Chereads / The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog) / Chapter 2 - Mermaid's Tale: The Beginning

Chapter 2 - Mermaid's Tale: The Beginning

ANG mundo ay nahahati sa apat na kontenente. Ito ang: Hilgarth sa Hilaga, Titanus sa Timog, Kruzean sa Kanluran at Sallaria sa Silangan. May mga bansang sakop ang apat na kontenente at bawat bansa ay may kahariang pinamumunuan ng hari at reyna.

Sa gitna ng apat na kontenenteng ito matatagpuan ang pinakamalaking karagatan sa mundo ang karagatang Azura. Naniniwala ang mga pantas na kulay asul ang tubig sa karagatang ito kaya ito ang ipinangalan nila rito.

Ang Karagatanang Azura, ay maskilala sa tawag na karagatan ng mga sirena. Pero para sa mga taong nakatira sa ibabaw ng lupa, maituturing na alamat lamang ang mga sirena. Ayon sa kuwento ang mga sirena'y may anyong kalahating tao at kalahating isda. May taglay na gandang mala-diyosa, tinig na kaakit-akit, may kumikinang na buntot, gawa sa kumikinang na diyamante at perlas ang suot nilang alahas.

Ang nakakamangha sa lahat, mayroon daw silang kakaibang kapangyarihan, kung ano? Walang nakakaalam. Wala pa ni-isa ang nakakita sa mga nilalang na ito. Patuloy pa ring pinag-aaralan at sinasaliksik ng mga pantas ang hiwaga sa ilalim ng karagatan.

Ang kaharian ng Alemeth ay isa sa malaki at makapangyarihang kaharian sa Kontenente ng Sallaria. Mayaman sa kabuhayang pandagat, dahil katabi mismo ng lupain ang pinakamalaking karagatan sa mundo. Ang karagatang Azura.

Ang mga tao sa Alemeth ay kilalang masisipag lalo na sa pagtatrabaho sa bukid. Magaganda ang ani nilang palay, sariwa ang mga gulay at prutas. Palaging matatas at dekalidad ang mga produkto sa Alemeth.

Kaya naman, sa panahon na pilit iniiwasan ng bawat bansa ang kaguluhan at digmaan. Isang kasunduan ang nilagdaan ng mga pinuno nito. Napagkasunduan nilang magsagawa ng malaking pagtitipon kada limang taon at dito pag-uusapan ang kaayusan at katahimikan ng buong kontenente. Sallaria Summit Meeting ang tawag dito.

Sa pagtitipon ding ito isinasabay ng mga maharlikang pamilya ang pagpili ng mapapangasawa ng kanilang anak na prinsesa o prinsipe. Ipinagkakasundo nila ang kanilang anak sa anak ng ibang bansa. Naniniwala silang ang pag-iisa ng kanilang mga anak ay pag-iisa na rin ng kanilang bansa.

Ngayong taon, nakatakdang ganapin ang malaking pagtitipon sa kaharian ng Alemeth. Magandang oportunidad sa kanilang bansa para lalo pang makilala ito at mabenta ang kanilang mga produkto.

Bukas buong magdamag ang malaking palengke sa bayan tuwing ganitong may kasiyahan. Marami rin kasing dumarayo upang bumili ng kanilang paninda. Lalo na ang mga mayayamang pamilya galing sa ibang bansa.

Mahigpit ding ipinapatupad ang siguridad sa buong bansa. Minsan kasi may nakakapasok na mga pirata na walang ibang dala kundi kaguluhan. Mga magnanakaw ng karagatan na dumarayo sa iba't ibang bansa upang palihim na magbenta ng mga nakaw na gamit. Madalas pa nilang ninanakawan ang bansang pinupuntahan nila.

Sakit talaga sila sa ulo ng mga pinuno.

Kaya ngayong gabi doble ang pag-iingat ng kaharian. Nakaalerto ang mga sundalo lalo't nasa tabi ng pinakamalaking karagatan ang Alemeth.

Ito na ang pasimula ng lahat.

***

TAONG 1700, GP ( Gintong Panahon )

Panahon ng taglagas sa bansa ng Alemeth.

Unang gabi ng pagdiriwang ng Sallaria Summit Meeting.

Binuksan ang mataas na tarangkahan ng palasyo. Pinapasok isa-isa ng mga kawal ang nagdadatingang panauhin mula sa iba't ibang bansa sa kontenente ng Sallaria.

Matitingkad at mamahalin ang suot ng bawat isa. Elegante ang dating at sadyang nakakaakit sa mga mata ang kanilang postura. Marami rin silang suot na palamuting alahas sa katawan.

