Chereads / Minaru's Quest / Chapter 2 - Vol. 1 Quest One: "Brigade"

Chapter 2 - Vol. 1 Quest One: "Brigade"

Wala sigurong batang babae ang hindi nangarap na maging isang prinsesa kahit isang beses lang sa buhay nila...

"Halika rito Miss!!!"

Pilit na tumakbo ng mabilis ang isang dalagang estudyante para takasan ang mga humahabol sa kaniya--tatlong kalalakihang lasing na pumasok sa paaralan at napagkainteresan siyang harangin habang papasok siya sa paaralan ng Gangawa High School.

"Tulong! Tulungan n'yo ako, pakiusap!"

At dahil sa pagmamadali na makatakas kaya natilapid ang dalaga at agad na sumubsob sa lupa, dahilan para maabutan siya ng tatlong lalaki na humahabol sa kaniya.

"'Yan! Ikaw naman miss eh! Takbo kapa kasi ng takbo! Eh gusto ka lang naman namin ihatid! Diba?! Diba?!"

"Bwahaha! Oo tama 'yon!"

"P-parang awa na ninyo..." nauutal na pakiusap ng dalaga sa tatlong lalaki na dahan-dahang papalapit sa kaniya.

"'Wag kang mag-alala miss, hehehe..."

Daig pa ng tatlo ang mga rapist sa isang tele-serye, dahilan para lalong matakot ang dalaga. At dahil wala na siyang iba pang mapupuntahan, wala na siyang ibang nagawa kundi ang sumigaw ng malakas.

"Kahit sino, TULUNGAN NYO AKO!"

Malapit na sanang mahawakan ang dalaga ng tatlo, nang biglang may malaking bato na ga-kamao ang laki ang tumama sa isa sa mga lalaki.

"Aray!" Agad nitong daing "Ano 'yon?!"

At narinig nila mula sa kanilang likuran ang isang matapang na banta.

"Bitawan nyo sya!"

Agad na mapapalingon ang tatlong lalaki kung saan ang bumungad sa kanila ay ang matapang na dalaga na may hawak na baseball bat.

"Hoy!" Muling sabi ng dalaga "Ang kakapal din ng mga mukha nyo ano?! Pumasok kayo rito sa school premise na nakainom, tapos gusto n'yo pang mangmolestya ng babae?!"

"Hoy! Hoy! Sino ka ba huh?! Ang tapang mong magsalita ah! hindi mo ba alam kung sino kami?!" Ang sabi ng isa sa mga lalaki na pasuray-suray na nanduduro ng kaniyang daliri sa dalaga. "Ang akala mo ba'y kaya mo kami?! Eh BABAE ka lang naman! Teka! Teka! BABAE nga ba? Hindi naman kaya LALAKI itong kaharap natin?! Bwahahahaa!"

Agad na kumulimlim ang mukha ng dalaga na sinabayan ng sadyang pagpapatunog niya sa kaniyang mga daliri sa kamay. Dahan-dahan na inangat ng dalaga ang kaniyang mukha para bigyan ng matalas na tingin ang mga lalaki at...

"Tama kayo, usa nga lang akong BABAE. Pero kayang-kaya ko kayong patumbahin gamit lang ang kamao ko. Gsto n'yong i-try?"

"Aba't! Matapang ka talaga huh! Hetong sa iyo!"

Agad na bumigwas ang kamao ng lalaki patumbok sa mukha ng dalaga. Ngunit imbis na matakot, tumakbo o umiwas ay walang kahirap-hirap pa nitong nasalag ang kamao ng lalaki at piniga ito. Naramdaman ng lalaki ang malakas na pagpiga ng dalaga sa kaniyang kamao na parang hindi babae ang kaniyang kaharap kundi isang mabangis na halimaw.

"Heto na iyon?" May angas na sabi ng dalaga sa kaniyang mga kalaban. "Heto lang ang kaya n'yo? Eh kung ako naman kaya?"

At hindi nagtagal, isang malakas na alingawngaw ang umugong sa apat na sulok ng Gangawa High School. Alingugngog na nagsimula sa malakas hanggang sa unti-unting humina't kinain ng malakas na hampas ng hangin.

Mayamaya pa...

"S-suko na kami!"

"Maawa ka sa amin!"

Kitang-kita sa mga naglalakihang black eye na natamo ng mga lalaki ang lakas ng dalagang nakaharap nila. Hindi pa nakuntento ang dalaga at agad nitong iginapos ang tatlo at sinalaksakan ang bibig nila gamit ang kinuyom na papel.

