"Gusto mo ng laban? Doon tayo sa labas."
Naging napakabilis ng mga pangyayari para sa dalagang si Minaru. Kanina lang ay normal pa ang takbo ng lahat ng bagay sa kaniyang paligid. Ngunit nagbago ito sa isang saglit lang nang dahil sa isang binata na binansagan ng lahat sa pangalan na Black Prince.
I-imposibe, hindi...hindi ako...
"Ano na?" Ang sabi ng binata sa dalaga sa isang mapang-asar na tinig. "Bakit hindi ka makasagot? Natatakot ka?"
Hindi ako...
"Huh, walang kwenta."
Tatalikuran na sana ng binata ang dalaga, nang biglang...
"Hindi ako..."
Narinig ng binata na nagsalita ang dalaga sa ganoong pananalita kaya napahinto siya't muling lumingon upang pakinggan ang sasabihin nito sa kaniya.
"Hindi ako..."
At biglang inihakbang ni Minaru ang kaniyang mga paa pasulong at mabilis na hinawakan ulo ng binata at....
"HINDI AKO NATATAKOT SA IYO!"
At isang malakas na Headbut ang kaniyang ginawa, na sa sobrang lakas ay dinig ng lahat ang nag-untugan nilang mga noo na parang nag-umpugang mga pader na gawa sa adobe. Naging dahilan iyon para pumutok ang kilay ni Minaru at umalsa naman ang laman sa noo ng binatang tinawag nilang Black Prince kasabay ng pagkawala ng balanse nito na naging dahilan para mapaluhod ito ng tuluyan sa sahig.
Matinding katahimikan ang bumalot sa buong paligid na dulot ng matinding pagkabigla sa panig ng mga nakasaksi.
Hanggang sa....
"N----napaluhod nya si Black Prince!"
At ang tahimik sa paligid ay biglang binalot ng nakabibinging hiyawan. Hindi dahil sa takot kundi dahil sa tuwa.
"Ang husay mo Nagato!"
"Nakahanap na rin ng katapat si Black Prince!"
At habang nagkakasiyahan ang lahat, si Minaru naman ay hingal na hingal at naliliyo na tumindig mula sa kaniyang kinalalagyan. Agad niyang pinunasan ng kaniyang kamay ang tumulong dugo sa kaniyang kilay at sinabing...
"Tandaan mo ito, wala akong pakialam kung sino ka, at wala rin akong pakialam kung kinatatakutan ka ng lahat! Hangga't nandito ako, hindi ako papayag na maghari-harian ka! Sige! Gusto mo ng laban hindi ba?! Kahit saan, LALABANAN KITA! Ano?! Simulan na natin!"
Patalun-talon at sumusuntok pa sa hangin si Minaru habang sinasabi niya ang mga salitang iyon sa nakaluhod na binata na iniinda pa ang sakit mula sa natamo niyang bukol sa noo.
A-ang sakit...
"Ang yabang mo naman pala eh!" Matapang na sabi ng dalaga sa walang kibo na binata. "Sino ngayon sa atin ang walang kuwenta huh?! Huh------"
Pero bago paman nasabi ni Minaru ang mga nais pa niyang sabihin ay bigla na lang siyang nakaramdam ng matinding pagkahilo na sinabayan ng pagdoble ng kaniyang paningin.
T---teka, nahihilo...ako...
At sa isang iglap...
BLAG!
Nawalan ng malay ang dalaga at tuluyan na siyang bumagsak sa sahig.
*****
Mina! Mina!
Sino ba 'yong tawag nang tawag sa pangalan ko.
At dahil sa paulit-ulit na pagtawag sa kaniyang kaya napilitan ang dalagang si Minaru na imulat ang kaniyang mga mata. Doon niya nakita ang kaniyang sarili na nakahiga sa puting kama at napapalibutan ng mga bagay na puro puti. Doon niya napagtanto na nasa clinic na pala siya, at sa kaniyang tabi ay naroon ang kaibigan niyang si Mikan at ang iba pang miyembro ng kaniyang brigada na matiyaga siyang binantayan.
"E-Eh? Nasa clinic ba ako?"
"Gising na si Boss Mina!"