Sila ang mga prisesa mula sa iba't ibang kaharian. Nagtipon-tipon upang ipresenta ang kani-kanilang kaharian at mabigyan ng oportunidad na mapiling kabiyak ng prinsipe ng bansang Alemeth.

Tumunog ang trumpeta, hudyat na magsisimula na ang kasiyahan. Nagpuntahan sa malaking bulwagan ang mga panauhing prinsesa. Ang lahat ay nasasabik sa paglabas ng prinsipe. Muling hinipan ang trumpeta, isa-isang tinawag ang maharlikang pamilya.

"Ang ating pinakamamahal na hari, Haring Amadeus Albus Rufus III at Reyna Galatina Ciel' Rufus."

Matapos tawagin ang kamahalang hari at reyna, naglakad sila sa pulang karpet at naupo sa kanilang trono.

Sumunod na tinawag ang kanilang mga anak, ang dalawang prinsipe ng bansang Alemeth.

"Ngayon ipinakikilala ko sa inyo ang dalawang prinsipe ng kaharian ng Alemeth, sina Prinsipe Eldrich at Prinsipe Seiffer Ciel' Rufus."

Isang masigabong palakpakan ang ginawa ng mga tao, lumingon sila at inabangan ang paglabas ng dalawang prinsipe.

Subalit, imbis na dalawang prinsipe ang lumabas ay isa lang. Nagtaka ang ilan, ang iba nama'y namangha sa kakisigan ng prinsipeng nasaharap nila.

"Ako si Prinsipe Eldrich Ciel' Rufus, ipagpaumanhin ninyo mga giliw kong panauhin ako muna ang haharap sa inyo ngayon habang hinihintay natin ang kapatid kong si Prinsipe Seiffer," paliwanag ng prinsipe. Ang tinig niya ay malalim, buo at lalaking-lalaki ang dating. Sa boses pa lang niya, hindi na magkamayaw ang mga babaeng prinsesang naroon sa bulwagan.

Ang lahat ay namangha at nabighani sa gandang lalaki ng prinsipe. Makisig at nakakaakit ang ngiti, luntian ang kulay ng mga mata, gintong buhok at kutis na kay puti at kinis. Walang sandaling hindi siya nakangiti. Parang dinadala nito ang mga taong nakakakita ng ngiti niya sa luntian at sariwang kapatagan.

Halos matunaw ang lahat ng prinsesa sa kanyang malagkit na tingin.

Walang hindi mabibighani sa taglay na kakisigan ng prinsipe.

"Tumakas na naman ba ang kapatid mo, Eldrich?" bulong ng hari.

Sumagot naman ang prinsipe, "Pinahanap ko na po siya Ama, alam n'yo naman pong hindi komportable ang isang 'yon sa ganitong klaseng pagtitipon."

"Hay, hindi ko na talaga alam ang gagawin sa kapatid mong 'yan." Buntong-hininga ng kamahalang reyna.

"Hah-ha! Hayaan na lang po natin ang kapatid ko, siguradong nagtutulog na naman 'yon kung saan," natatawang pahayag ng prinsipe.

"Eldrich, mag-uumpisa na ang sayawan, sana'y may mapili kang karapat dapat na maging kabiyak." Malambing na tinig ng mahal na reyna.

"Opo, aking Ina," tugon ng prinsipe.

Subalit sa isip ni Prinsipe Eldrich. "Lahat sila'y magagandang tunay, subalit ni isa'y wala pang bumibihag sa aking paningin."

Sadyang wala pa sa isip ng prinsipe ang pakikipag mabutihan sa mga prinsesa lalo na't alam niya na may bahid pulitika lamang ang lahat.

Sa saliw nang nakakaindak na musika, ang iba'y humanap ng kapareha at sumayaw ng kaaya-aya.

Sa gitna ng bulwagan kung saan nag-sasayawan ang lahat. Nakaupo pa rin ang prinsipe at pinapanuod ang mga sumasayaw. Ang iba nama'y nag-aabang na tumayo ang prinsipe at yayain silang sumayaw.

Nang biglang…

"Sandali, hindi ka maaaring pumasok!"

Nagulat ang lahat sa pagsigaw ng kawal mula sa labas.

Bumukas ang malaking pinto, pumasok ang isang babaeng may itim na taklob sa ulo. Mahaba ang suot na damit, nanlilimahid sa dumi at may kasama siyang binatang lalaki.

Nagtinginan ang lahat ng tao sa loob ng palasyo, napatayo ang hari at reyna, nagsimulang magbulong-bulungang ang mga panauhin.

Natulala ang prinsipe sa nakita niya, nang lumapit ang babae sa gitna at ituro siya.

