Lumipas ang lagpas isang buwan...
Palabas na ako ng Soledad University dahil tapos na ang klase ko at kasama ko ang utol kong si Bobby na nakaakbay sa 'kin.
Siya ang kaisa-isang kaibigan ko rito sa school dahil nakasama ko siya noon sa bahay ampunan.
Kabaligtaran na kabaligtaran ko siya dahil kung ang tawag sa 'kin ng iba ay flower boy, siya naman 'yung machete at dahil suki ng Gym. Moreno siya, lalaking lalaki at may pagkasanggano ang datingan pero maitsura rin naman dahil marami ang may gusto sa kaniya.
Pero kahit gano'n, marami pa rin ang ilag sa kaniya rito sa University dahil sa laki ng katawan niya.
Hindi ko rin siya kayear level dahil graduating na ako pero siya, 3rd year pa lang. Mas bata kasi siya ng isang taon sa 'kin at hindi ko katulad, hindi niya pinoproblema ang pera dahil mayaman ang pamilyang nakaampon sa kaniya kaya masuwerte talaga siya.
"Alam mo, kakaiba ngayon ang aura mo tol. Parang chill na chill ka na sa buhay mo 'di tulad dati na mukha kang zombie dahil sa dami ng racket mo. Hindi naman sa 'di ko gusto na chill ka pero 'di lang talaga ako sanay na petiks ka lang."

Napangiti ako. "Nakahanap na kasi ako ng madaling trabaho na ang laki ng kita. Nakahulog na rin ako sa tuition ko kahit papaano dahil do'n."
Napatigil siya sa paglalakad kaya napatigil din ako dahil nakaakbay nga siya sa 'kin at napatingin ako sa kaniya nang bigla siyang humiwalay sa 'kin.
Nangunot ang noo ko dahil nanlalaki ang mga mata niya at nakatakip pa sa bibig niyang nakanganga ang dalawang kamay niya. "H'wag mong sabihing tinanggap mo na talaga ang madilim na trabahong 'yon?! Sinabi ko naman sa 'yo na handa kitang pahiramin ng pera pero bakit ka pumasok sa gano'ng mundo?!"
Napataas ang isang kilay ko. "Anong madilim na trabaho at gano'ng mundo?"
Inilapit niya sa tenga ko ang bibig niya para bumulong. "'Di ba, may mga baklang nag-offer sa 'yo ng trabaho. 'Yung alam mo na—"
Napalayo kaagad ako sa kaniya at sinuntok kaagad siya sa braso. "Gusto mong suntok?"
Napahimas siya sa sinuntok ko sa kaniya. "Aba'y nakaisa ka na nga, nagtanong ka pa. Taba ng utak natin ah."
"Hindi ako gano'ng klase ng lalaki. Kahit na sobrang desperado ako para magkapera, hinding-hindi ako tatanggap ng gano'n."
Nakahinga naman siya nang maluwag. "Buti naman. Akala ko naman kasi. Pero ano ba 'yang trabaho na 'yan? Dahil d'yan, 'di ka na natanggap masyado ng pagawa ng research paper."
Naglakad na ulit kami at sa unahan lang ako nakatingin. "Natanggap pa rin naman ako. Pera rin 'yon kaso kaunti na lang ang nagpapagawa dahil magki-christmas break na. At 'yung trabaho ko, hardinero ako sa Tagaytay. 16k a month."
Nanlaki na naman ang mga mata niya. "Huwat! 16k! As in karat?!"
Nakatingin lang ako sa kaniya sa OA niya.
"Ambelibabol! Daig mo pa ang ibang mga graduate na may tinitingalang mga trabaho pero ang liliit naman ng sahod!"
"Ewan ko rin sa may-ari n'ong rest house pero pasalamat na rin ako at galante sila magpasahod."
"Kung maayos naman pala ang bago mong trabaho eh wala na kong dapat ipag-alala. Pero teka, gutom na 'ko. Kain tayong siomai." Nagturo siya ng tindahan ng siomai.
"Ayoko tol. May pagkain akong iniwan sa bahay. Baka masayang kapag nabusog na 'ko. Ikaw na lang kumain. Hihintayin na lang kita rito." Itinuro ko ang restaurant sa likod ko.
