"So ikaw ang ini-recommed sa 'kin ni Gabriella na kakilala niyang puwedeng magtrabaho rito? Ms. Terry Yoso, ano? Ang ganda naman ng pangalan mo. Parang misteryoso," sabi sa 'kin ng isang may katandaan ng babae na kaharap ko ngayon.
Sa tantya ko, nasa mid 60's na siya. Maayos ang pananamit niya na balot ang buong katawan pero hindi 'yon formal na sinusuot ng mga tipikal na nag-iinterview.
Nasa loob din kami ng maliit na office niya at puro halaman ang disenyo rito. Ni walang aircon dito dahil sa lamig ng panahon. Tagaytay eh.
Tumango-tango lang ako at hinawi ang buhok na humarang sa mukha ko saka inilagay 'yon sa likod ng tenga ko. Hassle!
Nangangati rin ang leeg ko dahil sa turtleneck at puting long sleeve blouse na suot ko pero pilit ko lang na pinipigilan ang sarili ko na kamutin 'yon. Baka mabuko pa ako.

Hindi rin ako kumportable sa hanggang tuhod kong black skirt. Hindi ako mabalahibong tao at hindi rin mamauscle ang binti ko kaya kung titingnan 'yon, mas makinis pa 'to kaysa sa babae.
GABRIELLA! Kung hindi lang talaga ako desperado na magkaroon ng pagkukuhaan ng pera, hinding-hindi ako sasakay sa kalokohan niyang 'to! Sa lahat-lahat ng puwede niyang ipagawa sa 'kin, pagpapanggap na babae pa?!
"Nababaliw ka na ba?! Ayoko! Kilala mo ako Gab. Ayoko sa mga babae except sa 'yo tapos gusto mo 'kong pagpanggapin na babae?!"
"Gusto lang naman kitang tulungan. Ayaw mong pahiramin kita ng pera. Ayaw mo ring tumira rito. Eh 'di, tutulungan na lang kitang magkaroon ng malaki magpasahod na trabaho. Buti na lang, hindi ko pa tinatapon 'tong original na wig na 'to. Gawa 'to sa totoong buhok ng tao."
"Alam kong gusto mo lang akong tulungan pero hindi ito. Kahit bihisan mo ako na babae, may makakahalata pa rin na lalaki ako. Sa pangalan ko pa lang at adam's apple na 'to..." itinuro ko ang adam's apple ko. "...lalaking-lalaki na. Pati sa boses ko at sa mga papeles na napakalinaw ng print na male ang kasarian ko."
Ngumiti lang siya. "Akong bahala. Close na close ko 'yung matandang nagbabantay ro'n na nag-interview sa 'kin. Super madali siyang magtiwala. May number nga niya ako dahil gusto niya na magrecommend ako ng kakilala dahil ayaw ko n'ong trabaho. Nagmamadali rin siya na may ma-i-hire dahil kailangan niya nang umuwi sa probinsya nila at doon na tumira. Kapag ini-recommend kita, hindi na 'yon hihingi ng mga papeles. 'Yang adam's apple mo? Akong bahala! At ang pangalan mo? Madali lang gawaan ng paraan. Tiwala lang 'insan! Sino pa bang magtutulungan kundi tayong magpinsan lang, 'di ba?"
"Pero-"
"16k na a month, tatanggihan mo pa. Saan ka makakahanap ng gano'ng trabaho na ang dali lang pero ang laki ng sahod. Bahala ka, kapag may na-hire na 'yon na iba..."
"Bago ang lahat, ako si Antonette."
Napabalik ako sa sarili ko nang magsalita ulit 'yung nag-iinterview.
"Tawag sa 'kin ng mga kakilala ko ay nanay Tonet. 'Yung iba, manang Tonet. Nabanggit na sa 'kin ni Gabriella na may Aphasia ka kaya nawalan ka ng kakayahang magsalita at dahil doon, wala na akong itatanong."
Napakagaling mo talaga sa pagpapalusot Gabriella. Daig mo na ako. Kung alam ko lang na ganito ang gagawin mo sa 'kin, hindi kita dapat tinuruang maging mautak no'ng bata pa tayo.
"Siya na rin naman ang nagpaliwanag sa 'kin ng background mo. Na galing ka sa probinsya kaya wala kang maipapakitang mga papeles pero napakasipag mo naman sa trabaho. Ang mahalaga naman ay willing ka sa trabahong 'to." Tumayo na siya at inilahad ang kamay sa 'kin. "Kaya you're hired."
