Chereads / My Fake Perfect Lover (Finished) / Chapter 4 - Chapter Three: Nahubaran si Train!

Chapter 4 - Chapter Three: Nahubaran si Train!

HINDI matanggal ang ngiti sa mga labi ni Charley habang inaalala niya ang naganap na concert ng Side A band sa MOA Arena nang nakaraang gabi. It was a superb and very blissful show, indeed. Sobrang nag-enjoy siya at ang iba pang mga fans na dumalo, nakisabay din siya nang buong puso sa pag-awit ni Joey G. ng mga kantang pinasikat ng mga ito, kahit halos lumabas-labas na ang ugat sa kanyang leeg dahil sa halos pasigaw niyang pagkanta.

Parang panaginip ang lahat, feeling niya ay nasa cloud nine pa rin siya dahil sa sayang nararamdaman niya, parang bumalik muli ang lahat sa kanyang pagkabata nang marinig niya ang mga kanta ng Side A—na madalas niya noong napapakinggang pinapakinggan ng kanyang mga magulang.

Kababalik lang niya sa kanyang totoong mundo—sa kanyang bahay. Napagod siya nang husto pero worth it dahil sa magandang experience na 'yon. Mabilis na niyang pinihit pabukas ang door knob, alam kasi niyang nasa loob lang ang Kuya at ang hipag niya dahil ang mga ito ang nagbabantay ng bahay. Pero nagtaka siya dahil naka-lock 'yon. Mabilis niyang kinapa sa backpack ang kanyang spare key, saka binuksan ang pintuan.

At ganoon na lang ang gulat niya nang makita niyang ibang-iba na ang ayos nang loob ng bahay niya. Halos masilaw siya sa sobrang linis at ayos ng bahay niya, bago ang mga sofa, flower vase, paintings at lahat-lahat ng mga naroon. Lumabas uli siya ng pintuan para tingnan kung tama ba siya ng bahay na pinasukan. Pero imposible naman kasing magkamali siya dahil nag-iisang lang ang nakatayong bahay sa lugar na 'yon, na malayo sa kabihasnan. Hindi kaya surpresa na naman ito ng Kuya niya sa kanya? Ang bilhan siya ng mga bagong kagamitan sa bahay niya? Napangiti na siya bago muling pumasok sa loob ng bahay.

Ngunit napatalon siya sa gulat nang biglang may magsalita sa kanyang likuran na mabilis niyang nilingon, isang naka-formal attire at nakasalamin na babaeng naka-buns ang buhok na marahil nasa lagpas thirty na ang edad.

"Sino ka?" nagtatakang tanong nito sa kanya.

Napakamot siya ng ulo. "Ako po si Charley Rain delos Santos, ang may ari ng bahay na ito. Kayo po, sino kayo?" nagtataka ring tanong niya.

Hindi naman siguro nila ito kamag-anak, dahil hindi pa niya ito nakikita kahit kailan. At sa pagkakaalam niya, ang mga kamag-anak sa side ng Mommy niya ay nakatira na lahat sa North America at ang pamilya naman ng Daddy niya ay nasa ibang bansa rin. Kaya sino itong babaeng nasa harapan niya?

Hindi kaya magnanakaw ito—nakasuot ng formal attire? "Teka, trespassing po ang pagpasok niyo sa bahay nang may bahay." aniya.

Ngunit ni wala man lang siyang nakitang takot sa matapang na mukha ng babae. "I'm not a trespasser, baka ikaw." Ganti nito. Para itong si Miss Minchin sa gawi nang pananalita at mukha nito, na tinutukoy ang isang karakter sa Princess Sarah.

"Hindi po! Ako po ang may-ari ng bahay na ito, kayo po... sino kayo?"

"Ako si Mitchy." Pagpapakilala ng babae sa sarili nito. "Kung ikaw ang may-ari ng bahay na ito., hindi mo ba alam na nabili na ang bahay na ito nang bagong may-ari, last week? Kung ayaw mong maniwala, ipapakita ko sa 'yo ang mga dokumento at mga papeles na pinirmahan niya."

Mabilis na nanlaki ang kanyang mga mata. "Nabili ang bahay na ito nang bagong may-ari? E hindi naman po for sale ang bahay na 'to ah." paliwanag niya.

"Sorry to tell you this Miss, but this house has already been sold by Lyndon delos Santos."