"Sige bahala ka tol. Mabilis lang ako ha." Umalis na siya para pumunta ro'n sa siomai-an.
Nagtingin-tingin lang ako sa paligid at ibinulsa ang mga kamay ko sa mga bulsa ng pants ng uniform ko.
Nilingon ko ang restaurant sa likod ko at ang lawak n'on at elegante. Puro mayayamang mga estudyante rin ang masayang kumakain sa loob.
Tiningnan ko ang pinto ng kitchen at naaalala ko na naman ang masasamang alaala ko sa lugar na 'to.
Naranasan ko nang magtrabaho rito pero natanggal agad ako dahil sa mga matapobreng mga estudyanteng customer na walang magawa sa buhay.
Dahil lang hindi ako katulad nila na ipinanganak na may pilak na kutsara sa bibig, binigyan na kaagad nila ng karapatan ang sarili nila na hiyain ako at pagdiskitahan.
Naranasan ko nang malait nang sobra dahil sa pagiging mahirap ko, papulutin ng ibinatong pera na tip sa sahig, madulas habang nagseserve dahil sa pagtatapon ng binasang tissue sa sahig at pagbintangan na nangtapon ng juice sa grupo ng mga lalaki na kagagawan naman talaga ng isa sa mga kasama nila na babae dahil lang hindi ko pinansin ang pagpapacute nito sa 'kin.
Dahil sa bintang na yo'n, natanggal ako kahit na candidate na ako sa mga magiging assistant chef.
Pangarap na pangarap ko ang maging isang napakahusay at kilalang chef at iyon na sana ang idadagdag kong stepping stone para maabot ang pangarap kong 'yon pero dahil sa kanila, hindi ko nakuha.
Nakuyom ko ang mga kamao ko at nakagat ang ilalim ng labi ko nang madiin sa panggigigil.
Kilala ako ng mga estudyante sa school na hampas lupang inabandona at gagawin ang lahat para sa pera. Totoo naman dahil mahirap lang talaga ako, isang ampon na inabandona ng magulang at gagawin ang kahit ano para sa pera.
Takbuhan ako ng mga batugan at bobong mga estudyante na ayaw gumawa ng research paper, assignments at projects na ibinigay sa kanila. Ultimo simpleng essay, nagbabayad pa sa 'kin para lang magpagawa. Kahit noong 1st year pa lang ako ay pinag-aralan ko nang mabuti ang paggawa ng thesis para pagkakitaan.
Hindi ako genius at hindi rin ako matalino. Marunong lang ako at sa lakas ng motivation ko na kumita ng pera, nakakaisip ako ng magagandang topic pang thesis na binibili sa 'kin ng mga bobong gagraduate na sa ibang schools.
Minsan, ako na ang gumagawa nang lahat at ipapaliwanag ko na lang sa kanila. Kapalit? Pera.
Sa exams, tatabi na kaagad sa 'kin ang mga bugok ang utak kong mga kaklase at magsesenyas lang ako ng sagot. Gagawa ng kodigo at pasikretong ipapasa. Sa isang iglap, perfect nila ang exam katulad ng akin.
Dahil doon, tumatak sa isip nila na si Lester Yoso ay dapat tratuhin na parang hayop na sila ang nagpapalamon kahit na ang totoo, nakikinabang naman sila sa 'kin.
Nalasahan ko ang dugo sa madiin kong kagat-kagat na labi. Pinunasan ko lang 'yon ng likod ng kamay ko at napangisi ako nang titigan ko ang kamay kong 'yon.
Akala lang nila, tinitiis ko ang lahat ng ginagawa nila sa 'kin dahil mahina ako?
Kagaguhan.
Pinagpapatung-patong ko lang naman ang mga kahinaan nila na siyang gagawin kong hagdan para maabot ko ang tagumpay ko.
Akala nila, sila lang ang nakikinabang sa 'kin. Hintayin lang nila na marating ko na ang tuktok na hinding-hindi nila mararating dahil sa kabobohan at katamaran nila. Papanoorin ko na lang sila na matinding mga naiinggit sa 'kin habang tinitingala ako.
