Chereads / The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog) / Chapter 5 - Mermaid’s Tale: Creature of heaven

Chapter 5 - Mermaid’s Tale: Creature of heaven

MAMAYANG gabi ang huling gabi ng Sallaria Summit Meeting. Sa gabing ito muling magpupulong ang mga kinatawan ng iba't ibang bansa. Ang paksa naman ay tungkol sa pakikipagpalitan ng produkto o barter. Layunin ng bawat bansa na mapabuti ang kalakaran at panatilihing balanse ang palitan ng produkto. Walang bansang nais malamangan ng iba pang bansa. Isang tapat na presyo para sa dekalidad na produkto. Dahil sagana ang kontenente ng Sallaria sa likas na yaman, sinisiguro nila na mapapangalagaan nila ito at hindi maaabuso.

Sa gabi ring ito inaasahan ng mga panauhing prinsesa na may napili na ang dalawang prinsipe sa kanila. Isa iyon sa mahalagang bagay na hindi pwedeng balewalain ng bawat bansa.

Nasa loob ng silid tanggapan ni Seiffer sina Azurine at Octavio, tinutulungan nila ang binata na pumili sa mga prinsesa na nasa mga larawan.

"Ginoo, heto, mukhang bagay kayo ng prinsesang ito!" nanabik na sabi ni Azurine. Ang hawak niyang larawan ay larawan ni Prinsesa Zyda Elgios ng bansang Elgios.

Ang Elgios ang pumapangalawa sa Alemeth. Kaunti lamang ang lamang sa sukat ang Alemeth ngunit halos parehas sila ng bilang ng mga bayang nasasakupan. Ang apelyedo ng prinsesa ay galing pa sa naunang hari nila na si Haring Elgios. Sa kanya ipinangalan ang bansa.

"Hmmm… maganda siya pero, hindi ko type!" anitong walang pakialam sa kagandahan ng isang babae.

"Wow! Ikaw nang mapili!" sabat ni Octavio. "Kung ako pipili…" Naghanap muna siya ng ibang larawan, nang mapansin niya ang isa sa prinsesa ng SEPO Alliance.

Ang SEPO Alliance ay apat na maliit na bansang pinagkaisa ng isang alyansa. Dahil ang apat na ito ang pinakamaliit na bansa sa Sallaira at pare-parehong iisa lang ang bayang nasasakupan napagpasyahan na pagkaisahin na lamang ang apat na bansang ito.

"S-Sino ang prinsesang ito?" atubiling tanong ni Octavio. Halatang-halata sa kinang mga mata niya ang pagkakaroon ng interes sa napili niyang prinsesa.

"Ah, si Prinsesa Lilisette 'yan. Isa siya sa prinsesa ng SEPO Alliance. Hmm…" sandali siyang nag-isip.

"Ang alam ko, siya ang prinsesa ng Sario. Nag-iisa lang siyang anak ng hari," ani Seiffer.

"Ang cute niya kasi…" nangingiting bulong ni Octavio.

"Uy! May gusto?" sumingit ng tukso si Azurine sa kaibigan.

Nahiya tuloy si Octavio, sa pagkataranta ng binata hindi niya namalayang naitago pala niya ang larawan sa bulsa ng pantalon niya.

"Oh, siya! Tama na 'yan! Ang mabuti pa samahan n'yo na lang ako." Tumayo mula sa pagkakaupo si Seiffer. Bumalik siya sa silid tulugan. Agad naman siyang sinundan ng dalawang katulong niya.

"Saan tayo pupunta, Ginoong Seiffer?" tanong ni Azurine.

"Basta," tipid na sagot ni Seiffer. Pumasok siya sa silid aklatan kung saan ginawang tulugan ito ng dalawa.

"Magdala nga kayo ng mahabang balabal na pantakip sa inyong katawan at ulo," utos niya.

"Isang robe ba, Ginoo?" paniniguro ni Azurine.

"Iyan nga! Huwag n'yo rin kalimutan magdala ng tinapay at keso!" paalala pa niya.

"Mag-pi-picnic ba tayo?"

Nasapo ni Seiffer ang noo niya. "Hindi!" Binigyan niya ng itim na presensya si Octavio.

"Nagtatanong lang naman, hmmpp!"