Nalaglag ang kanyang panga sa pagkakarinig sa sinabi ng babae, saglit siyang natigilan. "Sandali lang po, para malinawan tayong dalawa, kailangan ko pong makita at makausap ang kapatid ko." Aniya. "Kuya Don, nasaan ka?" sigaw niya sa buong kabahayan. Pero walang Don na sumasagot sa kanya. Nagsimula na siyang dagsain nang maraming kaba. Talaga nga bang ipinagbili ng Kuya niya ang bahay nilang ito? Hindi siya naniniwala. "Sandali po, tatawagan ko lang po siya." Mabilis niyang inilabas ang kanyang cell phone para tawagan ang kapatid, ngunit hindi niya ito matawagan. Hindi na niya alam ang gagawin niya! "M-Maaari ko po bang makita ang mga dokumento at mga papeles na sinasabi niyo." Kinakabahang sabi niya. Umaasa siyang sana ay hindi totoo ang sinasabi ng babaeng kaharap niya, kung hindi ay baka makalbo niya ang Kuya niya kapag nagkita sila.

Saglit itong umalis sa kanyang harapan at ilang sandali pa ay bumalik din ito. Nakita niyang may dala itong isang folder. Halos hindi siya makahinga sa labis na kaba, nang makalapit sa kanya ang babae ay inabot nito sa kanya ang folder. Nanginginig ang kanyang mga kamay habang binubuksan ang folder na hawak niya.

Hanggang sa tumambad sa kanyang harapan ang isang papel na naglalaman ng rights ng property na 'yon—sa bagong nagmamay-ari ng bahay—na hindi na niya nabasa ang pangalang nakasulat dahil nagsimula nang manlabo ang kanyang mga mata gawa ng mga luhang pinipilit niyang pigilan.

Paano nagawa ng Kuya niyang ipagbili ang natitirang alaala nang masasayang sandali ng kanilang pamilya? Paanong nailihim ng kapatid niya ang balak nitong 'yon? Kaya ba siya binigyan ng concert ticket nang paborito niyang banda at dalawang araw na pananatili sa mamahaling Hotel na 'yon dahil sa binabalak nitong 'yon? Siguro ay matagal na nito 'yong na-plano. Bigla niyang naalala ang isang papeles na pinapirmahan ng kapatid niya—hindi kaya... napapikit siya sa labis na frustration at naikuyom niya ang kanyang mga kamay. Hindi niya lang makakalbo ang kapatid niya, baka mabugbog pa niya ito.

"Hindi po ako aalis dito, bahay ko po ito!" matatag niyang sabi. Hindi na niya napigilang tumulo ang kanyang mga luha na mabilis rin niyang pinunasan—matapang siyang babae, pero nagiging emosyonal siya kapag nadadamay na ang mahahalagang tao o bagay sa buhay niya.

Hindi siya basta-basta susuko dito, hindi niya basta-basta isusuko ang bahay na ito kahit na sinuman. Sa pamilya niya lang ang bahay na ito. Nasaan na ba ang Kuya niya? Bakit kung kailan kailangan niya ito ay saka naman ito nawawala? Bakit ba nito ibinenta ang bahay nila?

"Umalis ka na Miss, bago dumating ang bagong may-ari ng bahay na ito." Sabi ng babae.

Umiling-iling siya. Baka pwede niyang pakiusapan ang bagong may-ari ng bahay na ibenta uli nito sa kanya ang bahay, magkano ba ibinenta ng kapatid niya ang bahay nila? Naghihirap na ba ang Kuya niya?

"Pakikiusapan ko po ang bagong may-ari na ibenta uli sa akin ang bahay na ito." Aniya.

"Sure. Basta may ten million ka."

Nahulog ang kanyang mga balikat. Ten million? Pero hindi pa nga lumalagpas sa isang million ang nasa savings account niya, paano niya mababayaran ang bahay nila? Paano niya uli ito makukuha? Hindi naman niya pwedeng umasa sa kanyang magulang niya, dahil abala ang mga ito sa kanya-kanyang trabaho at hangga't kaya at maaayos niya ay gagawin niya!

