Chereads / The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog) / Chapter 11 - Mermaid’s Tale: To the kingdom of Elloi

Chapter 11 - Mermaid’s Tale: To the kingdom of Elloi

NATAPOS na nga ang panahon ng taglagas at pumasok na ang panahon ng taglamig. Unang gabi na pumatak ang niyebe sa buong bansa ng Alemeth. Nagsimula na ang mga tao na magsuot ng makakapal na damit pangontra sa lamig. Nakasindi na rin ang painitan ng bawat kabahayan sa iba't ibang bayan. Sumapit ang unang araw sa buwan ng Disyembre sa kalendaryo ng Sallaria. Sa ganitong buwan, may malaking pagdiriwang na ginaganap sa Alemeth. Isa itong malaking pista na ginaganap tuwing ikalabingsiyam ng Disyembre. Ito ang pasasalamat sa masaganang pagtatapos ng taon.

Abala ang mga tao sa palasyo lalo na ang mga katulong na siyang nag-aayos ng dekorasyon upang mapaganda ang hitsura nito. iba't ibang ilaw ang ikinakabit nila sa bawat sulok ng palasyo. May mga istatwa rin silang gawa sa bato na pinalibutan ng samu't-saring ilaw. Magiging maliwanag ang buong palasyo sa araw ng pagdiriwang.

Habang abala ang lahat, si Azurine nama'y patuloy sa pagkatok sa sekretong silid ni Seiffer. Matapos maipainom ni Azurine ang memory potion kay Prinsipe Eldrich, muling nanumbalik ang alaala nito sa dalaga.

Kinuha ni Eldrich ang pangangalaga sa dalawa. Ngayon, nasa ilalim na ni Eldrich sina Azurine at Octavio. Sa kanya na naglilingkod ngayon ang dalawa bilang personal na katulong. Pero para kay Eldrich, isa lamang iyong paraan upang maprotektahan ang lihim ng prinsesang sirena.

Sa ngayon, nag-aalala si Azurine kay Seiffer. No'ng araw na nagpaalam siya sa binata na lilipat sa silid na inilaan ni Eldrich para sa kanila ni Octavio, masayang tumawa lang si Seiffer. Parang balewala lang sa wizard na iyon ang isang buwang pinagsamahan nila ni Azurine. Para kay Azurine, hindi siya mapakali hangga't hindi niya nakakausap nang maayos si Seiffer.

"Ginoo! Ginoong Seiffer! Alam kong nariyan ka, kausapin mo naman ako!" Makailang ulit nang kumatok si Azurine, ngunit bigo siya. "Nag-aalala na kasi ako sa 'yo! Pakiusap, Ginoong Seiffer!" Kakatok pa sana si Azurine nang biglang bumukas ang pinto.

Pumasok siya sa loob at kusang sumara ang pinto ng sekretong silid. Bumaba siya at tinungo si Seiffer sa loob. Nagulat si Azurine nang makita ang sitwasyon sa silid. Nawasak na ang ibang kagamitan ni Seiffer dahil sa hindi mapigil na paglaki ni Seiffy. Nakapulupot na nga ang buntot nito at nakatiklop ang pakpak. Pilit ipinagkakasya ang sarili sa maliit na silid.

"G-Ginoong Seiffer!" Tumakbo si Azurine para puntahan si Seiffer na nakasandal sa katawan ng dragon. "A-Ano'ng nangyari?" nag-aalala niyang tanong.

"Ugh! A-Azurine, paano ka nakapasok?" pilit na nagtanong si Seiffer. Pumipikit-pikit ang mga mata ni Seiffer, tila nanghihina ito.

"Kusang bumukas ang pinto, hindi ba ikaw ang gumawa no'n?"

"Hindi, wala akong kakayahang gumamit ng magic spell ngayon. Siguro si Seiffy ang nagbukas ng pinto gamit ang mana niya."

Niyakap ni Azurine si Seiffer, isinandal niya sa kanyang matambok na dibdib ang ulo ng binata. Ibinaling ng dalaga ang paningin sa lumaking dragon. Wasak na buong kagamitan ni Seiffer sa loob. Maging ang mga bote ng potion ay nagkalat sa sahig, basag na rin ang iba nito.

"Si Seiffy ba ang may gawa nito?" hinala ni Azurine.

"Ang mana potion na ipinapakain ko sa kanya na nasa tinapay at keso ay hindi na sumasapat. Hindi ko akalaing pati ang sarili kong mana ay kakainin din niya. kinu-consume niya ang mana sa katawan ko hanggang sa manghina ako. Kaya mabilis siyang lumaki," paliwanag ni Seiffer.

"M-May magagawa ba ako? Handa akong tumulong, Ginoo."

Pinilit ni Seiffer imulat ang mga mata niya't tinitigan si Azurine nang malalim. "K-Kung magkakaroon lang ako ng sapat na mana ngayon, magagawa kong gamitin muli ang teleportation magic para mailipat si Seiffy sa ibang lugar. Ang kaso, sa sitwasyon kong ito hindi ko na magawang makapag mana regeneration. Patuloy lang na hinihigop ni Seiffy ang mana ko."