"May karapatan kayong MANAHIMIK! Anumang salitang bibitawan ninyo ay gagamitin laban sa inyo! Hala! Sige! Oras na para pagbayaran ninyo sa detention ang mga kalokohan ninyo!"

"Hmmm!"

Hindi makasigaw ang tatlo para humingi ng saklolo dahil sa nakasalpak na papel sa kanilang mga bibig. Sinamantala naman ng tagapagligtas na dalaga ang pagkakataon na tulungan ang babaeng hinabol ng mga lalaki kanina at...

"Ligtas ka na. Huwag ka nang mag-alala, okay?"

Agad naman na nakita sa mukha ng babae ang tuwa at pasasalamat sa ginawang pagsagip sa kaniya ng matapang na dalaga na walang kahirap-hirap na pinatumba ang mga nagtangkang manakit sa kaniya nang walang kahirap-hirap.

Pero sa totoo lang, ang awkward ng dating, hindi ba? Kasi lalaki dapat ang mag-sasabi sa iyo ng mga katagang "Ligtas ka na." Pero bakit ako ang nagsasabi nito? Wala bang chance na ako naman ang sabihan ng lalaki na "Ligtas ka na" na may mga background roses at sweet na background song?

*****

"Totoo ang sinasabi ko! Napaka lakas niyang babae! Wala pang sampung minuto, nagawa na niyang pabagsakin 'yong tatlong humabol sa akin! Grabe..." Ito ang agad pabida ng nasagip na dalaga sa kaniyang mga kamag-aral pagdating nito sa kanilang klase.

"Totoo pala talaga ang bali-balita na malakas at matapang 'yong bagong peace officer ng student council."

"Totoo 'yon girls! Ako na mismo ang makakapag-patunay n'yan!"

"Ano nga bang pangalan n'yang bagong peace officer natin?"

"Sya si---"

*****

"---Minaru!"

Napalakas bigla ang suntok ng dalagang si Minaru sa Punching Bag na kaniyang ginagamit para sa pagsasanay.

"Grabe ka naman Mikan, pabigla-bigla ka naman ng sulpot!"

"Hindi ba dapat ako ang mabigla? Usap-usapan ka na naman sa hall way. Mukhang may iniligtas ka na naman ah?"

"Nah, 'yon lang ba? Ginagawa ko lang naman ang trabaho ko."

"Haha! Tamang-tama talaga sa iyo ang trabahong 'yan girl. Napapakinabangan mo ng husto ang mala-adobe mong muscles."  Sabay hagikhik ng dalagang si Mikan, ang matalik na kaibigan ng dalagang si Minaru na siyang lumapit sa kaniya upang mangumusta.

"Ha-ha-ha! Nakakatawa." Sagot ni Minaru habang nakabaling sa punching bag ang yamot sa panunukso ng kaibigan.

"Pero maiba tayo girl, hindi ba't may meeting kayo ngayon sa council? Eh ba't nandito ka pa?"

Doon lang naalaa ni Minaru na may pagpupulong pa pala siya na dapat daluhan kung saan papasinayaan ito ng kanilang presidente, ang pinaka matalino, pinaka maginoo, pinka makisig, at ang lahat ng 'pinaka' na pwede mong mailarawan sa nasabibg binata. Ang itinuturing ni Minaru na nag-iisa niyang Prince Charming, si Yuri Aikawa.

Agad na nanghina ang tuhod ng dalaga matapos banggitin ng kaibigan niyang si Mikan ang nasabing pagpupulong na dapat niyang daluhan. At ang kaninang mahigit sampung kilong bigat ng sand bag na kaniyang isinusukbit bilang parte ng kaniyang training ay bigla niyang hindi na mabuhat-buhat.

"Naman! Mikan! Ilang beses ko bang sinabi na huwag mong babanggitin ang pangalan ni Yuri lalo na kapag nagti-training ako!" Hindi lang direktang masabi ni Minaru na nanghihina siya sa tuwing nababanggit lang ang pangalan ng binatang hinahangaan niya.

"Ooopss! Nakalimutan ko, si Yuri nga pala ang Cryptonite mo super lady." Sabay hagikhik muli ang dalagang si Mikan. Agad naman na pinaspasan ni Minaru ang pagliligpit sa kaniyang mga gamit bago pa siya tuluyang mahuli sa nasabing pagpupulong.

