Chereads / Minaru's Quest / Chapter 5 - Vol. 1 Quest Four: "Darker than Black"

Chapter 5 - Vol. 1 Quest Four: "Darker than Black"

Tumunog na ang bell, hudyat na mag-uumpisa na ang pang-umagang klase. Isinara na ni Minaru ang kaniyang locker at pumunta na sa kanilang silid habang ang kaniyang mukha ay daig pa ang unos na nagngingit sa inis. At tulad ng kaniyang inaasahan, lahat ng mga mata ay nakatitig sa kaniya; mga titig na tagusan hanggang sa kaniyang kaluluwa at walang ibang laman kundi pangungutya.

"Hindi ako makapaniwala, crush n'ya si Yuri Aikawa ng Section 1!"

"Oo nga, nakita ko din 'yong diary niya na nakapaskil sa bulletin board kanina. Malamang na nakita na iyon ni Aikawa. Ano kaya ang magiging reaksyon n'ya sa oras na malaman niyang may gusto sa kaniya si Nagato. I mean, hindi babae kumilos si Nagato at obyus naman na 'di s'ya 'yong tipo ng babae na papatulan ng isang gaya ni Aikawa."

"Hay naku, sinabi mo pa."

Nang marinig ito ni Minaru ay hindi niya napigilan ang kaniyang sarili. Walang babala niyang hinila ang kaniyang silya at ibinagsak ito sa sahig na naging dahilan para magulantang ang kaniyang mga kaklase.

"S--sinong gumawa niyon?!"

"Si Nagato!"

Dahil sa ginawang eksena ni Minaru kaya nanahimik sila at hindi na lang nagpahalata kay na pinag-uusapan parin nila ang dalaga nang patalikuran.

"Nakakatakot siya."

"Guilty kasi kaya siya nag-reak."

Nairaos naman ni Minaru ang buong araw nang maayos kahit na para bang wala nang katapusan ang kahihiyan na kaliwa't kanan niyang natanggap mula sa mga tao. Kulang na nga lang ay ipanalangin ng dalaga na sana'y lamunin na lang siya ng lupa at hindi na iluwa pa para naman maisalba pa niya ang natitira niyang dangal para sa kaniyang sarili.

"Kung pwede lang sana na maglaho, kanina ko pa sana ginawa."

At para malibang at mapunta sa iba ang kaniyang atensyon, minabuti niyang bumisita sa Student Council Office para kuhanin ang ilan sa mga gamit niya na naiwan para ilipat sa POB Quarters. Subalit maski roon ay hindi rin siya tinantanan ng isyu at tsismis tungkol sa nangyaring eskandalo sa katauhan naman ng numero uno sa kanilang grupo pagdating sa pang-aasar, si Kei.

"CONGRATS MINA!"

Napakasigla pa ng naging pagbati ni Kei sa dalaga sa kabila ng tila nagluluksang mukha ni Minaru dahil sa nangyaring eskandalo sa kaniya.

"Hindi parin ako makapaniwala na hindi ka pala isang TOMBOY, babae ka rin naman pala! Akalain mo?! Nagulat talaga ako na may gusto ka pala sa presidente natin? Ang galing mong magtago huh?! Di ko agad napansin 'yon! Kung sa bagay, kilos lalaki ka kasi kaya paano ko nga naman mapapansin?"

Dahil sa mga sinabi ni Kei kaya lalong nagdilim ang paningin ni Minaru dahil sa inis. Walang anu-ano'y ibinunton ng dalaga ang inis niya sa walang kamalay-malay na book shelf na nananahimik sa kaniyang tabi at iyon ang kaniyang pinag-initan. Binuhat niya iyon at agad na ibinato sa direksyon ni Kei. Maswerte naman na naka-iwas ang binata, ngunit dahil doon kaya agad siyang napa-upo dulot ng matinding takot sa biglaang pagsabog ng galit ng dalaga.

"Kung wala kang masabi na matino, manahimik ka na lang at huwag na huwag mong tatangkain na ibuka 'yang bibig mong 'yan!"

"O--okay..."