Nanlaki nang kaunti ang mga mata ko.
Hired na kaagad ako? Agad-agad? Talaga? Seryoso?
Kahit na nalilito pa ako, tumayo na rin ako at nakipagkamay sa kaniya.
Totoo talaga na madali siyang magtiwala katulad ng sabi ni Gab. Kaya pala, pinagdala na ako ng loko kong pinsan na 'yon ng maleta na may mga gamit ko para hindi na raw ako magpabalik-balik. Alam na alam na talaga niyang mahahire na agad ako.
"Basta, ang mga bilin ko lang sa 'yo sa pangangalaga ng rest house na 'to ay pagkatandaan mo. Una, 'wag na 'wag mong pababayaan ang garden ng mga bulaklak lalong-lalo na ang mga hyacinths. Uso naman sa probinsya ang pag-aalaga ng mga halaman kaya alam kong wala kang magiging problema ro'n." Bumitaw na siya ng pagkakakamay sa 'kin at umalis sa puwesto niya.
Sinundan ko lang siya ng tingin at lalabas na siya nitong office. Pinasunod naman niya ako kaya lumabas na rin ako hila-hila ang pink na maletang ibinigay sa 'kin ni Gab at sakbit ang isang sling bag.
Patuloy siya sa pagsasabi ng house rules. Na 'wag na 'wag ko raw babaguhin ang ayos ng mga gamit sa rest house dahil ayaw na ayaw ng anak ng may-ari na mababago 'yon.
Pagkatapos ng kaunting lakad ay nasa tapat na kami ngayon ng isang malaking pinto na gawa sa bakal. Walang susian 'yon. May bubong din dito pangprotekta sa ulan pero bago kami makapunta rito, natanaw ko na 'tong lugar na papasukin namin na 'to na parang isang napakalaking dome.
May biglang nagbeep sa may pinto kaya napatingin ako kay manang Tonet. May scanner doon at kinuha niya ang kamay ko para isave ang handprint ko ro'n.
Gulat nga ako. Pero ayos. May hand print scanner pala rito ang pinto.
Pagkatapos masave ang handprint ko ay bumukas na ang pinto. Muntik na akong mapacomment na ang hightech nito pero buti na lang at napigilan ko agad ang sarili ko.
Pumasok na kami sa loob at kusa nang sumara 'yung pinto.
Sumalubong kaagad sa 'kin ang napakabangong halimuyak ng mga bulaklak at nang mapasadahan ko na ng tingin ang paligid ay unti-unting nanlaki ang mga mata ko sa paghanga. Hindi ko inaakala na may ganito palang lugar dito sa pilipinas.
Puno 'to ng iba't-ibang kulay ng mga bulaklak na maayos na nakatanim at nakapalibot sa isang katamtamang laki ng bahay na gawa sa kahoy.
'Yung mga bulaklak na magkakaparehas ng kulay ay magkakahalera at nahihiwalay 'yon ng makitid na pathway sa iba namang klase at kulay ng mga bulaklak. Buong lugar na 'to talaga ay may nakatanim na mga bulaklak pati pader, may nakagapang din na halaman. Halatang tyinaga talaga ang pagdidisenyo ng lugar na 'to.
Naglakad na kami at sa isang pinasadyang daanan kami naglakad na gawa sa lupa pero may magkaka-agwat at sunod-sunod na mga square na semento na puwedeng apakan doon. Medyo elevated 'yon at may pintang neon green.
Siguradong glow in the dark 'to para hindi mapapatid dito ang maglalakad kahit na madilim ang paligid. Ang taba ng utak. Gano'n din 'yung ibang pathway sa buong lugar.
"Dapat, laging malinis ang rest house dahil mahal na mahal ni Ms. Hyacinth ang lugar na 'to. Siya 'yong anak n'ong may-ari." pagpapatuloy ni manang Tonet sa house rules.
Tumingala ako at walang bubong dito kaya nakakapasok ang sikat ng araw. Mukha lang pala talaga 'tong dome kapag sa labas titingnan.
"Oo nga pala. Babantayan mo lagi ang weather news para kapag may bagyo at may napakalakas na ulan na tatama rito sa tagaytay, maaagapan mo 'yung controller para sumara ang bubong ng dome. Masisira kasi ang mga bulaklak ng ulan kaya kailangan na maagap ka lagi sa pagsasara nito. 'Yung switch, nandoon sa gilid ng pinto nitong dome dito sa loob. 'Di ko pala naipakita sa 'yo pero madali namang makita 'yon."
