Bagamat hindi naniniwala sa mga hula, hindi pa rin maiwasan ni Gabriel na mag-alala dahil sa sinabi sa kanya ng matandang manghuhula. Sino ba naman ang hindi matapos sabihan na mamamatay na siya kinabukasan? Hindi tuloy siya nakatulog ng mabuti at tanghali na ng bumangon.
Wala anumang pagbabago kay Bagwis. Tahimik pa rin ito gaya ng dati, walang bahid ng pag-aalala sa kanyang mukha habang nagbabasa ng diyaryo. Dahil dito ay nakakuha ng lakas ng loob si Gabriel. Kung kalmado lamang ang matanda, sigurado siya na walang anumang dapat ipag-alala.
Matapos mag-almusal ay pasimpleng tinanong ni Gabriel si Bagwis tungkol sa sinabi ng manghuhula sa Quiapo.
"Kuwela talaga yung matandang manghuhula, ano?" natatawang sabi ng batang lalaki. "Biruin mo, mamamatay na raw ako ngayon."
Malakas na humalakhak si Gabriel.
"Totoo iyon," sagot ni Bagwis.
Biglang naputol ang tawa ni Gabriel. "A-Anong sabi mo?"
Tiningnan ni Bagwis si Gabriel. "Si Berta ang manghuhula ng Datu. Kapag sinabi niya, siguradong may katotohanan iyon."
Parang hindi makahinga si Gabriel sa sinabi ng matanda. "Ano bang pinagsasabi mo! Kung mamamatay na ako, bakit kalmado ka pa rin?"
Muling bumalik sa pagbabasa ng diyaryo si Bagwis. "Hindi ka nakikinig sa sinabi ko. Ang sabi ko, kapag sinabi ni Berta, may katotohanan iyon. Hindi ko sinabing magkakatotoo na iyon."
Napanganga lang si Gabriel, kitang-kita na hindi niya naintindihan ang tinuran ng matanda.
"Ang mga hula, bagamat may katotohanan, ay hindi pa rin tiyak. Kung wala kang gagawin, siguradong magkakatotoo ito. Ngunit, sa tulong ng mga manghuhula, malalaman natin ang mga mangyayari. At dahil dito ay magagawa natin ang nararapat upang baguhin ito."
"B-Baguhin?" mahinang tanong ni Gabriel.
"Tama. Mayroon na akong balak na ngayong araw ay bibisita tayo sa mga Nuno upang ipakilala ka. Ngunit ayon sa hula ni Berta, mamamatay ka ngayon. Ang ibig sabihin lamang nito ay mayroong masamang balak sa'yo ang mga Nuno. Gusto ka nilang patayin."
Namutla ang mukha ni Gabriel. "Bakit naman? Ano naman ang kasalanan ko sa kanila?"
Umiling si Bagwis. "Walang nakakaalam sa tunay na layunin ng mga Nuno at mga Duwende. Maaaring dahil ikaw ang susunod na Datu kaya't gusto ka nilang patayin. Maaring ayaw lamang nila sa'yo at sa hitsura mo."
"Teka! Ano naman ang kinalaman ng hitsura ko sa mga Nuno?" galit na tanong ng batang lalaki.
"Ang sinasabi ko lang ay mayroong masamang balak sa'yo ang mga Nuno at salamat sa hula ni Berta, natuklasan natin ito. At ngayong alam na natin ito, mayroon na tayong magagawa para pigilan ito."
Bahagyang napangiti si Gabriel. "Talaga? Ano yun?"
Ngumiti rin si Bagwis, isang malamig na ngiti. "Yun ang dapat mong tuklasin."
###
Hapon na nang tawagin ni Bagwis si Gabriel upang magbihis. Gaya ng dati, sandamakmak na reklamo ang narinig ng matanda tungkol sa damit na pinasusuot niya kay Gabriel. Wala namang nagawa ang batang lalaki kundi ang sumunod at isuot ang amerikanang ginawa ni Ellie, na ngayo'y tatlong pares na.
Malayo ang kanilang binyahe. Hindi na alam ni Gabriel kung nasaan na sila. Mga puno at bukirin na lamang ang kanyang nakikita sa labas ng bintana.
"Malapit na ba tayo?" pang-isang-daang beses na niyang tanong kay Bagwis, na hindi pa rin sumasagot.
Isang oras pa ang lumipas bago huminto ang kanilang sasakyan sa tapat ng isang malaking punong balete. Madilim na sa labas at ni isang bahay sa paligid ay walang makita si Gabriel.
"Nasaan na ba tayo?"
"Baba," utos ni Bagwis. Mabilis na bumaba ng sasakyan ang dalawa at naglakad papalapit sa malaking puno. Nakakatakot ang hitsura nito dahil sa malalagong dahon at mga sangang nakalaylay.