"Kakausapin ko ang bagong may-ari, baka madaan ko sa pakiusap. Anong oras po ba siya darating?" Aniya. Umiling-iling ang babae. "Kailangan ko po siyang makausap. Hihintayin ko po siya dito. Hindi po ako aalis dito, hangga't hindi ko po siya nakakausap!" umupo na siya sa sahig at mabilis na binuksan ang kanyang backpack para ikalat ang kanyang mga damit. Teritoryo niya ito, sa kanya lang ang bahay na ito.

"What's happening here?"

Mabilis siyang napalingon sa taong pinanggalingan ng boses—biglang nanlaki ang kanyang mga mata kasabay ang paglaglag ng kanyang mga panga nang mapagsino niya ang taong noon ay nakatingin sa kanya—kilala niya ang lalaking 'yon!

BIGLANG napakunot-noo si Train nang makilala niya ang babaeng nakita niyang kasagutan ng kanyang Manager. She was the same girl yesterday! Ang kaisa-isang babaeng hindi nakakilala sa kanya—despite of his popularity. Ang kaisa-isang babaeng ni hindi man lang tinatablan ng kanyang killer dimples at ang babaeng humila pababa ng kanyang... saglit siyang napapikit at napailing, ayaw na niyang maalala ang kahihiyan na ginawa nito sa kanya.

Una niya itong nakasalamuha sa elevator ng Prince Hotel—na pagmamay-ari ng mga magulang niya, na ngayon ay may higit sampung sangay na all over the world. Nagulat at na-amaze siya sa babae nang bigla na lang nitong d-in-ive ang papasarang elevator, hindi kasi niya nakita na hinahabol pala nito ang elevator.

Cute sana ito ang kaso mukhang action star. Petite ito, maputi, maganda ang mga mata at mapupula ang mga labi nito, maliit ang mukha nito at—mabilis siyang napailing-iling siya, hindi niya ito pinupuri!

Pangalawang encounter niya dito ay sa concert ng Side A, kaibigan kasi ng parents niya ang naturang banda at gusto ng parents niya na mapanuod niya ang comeback concert ng mga ito, on behalf of them—dahil abala ang mga ito sa ibang branch ng kanilang Hotel.

Rida, his Mom and Fin, his Dad are both a business tycoons, ngunit kahit gaano ka-busy ang mga ito ay hindi natatalaban ang mga ito ng stress, mukha pa ring bata ang mga ito sa edad na forty seven. May kaya ang pamilya nila, ngunit mas prefer niyang kumita at gumastos ng pera na pinagpawisan niya.

Sa London siya ipinanganak, lumaki at nagtapos ng pag-aaral sa isang kilala University sa kursong Business Management. He also had finished his masters degree there. Her Mom was a half French half Filipina and his Dad was a half American half Filipino.

He came from a wealthy family. Sa London unang nagpatayo ng hotel business ang kanyang mga magulang hanggang sa lumaki at lumawak 'yon at magkaroon ng ibang sangay sa Pilipinas at iba pang parte ng mundo. Pagkatapos niyang kumuha ng masters degree ay umuwi ang mga magulang niya—kasama na siya—sa 'Pinas para doon na manatili. Sa edad na twenty three ay handa na sana niyang hawakan ang negosyo ng kanyang pamilya, pero biglang may humuhila sa puso niya—his first love—his dream of becoming an artist!

He became an actor at the age of twenty three at tuluyang humiwalay ng sariling tahanan, para mamuhay ng mag-isa. Now, he is already twenty five. No'ng una ay kinuha siya bilang isang modelo ng damit bago siya na-discover at i-manage ni Mitchy para gawing artista—his thirty year-old Manager. Dahil sa looks niya ay nagkaroon siya ng mga TV appearances hanggang sa may mag-alok sa kanyang isang bigating TV station para maging lead actor sa isang drama—ginawa niya ang lahat nang makakaya niya para maipakita sa lahat na hindi lang siya puro looks, that he also have a talent in acting.

Nang mapatunayan niya ang galing niya sa pag-arte at napahanga ang ilang mga batikang director, a month after ay kinuha siya para sa isang movie projects kasama ang isang kilalang TV actress. A few months after ay naging sunod-sunod na ang kanyang mga projects hanggang sa tuluyan nang nakilala at namayagpag ang kanyang pangalan sa Philippine Showbizness at iba't ibang panig ng mundo.

Kaya sanay na sanay siya sa mga papuri at paghanga ng mga tao sa kanya—until he encountered with this girl, who never cares about him—being a popular TV icon, ni hindi nga siya kilala. At narito pa ito ngayon sa bagong bahay niya, ano'ng ginagawa nito dito?