At dahil wala namang mapapala na maganda si Minaru sa pananatili niya sa Student Council Office kaya nagpasiya na siyang umalis na lang din para magpalamig ng ulo sa ibang lugar. Ngunit mas lalo pang nakasama iyon para sa kaniya dahil mas lalo lamang niyang naramdaman na nag-iisa siya't walang kakampi para siya ay damayan.

"Nasira nang lahat..."

Pabilis ng pabilis ang lakad ni Minaru noong mga oras na iyon, pero hindi pa niya alam kung saan siya dadalhin ng kaniyang mga paa.

"Malamang na sa mga oras na ito, alam na rin ni Yuri ang lahat."

Kusang gumalaw ang mga paa ni Minaru at nagpasiya ang mga ito na tumakbo hanggang sa layo na kayang maabot ng kaniyang mga binti.

"Lahat ng pinaghirapan ko para lang unti-unti kong maiparamdam kay Yuri na gusto ko s'ya, lahat nang iyon ay nasira nang lahat!"

Sa kakatakbo ni Minaru ay hindi niya namalayan na nakarating na pala siya sa roof top ng kanilang paaralan. Doon ay pinili niyang magpahinga at doon narin siya naglabas ng kaniyang sama ng loob sa pamamagitan ng pag-iyak.

"Kung sino man ang gumawa nito sa akin, isinusumpa ko na BABALATAN KO S'YA NANG BUHAY! At sa oras na nabalatan ko na s'ya ng buhay, ILULUBOG KO S'YA SA SUKA para maging KINILAW at saka ko siya ipapakain sa ASO!"

Sa kalagitnaan ng kaniyang pagiging emosyonal ay saka naman niya biglang ginulat ng isang pamilyar na tinig na agad naman na nagpakulo sa kanina pa niyang mainit na dugo.

"Wow, nakakatakot naman pala ang gagawin mo sa akin. Ang tanong lang ay kung kaya mo?"

Mabilis na lumingon si Minaru at kinilala ang lalaking nagsalita.

"Ikaw?!"

Dahil sa tindi ng kaniyang gigil, hindi napigilan ni Minaru na sumugod para bigyan ng malutong na suntok ang binata. Ngunit imbis na mukha ng binata ang kaniyang nasuntok, ang sumalo nito ay ang kamay ng binata na parang wala lang ito sa kaniya.

"Wala na talaga akong masabi, malakas ka. Kung sa iba ko ito ginawa, malamang kanina pa nadurog ang kamay nila."

At habang pinipiga ni Dan ang kamao ng dalaga ay saka naman niya inilabas ang kaniyang alas, ang diary ng dalagang si Minaru.

"Alam mo bang naaliw ako nang husto sa pagbabasa nitong nakakatuwa mong diary? Hindi ko akalain na may mas malala pa pala sa mga babaeng humahabol sa Aikawa na iyon. At iyon ay walang iba....kundi ikaw."

"MANAHIMIK KA!"

Puwersahang kumawala si Minaru sa mga kamay ni Dan. Mabilis siyang sumugod kay Dan gamit ang isa pa niyang kamay ngunit mabilis ding nahuli at napilipit ni Dan hanggang sa hindi na siya makagalaw pa.

"Binalaan na kita hindi ba?" Ang sabi ng binata sa dalaga. "Ilalantad ko ang sikreto mo. Pero hindi ka parin nag-ingat. 'Yan ang napapala ng mga taong kumakalaban sa akin. Pasalamat ka at ganito lang ang ginawa ko sa iyo. Dahil kung hindi ka lang BABAE, mas masaklap pa rito ang aabutin mo."

Nagpantig ang tainga ni Minaru kasabay ng kaniyang pagpalag. Inigwas niya ang kaniyang mga kamay at pwersahang kinuba ang diary niya sa kamay ng binata. Ngunit nakagawa agad ng pangontra si Dan kay Minaru sa pamamagitan ng ambang pagtatapon niya sa diary mula sa kanilang kinalalagyang roof top papunta sa kalupaan kung saan siguradong pupulutin iyon nang lasug-lasog na.

"Gusto mong makuha ito hindi ba? Sige, kunin mo."