"Oy Lester Yoso!" Napabalik ako sa sarili ko mula sa malalim kong iniisip nang marahas na iniharap ako ng isang lalaki sa direksyon niya kaya napatingin ako rito.
Isang pamilyar na mukha ang bumungad sa 'kin.
Maangas, maraming piercing sa mga tenga at naglalagkit sa wax ang buhok, branded na mga suot at mapagmalaki kung tumingin.
Si Neo Aguilar.
May dalawa siyang kasama na pamilyar din sa 'kin. Hinding-hindi ko sila makakalimutan dahil sila 'yung grupo ng mga lalaki na pinagbintangan akong nangtapon ng juice dito sa resto. 2nd year pa lang sila pero kung mga umasta, akala mong mga batikan na sa Sole Univ.
Gustong-gusto ko silang pukulin ng malamig na tingin pero hindi ko ginawa. Hindi ako magsisimula ng isang walang kuwentang gulo sa walang mga utak na mga taong 'to.
"Anong problema? May ipapagawa ba kayong bagong research paper?" malumanay na tanong ko sa kanila.
Napangisi si Neo na halatang nainis sa tanong ko at saka inihagis sa mukha ko ang maraming page ng papel. Hindi naman ako natinag sa pagiging kalmado kahit na napatingin sa 'min ang maraming tao.
"Ginagago mo ba kami? Ang laki ng ibinayad namin sa 'yo sa research paper na 'yan pero binagsak kami ng prof. namin dahil walang kuwenta 'yang gawa mo!" Nanggigil siya nang sobra pero mahina ang boses niya dahil kapag nakarating sa mga prof. o sa kahit kanino na may katungkulan sa university na nagbayad sila ng research paper, hindi lang ako na gumawa n'on ang ma-e-expell kundi pati sila.
Walang kayang magsumbong sa 'kin dahil kasama ko silang hihilahin sa hukay. Takot ding magsumbong ang iba na nakakaalam sa ginagawa kong 'to dahil kapag nagname drop ako ng mga nagpagawa sa 'kin at mapatunayan, expelled lahat 'yun.
Kapag nangyari 'yon, hindi lang ako na nagname drop ang babalikan nila kundi pati na rin 'yung nagsumbong sa 'kin, iha-hunting nila.
Kung hawak nila ako sa leeg, alam na alam din nila na hawak ko rin sila.
"Ano? Ba't 'di ka sumasagot?!" Kinuwelyuhan niya na ako dahil nakatingin lang ako sa mga papel na nakakalat sa semento.
"Base sa remark na isinulat ng prof. n'yo, maganda ang nagawa kong research pero hindi n'yo lang na-explain nang maayos kaya kayo ibinagsak." Tinanggal ko ang pagkakahawak niya sa kuwelyo ko.
Pinakaayoko sa lahat, nagugusot ang damit ko.
Pinulot ko 'yong first page na may sulat ng prof. at ipinakita 'yon sa kanila bilang patunay.
Nagtatagis ang mga ngipin niya sa pagkapikon. "Bugok ka naman mag-explain kaya hindi namin naintindihan!"
Napahinga ako nang malalim. Iginagaya pa ako ng mga 'to sa kanila na mga taong kayang mabuhay kahit walang mga utak. "Sinubukan ko namang ipaliwanag 'to bawat isang page sa inyo pero cellphone lang kayo nang cellphone."
"Tama na 'yang walang kuwenta mong palusot!" sigaw naman sa 'kin n'ong isa na ang daming kanto ng mukha. Si Sid. "Ibalik mo 'yung binayad namin o hindi ka na makakalakad pauwi sa inyo."
Napabungisngis ako. "'Di naman talaga 'ko naglalakad pauwi. Nagjejeep ako. Layo-layo eh." 'Di ko agad napigilan ang dila ko at nasarkastiko ko na 'yung isa.
"Aba't sumasagot ka pang gago ka ah!" Pasuntok na sa 'kin si Neo.