Napaisip si Azurine. Sandali niyang isinandal muli ang ulo ni Seiffer sa katawan ni Seiffy. Naluhod siya sa harap ng binata, magkalapat ang dalawang palad, nakatingala sa itaas saka umawit nang buong puso.

Laaa,lalala,la,la,lalahah...ahh...lanlala,lala,la,la,lalalahah...

Namanghang muli si Seiffer sa nakakabighaning tinig ni Azurine. Sobrang ganda ng kanyang tinig, unti-unting bumabalik ang lakas ni Seiffer. Muling nanumbalik ang mana niya sa katawan.

Graww!

Umingay ang dragon. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Seiffer. Matapos manumbalik ang mana niya sa katawan mabilis niyang hinawakan ang kamay ni Azurine. Kinabig ng binata ang dalaga sa kanyang bisig. "Scepter Veni!" sinambit ni Seiffer ang magic spell para mapasakamay niya ang magic scepter.

"Kumapit kang mabuti!" atubili niyang utos. "Facilioris Transmissus!" mabilis na sinambit ni Seiffer. Isa itong instant transmission magic spell.

Sa isang iglap naglaho silang tatlo sa sekretong silid.

***

"GINOONG SEIFFER!!!" bulalas na sigaw ni Azurine, matapos maramdaman ang sarili niyang mabilis ang pagkahulog mula sa kawalan.

"Volare!" sambit ni Seiffer sa kanilang dalawa ni Azurine. Isa itong magic spell para makalipad sila.

Inabot ni Azurine ang kamay ni Seiffer, magkahawak-kamay silang lumipad sa kalangitan. Nang mapansin nila si Seiffy na sumasabay sa kanila sa paglipad.

"Sa wakas, naikakampay na niya ang kanyang mga pakpak!" masayang litanya ni Seiffer.

Napansin ni Azurine ang panunumbalik ng sigla ng binatang wizard. "Teka, saan tayo papunta nito?" tanong ng dalaga.

"Huwag kang mag-alala, may naisip na akong lugar." Itinuro ni Seiffer ang bilog na kristal sa kanyang scepter sa unahang dereksyon. "Pupunta tayo sa bansa ng Elloi!"

Ang bansa ng Elloi ay isa sa apat na bansa ng SEPO Alliance. Malapit din sa karagatan ang bansang ito. Dahil maliit lamang ang nasasakupan ng Elloi tulad sa ibang nasabing bansang kasapi ng alyansa. Ang Elloi ay ang pinakamahirap na bansa sa lahat. Nasa isang mataas na pader ang kaharian at ang mga nasasakupan nitong mamamayan.

Dahil ito ang ginagawang daungan ng mga pirata matapos nilang mambiktima sa karagatan. Tinaasan nila ang pader upang maging proteksyon sa kanilang kaharian at mamamayan. Nagpapadala ang bansa ng Alemeth, Elgios at Rafago ng ilang hukbo upang tumulong sa Elloi, kapag biglang sumalakay ang mga pirata. May roon silang mga pinapadalang espiya na siyang nag-uulat sa kanila sa mga nangyayari sa bansang ito.

"Huwag kang mag-alala, matalik kong kaibigan ang prinsipe ng Elloi. Siguradong matutuwa siya na makita akong bumisita sa kanya! Nyahahaha!" umalingawngaw ang taw ni Seiffer sa kalangitang kanilang nililiparan.

Makalipas ang ilang sandali nang unti-unti na silang bumababa dahil sa pagkaubos ng epekto ng magic spell. Isinakay na sila ngayon ni Seiffy sa kanyang likuran.

"Hay! Akala ko hindi ka na magpapasakay, Seiffy!" Nakahinga nang maluwag si Seiffer.

Graww!

Habang nasa likod silang dalawa…

"Ginoong Seiffer, paumanhin kung kinailangan ko—"

"Shhh… tama na, wala naman talaga sa akin ang bagay na 'yon. Natutuwa nga ako't natupad mo ang tunay na pakay mo. 'Di ba sinabi ko naman sa 'yo, wala akong paki sa kung anong sekretong mayroon kayo ni Octavio."

"Pero…"

Hindi magawang sabihin ni Azurine ang nilalaman ng kanyang puso. Tunay siyang nag-aalala para sa binatang wizard. Pero kung ganito lang din ang ipapakita ni Seiffer sa kanya, hindi na lang siya magsasalita pa.

"Huwag mo akong alalahanin, ang importante nasa tabi ka na ni Eldrich ngayon. anumang oras na naisin mo siyang makausap madali na para sa 'yo." Naupo sa malapit sa ulo ng dragon si Seiffer. Nasa likod niya si Azurine.

"Hindi mo ako dapat bigyang importansya. Isa lamang akong gwapong wizard na mahilig mang-good time ng mga tao! Nyahaha!"