"Naku! male-late na naman ako! Patay na naman ako nito! Oh pano Mikan! Kita na lang tayo mamaya!"

Dali-daling isinukbit ni Minaru ang kaniyang bag at nagmadaling lumabas ng traning room.

"Sige lang girl! Kita na lang tayo mamaya!"

Mabilis na tumakbo ang dalagang si Minaru papunta sa kabilang building kung saan matatagpuan ang student council office. Inakyat niya ang ikalawang palapag at tumungo sa ikaapat na silid.

"Pasensya na guys! Late ako!"

"Ah, ikaw pala Mina?"

Nang marinig ng dalaga ang boses ng tumugon sa kaniya ay agad niyang naramdaman ang mabilis na pagpintig ng kaniyang puso. Para siyang hindi makahinga habang dumadagundong ang dibdib niya ng...

tug-tug---tug-tug!

Dahan-dahan niyang inangat ang kaniyang mukha at nakita niyang nakatayo na sa kaniyang harapan ang binatang kaniyang napupusuan, ang kilalang Campus Heartrub na si Yuri Aikawa, ang presidente ng Student Council at ang nangungunang estudyante sa Gangawa High pagdating sa Akademiks.

Hindi halos humihinga si Minaru mula sa kaniyang kinatatayuan. Dinaig pa niya ang puno na hindi halos mataboy ng hangin habang laman ng isip niya ang mga ganitong kataga...

Shocks, nakatayo ba siya sa harap ko?! SHOCKS! Nakatayo nga s'ya sa harap ko! At nakatingin pa s'ya sa akin! Teka! Teka! Anong gagawin ko! Maayos ba ang itsura ko? Ano? Ano?!

At dahil sa tagal ng kaniyang pagkatulala't pagkakabuka ng kaniyang bibig ay hindi nito namalayan na tumutulo na pala ang laway niya habang ang kaniyang mga mata ay nakapako sa mga mata ni Yuri.

"Ah...Mina..."

Pero hindi parin nagigising sa state of shock ang dalagang si Minaru sa kabila ng pagtawag sa kaniya ni Yuri.

"Mina?" Muling inulit ni Yuri ang pagtawag sa pangalan ni Minaru. At sa pagkakataong iyon ay sumagot na ang dalaga ngunit naka slomo version ito.

"Haaa.....bakit?"

Naiilang na itinuro Yuri ang gumagayat na laway ni Minaru sa bibig at...

"'Yong ano mo...um..."

"Alin?"

"Yan..." At itinuro ni Yuri ang gumayat na laway sa gilid ng bibig ni Minaru. "May...ano ka sa bibig mo."

Agad na kinapa ni Minaru ang kaniyang bibig at naramdaman niyang kalat na pala ang laway niya sa kaniyang bibig. Agad niya itong pinunasan gamit ang kaniyang panyo at saka niya tinalikuran si Yuri para itago ang kahihiyang inabot niya sa harapan ng binata.

Naman! Nakakahiya!

"Ayos ka lang ba Mina? Nakatulala ka kasi kanina. Masama ba ang pakiramdam mo?" Agad na usisa ng binata na bahagyang nag-aalala sa inasal ng dalaga kanina.

"Hehe! Oo! Ayos lang ako! Huwag kang mag-alala sa akin, hehehe..."

Hindi lang masabi ng dalaga sa binata na...

Hindi ako okay kapag nasa harapan na kita no! Sino namang babae ang magiging okay kapag tinitigan ka sa mata ng Crush mo! At 'yong gaya pa ni Yuri Aikawa....

Pinilit na lang ni Minaru na kumilos ng normal. Umupo siya sa silya nang dahan-dahan at saka nanahimik roon.

Ilang sandali pa ay dumatin na ang iba pang miyembro ng student council; ang Vice President na si Kei, ang Secretary na si Yuuna, at ang Treasurer na si Usuegi.

"Hey Guys! Kumusta!" Mainit ang naging pagbati ni Kei sa kaniyang mga kasamahan. At sa kalagitnaan ng kaniyang pagbati ay napansin niya ang nananahimik na si Minaru at agad niya itong sinita na may halong pang-aasar.

"Uy! Himala! Nandito na agad ang TOMBOY ng Council!"

Humalakhak ng malakas si Kei na dinig sa buong silid. Parati niya itong ginagawa para sirain ang mood ng dalaga na nangyayari naman dahil pinapatulan din ito ni Minaru.