Gustung-gusto ni Minaru na sugurin ang binata, saktan ito at kung anu-ano pa. Ngunit pinipigilan pa ni Minaru ang kaniyang sarili dahil sa pagbabanta ng binata na itatapon ang kaniyang diary diretso sa sementadong ground floor ng gusali.

"Ano pang hininhintay mo?" Mapanghamon na tanong ni Dan sa dalaga. "Kunin mo na sa akin itong diary mo."

Pigil na pigil parin na si Minaru na gumawa ng anumang pagkilos na maaaring maging marahas. At dahil doon kaya mas lalo siyang nanggigil at halos mangilid pa nga ang luha sa kaniyang mga mata dahil sa matinding inis.

"Ano bang gusto mo huh, Black Prince!" Galit na tanong ng dalaga sa binata.

"Bakit? Iiyak ka na ba? Hindi ito mangyayari kung hindi mo ako kinalaban. Ayaw ko sa mga taong nangingi-alam ng buhay ng iba, at lalong higit sa lahat, ayaw ko sa mga tulad mo na walang ibang alam kundi ang dumakda. Mas maingay ka pa sa ASO."

"Mas lalo namang ayaw ko sa iyo!" Bulyaw ni Minaru sa binata. "Isa kang HALIMAW! Ang akala mo ba'y matatapos lang sa ganito anv lahat?! Bakit? 'Yan lang ba ang kaya mong gawin huh, Black Prince?! Pwedeng napahiya mo nga ako sa buong school nang dahil sa diary ko. Eh ano naman kung alam na ng lahat ang sikreto ko! Hindi parin nito mababago ang katotohanan na ikaw itong MASAMA! Na wala kang magawa sa buhay mo kundi ang balutin sa takot ang mga tao!"

Unti-unting nakita sa mukha ng binatang si Dan ang matinding iritasyon dulot ng mga sinabi ng dalaga.

"Pare-pareho lang naman kayong lahat."

Asa isang iglap ay binitawan ng binata ang Diary. Kitang kita ni Minaru kung paano ito dahan-dahan na umangat sa ere at ngayo'y nagbabadyang magkalasug-lasog sa sandaling bumagsak ito sa lupa.

"Hindi! Ang diary ko!"

Kusang gumalaw ng mabilis ang katawan ni Minaru. Tumakbo siya pasulong at saka tumalon ng mataas para saluhin ang kaniyang diary sa ere. Nanlaki naman ang mga mata ng binatang si Dan nang makita na walang takot na tinalon ng dalaga ang napakataas nilang kinalalagyan para lang sa isang kuwaderno kahit pa malagay sa alanganin ang sarili nitong kaligtasan.

"Baliw ba ang babaeng ito?!"

Nagawa naman na makuha ni Minaru ang kaniyang diary sa ere at agad itong niyakap. Ngunit tulad ng inaasahan, hindi na natantiya ni Minaru ang kaniyang distansya mula sa gilid ng roof top at diri-diresto siyang bumulusok papunta sa kalupaan.

"Katapusan ko na yata ito!"

Napapikit na lamang ang dalaga at nanalangin sa kaniyang loob.

"Yuri!"

Ngunit laking gulat ni Minaru nang may makita siyang malaki at mabilis na bagay na bumulusok pababa mula sa taas kung saan siya nagmula.

"A-ano iyon?!"

At mas lalo siyang nagitla sa kaniyang napagtanto na ang nakita niyang tumalon mula sa roof top ay walang iba kundi si Dan. Mabilis na bumulusok pababa ang binata at mas nauna pa itong nakalapag sa lupa na nakatindig pa at hindi manlamang napinsalaan. Ibinuka ni Dan ang kaniyang mga kamay at mabilis na sinalo ang dalaga na ilang sigundo na lang bago ito tuluyang humampas sa sementadong sahig. Ramdam na ramdam ni Minaru kung paano dumagundong ang kanilang kinatatayuan nang sinalo siya ng binata, at pakiramdam niya ay para lamang siyang nasa isang panaginip na hindi niya malaman kung paano paniniwalaan.

"A-anong...nangyari?"

Napatingin si Minaru sa mukha ng binata at kitang kita niya na nanatili parin itong kalmado sa kabila ng makapigil-hininga nitong eksena at buwis-buhay na pagsagip nito sa kaniya.