Napatingin ako sa kaniya na hindi makapaniwala. Sumasara 'tong dome?
Aba'y hightech din.
Pinaalala niya rin na bawal ang pets dahil baka masira ang mga bulaklak at bawal din daw magdala ng kung sinu-sino rito.
Narating na namin ang rest house at napatingin ako sa malaking puno sa tabi nito na mayro'ng maliliit na pink na mga bulaklak. Halatang matanda na iyon at may bakal na swing na nakatali ro'n. Mahabang upuan 'yon na puwedeng upuan ng dalawang tao. Mayroon ding lamesa rito at dalawang upuan na gawa sa kahoy.
"At higit sa lahat!" malakas na sabi ni manang Tonet kaya napapitlag ako. "Mag-iingat ka kay Ms. Hyacinth kapag bumisita siya rito. Ayaw na ayaw n'on sa madadaldal kaya nga hinire kaagad kita dahil may Aphasia ka. Isang rebelde ang batang 'yon. Dati, napakamasunurin niya at disenteng anak mayaman, top notcher at pinipilahan ng mga manliligaw pero simula nang mamatay ang mommy niya at mag-asawa kaagad ang Dad niya ng bago, doon na siya nag-iba at napunta sa maling direksyon ang buhay. Mommy's girl pa naman siya kaya siguro nawalan siya ng direksyon nang mawala ito."
Naglakad na ulit kami at pumasok na sa loob ng bahay. Ang linis-linis dito na halatang alagang-alaga sa linis. Simple lang din dito sa loob at may kalawakan dahil kakaunti lang ang mga gamit.
"Sa totoo lang, naaawa ako sa batang 'yon. Siguradong kaya lang naman siya nagrerebelde ay para maintindihan ng Dad niya na nasaktan talaga siya sa ginawa nitong pag-aasawa agad, kamamatay pa lang ng Mom niya. At isa pa, kilala sa pagiging sobrang istrikto ng Dad niya. Lahat ng gusto ni Ms. Hyacinth sa buhay ay ayaw nito dahil ang gusto nito ang dapat sundin. Isa na rin paniguradong rason 'yon para tuluyan nang magrebelde ang batang 'yon. Kaya nga-" Napatigil siya sa pagkukuwento nang makitang nakatitig lang ako sa kaniya.
"Ahahaha! Pasensya na iha. Nadala na naman ako ng kadaldalan ko. Atleast, may alam ka na kahit papaano kay Ms. Hyacinth pero last month lang nagstay 'yon dito. Baka hindi na muna 'yon bumalik dito nang ilang mga buwan kaya 'wag kang mag-alala. Solo mo ang lugar na 'to."
Napangiti ako sa tuwa dahil ang pinoproblema kong babaeng 'yon, hindi ko na pala kailangang alalahanin. Puwede nang hindi na 'ko magwig dito sa loob. Kung tatamaan din ako ng suwerte, hindi bibisita ang Hyacinth na 'yon dito sa rest house dahil kagagaling niya lang dito.
Nag-ikot-ikot pa kami para mapamilyar sa 'kin ang bahay at kumpleto na talaga rito. Nalaman ko rin na hightech din ang refrigerator na nasa kusina. Nagsasalita iyon dahil may A.I. na nakainstall.
Doon ipinaliwanag sa 'kin na advance electronics ang company na pagmamay-ari ng tatay nung Hyacinth kaya normal na magkaroon na sila ng gano'ng ref. Ito pa nga lang Dome, high tech na.
Gustong pumalakpak ng tenga ko. Ayos ah. Kikita na nga ako nang malaki, makakaranas pa 'kong tumira sa ganito kagandang bahay at gumamit ng hightech na ref.
"Buti naman at nagustuhan mo ang lugar na 'to," sabi niya habang malawak na nakangiti. Ngayon ko lang napansin na hawak-hawak niya na 'yung maleta niya.
Siguradong halatang-halata sa nangungutitap kong mga mata na tuwang-tuwa talaga ako kaya niya nasabing nagustuhan ko 'tong lugar na 'to.
"Kaya lang ako talaga aalis dito dahil may trabaho na rin naman ang mga anak ko kaya pinapauwi na ako. Ipapasa ko na sa 'yo ang rest house na 'to kaya ingatan mo ha." Inabot nya sa 'kin ang ilang mga susi para sa mga pinto dito sa bahay.