A month ago ay nagpahanap siya ng bahay sa kanyang Manager, 'yong malayo sa ingay at mga stalkers. Sa dati kasi niyang condo, kabi-kabilaan ang stalkers na nanggugulo sa kanya. Hindi natatahimik ang buhay niya sa lugar na 'yon, kaya after niyang maibenta ang condo niya ay nagpahanap siya ng ibang tirahan.

Hanggang sa ibalita na nga ni Mitchy na may nahanap na itong bahay. Kakilala daw ng isa sa mga kaibigan nito ang nag-offer sa kanya ng bahay. After nitong mai-check ang bahay, mabilis na rin itong sumang-ayon. At hindi naman siya nagsisisi na sumang-ayon agad dito, dahil napaka-breathtaking ng kabuuan ng bahay. It was all worth the costs.

And this crazy girl is right in front of his eyes, again! Muling bumalik ang alaala nang ginawa nito sa kanya sa hotel—napailing siya. Mabuti na lamang at mabilis na ginawan ng paraan ng Manager niya ang hindi pagkalat ng larawan na kinuhanan ng mga paparazzi, dahil sa pagkatanggal ng kanyang pantalon.

"What are you doing here?" aniya sa babae. Saka niya nilapitan ang babaeng nakahandusay sa sahig, na nakatulala sa kanyang harapan. Pansin niyang nakasuot ito ngayon nang napakakapal na salamin sa mata. She also seemed so surprise.

"Kapatid siya ng nagbenta sa akin ng bahay na ito." Imporma ni Mitchy.

"What is she still doing here?" masungit na tanong niya. Bumaling uli ang tingin niya sa babaeng nakahandusay pa rin sa sahig.

"Mr. Ano..." anito sa kanya. Saka ito lumuhod sa kanyang harapan at hinawakan ang laylayan ng suot niyang t-shirt. "Baka naman pwede nating pag-usapan ang tungkol dito sa bahay." nagmamakaawang sabi nito.

"Get your hands off me!" aniya, saka siya mabilis na umatras dito na kamuntikan na nitong ikasubsob sa harapan niya.

Nanatili itong nakaluhod sa harapan niya, saka nito pinaglapat ang dalawang kamay nito na parang nananalangin sa kanya. "Ibenta mo uli itong bahay sa akin."

"What?" Mabilis siyang napalingon sa Manager niya. "Akala ko ba maayos na ang lahat?" aniya.

"Ayos na ang lahat, siya lang ang hindi maayos." Saka tinuro ng Manager niya ang babae sa kanyang harapan.

"Sige na. Ibenta mo uli ang bahay na 'to sa akin. Pero sa ngayon installment na muna. Kasi wala pa akong ten million cash e." Anito.

"Mitch, fix this thing." Aniya. Saka na siya nagsimulang maglakad paakyat ng hagdan, patungo sa kuwarto niya. Pero nagulat na lang siya nang biglang hilain ng babae ang pantalon na suot niya. "What the—" mabuti na lang at mahigpit na ngayon ang sinturon niya. Mabilis siyang dumistansya dito.

"Mr. Ano... Sige naman na oh! Huhulugan ko ito, promise."

"Ano ako Bombay?" sarkastikong sabi niya.

"Hindi naman sa gano'n. Pero mahalaga kasi ang bahay na ito sa akin at sa pamilya ko."

"Mahalaga din ang tulog ko. Kaya kailangan ko nang magpahinga!" aniya, saka uli siya nagpatuloy sa paglalakad nang biglang humarang ito sa daraanan niya. Saka ito sumandal sa pader hanggang sa unti-unti itong nagpapadausdus doon. Napakunot-noo siya. What is she doing?

NAG-WA-WALLING si Chaley sakaling maawa ang lalaking nasa harapan niya. Ginagamitan na niya ito nang lahat ng dramang nalalaman niya, para bumigay ito.

"What are you doing?" naiiritang tanong ng lalaki sa kanya.

Nag-wa-walling! Ngali-ngaling sagot niya. Pero dahil may kailangan siya dito, kailangan niyang magpakabait dito. "Please Mr. Ano..."

"Stop calling me 'Mr. Ano'. I'm Train Evan Sebastian!"