"I--iniligtas niya ako?"

Nananatili parin siyang karga ng binata gaya ng isang prinsesa sa isang fairytale kung saan iniligtas ng isang matapang na prinsipe ang isang nanganganib na prinsesa. Subalit hindi ito ang inaasahan ng dalaga, hindi ang binatang binansagan ng lahat na Black Prince ang iniisip niyang sasagip sa kaniya.

"Bakit...s'ya?"

Kaya naman agad na nagpumiglas ang dalaga upang makawala mula sa mga braso ni Dan at...

"Ibaba mo ako! Ibaba mo ako!"

At dahil nabibigatan narin ang binata sa pagkarga nito sa dalaga kaya...

"O hayan!" at bigla niya itong binitawan. Lumagapak sa matigas na sahig ang puwitan ng dalaga, dahilan para masaktan ito ng labis.

"ARAY!"

Pagkatapos na masaktan ay mabilis rin naman nakabawi ang dalaga at agad na tumayo kasabay ng malakas na bulyaw at nagngingitngit sa galit na mukha.

"IKAW! Bakit mo ako binitawan?!"

"Ang linaw ng sinabi mo, hindi ba? Bitawan mo ako! Edi binitawan nga kita."

"Pwede mo naman akong ibaba ng maayos ah! Bakit mo ako basta-basta na lang binitawan!"

"Dahil mabigat ka. Nakakangalay ka kaya sa braso! At saka ako dapat ang magalit, hindi ikaw! Sino bang matino ang utak ang tatalon mula sa roof top dahil lang sa isang diary?!"

Sandaling nahinto ang kanilang pagtatalo at pareho silang hindi makatingin sa isa't-isa.

"Kasalanan mo dahil binitaan mo ang diary ko. Hindi ko kailangang mag-pasalamat sa iyo dahil kung hindi mo kinuha ang diary ko at itinapon mula sa roof top, hindi ko iyon gagawin." Iyon na lang ang nasabi ni Minaru habang pilit na umiiwas na magkatagpo ang mga mata nila ng binata. Hindi na lang din umimik pa ang binatang si Dan. Minabuti pa niya na talikuran na lang ang dalaga hanggang sa tuluyan na nga siyang nawala sa paningin ng dalaga.

"Halimaw talaga siya."

Iyon na marahil ang pinaka kakaibang karanasan na naranasan ng dalagang si Minaru. Iyon din ang unang beses na may lalaking sumagip sa kaniyang buhay. Ngunit ang masaklap, hindi naman ang taong iyon ang gusto niya na magligtas sa kaniya, kundi ang itinuturing niya na kaniyang nag-iisang prinsipe na si Yuri Aikawa.

*****

"BALIW KA BA?!"

Ganito agad kataas ang naging singhal ni Mikan sa kaniyang kaibigan na si Minaru nang ikinuwento nito ang nangyari sa kanila ni Dan sa roof top ng eskwelahan.

"Bakit mo naman ginawa iyon! I mean, sinong matino ang isip ang tatalon sa roof top para lang sa isang diary?!"

Kasalukuyan silang nasa school garden nang mga oras na iyon para sa kanilang klase sa home economics at abala ang lahat sa pag-aayos ng kani-kanilang mga tanim na gulay. Ganoon din ang pinagkakaabalahan nina Mikan at Minaru na nag-uumpisa nang mag-harvest ng kanilang mga tanim na patatas.

"Hindi lang 'yon basta diary, Mikan! Araw-araw, sinisigurado ko na naisusulat ko sa diary na iyon ang pangalan ni Yuri dahil sabi ng mga matatanda sa amin, kapag may gusto kang tao na gusto mong magkagusto rin sa iyo, kailangan mong isulat sa isang tala-arawan ang pangalan ng taong iyon ng isang daang beses! At wala dapat laktaw! At wala dapat mapupunit ni isa mang pahina para maging epektibo 'yon!" pagtatanggol ni Minaru sa kaniyang sarili.

"Kung totoo man 'yan girl, sana noon pa! Hello! Ilang beses mo na bang naisulat ang pangalan ni Aikawa sa diary mo, sige nga?! May nangyari ba?! Diary lang 'yon girl, buwis-buhay ka naman agad!"