***

"HINIHINGAL na ako, Ginoong Seiffer!" reklamo ni Azurine, na hindi sanay sa mahabang lakaran.

Nahinto siya at nasandal sa katawan ng malaking puno. Napaupo si Azurine sa sobrang pagod. May ilang kilometro na rin ang nilakad nila mula sa palasyo hanggang sa kapital ng Sangil hanggang sa makarating sila sa kinaroroonan nila—ang gubat ng Takandro.

Isang maliit na probinsya ang bayan ng Takandro, hindi tulad sa Sangil kung nasaan ang palengke at ito ang sentro o kapital ng Alemeth. Ang Takandro ang liblib na probinsya na nasa paanan ng kabundukan matatagpuan.

Nilandas nila ang mahabang ilog, umakyat sa madulas at mahalamang daan. Sino ba naman ang hindi mapapagod? Hindi sanay sa lakaran ang dalawa, lumaki sila sa ilalim ng dagat at hindi sa lupa.

"Tapos na ba kayo magpahinga? Kailangan nating makarating sa loob ng kweba bago lumubog ang araw!" litanya ni Seiffer habang hawak ang mapa at isang mahabang tungkod na tinatawag na Scepter.

"Teka lang, ano ba kasi ang gagawin natin sa loob ng kweba?" hinihingal na tanong ni Azurine.

Binigyan siya ng tubig ni Octavio at nakisabay sa pag-upo niya. Pareho silang sumandal sa malaking puno.

Mayamaya'y nagsimula silang muli sa paglalakad. Nang makarating sila sa bunganga ng kweba. Natatabunan ito ng mga halamang ligaw, maraming insektong nagliliparan sa paligid. May kakaibang amoy na umaalingasaw mula sa loob. Samu't-saring amoy na nabubulok.

Inutos ni Seiffer na isuot na nila ang mahabang balabal sa katawan at ulo. Pinatakpan din niya ang ilong ng dalawa upang hindi gaano'ng maamoy ang baho sa loob. Hindi pa man nakakalayo ng lakad nang makarinig ng kakaibang ingay ang tatlo. Ingay na parang sumisitsit.

"G-Ginoo, a-ano 'yon?" takot na tanong ni Azurine. Magkahawak kamay ang dalawang magkaibigan habang nangunguna sa kanila si Seiffer.

"Huwag kayong matakot, mga butri lamang iyon."

Ang butri ay galing sa lahi ng mga paniki na naninirahan sa loob ng madilim na kweba. Ito ang lahi na may kakaibang tunog na ginagawa, mas malaki ang butri kumpara sa natural na laki ng mga paniki. Pinaniniwalaang may koneksyon ang mga butri sa itim na mahika.

Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa tuluyan na silang lamunin ng dilim. Itinaas ni Seiffer ang dala niyang scepter.

"Ad Lucem!" sambit ni Seiffer. Lumiwanag ang bilog na kristal na nakakabit sa malaking bilog na nakapatong sa mahabang kahoy ng scepter niya. Isa iyong magic spell upang lumikha ng liwanag.

Bumilog ang mga mata nina Azurine at Octavio, nagulat sila sa nasilayan ng mga mata nila. Manghang-mangha ang dalawa.

"Wow! Ginoong Seiffer, marunong ka ngang gumamit ng mahika?!" ani Azurine na may kislap sa mga mata. Parang mga bata na ngayon lang nakakita ng liwanag sa madilim na lugar.

"Isa ka ngang, wizard?" mangha pa ni Octavio.

"Heh! Sabi ko naman sa inyo, eh!" pabida ni Seiffer. Kulang na lang humaba ang ilong niya sa sobrang bilib sa sarili. "Paano, tayo na?" ngisi pa niya.

Nagpatuloy nga ang tatlo sa kaloob-looban ng kweba. Mamasamasa ang tinatapakan nilang lupa, gawa ito ng tubig na pumapatak mula sa singit-singit ng kweba. May pormasyon ng stalagmite at stalactite sa paligid. Ang mahirap pa ay tila lumalakas ang masangsang na amoy sa loob?

"Narito na tayo!" Huminto si Seiffer saka itinapat ang liwanag ng scepter sa harapan. Isang malaking bagay ang tumambad sa harapan nila. Isang batong kumikinang na tila dyamante. Pero ang mas nakaagaw sa atensyon nilang tatlo ay ang maliit na bato na nakadikit sa itaas na parte nito.