Mabilis pa sa alas-tres na lumapit sina Genzo, Teito at Keichi at nagsiiyakan na para bang mamamatay na ang dalaga sa kanilang harapan.
"Bossing! Nag-alala kami nang husto sa iyo!"
"Oo nga!"
"Hoist! Magsitigil nga kayong tatlo!" Sita ni Minaru sa tatlo niyang tauhan. "Ano bang akala n'yo sa akin? Kung iyakan n'yo ako parang mamamatay na ako ah?!"
At sa kalagitnaan ng eksenang iyon ay saka naman nagpakita ang matalik niyang kaibigan na si Mikan at agad siyang kinumusta.
"Hoy girl, ano? Ayos ka lang ba?"
Hindi paman nakakasagot si Minaru sa unang tanong ay naunahan na agad siya ng kirot mula mismo sa pumutok niyang kilay.
"A-aray, ang sakit!" Saka niya kinapa ang nakatapal na gasa sa kaniyang pumutok na kilay.
"Mukhang tumalab sa iyo ang matigas na bungo ni Black Prince ah?"
At doon na nga tuluyang naalala ni Minaru ang mga nangyari, kabilang ang makasaysayang paghaharap nila ng binansagang Black Prince ng Gangawa.
"'Yong Black Prince na iyon...S'YA ANG MAY GAWA NITO SA AKIN! Nasan na s'ya huh?!" Sinasabi ni Minaru ang mga salita na iyon na may matinding panggigigil. "Ang yabang n'ya! Akala mo kung sino s'ya?! Nasaan na ang mayabang na iyon huh! ILABAS NYO S'YA!!!"
"Huy! Relax!"
At sa gitna ng pagwawala ni Minaru ay bigla namang dumating ang kaniyang mga kasamahan sa Student Council na sina Yuuna, Kei at Usuegi kung saan ang nangunguna parin sa masiglang pagbati sa dalaga ay walang iba kundi ang binatang si Kei.
"Ba't di n'yo kaya posasan itong Boss n'yo? Tingnan n'yo nga! Kagigising lang galing sa epic fail n'yang eksena kay Fujisawa eh nag-aamok na agad?"
Iyon ang sabi ni Kei, kung saan ang kaniyang sinasabihan ay walang iba kundi ang mga kasapi ng Peace and Order Brigade.
"Huwag mo ngang turuan ng mga kabalbalan 'yang mga tauhan ko Kei!"
"Haha! joke lang!" Agad namang bawi ni Kei sa kaniyang mga biro.
"Kumusta Mina? Nagulat talaga kami nang umugong ang balita na nakaaway mo raw si Black Prince." Usisa ni Yuuna kasabay ng kaniyang pangungumusta.
"Bakit ba Black Prince ang tawag n'yo sa mokong na 'yon?! Napaka-obyus naman na hindi pang prinsipe ang ugali n'ya!"
"Hm, sa totoo lang hindi ko rin alam kung bakit iyon ang ibinansag sa kaniya."
Sa pagkakataong iyon ay si Usuegi naman anv bumida sa usapan at ipinaliwanag ang rason kung bakit ganoon ang bansag ng lahat sa tinaguriang Itim na Prinsipe ng Gangawa High.
"Kung hindi ako nagkakamali, inihalintulad s'ya ng mga estudyante kay Edward of Woodstock. His name "Black Prince" was derived from his brutal reputation, particularly towards the French in Aquitaine. Iyon ang alam kong pinagbasehan ng bansag sa kaniya."
"Hmp!" Himutok naman ni Minaru at nagwika. "Wala naman akong pakialam kung kaninong pontso pilato pa s'ya ibinansag. Ang gusto ko lang ngayon ay mahuli s'ya! Hindi ko mapapalampas ang ginawa n'ya kanina!"
"Kasalanan mo rin naman girl." Sabat ni Mikan sa usapan na kontra sa mga sinabi ni Minaru. "Bakit mo pa kasi siya pinatulan. Nanahimik ka na lang sana. E 'di hindi ka pa nasaktan."
"Hindi pwede sa akin 'yong mga inasta n'ya Mikan!" Mariing ikinatwiran ni Minaru sa kaibigan. "Sinasamantala niyang takot ang mga tao sa kaniya para magawa n'ya ang gusto n'yang gawin! At hindi ako papayag ng ganoon!"
