang-depensa sa mga masasamang- loob. Binuksan niya ang bintana sa kanyang silid at sinilip ang ama habang isa- isang sinisilip ang mga kulungan ng manok. Naisip niyang sundan ang ama at dalhan ito ng itak na nakasabit sa tokador ng kanilang kusina. Walang pag-aalinlangan ay tinungo niya ang kusina at agad hinagilap ang itak ng ama.

Sa paglapit niya sa tokador upang bunutin sa kaluban ang itak ay may narinig siyang tumawag ng pangalan niya. Sa pag-aakalang ang kanyang ama ang tumatawag sa kanya ay kanyang ibinaling ang paningin sa pinanggagalingan nito.

"Ana,.."

Halos mabuwal siya sa pagkakatayo ng makita sa bintana ang nakasilip na anyo ng isang tao. Palibhasa'y ang bintana'y napapalibutan ng mga grills na gawa din sa kahoy, hindi masyadong mababanaag ng malinaw ang taong nakatayo sa may bintana. Napa-atras siya sa sobrang gilalas. Muli niyang naramdaman ang panginginig ng kanyang mga tuhod na tila mapapaihi sa takot. Bagaman gabi at madilim, hindi siya maaaring magkamali… ang tinig na iyon ng isang lalaki ay pag-aari ng taong nagtangkang kumindat sa kanya. Si Pandoy.

Higit niyang naaninaw ang mukha ng lalaki ng isang kidlat ang nagpaliwanag sa labas ng bahay. Tila nagniningas ang mata nito sa pagkakatitig sa kanya. Namumula ang mga pisngi nito na indikasyong nakainom ito ng alak. Walang kakurap- kurap ang tingin nito sa kanya bagaman panay ang tulo ng tubig- ulan sa magkabilang pisngi nito. Lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib ng sumagi sa isip niya na baka may masamang binabalak sa kanya ang lalaki. Mas nangamba siya sa kanyang ama na kasalukuyang nasa labas ng kanilang bahay. Naisip niyang baka may dalang patalim ang lalaki na maaaring makasakit sa kanyang ama. Sa kanyang pagpihit paalis ng kusina ay siya namang pagpasok ng kanyang ama sa kanilang bahay.

" May mga tulo na pala 'yung bubong ng kulungan,.." sambit nito habang pinapagpag ng kamay ang medyo nabasa ng buhok. " tinabingan ko muna pansamantala ng mga dahon ng saging, bukas ko na lang aayusin."

"..y-yung pinto po, isara 'nyo ng maigi,.." paalala niya sa ama.

Bagaman nakaramdam siya ng ginhawa sapagkat walang nangyaring kung anuman sa kanyang ama ay hindi pa rin lubos dahil alam niyang siya ay may iba pang dapat ipangamba. Marahil isa ngang dahilan ng pag-iingay ng mga alagang manok ng kanyang ama ang tulu- tuluang bubong ng mga kulungan. Pero bukod pa roon ay ang pagkakaroon ng iba pang nilalang maliban sa kanilang mag-ama sa bakuran ng kanilang bahay ang sanhi nito.

Muling lumingon si Ana sa munting bintana ng kanilang kusina kung saan niya nakita ang lalaki. Wala ng masisilayang anyo ng tao sa gawi roon ngunit malinaw pa ring nakarehistro ang hitsura nito sa kanyang imahinasyon.

Sunod niyang tinungo ang pintuan ng kanilang bahay at saka tiniyak na naisarang mabuti ng ama ang tarangkahan. Nais niyang masiguro na hindi sila mapapasok ng basta-basta. Ang pasukin ng lalaking labis na niyang kinamumuhian ngayon ang pinakanakapangingilabot na maaaring mangyari para sa kanya. Sunod niyang sinipat ang bawat bintana. Muli niyang ininspekyon ang pagkakasara ng mga ito. Sinigurong pinid na pinid at walang siwang na maaring makasilip ang sinumang nasa labas.

Nagtaka ang kanyang ama sa kanyang ikinikilos. Kitang- kita nito ang pagkataranta niya sa paglalayong maisara ang lahat ng maaaring pasukan papunta sa loob ng kanilang bahay kung kayat hindi na nito napigilang magtanong.

"Ana, bakit?" sambit nito habang nakakunot ang mga noo. Bakas dito ang pagkabahala sa kanyang ginagawa." Natatakot ka pa rin ba sa kidlat?"

Napalingon siya sa ama. Noong maliit pa kasi siya, talagang nagtatago siya sa ilalim ng mga unan kapag kumikidlat. Napapanatag lamang ang kanyang loob kapag siya ay niyakap na ng kanyang ina. Nawawala ang kanyang pangamba kapag mahigpit nang nakayapos sa mga bisig ng kanyang pinakamamahal na nanay. Marahil naiisip ng kanyang ama na muli na namang nagbabalik ang kanyang phobia sa kidlat.

" Titila din ang ulan, sige na bumalik ka na sa kuwarto mo." utos ng ama habang tinutuyo ng tuwalya ang nabasang buhok.

Bagaman nag-aalinlangan, sumunod na rin si siya. Umikot muna ang kanyang paningin sa palibot ng silid bago naupo sa gilid ng kanyang papag. Nakikiramdam siya sa paligid. Anumang kaluskos na umabot sa kanyang pandinig ay kanyang sinusuri kung saan naggagaling ang tunog. Maya- maya pa'y tuluyan na siyang humiga ngunit mulat ang mga mata. Sa palagay niya'y hindi na siya dadalawin ng antok bungsod ng pangyayari kanina. Puno ng katanungan ang kanyang isip. Anong pinaplano ni Pandoy? Bakit siya nagpunta sa bahay nila sa dis- oras ng gabi? Bakit siya nagkukubli sa likod ng kanilang bahay?