"Hindi lang naman iyon ang punto Mikan..." dagdag na katwiran ni Minaru. "Alam na ngayon sa buong school ang sikreto ko nang dahil sa HALIMAW na Black Prince na iyon! Tingin mo makakaharap pa ako ng matino kay Yuri?! Baka nga siguro anino pa lang n'ya ang makita ko siguradong matataranta na ako kung saang lugar ko itatago ang sarili ko dahil sa matinding kahihiyan! Ni hindi ko alam kung ligtas paba na lumabas ako d'yan sa gate ng school dahil sa mga galit na galit na fan girls ni Yuri! Buhay ko ang diary na iyon, at lahat nang iyon ay nasira lahat nang dahil sa lalaking...argr!!!" Gigil na gigil si Minaru na sinambit ang mga iyon habang pinag-iinitan niya ang mga patatas na kanilang inaani. Agad naman na inagaw sa kaniya ni Mikan ang mga pinanggigigilan nitong mga patatas at sinabing...

"Hoist, huwag mong ibaling sa mga patatas na ito ang problema mo sa world, okay? Wala na tayong magagawa sa bagay na iyan, nand'yan na iyan eh. Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay kung paano nakuha ni Black Prince ang diary mo nang ganoon kadali. Maliban na lang kung...naging pabaya ka rin?"

At doon na nga lubos na napagtanto ng dalaga ang lahat, kung saan may isang beses na nakaligtaan niyang isara ang kaniyang locker, at nangyari iyon noong katatapos lamang nilang magharap sa larong Baseball ng binatang si Dan (see Quest Three).

"Ang tanga ko, naaalala ko na ngayon ang lahat. Naiwan ko ngang bukas noong araw na iyon ang locker ko, at malamang na iyon ang nakita niya na pagkakataon para nakawin ang diary ko na nakatago sa Locker ko."

"Aha! Kita mo na? Mukhang naging pabaya ka nga, kaya n'ya nakuha ang diary mo."

"H—hindi ah! Sadyang magnanakaw lang talaga s'ya!"

"Girl, kilala ng lahat si Black Prince na mahirap kalaban. Takot sa kaniya maski ang mga taga-labas. Tapos ikaw, ikaw na isang napakatapang na babae na kulang na lang ay magsuot ng cape ni Super Woman ay kinalaban ang isang halimaw na tulad n'ya? Malamang, gaganti s'ya."

"Siguro naman ay kuntento na s'ya sa ginawa n'ya sa akin! Pinahiya na n'ya ako sa buong school! Ano pa ba ang gusto n'yang gawin sa akin?! Pero ito ang tatandaan mo Mikan, hindi ko s'ya tatantanan! Gaganti ako, at sisiguruhin ko na s'ya naman ang mapapahiya! Hahanap din ako ng bagay na magpapaluhod sa kaniya, at magmamakaawa s'ya sa akin na tigilan ko na s'ya!" Sinasabi ni Minaru ang mga bagay na iyon habang ini-imagine niya sa kaniyang isipan ang nakakaawang hitsura ni Dan na nanakaluhod sa kaniya at kulang na lang ay sabihin na, "Halikan mo ang mga paa ko para patawarin kita, halimaw!"

"Hay, Minaru Nagato. Kailan mo ihihinto 'yan? Kapag may nagyari pang hindi maganda? Kung ako sa iyo, lalayo na lang ako sa Black Prince na iyan."

"At bakit naman?! Hindi ako nasisindak sa pagmumukha n'ya!"

At lumapit si Mikan sa dalagang si Minaru. Tumingin ito sa magkabilang panig at saka ito bumulong...

"May usap-usapan kasi na may tinataguan 'yang si Black Prince, parang...isang malaking atraso, kaya lagi 'yang nababalitaan na may nakaka-away sa labas. At saka hindi mo ba pansin? Ayaw n'yang may taong lumalapit sa kaniya. Umiiwas s'ya."

"Abnormal lang kamo s'ya! Hindi ako naniniwala sa mga sabi-sabi na 'yan. Ang gusto ko ay makita ko mismo sa sarili kong mga mata!"