"Anong sabi mo Kei?! Paki-ulit nga!" Nakaamba na agad ang kamao ni Minaru para bangasan ang mukha ni Kei sa sandaling magtangka itong muli na asarin siya.

"Uhuy! Malapit nang maging Incredible Hulk ang tomboy ng council oh!"

Hindi paman nabibigwasan ni Minaru si Kei ay naunahan na siya ng mga kamay ni Yuuna na mabilis pa sa alas-kuwatro ang kamay kung mambatok sa kaniyang mga kasamahan, partikular kay Kei.

"Hoist, tama na 'yan! Marami pa kaya tayong dapat pag-usapan kaysa inisin mo ng inisin si Mina!"

"Aray naman! Masakit 'yon ah?! Hmp! Sige na nga! Simulan na natin ang meeting na ito nang matapos na!"

Inumpisahan na nga nila ang kanilang pagpupulong na pinangunahan ni Yuri. At habang ipinapaliwanag ng binata ang kanilang mga nakalatag na proyekto, si Minaru naman ay walang kakurap-kurap na nakatitig sa binata habang sinasabi ng isip niya na...

Hay, ang guwapo n'ya talaga. Ang galing-galing pa niyang magsalita! Grabe, ramdam na ramdam ko kung paano tumalbog ang puso ko ngayon. Hay, sino bang babae ang tatanggi na matitigan ng mga mapupungay na mata ni Yuri huh?

"---Si Minaru!"

Nagulat na lang si Minaru nang marinig niya ang kaniyang pangalan.

"Hindi kaya!" Agad na bulalas ni Minaru. Ngunit mabilis din niyang tinakpan ang kaniyang bibig at pagkatapos ay bigla siyang nagpaliwanag. "H-hindi! W-wala akong ibig sabihin! Parang nagagandahan lang naman ako sa mga mata n'ya ah! Masama ba?!"

"Anong sinasabi mo Mina? Nananaginip ka nanaman ba ng gising?" Biglang banat ni Kei sa kaniya. Namula naman ng husto ang dalaga dahil napagtanto niyang malayo pala ang sagot niya sa kanilang pinag-uusapan.

Kaya naman...

"He---hehehe, 'wag nyo na lang akong pansinin!"

At saka tuluyang itinikom ni Minaru ang kaniyang bibig.

"Hay Mina. Oh, nasaan na nga ba tayo sa pinag-uusapan? Ah! Oo, gaya nga ng sabi ko bago nag-reak ng kakaiba itong si Mina na s'ya ang gawing appointed president ng itatayong Peace and Order Brigade dito sa eskwelahan. Tutal naman, s'ya ang kinatatakutan ng mga pasaway na estudyante sa loob at labas ng Gangawa hindi ba?" Ito ang paliwanag ni Kei sa kaniyang mga kasamahan na agad na sinang-ayunan ng lahat, maliban lang kay Minaru.

"H-hoy! Anong sinasabi mo Kei?! Anong sinasabi n'yo? Anong Peace and Order Brigade? Anong presidente? Ako?!"

"Hindi ka nga nakikinig ano, Minaru?" Ang sabi ni Kei na may kasamang pag-iling. Sumabat naman sa usapan si Yuri at ipinaliwanag kay Minaru ang kanilang pinag-uusapan.

"Kanina ka pa namin pinag-uusapan. Ikaw ang napili namin na maging Presidente ng Peace and Order Brigade. Napansin kasi namin na nabawasan ang mga kaso dito sa paaralan ng 45%. Ang goal ng POB ay  makilala ang paaralan bilang Zero Student Violation School dito sa ating distrito. Isa itong trabaho na bagay na bagay sa iyo, Mina."

Pagkatapos ipaliwanag ni Yuri ang lahat, imbis na matuwa, tila isa na naman itong suntok sa mukha ng dalaga. Hindi dahil sa dagdag na trabaho, kundi dahil ibinase na naman ang pagpili sa kaniya dahil sa kaniyang "lakas" at pagiging "sikat" pagdating sa pagpapaamo ng mga pasaway.

Kainis naman! Ano bang akala nila sa akin? Hindi babae?! Oo kayang-kaya ko na bugbugin ang mga pasaway na haharang-harang d'yan sa daan. Pero...HELLO! Hindi manlang ba nila naisip na pwede rin naman akong masaktan? Tao lang din ako, hindi ako si Super Man! I mean, "Super Woman!"