Bumangon ang dalaga mula sa kaniyang pagkakaratay at tumindig na parang walang nangyari sa kaniya.
"Nasaan na ang taong yon huh?!"
"Wala na s'ya."
Pagtataka naman ang agad na naging reaksyon ni Minaru sa sagot ng kaibigan.
"Paanong wala na? Hindi pa naman nag-aawasan ah!"
"Pagkatapos mo s'yang bigyan ng alsadong bukol sa noo at paluhurin sa harap ng mga kaklase mo, agad s'yang umalis at hindi na pumasok sa mga sumunod na klase. Iyon pa lang sapat na bilang parusa. Tiyak na mangingilag na s'ya sa iyo."
Ngunit hindi kumbinsido si Minaru na ganoon nga ang mangyayari.
Hmp! Sigurado akong babalikan niya ako para gumanti. Ang mga gano'ng klase ng tao ang ayaw na ayaw na napapahiya sila. Puwes, sorry na lang siya! Hindi ako basta-basta nagpapadaig sa mga gaya niya.
Minabuti na lang ni Minaru na palagpasin ang nangyayari at magpatuloy na lang sa kaniyang normal na buhay. Subalit ang inaasahan niyang "normal" na buhay bilang estudyante ay mag-sisimula nang magbago dahil sa naganap na enkwentro sa pagitan niya at ng kinatatakutan ng lahat na Itim na Prinsipe ng Gangawa.
*****
"Talaga? Kung ganoon, isang katulad lang pala ni Nagato ang magiging katapat niya?"
"Grabe nga. Pero alam mo, ako ang natatakot sa pwedeng maging resbak ni Black Prince. Siguradong hindi n'ya palalagpasin ang ginawang pagpapahiya sa kaniya ng ganoon lang ni Nagato."
Ganito ang naging mga bulung-bulungan saan mang panig at sulok ng Gangawa High. At ang mga bulung-bulungang din ito ang sumisira sa araw ng binatang tinawag ng lahat sa bansag na Black Prince ng Gangawa High.
Hindi ko mapapalampas ang ganitong klase ng kahihiyan.
Nang mga oras na iyon ay abala si Minaru sa pagpa-file ng mga lumang case files ng Student Council. Sa kaniyang pagliligpit ay may kakaiba siyang napansin. Ni isang Bad Record ay walang nakita ang dalaga na nakapangalan sa tinatawag nilang Black Prince ng Gangawa High. Kahit na anong hanap niya, at kahit iniisa-isa na niya ang mga nakatala sa mga files ay wala siyang anumang nakita.
B-bakit ganoon? Bakit ang linis ng Record n'ya? Kinatatakutan s'ya ng mga estudyante rito 'di ba? At kaya siya kinatatakutan ay dahil marami s'yang mga nilabag na patakaran. Pero bakit ni isang record na magpapatunay na masama s'ya ay wala?! Hindi naman kaya...
At iisa lang ang naiisip ni Minaru na posibleng dahilan...
Hindi kaya hindi lang mga estudyante ang namamanipula n'ya? Hindi kaya pati ang mga professors? Imposible naman na hindi gagawa ng aksyon ang mga teachers para disiplinahin ang gaya n'ya. Maliban na lang kung natatakot din sila sa kaniya?
At dahil sa mga naisip niyang ito kaya bigla siyang nakapagsalita nang...
"Humanda sa akin ang Black Prince na 'yon! Hindi ako papayag na patuloy n'yang pasunurin ang mga tao sa paligid n'ya sa pamamagitan ng takot! Humanda talaga s'ya! Makikita n'ya!"
"At sinong maghahanda sa iyo?"
Isang malamig at makapanindig-balahibong tinig ang narinig ni Minaru na nagsalita mula sa kaniyang likuran. Mabilis naman na lumingon ang dalaga kung saan nakita niyang nakatayo ang binansagan nilang Black Prince ng Gangawa na may nanlilisik na mga mata sa kaniyang likuran.
"I-ikaw...!"