Tumigil si Bagwis sa harap ng puno, ang ulo ay nakatungo. Sinundan ng tingin ni Gabriel kung saan nakatitig ang matanda at nakita niya ang isang malaking kumpol ng lupa.
"Punso iyan, ha," bulalas ni Gabriel. "Tabi tabi po, nuno."
Tinitigan ni Bagwis ang batang lalaki, ang noo ay nakakunot. "Naaalala mo pa ba 'yung mga itinuro namin sa'yo ni Kris?"
"Sus! Oo naman!"
"Tandaan mo ang hula ni Berta. Mag-ingat ka. Mapanlinlang ang mga Nuno. Huwag na huwag kang tatanggap ng anumang ibibigay nila, lalo na kung pagkain. Huwag ka ring kukuha ng kahit anong bagay na makita mo sa paligid. At kapag naliligaw ka, balik-"
"Oo na!" putol ni Gabriel. "Alam ko nang lahat ng mga iyan!"
Tinitigan ni Bagwis ang batang lalaki at pagkatapos ay muling iwinaksi ang kanyang tingin sa punso. Huminga siya ng malalim at pagkatapos ay nagsalita.
"Mga sinaunang Nuno. Ako si Bagwis. Nais ko kayong makausap." Malakas at buo ang boses ni Bagwis, ngunit mahinahon ito at magalang.
Isang malakas na ugong mula sa ilalim ng lupa ang kanilang narinig. Pagkatapos ay biglang nabiyak ang punso sa gitna at isang makapal na usok ang lumabas.
"Anong kailangan mo?" isang boses ang narinig nila mula sa usok. Sa tunog nito ay parang isang matanda ang nagsalita.
"Dalawang bagay ang pakay ko," sagot ni Bagwis. "Una, lumabag kayo sa kasunduan. Dinukot niyo ang isang tao. Isang dalaga."
Tumigil si Bagwis sa pagsasalita, wari bang naghihintay ng sagot. Nang walang narinig ay nagpatuloy siya.
"Ikalawa, mayroon kayong dapat malaman tungkol sa Datu."
Isang malakas na tawa ang umalingawngaw mula sa punso. "Pumasok kayo." Sa isang iglap ay nawala ang makapal na usok at tumambad sa harapan nila Bagwis ang isang hagdanan pababa. Sinilip ito ni Gabriel ngunit wala siyang makita sa sobrang dilim.
Walang takot na bumaba si Bagwis, sa kanyang likuran ay nakasunod si Gabriel. Nang makapasok ay biglang nagsara ang butas. Napasigaw si Gabriel ng lamunin sila ng kadiliman.
"Huwag kang matakot," saway ni Bagwis.
Isang kaluskos ang kanilang narinig at biglang napuno ng liwanag ang daan. Sa pader ay mayroong mga lamparang nakasabit, na nasisindihan ng puting apoy.
"Huwaw!" sigaw ni Gabriel. "Parang espesyal epek sa pelikula."
Napailing lang si Bagwis. Nagpatuloy siya sa pagbaba sa batong hagdan, na nagpaikot-ikot sa ilalim ng lupa. Wala namang nagawa ang batang lalaki kundi ang sumunod.
Hindi alam ni Gabriel kung gaano sila katagal bumaba ngunit ng marating nila ang ilalim ay hinihingal na siya. Nang makapagpahinga ng kaunti ay pinagmasdan niya ang kanyang paligid.
Nasa isang malaking silid sila na hugis pabilog. Ang mga pader at lapag ay gawa sa isang uri ng bato na hindi niya kilala. Kulay itim ito ngunit kumikinang na parang mga bituin sa langit.
"Nasaan na tayo?" tanong niya kay Bagwis.
"Ito ang teritoryo ng mga Nuno sa ating mundo," sumagot si Bagwis ng hindi tumitingin kay Gabriel. "Kailangan nilang lumikha ng ganitong lugar dahil hindi sila mabubuhay sa mundo ng mga tao. Oras na tumapak sila sa lupa sa ating mundo, tiyak na mamamatay sila."
"Kamusta na, Bagwis?"
Nagulat si Gabriel ng makita ang isang matandang lalaking nakatayo sa gitna ng silid. Hindi niya ito napansin kanina ng dumating sila.
"Kamusta, Alimahon," bati ni Bagwis.
Pinagmasdan ni Gabriel ang matanda sa kanilang harapan. Ubod na ng tanda ng lalaki. Parang punong-kahoy ang balat nito sa sobrang kulubot. Kakaiba rin ang kasuotan nito, parang isang mahabang bestida na nababalutan ng mga sanga. Ang mahaba at puting buhok nito ay mayroong maliliit na mga dahon. Sa kanyang kanang kamay ay hawak-hawak niya ang isang mahabang baston na parang ugat ng puno.