Kaya naman...

"H-hindi ko yata kaya 'yang trabahong ibinibigay n'yo sa akin."

"May tiwala akong kaya mo Mina." Ang sabi ni Yuri na may malumanay na tinig at matamis na ngiti. Doon lalong tumalbog ng husto ang puso ng dalaga dulot ng matinding "kilig" nang siya ay nginitian ng binata. Kaya naman kahit hindi sang-ayon si Minaru sa gusto ng kaniyang mga kasama at dahil si Yuri ang nakiusap sa kaniya kaya siya pikit-mata na pumayag.

"O sige! Payag na ako! Basta't IKAW! Ah...este, para sa eskwelahan! Oo, tama!"

Binigyan naman siya ng masigabong palakpakan ng kaniyang mga kasamahan na sina Yuuna, Usuegi at Kei para ipakita ang kanilang suporta.

"'Yan ang TOMBOY NG COUNCIL! Matapang!"

"Kei!"

Pero pagkatapos ng meeting ay saka lang napagtanto ng dalaga na hindi pala dapat siya umoo sa pakiusap ni Yuri sa kaniya.

Naman! Ano bang gayuma ang tumama sa akin at napa-oo ako sa gusto nila! Naku! Naku! Minaru! Hindi ka talaga nag-iisip! Tingnan mo tuloy, napasugo ka pa! Haist!

Inuntig na lang ni Minaru ang kaniyang noo sa isang poste hanggang sa siya ay makuntento. Sa huling beses na inuntog ng dalaga ang kaniyang noo ay saka naman siya biglang ginulat ng presensya ni Yuri at...

"Oh, nandito ka pa pala Mina! Anong ginagawa mo d'yan?"

Nang marinig ni Minaru ang boses ng binata ay nagawa na niyang iuntog ang kaniyang sarili sa pader, at ang huling iyon ang tumalab sa kaniya at naging dahilan pa para sumirit ang dugo sa kaniyang noo.

"Aray!"

"N--naku po! Minaru!"

Agad na inalalayan ni Yuri ang dalaga . Kinuha niya ang kaniyang panyo at pinunasan ang nagdurugong noo ng dalaga.

"Ayos ka lang ba? Ano bang pumasok sa isip mo at inuntog mo d'yan sa poste ang sarili mo?"

"W-wala..." Pangiti-ngiting sagot ni Minaru sa binata. Dumistansya agad siya kay Yuri at... "O-okay na ako, salamat"

"Sigurado ka ba? Ihahatid kita sa clinic kung gusto mo, Para makasiguro lang tayo."

"Hindi! Okay na okay ako! Promise!"

Pero ang totoo, gustung-gusto ni Minaru na tumili dahil sa sobrang sakit ng kaniyang noo.

Huwag kang titili sa harap ni Yuri! Shockness, nakakahiya!

Lumapit naman si Yuri sa dalaga at ibinigay ang panyo nito. Natigilan naman si Minaru kasabay ng matinding kaba na gumulantang sa kaniyang dibdib.

"Sa iyo muna ito. Ilapat mo sa noo mo hanggang sa mawala ang pagdurugo"

"Pero..."

"Sige na. Hindi naman ako mapapalagay kung may mangyari sa iyo na hindi maganda. Hindi ba?"

Naramdaman agad ng dalaga na biglang nag-init ang kaniyang katawan na higit pa sa kumukulong tubig dahil sa magkahalong kilig at saya. Umalis na si Yuri, at naiwan mag-isa roon si Minaru na nakatulala. Tumutulo ang laway at nag-huhugis puso ang mga mata.

"Grabe, s'ya na talaga, sobrang bait, sobrang gentle men, sobrang----"

At biglang humapdi ang kaniyang nasugatang noo.

"-----SAKIT! Ouch!"

At hanggang sa kaniyang pag-uwi ay dala-dala ni Minaru ang matinding kilig at tuwa dahil sa magandang nangyari sa kaniya sa buong maghapon niya sa eskuwela.

"Ah, kaya pala ganyan ang itsura mo ngayon. Ah! Na-try mo na bang tingnan ang sarili mo sa salamin? Haha! Sinasabi ko sa iyo, matatawa ka sa hitsura mo girl!" ang sabi sa kaniya ng kaibigang si Mikan na halatang gusto lang na mang-asar.