"Bahala ka nga! Ang tigas ng ulo mo.."

Buo na ang loob ni Minaru nang mga sandaling iyon...

"Gusto kong makaganti! Sa kahit na anong paraan!"

*****

Blag!

Pabagsak na isinara ni Minaru ang kaniyang locker matapos niyang magligpit ng mga kagamitang ginamit nila sa pag-harvest ng mga pananim na patatas, sabay sabi sa kaniyang sarili na...

"Desperada nga akong makaganti, pero saan naman kaya ako mag-uumpisa? Naman!"

Matapos niyang mailigpit ang kaniyang mga gamit ay naghanda na siya sa kaniyang pag-uwi. Mag-isa siyang naglakad palabas ng school compound, nang biglang...

"Mina!"

May isang palmilyar na boses siya na narinig na agad na nagpalundag sa kaniyang puso at nagbigay sa kaniya ng butil-butil na pawis sa noo.

"Oh...My....G! Huwag mong sabihing..."

At nang lumingon siya ay saka niya nakumpirma kung sino ang taong tumawag sa kaniyang pangalan.

"Si Yuri!"

Agad-agad na napaatras ang dalaga at nag-tangka na tumakbo palayo. Ngunit nang siya ay tumalikod ay hindi niya napansin ang poste ng ilaw sa kaniyang harapan at sakto naman na humampas ang buo niyang mukha sa posteng iyon.

"A---aray!"

Napaluhod ang dalaga dahil sa matinding sakit at pakiramdam niya ay bumakat ang katawan ng poste sa kaniyang mukha.

"Naman! Kainis na poste ito!"

Nang biglang...

"Mina, ayos ka lang ba?"

Wala na siyang ligtas, dahil ang taong ayaw sana niyang makita ay nasa likuran na niya. Kaya naman dahan-dahan na ibinaling ni Minaru ang kaniyang mukha kay Yuri kahit na namumula pa ito dahil sa pagkakatama nito sa poste.

"Ah, i--ikaw pala..."

Niyaya ng binata ang dalaga na magsabay na sa pag-uwi. Habang sila ay naghihintay ng bus na masasakyan sa bakanteng waiting shed ay ganito naman ang tumatakbo sa isip ng dalagang si Minaru...

"Shocks! Ito na yata ang pinaka-akward na eksenang kinasadlakan ko! Hindi ko talaga feel na makasama ngayon si Yuri! Naiisip ko pa lang 'yong nakapaskil kong diary sa bulletin board na pinag-piyestahan ng lahat, parang gusto ko na lang na lamunin ako ng Earth!"

Pasulyap na pinagmasdan ni Minaru ang mukha ng binatang si Yuri, at hindi mo mababakas sa mukha nito ni katiting manlamang na pagkailang sa kaniyang presensya.

"Hindi s'ya nagsasalita. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip n'ya."

At dahil humahaba na ang katahimikang nakapagitan sa kanilang dalawa ng binata kaya siya na mismo ang naunang nagsalita.

"Ah, Yuri...ano..."

"Nabalitaan ko nga pala..." Biglang sabi ni Yuri na agad na nakapagpahinto kay Minaru. Ang buong akala ni Minaru ay alam na ni Yuri ang tungkol sa diary at sa lihim nitong pagtingin sa kaniya kaya agad-agad ay yumuko ang dalaga sa harap ni Yuri at paulit-ulit na humingi ng pasensya.

"S---sorry Yuri! Sorry talaga! H----hindi ko gusto na makita mo iyon! A—Ang ibig kong sabihin...s---sasabihin ko naman talaga dapat sa iyo kaso humahanap lang ako ng tamang tiyempo at saka---at saka..."

"Bakit ka...humihingi ng tawad sa akin Mina?" Nagtatakang sambit ni Yuri na walang maide-ideya kung ano ang ibig sabihin ng mga sinabi sa kaniya ng dalaga ngayon lang. Inangat naman ni Minaru ang kaniyang mukha para pagmasdan ang reaksyon ni Yuri at...

"H----hindi mo ba tinutukoy 'yong...'yong nakapaskil sa...bulletin board? Y---'yong...diary?"

"Anong nakapaskil sa bulletin board? Anong diary?"