"Teka," biglang nasabi ni Gabriel ng mapansing mas matangkad ng kaunti sa kanya ang matanda, "di ba ang mga nuno ay maliliit lang? Bakit ang laki niya?"
Biglang umasim ang mukha ni Bagwis. "Talaga bang hindi ka nakikinig sa mga itinuturo namin sa'yo?" pabulong niyang tanong sa batang lalaki. "Hindi ba't ipinaliwanag na namin sa'yo na mukha lamang maliit ang mga nuno at duwende kapag nasa mundo sila ng mga tao? Pero dito sa teritoryo nila at sa kanilang mundo, ganyan ang tunay nilang anyo."
Halos nanliliit si Gabriel habang sinesermonan ni Bagwis. "Oo na. Pasensya na. Nakalimutan ko lang," sagot niya habang nakataas ang dalawang kamay.
"Nakakaaliw naman 'yang kasama mo, Bagwis," masayang sabi ng nuno.
Muling humarap si Bagwis at tiningnan ang matandang nuno. "Alimahon, gaya ng sinabi ko kanina, naririto ako dahil dinukot niyo ang isang batang babae."
"Dinukot?" parang naguluhan ang nuno. "Wala kaming dinudukot, Bagwis. Kusang pumasok sa aming teritoryo ang taong iyon. Sino ba naman kami para itaboy siya?"
Dahan-dahang lumapit si Bagwis sa kausap hanggang sa isang talampakan na lamang ang layo nila sa isa't isa.
"Alam mo ang mga batas, Alimahon. Kahit kusang loob na pumunta rito ang isang tao, wala kayong karapatan na tanggapin siya." Inilapit ni Bagwis ang kanyang mukha sa nuno. "Ngayon, sabihin mo kung nasaan na ang babae."
Ngumiti si Alimahon at pagkatapos ay itinuro ang pader sa kanyang kanan. Biglang gumalaw ito at isang lagusan ang tumambad sa kanilang harapan.
"Halika na, Gabriel." Mabilis na tinungo ni Bagwis ang lagusan.
"T-Teka, hintayin mo ko," sagot ni Gabriel sabay nagmamadaling sumunod.
###
Dinala sina Bagwis at Gabriel ng lagusan sa isang malaking bulwagan. Tulad ng silid na pinanggalingan nila, hugis bilog ito ngunit di hamak na mas malaki. Ang mga pader naman ay napupuno ng mga bakal na pinto na pawing nakasarang lahat.
"Nasaan na tayo?" tanong ni Gabriel.
Sa gitna ng silid ay mayroong isang lamesang ubod ng haba. Puno ito ng masasarap na pagkain na karamihan ay di kilala ni Gabriel. Napapalibutan din ang lamesa ng magagarang upuan, na naaadornohan ng ginto, pilak, at iba't ibang mamahaling bato.
"Wow! Parang piyesta," bulalas ni Gabriel na namimilog pa ang mga mata.
"Huwag mo nang tangkain pa," mahinang sabi ni Bagwis.
"Alam ko. Relax ka lang," nakangiting sagot ng batang lalaki ngunit ang kanyang tingin ay nakapako pa rin sa mga pagkain.
"Sino kayo?"
Sabay napatingin sina Gabriel at Bagwis sa pinanggalingan ng boses at doon nga nila nakita ang isang batang babae. Nakaupo ito sa kabisera ng mahabang lamesa ngunit hindi ito kumakain. Walang lamang ang gintong plato sa harap nito.
"Diane," tawag ni Bagwis. "Huwag kang matakot. Naririto kami para samahan kang umuwi."
"Ayoko ng umuwi!" Biglang tumayo ang bata at mabilis na tumakbo patungo sa isa sa mga pintuan. Mabilis siyang pumasok at pabagsak na isinara ang pinto.
"Hala ka! Tinakot mo," kantiyaw ni Gabriel.
Hindi sumagot si Bagwis. Dumiretso lamang siya sa pintuang pinasukan ng bata.
"Hoy! Iiwan mo na naman ako," mabilis na sumunod si Gabriel sa matanda na pumasok na nga sa pintuan.
Madilim sa loob at walang makitang anuman si Gabriel. Nakataas ang kanyang dalawang kamay sa harapan, nangangapa sa dilim.
"Bagwis? Bagwis?"
Doon biglang nagliyab ang isang lampara na nasa pader. Iginala ni Gabriel ang kanyang tingin at nakitang mag-isa siya. Wala na si Bagwis.
"Bagwis? Nasaan ka na?" maririnig ang takot sa boses ni Gabriel.
Nagpalakad-lakad siya sa mahabang pasilyo. Pagdating sa dulo ay isang malaking bato ang nakaharang sa kanyang daan.