"Mr. Train, please naman oh! Gagawin ko ang lahat huwag lang mapaalis sa bahay na 'to. Dito na ako lumaki at nagkaisip." Pagmamakaawa niya.

Bumaling ang lalaki kay Mitchy. "Kung may mga gamit pa siyang natira dito sa bahay, pakibigay na lang sa kanya." Muling bumaling sa kanya ang lalaki saka napailing bago siya tuluyang nilagpasan.

Kuyaaaaaa! Kasalanan mo ang lahat ng itooooo!

NAPAHIKAB nang malaki si Train sabay stretch ng kanyang mga braso at legs, bago siya tuluyang tumayo mula sa kanyang kama. Maaga siyang nagising nang umagang 'yon para sa kanyang morning jogging. Hindi kasi siya nakakapunta sa gym dahil hectic ang schedule niya, kaya gumigising na lang siya nang maaga para mag-exercise.

Iba na ang environment niya ngayon, hindi tulad sa nakasanayan niya ng tatlong taon. Pero na-obserbahan niya ang lugar kahapon at masasabi niyang mala-paraiso talaga ang kabuuan ng lugar. It was perfect. His ideal house. Tahimik, presko dahil sa mga puno sa paligid at malayo sa magulong kabihasnan—ngunit safe at secured pa rin ang lugar.

Mabuti na lang at nakatulog siya nang maayos kagabi. Ayaw kasing tumigil ng babaeng dating may-ari ng bahay, dahil ipinagpipilitan pa rin nito ang pagnanais na makuhang muli ang bahay sa kanya.

Umalis na ang kanyang Manager ay nasa labas pa rin ang babae at nagsisisigaw doon. Mag-isa lang siyang nakatira sa malaking bahay.

She was so persistent. Ang buong akala niya ay wala na itong balak na umalis, pero after three hours na pagsisisigaw sa labas ng bahay niya ay hindi na niya muling narinig ito.

Nag-ayos na siya ng kanyang sarili bago nagbihis ng jogging pants at plain white t-shirt saka tuluyang bumaba sa hagdan. Mabilis niyang tinungo ang pintuan palabas ng bahay, pero nagulat siya nang pagbukas niya ng pintuan ay may malaking bulk siyang natapakan—nadinig niyang umungol ang naapakan niya—at gano'n na lang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang makita ang taong nakahiga sa harapan ng pintuan niya—it was that girl, again! At doon pala ito natulog.

"A-Aray..." narinig niyang namamaos na daing ng babae. Tumingin siya sa paa niya—nakaapak pa rin siya braso nito. Mabilis siyang umatras. Akala ba niya umalis na ito?

"Hey miss, tumayo ka dyan..." aniya, saka siya napatitig sa babae na nakahiga sa harapan niya—hindi tuloy niya maiwasang maawa dito—napailing-iling siya, naaawa siya sa babae? E hindi nga siya kilala nito—at nainsulto siya!

"Hmm..." daing nito. Mukhang sarap na sarap pa ito sa pagtulog doon.

She is sleeping like a cute little baby—mabilis uli siyang napailing sa kanyang naisip. Ano bang kabaliwang naiisip niya? Tss! "Umalis ka dyan sa daraanan ko!" mariing utos niya.

"Bakit ka ba nang-iistorbo ng tulog nang may tulog?" namamaos na reklamo nito. Hindi yata matandaan nito na nasa labas ito ng bahay at doon natutulog. Palibhasa kumpletos rekados ito mula sa unan, kumot, teddy bear at sa ulunan nito ay may fish bowl pa itong may laman na goldfish.

"Wala ka sa kuwarto mo. Kaya tumayo ka na dyan." Naiiling na wika niya. "Pagbalik ko dito, dapat wala ka na dyan sa harapan ng pintuan ko." Aniya, bago niya nilagpasan ang babae.

PAGBALIK ni Train mula sa pagjo-jogging ay nakahinga siya nang maluwag nang hindi na niya makita ang babae sa harapan ng pintuan niya. Mukhang natakot din ito sa kanya. Akala niya ay magpapasaway pa ito. Kailangan na niyang magmadali dahil may pictorial at tapings pa siyang dadaluhan.

GABI NA nang dumating si Train mula sa kanyang pictorial at tapings para sa kanyang upcoming movie na pagbibidahan niya. Kaya pagkapasok niya sa loob ng kanyang bahay ay nagtuloy-tuloy na siya sa kanyang kuwarto. Nagpapasalamat siya dahil ngayong gabi ay makakatulog siya nang mahimbing.