"Mukhang abalang-abala ka sa paghahanap ng butas sa akin ano?" Sinabi ito ng binata habang nakabaling ang mga mata niya sa mga tumpok ng mga papel.
"Anong ginagawa mo rito! Hindi mo ba alam na Authorized Person lang ang pwede d
rito?!"
"Kasama ko naman ngayon sa kuwartong ito ang Authorized Person na sinasabi mo. At ikaw 'yon. Kaya pwede kong sabihin na isinama mo ako rito para makatulong mo bilang parusa ko sa pakikipag-away ko sa isang walang kwentang Peace Officer."
Pumilanting ang tainga ni Minaru sa mga sinabi ng binata. Pero kahit gustung-gusto niyang sagutin ito, hindi naman niya magawang maibuka manlamang ang kaniyang bibig o makapag-isip ng magandang salitang ipambabara niya sa binata.
Kaasar! Bakit hindi ko manlang magawang kontrahin ang mga sinabi n'ya?!
At para lang may masabi ang dalaga sa alanganin niyang kalagayan ay ganito ang kaniyang sinabi sa binata.
"Pwede kang magdiwang Black Prince! Pero hindi 'yan magtatagal. Sisiguruhin ko na ako ang kauna-unahang tao na magiging dahilan ng kauna-unahan mong Bad Record! Hindi ako titigil hangga't hindi ka napaparusahan ng tama!"
Sa lahat ng mga matatapang na banta na binitawan ni minaru ay wala ni isa man sa mga iyon ang ikinabahala ng binata. Sa halip na magpakita ng takot, nanatiling kalmado ang binata at parang wala lamang sa kaniya ang mga sinabi ni Minaru sa kaniya. At ang bukod-tangi lamang niya na naging reaksyon ay isang makahugan at matalim na ngiti.
"'Yon lang ba ang sasabihin mo?" Halatang nang-aasar ang tanong ng binata sa dalaga. "Akala mo ba matatakot ako ng ganoon lang?"
"Hindi ako nananakot. Sinasabi ko lang sa iyo na maghahanap ako ng anumang ebidensyang magagamit laban sa iyo!"
"Paano kung mahanapan din kita ng butas? Kung hindi mo naitatanong, sa parteng iyan ako mahusay."
Hindi agad nakapag-salita ang dalaga at agad na mababasa sa mukha niya ang salitang...
Anong sabi mo?
"Hindi mo siguro ako naintindihan ano? Tulad ng inaasahan k, mukhang mahina kang pumik-up."
"A-anong sabi mo?!"
"'Yan mismo ang ibig kong sabihin, walang utak."
Mas lalong hindi nakapingol ang dalaga sa sunud-sunod na banat sa kaniya ng binata. Hindi nagtagal ay nagpasiya narin ang binansagang itim na prinsipe ng Gangawa na umalis. Ngunit bago siya tuluyang lumisan ay nakapag-iwan pa siya ng ganitong kataga sa dalagang kausap.
"Payo ko sa iyo, simulan mo na ngayon ang paghahanap ng maikakaso mo sa akin. Dahil ilang araw lang ang bibilangin para magawa kong ilantad sa buong eskwelahan ang sikreto mo."
"Bina-black mail mo ba ako huh?!"
"Isa 'yong paalala. Ikaw? Kung gusto mong isipin na Black Mail 'yon, bahala ka."
Tuluyan nang tatalikuran ng binata ang dalaga at iniwan niya ito na may matinding pagkagulat sa mga mata. Mas lalo tuloy naging palaisipan sa kaniya ang binatang tinatawag ng lahat na Itim na Prinsipe ng Gangawa at kung ano ba talaga ang kaya nitong gawin sa kaniya.
S-sino ba talaga ang...taong iyon?
*****
Crunch! Crunch! Crunch!
Ibinaling lahat ni Minaru ang kaniyang yamot sa pagkain. Umorder siya ng apat na malalaking hiwa ng pritong manok, anim na corn dogs, dalawang platito ng paborito niyang shrimp tempura at panghimagas na cupcakes.
"Grabe, kailan ang bitay mo Mina?"
Iyon agad ang naging puna ni Mikan kay Minaru matapos nitong makita ang kaibigan na para bang bibitayin na mamaya sa dami ng pagkaing nakahain sa tray nito.