"Adora's Lugawan." kalmadong sabi ko at biglang naudlot sa ere ang kamao niya. Namilog ang mga mata niya dahil sa sinabi ko at bumigat din bigla ang paghinga niya.
Ngumiti ako at sinalubong ang tingin niya. "Alam ko, malapit lang sa Tagaytay 'yon eh. Kumain na nga ako minsan doon tapos nakakuwentuhan ko 'yung may-ari."
Napakurap-kurap siya at nawawalan na ng dugo ang mukha niya. Namutla ang gago.
Lumapit naman sa 'kin 'yung isa na parang living Pochi. Sobrang taba tapos pandak pa. Hanggang balikat ko lang din siya kaya nakatingala siya sa 'kin. Si Joey. "Ano 'yang mga pinagsasabi mo?! May saltik yata 'tong isang 'to!"
"Gusto mo talagang malaman kung ano 'yung mga pinagsasabi ko?" Tumingin pa ako kay Neo saka ngumiti.
Ang talim-talim na ng tingin niya sa 'kin pero bakas na bakas naman sa mukha niya na nate-threaten na siya sa puwedeng lumabas sa bibig ko.
Katapusan na ng kaangasan niya kapag nalaman ng mga kaibigan niya ang totoo na tagatinda ng lugaw ang nanay niya kahit ang ipinagkalat niya ay nagtatrabaho ito sa abroad bilang architect.
Nalaman ko 'yon nang minsan akong mapadaan sa isang lugawan papauwi galing university. Pumara ako ng jeep at kumain muna ro'n bago umuwi ng dome.
Napansin ako ng may-ari ng lugawan na 'yon. Ipinagmalaki niya na sa Soledad University din nag-aaral ang anak niya dahil sa uniform ko.
Hindi ko masyadong pinansin 'yung sinasabi niya at paalis na sana ako pero nakita ko si Neo na dere-deretsong pumasok sa loob ng lugawan. Hindi niya ko nakita at hindi ko inaasahan na tawagin siyang anak n'ong may-ari.
Alam ko, sa abroad nagtatrabaho ang nanay niya dahil bukambibig niya 'yon no'ng i-briefing ko sila tungkol sa research paper. Doon ko na nalaman na nagsisinungaling lang pala siya.
"Joey, tara na. Hayaan mo na 'yang gagong 'yan at nasasayang lang ang laway natin." biglang kambyo niya at hinila na sa balikat si Joey.
Hindi naman inaasahan 'yon n'ong dalawa niyang kasama.
"Bakit pare?" nagtatakang tanong ni Sid.
Nalilito ang dalawa dahil biglang nabahag ang buntot niya.
Napangisi ako.
My Win.
"Kung gusto n'yo, gagawa na lang ako ng summary nitong research na 'to tapos sauluhin n'yo na lang at 'yon ang ipaliwanag n'yo. Send ko na lang sa email." Pinulot ko 'yung mga papel at inilagay 'yon sa bag ko.
Akala ko, tapos na ang usapan pero kinuha ni Neo sa bulsa niya ang wallet niya at kumuha ng pera ro'n saka hinagis na naman sa mukha ko 'yon.
Lagi siguro 'tong absent sa GMRC subject no'ng elementary. Bastos eh. May kamay naman ako, ayaw iabot nang maayos.
"Bayad na namin 'yan do'n sa sinasabi mong summary. Alam ko namang bawat ipagawa sa 'yo, dapat may pera." Sinabi niya 'yon para mang-insulto pero wala na sa 'kin 'yang gan'yang mga salita. Manhid na ako.
Ngumiti pa ako para ipakitang natutuwa ako imbis na mainsulto. "Mabuti at alam n'yo na ang gagawin." Nag-ok sign ako at pupulutin na sana 'yung pera pero sinipa niya 'yon kaya lumipad 'di gaanong malayo.
Natigilan ako sa ginawa niyang 'yon.
"Kunin mo. Pera 'yon. Pangbili ng pagkain mo, 'di ba?" nang-uuyam na sabi niya.
Ramdam ko ang napakaraming mga mata na nakakapanood sa 'min ngayon. Marami na rin ang nangvivideo.
Unti-unti kong nakuyom ang mga kamao ko.