KINAUMAGAHAN ay maagang nagising si Train para sa kanyang morning jogging. Huminga siya nang malalim para ihanda ang kanyang sarili—baka kasi nasa harapan na naman ng kanyang pintuan ang makulit na babaeng 'yon at doon muling nagpalipas ng gabi.

Dahan-dahan niyang pinihit pabukas ang door knob at napangiti siya nang makitang wala ang babae doon. Nakahinga siya nang maluwag. Sa wakas, wala na ito sa kanyang bahay at buhay, matatahimik na ang lahat. Tuluyan na siyang lumabas sa kanyang bahay para magsimula nang mag-jogging.

Pero pagkabalik niya mula sa kanyang pagjo-jogging ay nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niyang may nakatayong isang katamtamang laki na tent sa kanyang bakuran. At nahuhulaan na niya kung sino ang taong nakatira doon. Napailing siya. Akala pa naman niya ay matatahimik na ang buhay niya, nagkamali pala siya.

Lumapit siya sa tent na nakatayo sa malawak niyang bakuran, saka siya kumatok sa harapan niyon, pero walang sumasagot, kaya napilitan tuloy siyang buksan 'yon. Kaya siguro hindi ito nagparamdam sa kanya kahapon dahil bumili ito ng tent nito na magagamit sa camping nito. Napailing siya at napabuga ng hangin.

Mabuti na lang at walang paparazzi ang nakakatunton sa kanya sa bahay niya, kung hindi ay pinag-piyestahan na naman siya.

"Gising!" aniya. Sabay yugyog sa tent ng babae. Ngunit makalipas ang ilang minuto ay wala pa ring sumasagot. "Hey, wake up!" muling sabi niya, sabay yugyog uli. Pero wala pa ring sagot mula dito.

"Train, ano'ng ginagawa mo dyan?" Napalingon siya sa taong nagsalita mula sa kanyang likuran, it was Micthy.

"Look!" aniya, na tinutukoy ang bagong tirahan ng babae.

"Oh! So, nagpatayo na pala siya ng tent dito sa bakuran mo. Mukhang hindi nito basta-basta isusuko sa 'yo ang bahay. This house seemed so important to her."

"Please wake her up, she's ruining the beautiful scenery of my backyard."

Mabilis namang pumasok si Mitchy sa loob ng tent. "Wake up!" narinig ni Train na sabi ng kanyang Manager sa babae. "Oh my God! What happened to her?" tila natutulirong sabi ng babae, kaya mabilis siyang lumapit sa bukana ng tent.

"What happened?" mabilis siyang napasilip sa loob ng tent.

"She's chilling. Ang taas ng lagnat niya." anito.

"Ang kulit kasi niya e."

Narinig nilang biglang umungol ang babae. Napatitig tuloy siya sa mukha nito. Ang amo nitong pagmasdan na parang nalalayo sa unang nakasanayan niyang hitsura nito. Namumula din ang mukha nito noon at animo hirap na hirap dahil sa nararamdaman nito.

"Mommy... Daddy..." nakailang daing nito.

"Dito ka lang Train, titingin lang ako ng gamot sa loob." Anang Manager niya, saka ito nagmamadaling lumabas ng tent para pumasok sa bahay niya.

Muli siyang napabaling sa babaeng nasa loob ng tent. Mukhang miss na miss nito ang mga magulang nito. Hindi na niya namalayan na nakapasok na pala siya sa loob ng tent at naka-squat na sa harapan nito.

Unti-unting umaangat ang kanyang kanang kamay para punasin ang mga luha sa pinsgi nito. Pero nagimbal siya nang maramdaman niyang sobrang init talaga nito. Mukhang inaapoy na ito ng lagnat!

Darn! Tuluyan na niya itong binuhat para ipasok sa loob ng kanyang bahay. Nakita niyang dahan-dahan itong nagbukas ng mga mata at napatitig sa kanya.

"N-Nasa langit na ba ako? Ikaw ba ang guardian angel na sumusundo sa akin?" anito na parang wala sa sarili.

Napailing siya. "Hindi ako anghel." Aniya. Hanggang sa unti-unti uli nitong ipinikit ang mga mata. Napabuga na lang siya ng hangin.