"A-Ano ang bagay na 'yan, Ginoo?" nagtatakang tanong ni Azurine.

"Isa 'yang crimson gem. Iyan ang pakay ko sa loob ng kwebang ito!" Muling itinaas ni Seiffer ang hawak niyang scepter. "Ad levare!" sambit niya na nagpaangat sa kanya sa hangin.

Isa itong magic spell para lumutang ang katawan sa hangin. Matapos umangat kinuha ni Seiffer ang crimson gem mula sa pagkakadikit. Isang malakas na pagyanig ang nagpakaba kina Azurine at Octavio.

"Ginoong Seiffer!" sigaw ni Azurine na nakapatong ang dalawang kamay sa ulo.

Mabilis namang tinulungan ni Seiffer ang dalawa. Gumawa siya ng bilog na magic barrier. Pumasok din siya sa loob nito at pinrotektahan ang dalawa.

Nagbasakan ang ilang tipak ng bato mula sa itaas ng kweba. Nagkaroon ng bitak ang lupa at nawasak ang malaking bagay na tila kristal sa harapan nila. Isang itlog ang tumambad sa mga mata nilang tatlo.

Agad na kinuha ni Azurine ang itlog saka niyakap ito nang mahigpit. Makailang sandali pa'y nag-ingay nang nag-ingay ang mga butri. Lumitaw ang itim na usok sa singit-singit ng kweba. Lalo pang tumindi ang nakakasulasok na amoy sa loob. Nang bumiyak at tuluyang bumagsak ang malalaking tipak ng bato sa dingding, nagulat silang tatlo.

Mga kalansay ng tao ang nakadikit sa mga dingding na ito. Mga tao na siguradong nagbalak ding kunin ang crimson gem. Sa kasawiang palad, nilamon sila ng itim na mahikang pumapalibot sa kweba.

Hindi magawang tagalan ni Azurine ang pagtingin sa mga bangkay. Minabuti ni Seiffer na lumabas na sa loob nang hindi na sila mapahamak pa. Sa paglakas pa lalo ng lindol sa loob, wala nang ibang paraan si Seiffer kundi gumamit pa ulit ng isa pang magic spell.

"Facilioris Transmissus!" Sa isang iglap naglaho sila at napunta sa labas ng kweba. Nahulog sila mula sa kawalan at bumagsak sa kalupaan.

"A-Aray!" sigaw sa sakit ni Azurine.

"Teka! Ang bigat mo, Azurine!" kinakapos sa hiningang sambit ni Seiffer. Nakapatong kasi si Azurine sa likod niya nang bumagsak sila.

"Ah!!! S-Sorry, Ginoong Seiffer!" Mabilis na umalis si Azurine saka niya tinulungan si Seiffer na tumayo.

"Teka, paano tayo nakalabas?" nagtatakang tanong ni Octavio.

"Gumamit ako ng… agh!!!" naputol ang pagsasalita niya nang makaramdam ng kirot sa tagiliran si Seiffer.

Inalalayan siya ni Azurine. "Ayos ka lang ba, Ginoo?" nag-aaalala niyang tanong. Isinandal muna sandali ni Azurine ang nanghihinang katawan ni Seiffer sa malaking puno.

"A-Ayos lang ako, naubos lang ang mana ko sa paggamit ng mataas na uri ng mahikang 'yon. Mayamaya ay okay na ako…"

Napansin ni Azurine ang pagpikit-pikit ng mga mata ni Seiffer. Dama niya ang pagod na nararamdaman nito. Mayamaya'y lumuhod sa harapan si Azurine nang magkalapat ang dalawang palad sa isa't isa. Posturang nanalangin nang itaas niya ang kanyang ulo na humaharap sa kalangitan.

Pamulat-mulat ng mga mata si Seiffer, pinagmamasdan ang ginagawa ng dalaga.

Isang awitin ang pinakawalan ni Azurine. Napakagandang tinig na nagbibigay init, lakas at ginhawa sa paligid.

Laaa,lalala,la,la,lalahah...ahh...lanlala,lala,la,la,lalalahah...