Kinuha ko naman yun at tumingin siya sa wrist watch niya. "Sige at ako'y malalate na sa biyahe ko. Nabanggit ko na naman lahat sa 'yo. Mabuti na lang at pinapunta ka rito ni Gabriella dahil kitang-kita ko na agad na katiwa-tiwala kang bata. Hindi na 'ko mag-aalala sa lugar na 'to kapag nakauwi na ako."
Gusto kong mapangisi. D'yan ka nagkakamali.
Ihahatid ko sana siya pero tumanggi siya at sinabing hindi ko na siya kailangang ihatid. Tumango na lang ako at naglakad na siya palabas ng Dome.
Sumunod pa rin ako palabas at tinanaw ko siya. Nakalabas na siya ng highway dahil tanaw na tanaw 'yon dito. Sumakay na siya ng taxi at tuluyan nang nakaalis.
Unti-unti akong napangisi. "Ayos! Ako na lang talaga ang mag-isa rito." kausap ko sa sarili ko.
Pumasok na ako ng Dome at kusa na palang naglalock ang pinto nito kapag pumasok o lumabas ka. Nagtatakbo kaagad ako papasok ng bahay saka isinara ang pinto n'on. Tumingin-tingin ako sa piligid.
Negative. Walang tao talaga.
"Nice!" tuwang-tuwang sabi ko at saka maingat na hinubad ang napakahassle kong wig at ipinatong 'yon sa sofa. Baka masira. Sakalin pa ko ni Gab.
Binura ko na rin ang lipstick sa labi ko na kagagawan ng magaling kong pinsan at nagmamadali kong hinubad ang turtle neck kong long sleeve blouse pati ang bra na may nakarolyong mga medyas sa loob.
Napahinga ako nang maluwag dahil nakahinga na sa wakas ang balat ko na nangangati sa cotton na suot ko. Kinamot ko na rin ang leeg ko na kanina ko pa gustong kamutin.
Cloud 9.
Kinalkal ko na ang maleta ko at tatlong set lang ng panlalaking damit at uniform ko sa University ang nadala ko dahil pinaiwan ni Gab lahat ng panlalaki kong damit sa bahay nila at ang pinagsusuksok niya sa maletang dala ko ay mga turtle neck na blouse.
Iba't-ibang klase rin ng pangbabaeng damit ang isinama niya. May panjamang pink, duster na pink, jacket na pink, bra na pink at walang katapusang pink. Nakakaumay tingnan. May mga t-shirt din na pangbabae pero bagayan ko raw ng scarf para hindi makita ang adam's apple ko.
"'Tong mga scarf na 'to ay koleksyon ko na susuotin ko sa pagpunta sa may mga Winter countries na itatravel kapag may pera na 'ko pero ipapahiram ko muna sa 'yo. Ingatan mo 'to ah."
"Aan'hin ko naman 'to kung ako lang naman mag-isa rito. Wala rin namang mga bahay sa tabi nitong dome kaya walang makakakita sa 'kin sa labas." Binuhat ko na 'yung maleta papuntang kuwarto ko at nagsimula na akong mag-ayos ng mga gamit ko.
Hindi ako natatakot na alisin ang disguise ko dahil nagtingin-tingin ako sa paligid at walang CCTV na nakainstall dito sa loob ng dome. Alam ko kung saan nag-i-install ng mga gano'n dahil napasok ko na ang trabahong gano'n.
Sa labas lang ng dome ako may nakita sa may pinto pero kahit na. Puwede namang nakajacket ako lalabas kaya kahit wala akong wig, hindi halata na lalaki ako.
Hindi mawala-wala ang ngiti ko habang nag-aayos ng mga gamit ko.
Sa tana ng buhay ko, ngayon lang talaga ako makakatira sa ganito kagandang bahay. Napasipol ako sa pagkatuwa.
Pero sana talaga, hindi bumisita dito 'yung Hyacinth na 'yon habang nagtatrabaho pa ako sa rest house na 'to. Ayoko pa naman sa lahat, nakikisama sa mga babae.
Ilang na ilang na nga ako kay manang Tonet kanina.
Pero hindi ako bakla o ano. Straight ako, seryoso. Sadyang napakarami lang talaga sa kanila ang dumaan sa buhay ko na hindi ako tinrato na tao puwera kay Gabriella.
Simula pa lang sa nanay ko na inabandona ako sa isang bahay ampunan noong bata pa lang ako.
Tsk. Nawala ako bigla sa mood dahil sa naalala ko. Makapagluto na nga lang sa kusina at gutom na ako.
Ipagpapatuloy...
Kilalaning mabuti ang isa sa bida ng kuwento na ito na si Lester Yoso.