Below the belt na siya masyado kaya sumisidhi na ang sobrang galit sa dibdib ko na alam kong hindi ko na madadaan sa paghinga nang malalim. Pumitik na talaga ang pasensya ko at kinuwelyuhan ko na siya nang...
"Oy Neong bugok!"
Napatigil ako nang may tumawag kay Neo mula sa likuran ko.
Nanlilisik ang mga matang tumingin silang tatlo ro'n dahil sa pang-iinsulto ng taong 'yon kay Neo pero biglang nagbago ang ihip ng hangin at takot na ang nabakas sa mga mata nila pati na sa maangas na si Neo nang makita na nila ito.
Nagtaka ako kaya lumingon na ako at nakita ko si Bobby na pinupulot 'yung perang sinipa ni Neo kanina.
Sa laki ng muscle niya, humapit ang sleeve ng polo niya sa braso na parang puputok 'yon. Tumayo na siya nang maayos nang mapulot na ang mga pera. May bitbit pa siyang take out ng siomai sa kabilang kamay niya.
"Alam mo bang masamang magtapon ng pera? Bakit? 'Di na ba kasya sa wallet mo 'to?" Lumapit na siya sa 'min at nagngangalit ang mga muscle niya sa pagkuyom ng mga kamao niya. Nakangiti siya pero halatang nagtatagis naman ang mga ngipin niya sa paglabas ng ugat sa gilid ng noo niya.
Napaurong sila Neo sa pagka-intimidate sa kaniya.
"Akin na 'yang wallet mo." utos niya rito at kahit napapahiya na, agad nito 'yong inabot sa kaniya nang walang sabi-sabi.
"'Yung inyo? 'Di na rin ba kasya sa wallet n'yo mga pera n'yo?" tanong niya ro'n sa dalawa pa na 'di naman parehong nakaimik.
"2nd year pa lang kayo pero nangbabangga na kayo ng higher year level. Ang aangas n'yo ah. Akala n'yo naman, antique na kayo." Kinuha niya ang perang laman ng wallet ni Neo at puro lilibuhin 'yon. Hinagis niya lang sa mukha nito ang wala ng lamang wallet nito saka naglakad sa isang donation booth sa malapit.
Hinulog niya lahat ng perang nakuha niya ro'n sa donation box at tuwang-tuwa naman ang matandang lalaking nagbabantay ro'n.
Bumalik na kaagad siya sa puwesto namin at ang dilim-dilim na ng aura niya.
Ngayon ko na lang ulit siya nakitang ganito kagalit.
"Sa susunod na gusto n'yong magtapon ng pera..." dinuro niya ang noo ni Neo at tinulak-tulak 'yon kaya napaurong-urong 'to. "...naghihintay ro'n ang donation booth para mapaglagyan ng pera n'yo at isa pa, malaman-laman ko lang na pinagdiskitahan n'yo ulit 'tong si Lester, handa akong maexpell, mabali ko lang lahat ng buto na mayro'n kayo sa katawan n'yo."
Sabay-sabay namang napalunok ang tatlo.
"Layas!" sigaw niya at nababahag ang buntot na umalis na nga ang mga ito pero kahit gano'n, may angas pa rin sa paglalakad ni Neo.
Hindi ko sila masisisi na gano'n sila naduwag kay Bobby. Kasali kasi siya sa isang fraternity dito sa university kaya hindi siya madaling banggain.
"Anong tinitingin-tingin nyo?!" sigaw nya sa mga tao na nakapaligid sa'min na mga nakikiusyoso. Nagpulasan naman ang mga 'yon paalis.
Wala na 'kong pakialam kung saang website nila ipost 'yung video na nakuha nila. Hindi ko naman ikamamatay 'yon.
Biglang may humawak sa pisngi ko at si Bobby 'yon. Iniharap niya ang mukha ko sa kaniya. "Ikaw ba may gawa n'yan sa labi mo o 'yung mga ugok na 'yon?" Nagniningas na naman sa galit ang mga mata niya. "Sagot!"
"Habit ko."
