NANGINGILID ang luha ng batang sirena sa walang buhay na katawan ng batang natagpuan niya. Tumingala siya sa langit, umihip ang malamig na hangin, maliwanag ang kalangitan dahil sa bilog na buwan.
Naging banayad ang karagatan, katamtamang alon sa dalampasigan. Payapa ang gabi, dinama ni Prinsesa Azurine ang presensya ng paligid. Huminga nang malalim, pumikit, magkadaop ang palad, animo'y nanalangin habang nakatingala sa langit.
"A-Anong ginagawa mo, Prinsesa?" taka ng kaibigan niyang pugita.
May mga munting butil ng liwanag ang lumitaw mula sa kalangitan, pinalibutan ang batang sirena.
Laaa,lalala,la,la,lalahah...ahh...lanlala,lala,la,la,lalalahah...
Isang malumanay at nakakaakit na tinig ang bumalot sa payapang paligid. Isang awit na tumatagos sa puso at nag-bibigay alab at init.
"I-Itigil mo 'yan! Prinsesa! Hindi mo dapat gawin 'yan!" sigaw ng munting pugita.
Subalit, wala siyang nagawa kundi ang pagmasdan ang umaawit na prinsesa. Patuloy siya sa pag-awit nang magising ang batang lalaking iniligtas ng prinsesa.
"Agh! N-Nasaan ako? S-Sino ka?"
Nahihilong bumangon ang bata, kinuskos ang mata gamit ang kamay. Pikit-mulat niyang sinilayan ang taong sa harapan niya.
"Mabuti't gising ka na…"
Nakaramdam ng panghihina ang prinsesa. Hindi basta ang pag-awit ng mga sirena, kinakailangan ng ibayong lakas upang maisatinig ng magandang awiting kaninalang inaawit upang ito'y umabot sa langit.
"Hoy! A-Ayos ka lang ba?"
Lumapit ang bata sa prinsesa, nang makita ang kabuuang anyo ng batang sirena kaagad kinilabutan ang bata sa takot.
"Waah! A-Ano'ng klaseng nilalang ka? M-May b-buntot ka?" sigaw ng bata.
Napaatras siya at nagtago sa likod ng malaking bato.
"W-Wag kang matakot, tulad mo isa rin akong bata 'yon nga lang isa akong sirena..." nanghihinang litanya ng prinsesa.
Pinilit niyang lapitan ang bata subalit nanghihina siya at kinailangan nang bumalik sa tubig. Hindi sila maaaring magtagal sa ibabaw ng lupa nang napakatagal. Nanunuyot kasi ang kanilang buntot kapag nahahanginan nang matagal sa kalupaan.
"Sandali, i-ikaw ba ang nagligtas sa akin?" Lumabas mula sa likod ang bata, nawala ang takot niya nang makita si Prinsesa Azurine na nanghihina.
Tumango ang prinsesa agad naman siyang nilapitan ng bata saka binitbit at dinala sa tubig.
"Maraming salamat..." pasasalamat ng prinsesa sa bata.
"Walang anuman! Ako nga ang dapat magpasalamat sa 'yo. Ang alam ko kasi nahulog ako sa nasusunog na barkong sinasakyan namin sinubukan kong lumangoy pero hindi ko kinaya."
"Nakita kita na unti-unting lumulubog sa tubig. Wala nang tibok ang puso mo kanina nang dalhin kita dito sa dalampasigan," sagot ng batang sirena.
"T-Talaga? K-Kung gano'n dapat ay patay na ako? Pero paanong—"
"Inawitan kita! Narinig ng langit at muling ibinalik ang tibok ng puso mo."
Nakangiti si Prinsesa Azurine sa bata, namangha ang bata sa kanya. Nanlaki at kuminang ang mga mata ng batang lalaki. Unang beses pa lang niyang nakakita ng sirena.
"Wow! A-Ang galing!" mangha ng bata mula sa sinabi ng batang sirena.
"Prinsesa, kanina pa tayo wala sa palasyo kailangan na nating umuwi! Siguradong nagwawala na ang mahal na hari kakahanap sa 'yo!" tawag ng munting pugita.
Nangangatog ang mga galamay ni Octavio sa takot dahil siguradong paparusahan sila sa ginawa nilang pagtakas ng prinsesa. Siguradong inutusan ng mahal na hari ang mga kawal na sireno upang hanapin ang pasaway na prinsesa.
"A-Ano'ng klaseng nilalang naman ang isang 'yan?" tanong ng bata. Nakatitig sa natatakot na pugita.
"I-Isa siyang batang pugita. Matalik ko siyang kaibigan!"
Abot tainga ang ngiti ng batang sirena, may kapilyahan man siyang taglay, busilak naman ang kalooban ng prinsesa.
"Narinig mo bata? T-Tara na Prinsesa, hayaan na natin ang batang 'yan dito," sungit ng munting pugita.
Nagkatinginan ang dalawang bata, may kung ano sa mga tingin nila na nagbigay alab sa parehong puso nila. Nagkahiyaan silang pareho at napalihis nang tingin. Napahawak sa dibdib ang batang sirena, ang batang lalaki nama'y napakamot sa ulo.
"H-Hindi kita maaaring iwan dito, hayaan mo tutulungan kita. Siguradong may darating na tulong sa 'yo rito."
"I-Isa akong Prinsipe, siguradong hahanapin nila ako."
Tumalon sa galak ang puso ng batang sirena nang marinig niyang isang prinsipe ang bata. Humarap siyang may ningning sa mga mata.
"T-Talaga?"
"Oo! Ako ang prinsipe ng Alemeth!"