"Huwag mo nga akong pakialaman! Nai-i-stress ako! Gusto kong kumain ng kumain!" Sinasabi niya ang mga salitang ito habang punung puno ang kaniyang bibig.
"At bakit ka naman nai-stress girl? Ah! Huhulaan ko, si Yuri? Meron ka na naman bang ginawa na nakakahiya sa harapan n'ya?"
Nilunok muna ni Minaru ang nginunguya niyang hipon at saka sumagot sa tanong ng kaibigan.
"Ano ka ba? Kung si Yuri ang dahilan, e 'di sana hindi ako nakakakain ngayon!"
Kinuha ni Minaru sa planto ni Mikan ang natira nitong sandwich na halos di nito nagalaw.
"Akin nalang 'to. Sinasayang mo lang 'yong pagkain eh."
"Akala ko kasi masarap. Lasang panis naman pala."
At saka ininom ni Mikan ang kaniyang biniling milk tea. Pagkatapos niyon ay saka niya muling inusisa ang kaibigang si Minaru tungkol sa totoong dahilan ng ikinikilos nito.
"Eh bakit ka nga ba na-stress? Hindi pala si Yuri ang dahilan. Eh sino?"
Nanlisik bigla ang mga mata ni Minaru habang nakatingin siya sa isang sulok ng kantina. Nagtaka naman si Mikan kung sino at ano ang tinitingnan doon ng kaibigan kung kaya ipinaling niya doon ang kaniyang sulyap.
"Oh...my...G! Si Black Prince?"
Ibinagsak ni Minaru ang kaniyang kamay sa kanilang mesa at halos tumalon ang lahat ng nakapatong doon na gamit dahil sa lakas ng pagkakabagsak ng kaniyang kamay.
"Ang lakas ng loob n'yang pagbantaan ako na ilalantad daw n'ya ang sikreto ko sa buong school! Eh ano naman kaya ang ibubunyag n'yang sikreto ko aber?!" Nanggagalaiti sa inis na sinabi iyon ni Minaru. "Akala ba n'ya natatakot ako sa mga pagbabanta n'ya?! Hmp! IN HIS DREAMS!"
Pinagmasdan nilang pareho mula sa kanilang puwesto ang binata na nag-iisa sa isang sulok ng kantina. Nag-iisa ito roon dahil walang estudyante na nais umupo sa mesa kung saan siya kumakain at wala ni isa man sa kanila ang nais na lumapit.
"Parati n'ya 'yang ginagawa." Biglang imik ni Mikan habang pasimpleng nakasulyap sa binata na mag-isang nagtatanghalian. "Gustung-gusto n'ya na parating nasa isang sulok at pinanlilisikan ng mga mata ang sinumang lalapit sa kaniya. Alam mo 'yon? Bawal kang lumapit sa kaniya sa loob ng 50 meter radius."
"At may sukat pa talaga huh..." Komento ni Minaru sa sinabi ng kaibigan. "Huh! Kahit na ano pa 'yan! Humanda s'ya. Sa oras na gumawa s'ya ng kalokohan, huhulihin ko s'ya!"
At hindi pa nagtapos ang araw na iyon sa ganoon lamang. Nagpatuloy ang mga pangyayari sa oras ng kanilang subject na P.E.
"Base ball?"
Napatanong bigla si Minaru matapos niyang malaman na base ball ang kanilang lalaruin.
"Akala ko pa naman volley ball ang game natin ngayon?"
"Ano ka ba naman Mina, sa susunod na linggo pa 'yon. 'Yan kasi, ang laman parati ng isip mo puro panghuhuli ng mga pasaway. At kung hindi naman, ang nasa isip mo ay si Aikawa, at kung hindi naman si Aikawa, hayan!"
At pasimpleng itinuro ni Mikan si Black Prince na tulad ng dati ay nakatayo lamang sa isang sulok.
"Si Dan Fujisawa."
"S'ya?!" Daig pa ni Minaru ang nakarinig ng nakakadiring bagay matapos mapunta ang usapan nila sa binata. "'Yong taong 'yon iisipin ko? Bigyan mo naman ako ng kahit kaunting kahihiyan. HELLO!"