Pumagitna ang hari. "S-sino ka? Isa ka bang manlilimos? Mga kawal—"

"Sandali po Ama, mukhang may sasabihin ang babaeng pulubi."

Pinigilan ni Prinsipe Eldrich ang kamahalang hari sa pagtaboy sa babaeng gusgusin at sa kasama niyang binatang lalaki.

"Magsalita ka, Ano ang iyong pakay?" tanong ng prinsipe sa malumanay na tinig.

Nagbulong-bulungan ang mga panauhin, nagtataka silang lahat kung sino ang pulubing babaeng nagpumilit pumasok sa loob ng palasyo.

"Kamahalan! Ako'y inyong pakinggan!" Malakas na bigkas ng babae, hinawi niya ang takip sa ulo ta lumitaw ang kanyang mukha. "Hindi mo ba ako nakikilala? A-Ako 'to si Azurine? Ang pinangakuan mo ng kasal noong mga bata pa tayo?!"

Isang malakas na tawanan ang nagpaingay sa buong palasyo. Walang sinumang naniwala sa sinasabi ng babaeng tila pulubi ang hitsura. Napahiya ang dalaga at ang kasama niyang binata.

"P-Paumanhin, hindi ko alam ang sinasabi mo…" naguguluhang tugon ng prinsipe.

"P-Pero, ako 'to! Ako ang nagligtas sa 'yo noon!" pagpupumilit na sabi ni Azurine.

"Tumigil na kayo! Umalis na kayo sa palasyo!" sita ng isa sa mga panauhin.

"Oo nga! Walang kilala ang prinsipe na tulad mong pulubi!" bulyaw pa ng isang prinsesa.

Ang lahat ay nagsalita. Pinapaalis nila ang dalawang maruming tao sa harap ng maharlikang pamilya. Sobrang napahiya si Azurine. Tumakbo silang dalawa palabas ng palasyo.

"Sandali!" tawag ni Prinsipe Eldrich. Pipigilan pa sana niya ang dalagang pulubi subalit pinigilan siya ng kanyang amang hari.

***

NAGPALABOY-LABOY ang dalawa sa palengke ng Sangil. Ang Sangil ay isa sa bayang nasasakupan ng Alemeth. Ito ang pinakapapular na lugar dahil narito ang samu't-saring paninda ng bansa.

"Ginugutom na ako, Octavio." Rinig na rinig ang pagkalam ng sikmura ni Azurine.

"Hindi lang naman ikaw, Prinsesa." Ganoon din ang matalik niyang kaibigan na si Octavio. "Sabi ko naman kasi sa 'yo, hindi ka na niya kilala! Matagal nang nangyari ang pagliligtas mo sa kanya!" sumbat pa niya.

"Ano ka ba! Baka nagkaroon lang siya ng sakit. Malay mo, nagkaroon siya ng amnesia kaya wala siyang maalala," pagpupumilit ni Azurine.

"Hay! Baliw ka na talaga, Prinsesa. Paano tayo ngayon?"

Nang makarinig sila ng ingay sa 'di kalayuan. Isang hinahabol na binatang lalaki ang papalapit sa dereksyon nila. Isang aksedente ang pagkabungo nila sa isa't isa.

"Prinsesa!" sigaw ni Octavio nang makita si Azurine na nasa ilalim ng isang lalaki.

"B-Bitiwan mo ko!!!" sigaw ni Azurine.

"Hoy! Huwag n'yong hayaang makatakas ang isang 'yan!!!" sigaw naman ng humahabol sa lalaki.

"S-Sorry! Tara!" Biglang tumayo ang lalaki saka kinarga si Azurine sa kanyang mga bisig.

"H-Hoy!!! Bitiwan mo ang prinsesa!" nagpapanik na bulalas ni Octavio.

"Sumunod ka na rin!" sagot ng wirdong lalaki.

Tumakbo sila nang tumakbo, nagpasikot-sikot sa bawat eskinita ng palengke. Hanggang sa makarating sila sa sira-sirang bahay na gawa sa kahoy. Nasa loob ito ng liblib na lugar na walang nakakapasok na sinuman.

Ibinaba ng lalaki si Azurine, saka ngumiting nagpakilala.

"Pasensya ka na kung nadawit ka sa kaguluhang ginawa ko!" panuna niyang wika. "Akon nga pala si Seiffer Wisdom! Isa akong black wizard!"

Kuminang ang asul na mga mata ni Azurine. Bigla siyang nakaramdam ng kakaiba sa binatang ito. Isang magaan, mainit at pamilyar na pakiramdam.

Ang wirdong lalaki ay isa palang wizard ng Alemeth. Tunay nga kaya ang kanyang sinasabi?

Ito na nga ang simula ng kanilang istorya.