"Baliw ka!!!" Biglang nasapok ni Azurine ang likod ni Seiffer gamit ang kamay niyang hindi naman nakasakit sa binata.

Inulit-ulit pa niya ang pagsapok sa likod ni Seiffer. "Baliw ka talaga! Hindi mo naiintindihan ang pag-aalala ko sa 'yo!"

Sa huling pagsapok niya biglang hinawakan ni Seiffer ang kamay ni Azurine. "Hindi mo dapat ginagawa 'yan sa tulad kong lalaki." Hindi makapumiglas si Azurine sa mahigpit na paghawak ni Seiifer. "Siguraduhin mong kaya mong panindigan 'yan ginagawa mo. Kaya mo bang piliin ako kaysa sa prinsipe mo?"

Sandaling natahimik si Azurine, kinabig niya ang kanyang kamay pabalik sa kanya. "H-Hindi…" tipid na bulong ng dalaga.

"Kung gano'n ay tumigil ka na."

Ibinaling muli ni Seiffer ang tingin sa harapan. Nanaig ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.

***

SUMALUBONG sa kanila ang lalaking matangkad, masuklado at may tirik-tirik na buhok. Kulay berde ang buhok nito may malaki at mahabang two handed sword na nakasukbit sa kanyang likod.

"At ano sa tingin mo ang ginagawa mo rito, Seiffer?!" Nakangiwi ang nguso nang salubungin ni Prinsipe Cid ang dalawa sa tarangkahan ng mataas na pader ng kaharian.

Bago sila nagtungo roon, si Seiffy ay kanilang itinago sa loob ng bulkan ng Elloi. Ang bulkan ng Elloi ang pinakamalaking bulkan sa buong Sallaria. Pumasok sila sa kwebang nagdurugtong papunta sa kailaliman ng bulkan.

Pansamantalang dito muna mananalagi si Seiffy hanggang sa magawa na nilang ipaalam sa mga tao na may nabubuhay pang dragon sa panahong ito. Magiging pagkain doon ni Seiffy ang makukuha niyang mana sa kalikasan.

May mga nakukuhang mana energy sa kalikasan, kahit papaano masu-sustain nito ang kagutuman ng dragon. Dahil crimson dragon si Seiffy tamang-tamang tirahan para sa kanya ang bulkan kung saan may mainit at nagbabagang apoy ng lava rito.

Balik sa pagkikita ng matalik na magkaibigang Seiffer at Prinsipe Cid.

"Dumalaw lang naman, aalis din naman kami kaagad," nakangiting saad ni Seiffer.

"Kilala kita Seiffer, 'yang mga ngiti mong 'yan siguradong may pakay ka rito sa Elloi!" naghihinalang pahayag ni Prinsipe Cid.

Si Prinsipe Cid ang nag-iisang anak na lalaki ng pumanaw na hari ng Elloi. Siya ang nakatakdang hiranging hari sa pagsapit ng kanyang ikalabingwalong taong gulang. Nalalapit na iyon dahil sa susunod na taon pagsapit ng buwan ng Enero ay labingwalo na siya.

"Teka, may kasintahan ka na pala? Ibang klase ka talaga!" Umiiling-iling ang ulo ni Cid nang mapansin si Azurine.

"Nagkakamali ka, babae siya ni Eldrich."

Nasaktan si Azurine sa turing sa kanya ni Seiffer. Ipinakilala siyang babae na para bang mababang uri siya ng babae. Nalulungkot siya sa turing ni Seiffer sa kanya ngayon.

Napansin ni Cid ang biglang pagkalungkot ni Azurine, kaya ipinagkibit-balikat na lang niya ang sinabi ni Seiffer. Pinatuloy niya ang dalawa sa kanilang kaharian. Kasama ni Prinsipe Cid ang dalawang kawal na nagbabantay sa tarangkahan ng mataas na pinto ng mataas na pader. Wall of Elloi ang tawag dito.

"Siya nga pala, ako si Prinsipe Cid," pakilala ni Cid.

"Kinagagalak kitang makilala, ako naman si Azurine," pakilala rin ni Azurine sa prinsipe ng Elloi.

Malaki ang boses ni Prinsipe Cid. Ibang-iba sa malumanay na tinig ni Prinsipe Eldrich. Malaki ang likod ni Prinsipe Cid, parang pasan nito ang buong bansa ng Elloi.

"Alam mo bang matapang na mandirigma 'yang si Cid," papuri ni Seiffer.

Napatitig si Azurine sa likod ni Prinsipe Cid. Tunay ngang may pinapasang malaking tungkulin itong si Prinsipe Cid. Lalo na sa mga mamamayang kanyang pinoprotekahan. Sa unang pagkakataon nakarating si Azurine sa ibang bansa sakop ng Sallaria. Magkaiba man ang mga bansang ito, may mga responsableng tao naman na siyang nagsisilbing sandalan ng bawat bansa't kaharian.

Hindi sila maaaring basta-basta matibag. Mga matatapang na prinsipeng handang sumalo ng buong giting sa bansang kanilang pinanggalingan.