Ilang sandali pa ay dumating na ang kanilang P.E Teacher at agad na nagbigay ng hudyat sa pagsisimula ng kanilang klase sa pamamagitan ng pagpito.
Prrrttt!
Pagkatapos ay tinawag ng guro ang atensyon ng kaniyang mga estudyante.
"Sinong gustong maging Batter!"
Wala ni isa man sa mga estudyanteng naroon ang nagboluntaryong maging batter.
Hanggang sa...
"Ako."
Nagsi-atrasan agad ang lahat nang makita nila kung sino ang nag-boluntaryo na maging batter sa larong baseball.
"Si--si BLACK PRINCE!"
"Patay na, mamamatay na tayong lahat!"
Ang kanila namang guro, palibhasa ay kilala ang binata, ay nag-aalangan na gawin siyang batter sa laro kaya...
"Ah--ah, w--wala na bang g-gustong mag v-volunteer? B---bukod kay Fujisawa...?"
Hindi naman ikinatuwa ni Dan, ang Black Prince, ang sinabi ng kanilang guro kaya agad siyang lumapit at sapilitang hinablot ang baseball bat mula sa guro.
"Wala nang magbo-volunteer." Matigas nitong sinabi. Nangilabot naman sa takot ang kanilang guro at wala itong nagawa kundi ang hayaan ang binata na maglaro bilang batter.
"S--sige! I--i---i--ikaw na lang!"
Dahil doon kaya lalong nagsi-atrasan ang kanilang mga kamag-aral dulot ng takot.
"Dapat talaga lumipat na ako ng ibang klase. Ay hindi, ibang eskwelahan pala dapat. 'Yong malayo sa Black Prince na 'yan!"
"Sinabi mo pa. Nakakatakot kasi siya eh."
Nakita itong lahat ni Minaru. At sa tingin niya ay iyon na ang pinakamagandang pagkakataon para makakita ng lahat ang itinatagong kasamaan ng binata.
Ito na. Ito na ang pagkakataon ko! Magagawa ko narin s'yang mahuli sa pagkakataong ito!
Kaya naman...
"Teacher!"
Nagtaas ng kaniyang kamay ang dalagang si Minaru na ikinagulat ng lahat.
"Ako na lang po ang magiging pitcher!"
Dahil sa pagpiprisinta ni Minaru kaya ang kaniyang mga kaklase ay nakahanap ng pag-asa sa pamamagitan niya.
"Whoah! Si Nagato! Ligtas na tayo!"
"Yehey!"
"Hulog ka talaga ng langit Nagato!"
Mas lalo tuloy na hindi ikinatuwa ng binatang si Dan sa ginawang pagpiprisinta ni Minaru para maging pitcher.
Gusto talaga ng aso na ito ng gulo.
Pumuwesto na ang lahat ng kasali sa laro kung saan ang highlight ay ang muling paghaharap ng binansagang Black Prince ng Gangawa na si Dan at ang Presidente ng Peace and Order Brigade na si Minaru. Hindi paman nag-uumpisa ang laro ay balot na ng matinding tensyon ang buong baseball field. Hindi halos humihinga ang mga manonood, ganoon din ang mga kasali sa laro.
"Go Mina! Nasa likod lang ako! I'll support you Girl!" Hiyaw ni Mikan na nasa bench area at handa nang kunan ng litrato ang mga kaganapan.
Hindi nagtagal ay nag-umpisa nang umihip ang pinagsamang mainit at malamig na hangin sa paligid na sumabay sa nag-uumpisa narin na giriian sa pagitan ng dalagang si Minaru at ng binatang si Dan.
Dahan-dahan na inangat ni Minaru ang kaniyang dalawang kamay hawak ang bola upang ibato ito sa binata.
"Saluhin mo ito!"
Kitang kita ang pagliyab ng mga mata ni Minaru kasabay ng paghagis niya ng bola ng buong lakas.
"Haaahhh!!!"
Bigay-todo na binitawan ni Minaru ang bola at halos kasing bilis ito ng bala at nagliliyab pa. Ngunit hindi makikitaan ng anumang pagkagulat o takot ang binatang si Dan na siyang tatanggap ng pag-atake. Sa halip, humikab lamang ito at hindi pinalo ibinato sa kaniya na bola.