Natigilan siya. "Ahhh ikaw." Bumitaw na siya at kumalma na. "Kala ko nakaisa sa 'yo 'yung mga 'yon. Riot sila sa 'king mga ugok sila."
Kilalang-kilala niya na 'ko. Alam niya ang habit ko na panggigigil sa labi ko kapag galit ako.
Napangiti lang ako.
"Sorry tol kung 'di agad ako nakabalik. Sarap na sarap ako sa pagkain ng siomai, 'di ko alam na inaagrabyado ka na pala dito." Inabot n'ya sa 'kin 'yung plastic ng take out na siomai.
"Ba't mo inaabot sa 'kin 'to?" Kahit nagtataka ako, kinuha ko 'yung plastic dahil todo abot siya.
"Dagdag mo sa pagkain mo mamaya para tumaba ka na. Lagi mo naman kasing sinasabi na may pagkain ka sa inyo kahit baka wala naman. Kilala kita. Mas uunahin mo pang mag-ipon ng pangtuition mo kaysa kumain." Napakamot siya sa batok niya sa hiya.
Napangiti naman ako dahil sa pag-aalala niya sa 'kin.
Oo, nakakatakot siyang magalit pero kahit kailan, 'di niya kayang saktan ang mahahalaga sa kaniya. Mas malambot pa nga ang puso niya kaysa sa 'kin.
"Salamat tol pero totoo talaga na may pagkain na ako sa bahay." natatawa kong sabi saka inilagay na sa loob ng bag ko 'yung siomai at nakita niya 'yung mga papel ng research paper na gawa ko kina Neo.
"Gagawin mo pa rin ba talaga 'yung summary nila?" Natotono na agad na gusto niya akong humindi.
"Kahit naman gumawa ako, siguradong hindi na lalapit sa 'kin 'yung mga 'yon. Takot lang nila sa 'yo. 'Lika na. May ulan mamayang gabi kaya kailangan ko nang umuwi." Niyakag ko na siya paalis at papunta na kaming terminal ng jeep.
"Nakasagabal ba ako sa racket mo?" Halatang hindi siya mapakali. Alam niyang ayokong nangingialam siya sa business-business-an ko dahil natatakot sa 'kin ang mga "client" ko kapag nagagalit siya pero kanina, sobrang pasasalamat ko na iniligtas niya 'ko sa kahihiyang dadagdag sana sa napakarami nang pasan-pasan ko.
"Hindi tol! Prawd na prawd ako na may isa akong Bobby na kaibigan!" Nakipagchestbump pa 'ko sa kaniya.
"'Yan ang utol ko! Yae mo. Weyt ka lang ng 2 years, magiging tunay na mag-utol na talaga tayo kapag napakasalan ko na si Gabriella!" Tumawa siya na kinikilig at ang sagwa dahil maton siya tapos tatawa siya nang gano'n.
"Sige tol. Akong bahala sa 'yo sa pinsan ko. Kargo kita!"
"Dat's ma utol! I lab yu bro! Yur da best among da better"
"Hahahah! Anong the better? The rest 'yon!"
Natigilan naman siya pero ngumiti ulit. "Iba-ibang dictionary tayo tol."
Napahagalpak na lang ako ng tawa sa kaniya.
~~~* * *~~~
Sa Dome...
Nakapasok na ako ng dome at buti na lang at hindi pa bumabagsak ang ulan na nabanggit sa balita kaninang umaga.
Tiningnan ko ang relo ko at alas siete na pala ng gabi. Itinaas ko na ang switch controller ng bubong ng dome at unti-unti nang sumara 'yon.
Kahit na lagpas isang buwan na akong nakatira rito, hindi pa rin maalis sa 'kin ang paghanga sa dome na 'to dahil sa pagiging hightech nito. Talaga kasing pinagkagastusan.
Nang tuluyan nang masara ang dome ay doon na nagsipatakan ang ambon hanggang sa lumakas na. What a great timing.
Gawa sa salamin ang bubong kaya naman kitang-kita pa rin ang pagbagsak ng ulan doon. Hindi rin pumapasok ang ingay rito ng pag-ulan sa labas dahil may pagkasound proof 'tong lugar na 'to.