Hindi maintindihan ng batang sirena ang nangyayari sa loob ng kanyang katawan, bumibilis ang tibok ng puso nito't hindi mapakali. Maya't maya ang paghawi nito sa mahaba't asul niyang buhok.
"A-Ang ganda pala talaga ng mga sirena, akala ko isa lamang kayong alamat."
Nabighani rin ang batang prinsipe sa batang sirena.
"Heto! Aking prinsipe, gamitin mo ito."
Hinubad ng prinsesa ang suot niyang kabibe at binigay sa batang prinsipe. Isang kulay puting kabibe na may asul na dyamante sa gitna.
"Hipan mo ang kabibeng 'yan maliit man pero naglalabas iyan ng malakas na tunog. Isipin mo lang ang taong gusto mong makarinig niyan at kahit anong layo ay maririnig ito ng taong iyon. Sa pamamagitan niyan, maaari mong kunin ang atensyon ng isang tao at siguradong hahanapin niya kung saan nanggagaling ang malakas na tunog. Siguradong mahahanap ka n'ya, kung sino man siya," paliwanag ng batang sirena.
"Maraming salamat, malaki ang utang na loob ko sa 'yo, uhm...?"
"Azurine! Ako si Azurine! Isa akong prinsesa," pakilala niya.
"Sana'y magkita tayong muli, ang kaso baka hindi mo na gustuhing makita ako." May lungkot sa mata ng batang prinsipe.
"Hindi! A-Ang totoo n'yan… g-gusto kita! Gustong... gusto kita!" Kumikislap ang mga mata ni Prinsesa Azurine nang sabihin niya iyon sa batang prinsipe.
"Hay! Heto ka na naman sa pantasya mo, tama na 'yan! Tayo nang umuwi!" nagmamadaling yakag ni Octavio.
Sinimulang hipan ng batang prinsipe ang maliit na kabibe. Lumipas ang ilang sandali nang biglang may tumunog na malakas na ugong. Bumalik ang malaking barkong nagligtas sa mga tao sa nasusunog na barko kung saan sasakay ang batang prinsipe.
Papunta sa dereksyon nila ang barko. Muling hinipan ng batang prinsipe ang kabibe, kinabahan si Octavio at napakapit sa batang sirena.
"K-Kailangan na naming umalis, hindi kami maaaring makita ng mga tao!" nangangambang sambit ni Prinsesa Azurine.
"T-Teka, heto kunin mo." Inabot ng batang prinsipe ang isang medalyon.
"Salamat! Iingatan ko ito. Ito ang magsisilbing tulay sa muli nating pagkikita, aking prinsipe..." Tumango ang prinsipe at kumaway na nagpaalam sa kanila.
"Iingatan ko rin ang binigay mong kabibe, iisipin kita at hihipan ang kabibeng ito! Kung tunay man na maabot ka nito, sana'y puntahan mo ako."
"Oo pangako!"
"Hay naku! Tama na 'yang kalandian prinsesa!" Napapabuntong-hininga na lamang si Octavio.
"Sa muli nating pagkikita, g-gawin mo 'kong iyong asawa!" pahabol pang sigaw ng prinsesa.
"Ha?!" gulat na lamang ang naisagot ng batang prinsipe. "Kung magagawa mong makapunta sa kaharian ng Alemeth, ipinapangako kong gagawin kitang asawa ko!!!"
Nang marinig ng prinsesa ang sigaw ng batang prinsipe, kumiliti ito sa malaki at mala-palikpik niyang tainga.
***
SA paglangoy nila patungo sa ilalim ng karagatan…
"Narinig mo ba ang sinabi niya, Octavio? Gagawin daw niya akong asawa niya!" kinikilig na sabi ng prinsesa.
"Hangal ka talaga prinsesa! Hindi ka maaaring makipagkasundo sa isang tao gaya niya!" sigaw na pagtutol ni Octavio.
"Bakit naman hindi? Siya pa lang ang unang taong nakilala ko sa buong buhay ko. Maaaring itinakda ng langit na kami'y pagtagpuin. Nakatadhana kaming dalawa. Oh, aking prinsipe..."
Pumipilantik ang pilikmata, nangungusap at kumikinang ang asul at bilugan niyang mga mata, habang hinahawi ang mahaba at asul niyang buhok.
"Alam mo prinsesa kahit kailan hindi—"
"Ahhh! Ocatavio!"
Naputol ang sasabihin ni Octavio nang pasigaw na sumingit ang prinsesa. Nagulat ang pugita na halos sumulwak ang tinta sa kanyang nguso.
"Ano na naman ba?!" Nakukulitan na si Octavio sa kanya.
"Hindi ko naitanong ang pangalan ng aking prinsipe!!!" bumulalas ang tinig ng batang sirena sa ilalim ng karagatan.
Bigla siyang nakaramdam ng pananamlay dahil hindi niya naalalang itanong ang pangalan ng batang prinsipe.
"Hay! Wala ka nang pag-asa, Prinsesa..." Nagkibit-balikat na lamang ang munting pugita.
"Ah! Basta! Naniniwala akong pinagtagpo kami ng Diyos ng kalangitan at karagatan. Oh, Octavio… ito na kaya ang tinatawag ng mga taga lupa na pag-ibig?"
"Iyan ang tinatawag nilang kahangalan, Prinsesa!"
Hinayaan na lamang ng pugita ang matalik niyang kaibigan na malunod sa sarili nitong pantasya.
Sa bawat kuwento palaging nagkakatuluyan ang prinsesa at prinsipe. Sa kuwento kaya nilang ito? Gano'n nga rin kaya ang mangyari?