Kasabay nito ang pagtama ng nakakasilaw na liwanag sa katawan ni Seiffer. Lumiwanag ang buo niyang katawan, nawala ang pananakit nito at nanumbalik ang mana sa katawan ng binata.

"A-Ano'ng klaseng kapangyarihan ito?" magkahalong pamamangha at pagtatakang tanong ni Seiffer.

"Prinsesa!" Tinapik ni Octavio ang kamay ni Azurine na siyang nagpatigil sa pag-awit ng dalaga.

"O-Octavio?"

"Hindi mo dapat ipinakita sa kanya ang kapangyarihan mo!" pagdidiin ni Octavio. May pangamba sa binata, hindi niya lubos na pinagkakatiwalaan si Seiffer. Kahit sino sa mga taga-lupa ay hindi niya pinagkakatiwalaan.

"P-Pero, tinulungan tayo ni Ginoong Seiffer, kailangan din niya ng tulong ko!" tanggol ni Azurine sa desisyon niyang tumulong.

Nabaling ang tingin ni Seiffer sa pulang itlog na nasa tabi ni Azurine. Pero, hindi iyon ang focus ng isipan niya ngayon.

"Sandali, ang awitin mong 'yan, nabasa ko na 'yan! Nilalang na may magandang tinig…" sandaling pinutol ni Seiffer ang sasabihin niya.

Napahawak sa dibdib si Azurine, sa isip niya. "A-Alam kaya niya ang tungkol sa amin?"

Namumuo ang pawis sa noo ni Azurine, lumalandas ito paibaba sa pisngi niya. Kinakabahan ang dalawang nilalang. Alam nilang may angking talino si Seiffer. Isa pa, nalaman nilang tunay ngang nakakagamit siya ng mahika.

Sa gitna ng tensyong bumalot sa lihim nila, isang munting sorpresa ang nagpabago ng kalooban ng bawat isa. Unti-unting bumiyak ang pulang itlog. Napatingin silang tatlo rito.

Nang tuluyang masira ang itlog, lumabas mula rito ang…

"Ang cute!!!" natutuwang sambit ni Azurine.

Kinuha niya at inilapag ang munting nilalang sa kanyang palad. Inilapit niya ito sa mukha ni Seiffer. Nakapikit pa ang nilalang na ito at nang maiharap kay Seiffer, kusa itong nagmulat ng mga mata.

Kweerkk!

Tinig ng munting nilalang na may pulang kulay. Mahaba ang katawan nito at may buntot na parang sa mga isda. May dalawang pakpak na hindi pa bumubuka at dalawang mahabang whiskers sa magkabilang pisngi malapit sa ilong. May balat itong parang kaliskis din ng isda at nguso na mahaba. Samantalang ang dalawang mga mata nito ay tila apoy na nag-aalab.

"Kung tama ako, isa itong—dragon?!" bulalas na sigaw ni Seiffer.

Ang mahiwagang nilalang, pinaniniwalaang nalupig na ang lahi nito. Ang hari ng kalangitan ang makapangyarihang dragon. Sinong mag-aakala na matatagpuan nila ang huli at nag-iisang lahi nito.

"Tingnan mo, mukhang ikaw ang inaakala niyang nanay, Ginoong Seiffer," natatawang sabi ni Azurine.

Mukhang gustong-gusto nga siya ng munting nilalang na ito. Lumundag pa ito at dumapo sa buhok ni Seiffer.

"Ang cute! May aalagaan ka nang dragon, Ginoong Seiffer." Ang kanina'y pangambang nadarama ay napalitan ng tuwa dahil sa munting nilalang na kanilang natagpuan.

"Heto ang tinapay at keso!" Ipinakain ni Azurine ang tinapay at keso sa munting dragon.

"Waahh!! Huwag mong ipakain 'yan! Mana pots ko 'yan!" Wala na siyang nagawa, nakain na ng munting dragon ang tinapay at keso.

Mana pots, isang uri ng magic potion na inihalo sa tinapay at keso. Ipinabaon ni Seiffer iyon dahil alam niyang mauubusan siya ng mana sa paggamit ng mahika. Kaso, tinulungan na siya ni Azurine kaya nawalan din ito ng silbi.

Matapos ng mahabang paglalakbay bumalik silang pagod na pagod sa palasyo at mabilis na nahiga sa malambot na kama. Katabi nilang tatlo ang munti at pulang dragon.