Nakahinga ako nang maluwag dahil kung nalate pala ako nang kaunting minuto sa pag-uwi, nasira na ng ulan ang mga bulaklak dito na sobrang pinangalagaan ko.
Hinubad ko na ang jacket na suot ko at face mask saka naglakad na papuntang rest house.
Ang laki ng tulong ng elevated glowing in the dark na squares sa lupa dahil hindi ko na kailangang buksan ang mga ilaw sa palibot ng dome.
Kahit na madilim sa paligid, hindi ako napapatid o hindi ko naapakan ang mga bulaklak na pananim sa paligid.
Hindi ko 'yon binubuksan dahil sayang sa kuryente. Maliwanag naman sa loob ng rest house kaya hindi ko kailangan na iwan nang buong magdamag na bukas ang ilaw ng buong dome.
Pumasok na ako ng rest house at binuksan ang ilaw ng kabahayan pero natigilan ako dahil parang may kakaibang aura akong nararamdaman dito sa loob.
Pinakiramdaman ko lang 'yon nang ilang sandali at nagtingin-tingin ako sa paligid.
Hindi malamig dito sa loob. Naiwan ko yatang bukas ang heater. Pero alam ko, pinatay ko 'yon eh.
Tiningnan ko ang switch n'on na matatagpuan sa likod ng pinto ng bahay at naka-on nga 'yon.
Nangunot ang noo ko. "Baka nakalimutan ko lang talaga. Sayang naman sa kuryente." kausap ko sa sarili ko. Hindi naman ako ang nagbabayad ng kuryente pero ayoko pa rin na nag-aaksaya n'on.
Isinawalang bahala ko na lang 'yon at dumeretso na sa kuwarto ko para magpalit ng damit. Nakabrief na lang ako at kumuha ng tuwalya saka isinampay 'yon sa balikat ko.
Pumunta na ako ng C.R. na pasipol-sipol pa at binuksan ko na ang pinto n'on pero natigilan ako nang makitang nakasara ang kurtina ng bathtub.
Nagtaka ako dahil kahit kailan, hindi ko isinara 'yon dahil hindi ko naman ginagamit 'yon. May hiwalay naman na shower room kaya doon ako nagsa-shower.
Nakadim din ang ilaw rito na hindi ko naman natatandaang naiwan kong bukas kanina at idinim ko pa.
Humahalimuyak din ang napakabangong sabon na siguradong rose flavor dito sa loob. Hindi naman 'yon ang ginagamit kong scenter na nakasabit sa taas ng bowl sa tabi ng shower room.
Ang daming mali rito.
Nagsimula na akong kabahan.
Hindi kaya napasok na ng magnanakaw 'tong bahay? Pero imposible dahil sa hand scanner pa lang sa labas, mahirap na makapasok.
'Di kaya bumalik si manang Tonet?
Mas lalo akong kinabahan pero kinalma ko ang sarili ko at nilakasan ang loob na silipin kung may tao sa loob ng bathtub. Mas maganda nang alamin ko talaga kung sino o ano ang nasa loob n'on kaysa pinangungunahan ko nang kung anu-ano ang sarili ko.
Maingat ako na lumapit sa bathtub.
Dahan-dahan kong hinawi nang kaunti ang kurtina saka isinilip ang ulo ko ro'n at napasinghap ako nang makita ang isang magandang babaeng blonde ang buhok na nakababad sa sobrang bumubulang tubig sa tub.
May earphones sa tenga niya na nakaconnect sa phone na nakapatong sa gilid nitong tub. Nakapikit din siya at parang natutulog. May mga petals pa ng red rose na lumulutang sa pinagbababaran niya.
"At higit sa lahat! Mag-iingat ka kay Ms. Hyacinth kapag bumisita siya rito. Siya nga pala 'yong anak ng namatay na may-ari nitong rest house."
"Kapag bumisita si Ms. Hyacinth dito at nagustuhan niya ang pag-aalaga mo sa rest house, asahan mong dagdagagan niya ang sahod mo."