"Strike One!"
Ipinagtaka naman ni Minaru ang ginawa na iyon ng binata.
Hindi n'ya tinira!
Kaya naman mas lalong nanggigil si Minaru at sa ikalawang pagkakataon ay muli niyang pinakawalan ang bola na mas mabilis kumpara kanina.
Ngunit imbis na paluin ni Dan ang bola ay muli niya itong pinalampas.
"Strike Two!"
"Anong!"
Nag-uumpisa nang mainis ang dalaga sa ginagawang pananadya ng binata na hindi seryosohin ang kanilang laro.
"Hoy!" Galit na sita ni Minaru sa binata. "Nananadya ka ba?!"
Pero imbis na sagutin ang dalaga ay ngumisi pa ito; ngisi na para bang nang-aasar habang nakapatong sa balikat niya ang baseball bat na animo'y nanghahamon ng duwelo.
"Sige, tumira ka."
Lalo lamang nagngitngit sa inis si Minaru at padaskal na sumagot.
"Humanda ka!"
Muling inihagis ng dalaga ang bola. Sa pagkakataong iyon ay bigay-todo niya itong ibinato. Triple sa ginawa niya kanina. Halos mapanganga ang mga nanonood dahil sa matinding paghanga.
"Grabe! Ang bilis!"
Ngunit laking gulat ng lahat na walang kahirap-hirap na hinataw ni Dan ang bola at dumiretso ito sa kumpol ng mga tao na nasa likuran na nagresulta para matamaan ang mga ito na parang mga bowling pins at sabay-sabay na bumulagta sa lupa.
"Awww! ANG SAKIT!"
"A-ambulansya, -kailangan namin ng AMBULANSYA!"
Maski si Minaru ay nabigla. Wala siyang nagawa kundi ang matulala dahil sa nangyari. Walang kahirap-hirap na naka home run ang binata na naglakad lang imbis na tumakbo.
"Walang kuwenta. Ayoko nang mag-laro."
Pagkatapos ay kinuha ni Dan ang kaniyang mga gamit na nasa isang tabi at tinangka nito na umalis. Hindi naman pinalampas ni Minaru ang nangyaring iyon kaya dali-dali niyang hinarap ang binata at sinigawan ito upang huminto.
"Hoy! Black Prince!"
Nilingon naman ni Dan si Minaru na may matatalim na titig.
"Bakit mo pinapunta sa mga tao 'yong bola! Hindi mo ba nakita?! Nasaktan sila sa ginawa mo!"
"Sapat na bang dahilan 'yan para ipakulong mo ako sa munti mong kulungan? Huh, Police DOG?"
"A---anong...Police Dog?!"
"Naglalaro tayo. Hindi ko na kasalanan kung tamaan sila ng bola. Ba't di sila umiwas? Wala ka talagang utak."
At aka nito tuluyang tinalikuran si Minaru. At dahil doon kaya mas lalong nanggalaiti sa galit ang dalaga, galit na sukdulan hanggang kalawakan.
"Argr! Kainis! Kainis! KAINIS!"
At para bumaba ang init ng ulo ng dalaga, agad siyang dumiretso sa wash room at hinayaan ang malamig na tubig mula sa gripo na umagos sa kaniyang ulo.
Nakakaasar! Lagi s'yang nakakakuha ng pagkakataon na makalusot! Para s'yang serial killer sa mga sikat na horror/suspense/thriller na napakahirap mahuli!
Pagkatapos niyang maghilamos ay agad siyang pumunta sa kanilang locker room para magpalit. Kumuha lang siya ng mga damit at saka dumiretso sa ladies room. Naiwan niyang bukas ang kaniyang locker kung saan nakalagay ang ilang sa mga personal niyang gamit, kabilang ang kaniyang Diary.
Ang hindi alam ng dalaga ay palihim pala siyang sinundan doon ni Dan. Iyon ang pinakamagandang pagkakataon para maisagawa ng binata ang kaniyang mga balak.
Maingat siyang lumapit sa bukas na locker ng dalaga at naghanap ng anumang bagay na pwede niyang makuha. Hanggang sa makita niya ang Diary ng dalaga. Kinuha niya ito at binuklat.