"Che! Isa ka pa! Panira ka rin ng magandang mood ano?! Tingnan mo nga ito! Hawak ko sa kamay ko ang panyo ni Yuri! Na-iimagine mo ba? Araw-araw n'ya itong ginagamit! Nandito ang pawis n'ya...at uhm!!!! ang amoy, amoy cherries!" Halatang kinikilig ng husto si Minaru habang hawak niya ang panyo ni Yuri na nakalapat sa kaniyang dibdib.

"Kadiri ka Mina! Ganiyan ka ba kabaliw sa kaniya?!"

"Hindi ako nababaliw sa kaniya, sinasamba ko s'ya! Kyaaahhh!"

"Hay...baliw ka na nga talaga."

Pag-uwi ni Minaru sa kaniyang bahay ay agad niyang nilabhan ang panyo ni Yuri, plinantsa niya ito at binuhusan pa ng pabango. At bago siya natulog, sinigurado niyang katabi niya ang panyo habang iniisip ang nakakakilig na nangyari sa kaniya sa buong maghapon.

"Good night Yuri ko. Aking...Prince Charming."

Unti-unting ipinikit ni Minaru ang kaniyang mga mata. Mayamaya pa'y nakita niya ang kaniyang sarili na nasa gitna ng kawalan. At mula sa kaniyang kinalalagyan ay may natanaw siyang isang tao na nakatayo. Ang buong akala niya ay si Yuri ang kaniyang nakita kaya naman sabik niyang pinuntahan ang kinaroroonan ng nakatayong binata at...

"Yuri! Yuri ko! Nandito na ako!"

Nang walang anu-ano'y umihip ang malakas na hangin na sinabayan ng mga naglaglagang tuyong mga dahon mula sa kung saan. At habang dahan-dahan siyang papalapit sa lalaki ay unti-unti rin niyang naaninag ang mukha nito.

"T-teka, hindi ikaw si Yuri. Sino ka?"

Ngunit hindi sumagot ang nakatalikod na binata. Sa halip ay unti-unti itong naging usok na tinataboy ng mahinang ihip ng hangin.

"S-sandali! Hoy!"

Sinubukan niyang habulin ang naging usok na binata. Ngunit bago pa niya ito nahawakan ay...

"Whaaaahh!!!!"

Nagising na agad siya dahil sa sunud-sunod na pagtunog ng alarm clock.

"U-umaga na pala?"

Sinubukan ni Minaru na isiping walang anumang kahulugan ang napanaginipan niya at sa halip ay nag-asikaso na lang siya sa pagpasok niya sa paaralan.

"Good morning Mina!" Masiglang pagbati ni Mikan sa dalagang si Minaru nang magkasalubong sila sa geyt ng paaralan.

"Good morning din sa iyo, Mikan."

"Ngayon na pala ang unang araw mo bilang presidente ng Peace and Order Brigade ah!"

"Eh? Paano mo..."

"Ano ka ba Mina, ang laki kaya ng litrato mo sa bulletin board! Hayun oh! The new President; Peace and Order Brigade -- Minaru Nagato! Oh, diba?! Sikat na sikat kana tuloy."

"A-ano?!"

Dali-daling tinakbo ni Minaru ang hall way para puntahan ang opisyal na bulletin board ng paaralan. Doon niya nakumpirna na epektibo na nga ang pagiging presidente niya ng brigada magmula sa araw na iyon.

"Oh hindi, hindi ito nangyayari...nakakahiya!"

"Ano ka ba!" Sabay tapik ni Mikan sa balikat ni Minaru. "Kayang-kaya mo 'yan! Ikaw pa!"

Kaya ko nga ba talaga?

Ito ang nasa isip ni Minaru nang mga sandaling iyon. Wala sa isip ni Minaru na hahantong siya sa ganitong sitwasyon, ang maging tagapagpanatili ng kaayusan ng paaralan kung saan niya piniling mag-aral para sa isang napaka-personal na dahilan.

Hindi naman ito ang ipinunta ko rito sa Gangawa, pero ano pa bang choice ang meron ako? Kung 'yong taong dahilan ng pagpunta ko rito ang nakiusap na gawin ko ito? Hay, bahala na. Sa ngalan ng pag-ibig ko para kay Yuri, gagawin ko ito. Kung ito lang din ang tanging paraan para mapansin at magustuhan ako ng taong gusto ko...

END OF CHAPTER ONE