Biglang sumagi sa isipan ko 'yung mga sinabi ni manang Tonet noon tungkol sa Hyacinth na anak ng may-ari ng lugar na 'to kaya sa gimbal ko ay agad kong isinara 'yung kurtina dahil baka bigla siyang magmulat. Napakalakas ang sara ko n'on at alam kong naramdaman niya 'yon kaya napagalaw siya sa tubig.
"Who's there?!" naaalarmang tanong niya.
Patay!
Nagkukumahog na tumakbo na ako palabas ng C.R. Nahulog pa sa sahig 'yung tuwalyang nakasampay sa balikat ko kaya dali-dali kong pinulot 'yon at tumakbo papuntang kuwarto ko saka ko isinara at ini-lock 'yon.
Ang lakas ng tunog ng pag-ahon niya sa bathtub at pagbaysak ng tubig n'on sa sahig kaya alam kong simula na ng paghunting niya sa 'kin.
Sh*t! Sh*t! Sh*t!
"Manang Tonet?" sigaw niya mula sa C.R.
Hindi ko naman malaman ang gagawin pero pinilit kong mag-isip nang matino sa kabila ng pagkataranta ko para magawa ang mga dapat kong gawin sa emergency na 'to.
Itinapon ko kaagad sa kama ang tuwalya sa balikat ko at pumunta sa harap ng closet. Dali-dali kong binuksan 'yon saka humila sa hanger ng pangbabaeng damit doon pati bra.
Dali-dali kong isinuot ang bra saka ang nakuha kong T-shirt na pink na mukhang pantulog. Nakabrief lang ako sa pang-ibaba kaya naghalungkat naman ako ng maisusuot ko pang-ibaba.
"Manang Tonet! Why aren't you answering?" Biglang may kumatok sa pinto nitong kuwarto kaya halos tumalon palabas ng ribs ko ang puso ko sa gulat at taranta. "Are you inside? Manang!"
"Sh*t!" mahinang mura ko at humila na lang ulit ng kahit ano mula sa mga nakahanger.
'Yung skirt na black na suot ko no'ng interview ni manang Tonet ang nakuha ko at dahil tarantang-taranta na talaga ako, 'yon na lang ang isinuot ko.
"Come out or I'm goin' to open this door with my master keys." nagbabantang sabi niya.
'Yung sobrang aligaga ko, lalo pang nadagdagan nang malaman ko na may duplicate key pala siya nitong kuwarto ko.
Kasing bilis na ni flash na kinuha ko ang wig na nakahanger din at isinaklob 'yon sa ulo ko. Isinara ko na ang closet para makapanalamin at inayos ko ang pagkakasuot n'on sa ulo ko. Kumuha rin kaagad ako ng suklay at sinuklay 'yon nang nagmamadali pero may ingat dahil baka malagas.
Naririnig ko na ang pagkalansing ng mga susi sa labas at sinusubukan nang buksan ni Hyacinth 'yong pinto.
"Was it key 5? Maybe it's 4?" kausap niya sa sarili niya sa labas habang namimili panigurado ng susi.
Nang maayos ko na ang buhok ko, tiningnan ko ang sarili ko kung mukha na ba akong babae at kapani-paniwala ba 'yung disguise ko pero halata 'yung adam's apple ko kaya nanlaki ang mga mata ko.
Scarf!
Binuksan ko ulit ang closet at kumuha ng scarf doon saka nagmamadaling ipinulupot 'yon sa leeg ko hanggang sa narinig ko na ang pagbubukas ng pinto ng kuwarto ko.
Napatingin kaagad ako ro'n habang nanlalaki ang mga mata.
Sumilip kaagad dito si Hyacinth at may nakapulupot pang towel sa buhok niya at nakatapis lang din ng isa pang tuwalya ang katawan niya.
Napigilan ko ang paghinga ko nang titigan na niya ako. Nakatitig lang din ako sa kaniya habang pigil na pigil ang hininga at nawawala sa dibdib ang puso.
Biglang nangunot ang noo niya at tuluyan nang pumasok dito saka pumamaywang. "Who. Are .You?" madiin ang bawat salitang tanong niya.
Wala akong naisagot kundi ang pagngiti lang.
Ipagpapatuloy...
Now the queen is back.