"Aba, mukhang may pag-uusapan na malaki ang buong eskwelahan bukas."
Sa wakas, lumabas din ng banyo ang dalaga. Ngunit hindi na niya naabutan doon ang binatang si Dan. Ni hindi nga nito napansin na may nawawala na pala sa kaniyang mga gamit. Agad na siyang nagbihis at pagkatapos ay saka niya isinara ang kaniyang locker at nagmadaling umalis.
Kinabukasan....
Maagang pumasok ng paaralan si Minaru para ayusin ang ilang mga papeles sa kanilang opisina sa POB. Paraan niya rin iyon para makalimutan niya ang nangyari sa kanilang paghaharap ni Dan na nagbigay sa kaniya ng matinding stress at dagdag na wrinkles.
"Hay, ayoko na talagang maalala ang nangyari kahapon. Lalo lang nag-iinit ang ulo ko sa tuwing naiisip ko ang lalaking iyon, kahit maisip ko lang ang hibla ng nakakainis niyang buhok nayayamot na talaga ako!"
Maayos at tila ba payapa pa ang lahat noong una. Ngunit bigla itong nagbago matapos niyang mapansin na tila ba may pinagkakaguluhan ang mga mag-aaral sa kanilang bulletin board.
Uy, anong meron?
Nasa bungad pa lang ang dalaga nang mapansin niya ang mga mata ng mga estudyante na nakatitig sa kaniya ng makahulugan at pasimpleng nagbubulungan habang nakasulyap sa kaniya.
Hayan na s'ya...
Hindi talaga ako makapaniwala...
Bahagyang kinilabutan ang dalaga dahil sa kakaibang pagtitig sa kaniya ng mga mag-aaral ng Gangawa. Kaya naman minabuti niyang maki-usiyoso sa mga nagkukumpulang estudyante sa tapat ng bulletin board.
At sa isang iglap ay nawasak na parang kristal ang lahat para sa dalaga lalo na nang makita niyang nakapaskil sa bulletin board ang isang pamilyar na piraso ng papel na may nakasulat na mga ganitong kataga:
Dear Diary,
Kilig na kilig talaga ako (as in super!) kanina dahil nakita ko na naman ang aking prinsipe na si Yuri! (^o^) Binati nya ako kanina habang nasa Hall Way kami. Sobrang kilig! Nagawa kong bitawan ang hawak kong Science Project kaya hayun----nasira tuloy (Hay....) Pero di bale, babawi nalang ako sa susunod. Ang importate...nakita ko si Yuri, at masaya na ako roon...
Sige na nga! Hanggang dito nalang.
Love, Mina
Hindi makapag-salita si Minaru dahil sa labis na pagkagulat. At habang nasa kalagitnaan siya ng kaniyang shock ay ganitong mga bulungan na narinig niya.
Mukhang s'ya nga yata ang sumulat n'yan. Tingnan mo naman ang reaksyon n'ya? Grabe, nakakaloka!
At nakakahiya 'yan. Akalain mo? Patay na patay pala siya kay Aikawa? Ang dami paman din ang nagkakagusto kay Aikawa. Siguradong lagot s'ya. Kukuyugin s'ya tiyak ng mga nagkakagusto kay Yuri.
Dahil sa mga narinig niyang mga bulung-bulungan at lantarang kahihiyan ay agad na inalis ni Minaru ang nakapaskil na papel sa bulletin board at tumakbo papunta sa kanilang locker area. Agad niyang binuksan ang kaniyang locker at hinalungkat ang lahat ng kaniyang mga gamit. Ngunit wala roon ang kaniyang Diary.
"H--hindi..."
Biglang nawalan ng lakas ang mga binti ng daga at doon na umagos ang kaniyang mga luha habang nakakuyom sa kaniyang palad ang papel na kinuha niya mula sa bulletin board. Kulang na lang ay dumugo ang kaniyang mga labi dahil sa matinding panggigigil dulot ng matinding kahihiyan.
"Kung sino man ang may kagagawan nito, ISA S'YANG HALIMAW! Humanda s'ya sa akin, HUMANDA S'YA!"
END OF CHAPTER THREE