"Dead end?" Umikot sa kinatatayuan si Gabriel, naghahanap ng madadaanan. Biglang isang tunog ang kanyang narinig. Boses ng isang babaeng kumakanta. Nagmumula ito sa likod ng malaking bato. Sumandal si Gabriel sa bato upang makinig.
Biglang gumalaw ang bato at gumulong pakanan. Nagulat si Gabriel at nasubsob sa lupa. Tumingala siya at nakita ang batang babaeng nasa bulwagan kanina. Kumakanta ito, ang kamay ay may hawak-hawak na kulay berdeng gumamela. Mabilis na tumayo si Gabriel at pinagpag ang damit.
"Bata. Diane," tawag ni Gabriel.
Napalingon ang bata, halatang nagulat. "Huwag kang lalapit!"
Tumigil si Gabriel at ngumiti. Itinaas niya ang kanyang dalawang kamay, ipinakikita na wala siyang masamang binabalak.
"Huwag kang matakot. Hindi ako kalaban."
Muling tumalikod si Diane at tinitigan ang hawak na gumamela.
"Ano bang ginagawa mo rito?" tanong ni Gabriel.
Hindi umimik si Diane.
"Bakit ayaw mong umuwi? Hindi mo ba nami-miss ang mga magulang mo?"
Biglang tumulo ang luha ng batang babae at humikbi.
"Ayoko ng umuwi. Lagi na lang akong pinagagalitan ni Mama't Papa. Hindi na nila ako mahal." Humagulgol ang bata, ang luha at sipon ay walang tigil na tumulo.
Dahan-dahang lumapit si Gabriel at tumayo sa tabi ng babae.
"Si Lawrence na ang bagong baby nila. Hindi na nila ako kailangan," pagpapatuloy ni Diane.
Napangiti si Gabriel. "Ano ba ang hitsura ng nanay at tatay mo?"
Bahagyang tumahan si Diane at tiningnan si Gabriel.
"Si Mama maganda. Mahaba ang buhok niya, hanggang baywang. Lagi ko nga siya pinagmamasda kapag nagsusuklay." Isang maliit na ngiti ang gumuhit sa labi ni Diane.
"Si Papa naman," pagpapatuloy niya, "matangkad. Singkit siya tulad ko. Marami nga ang nagsasabi na makamukha kami."
"Wow! Buti ka pa," nakangiting sabi ni Gabriel. "Ako, hindi ko alam kung anong hitsura ng mga magulang ko. Ni hindi ko man lang kasi sila nakita."
Nanlaki ang mga mata ni Diane. "Talaga?"
"Oo. Lumaki kasi akong walang mga magulang."
"Bakit naman?" tanong ni Diane na muling naluluha.
"Ganon talaga. Masuwerte ka nga, may nanay at tatay ka pa."
Muling tinitigan ni Diane ang gumamela.
"Nami-miss ko na si Mama at Papa," sabi ng babae sabay hagulgol.
Masayang hinarap ni Gabriel si Diane at kinuha ang kamay nito. "Gusto mo na ba silang makita?"
Tumango si Diane.
"Gusto mo nang umuwi?"
Muling tumango ang bata.
"Kung gayon, halika na. Sasamahan kita!"
Nakangiti na si Diane, hindi na umiiyak. "Sige, gusto ko nang umuwi."
"Puwes, tayo na," hinila ni Gabriel si Diane at muling tinahak ang daan na pinanggalingan niya.
"S-Sandali! Hindi dito ang daan," pagtutol ni Diane ngunit sa sobrang kasiyahan ay hindi siya narinig ni Gabriel. Tuluy-tuloy lamang siya at pumasok sa lagusang dinaanan niya kanina. Hanggang sa magulat siya dahil sa halip na pintuan ay isang batong pader ang bumulaga sa kanya.
"A-Asan na yung pinto?" pagtataka ni Gabriel. Lumapit siya sa pader at kinapa-kapa ito, animong hindi makapaniwala sa nakikita.
"Ang kulit mo kasi," galit na sabi ni Diane. Hinila nito ang kamay at kumawala sa pagkakahawak ni Gabriel. "Dito sa lugar ng mga duwende, ang daan papasok ay hindi ang daan papalabas!"
"A-Ano..." ang sabi ng naguguluhang si Gabriel.
"Mahiwaga at nakakaligaw ang mga daan dito. Sabi ni Alimahon, kapag nawala daw ako dito, kahit sila ay mahihirapang hanapin ako."
"Ganon ba? Eh, saan ba ang daan papalabas?"
Tinitigan ng masama ni Diane si Gabriel. "Kanina alam ko," pasigaw nitong sabi. "Pero ngayon, hindi na!" Biglang nangilid ang luha sa mga mata ni Diane.