Doon lang napagtanto ng dalaga na wala pa lang kaalam-alam si Yuri tungkol sa diary scandal na tinutukoy ni Minaru.

Kaya naman...

"A---AH! Hahaha! W---wala! Wala 'yon! A---ano, wala lang! H---huwag mo na lang pansinin 'yong mga sinabi ko! Hahaha!"

Dahil sa kakaibang inasal ni Minaru kaya mas lalo lamang siyang nakaramdam ng matinding kahihiyan.

"Ano ba ito, nag-over react na naman ako! Mukhang hindi pa alam ni Yuri 'yong tungkol sa diary at mukhang wala pang nakakapag-sabi sa kaniya tungkol doon."

"Nabalitaan ko..." muling ipinagpatuloy ni Yuri ang kaniyang sinasabi kanina bago nag-reak ng kakaiba ang dalaga. "Naka-enkwentro mo raw si...Dan?"

Biglang nagbago ang ihip ng hangin sa kanilang paligid.

"H---ha?"

"Nabalitaan ko, kanina lang na nagkaharap kayo ni Fujisawa noong unang araw ng pagbabalik-eskwela n'ya, at nasundan iyon kahapon sa laro ninyo sa P.E."

Pero imbis na magtaka ay pagkadismaya pa ang agad na nakita sa mukha ni Minaru pagkatapos na sabihin iyon ni Yuri.

"Nagawa niyang mabalitaan 'yong mga nangyari noong nakaraan, pero 'yong nangyari ngayong araw na forever kong kahihiyan hindi manlang n'ya nabalitaan? Ang late naman n'yang maka-receive ng balita?"

At ipinagpatuloy ni Minaru ang pakikipag-usap niya sa binata.

"B—bakit mo sinasabi sa akin ito Yuri?" Iyon na lang ang nasabi ni Minaru sa binatang kausap matapos ang lahat-lahat ng naging pag-uusap nila.

"Nag-alala kasi ako sa iyo."

Nang marinig ni Minaru ang gayong mga kataga ay agad niyang naramdaman na sumipa ng malakas ang kaniyang dibdib kasabay ng hindi maipaliwanag na init na umakyat hanggang sa kaniyang mukha.

"N—nag...alala...ka?"

"Mas makabubuti para sa iyo kung...hindi ka lalapit kay Dan."

Ang kaninang papunta na sa kilig moment ay mabilis na napalitan ng pagtataka.

"Anong sabi mo?"

"Nakita mo naman siguro kung anong klase siyang tao. Maski ikaw na isang babae ay pinatulan n'ya. Mas maganda kung lalayo ka na lang sa kaniya at huwag na lang siyang labanan."

Pero...bakit?

Ito ang tanging salita na naibulalas ni Minaru sa kaniyang sarili.

"Alam kong inilagay kita sa posisyon bilang tagapagpanatili ng kapayapaan dito sa school, at alam kong gagawin mo ang trabaho mo nang mahusay at walang pag-aalinlangan. Pero..."

Pero...ano?

"Pero hindi kay Dan." Ito ang matigas na sinabi ni Yuri kung saan mapapansin na may kung anong bahid ng yamot ang namuo sa kaniyang mga mata lalo na't kung tungkol ito kay Dan, bagay na naging malaking pala-isipan sa dalaga.

Bakit?

Magtatanong pa sana si Minaru ng biglang huminto sa tapat nila ang kanina pa nilang hinihintay na bus.

"Ah! Nandito na 'yong bus."

Agad na sumakay si Yuri sa bus, ngunit hindi sumunod si Minaru sa kaniya, bagay na agad na sinita ni Yuri.

"Oh, hindi kaba sasakay?"

"Ah, hindi na. May naalala kasi ako na dadaanan sa Video Rental Shop sa central district. Mauna kana." Ang sagot ng dalaga.

"Sure ka ba? Kung ganoon, sige. Mag-iingat ka sa pag-uwi, kita na lang tayo bukas."

Kumaway lang ang dalaga sa binata at pinagmasdan na lang niya ang sinasakyan nitong bus na palayo hanggang sa tuluyan na itong maglaho sa kaniyang paningin.

"Pinag-iingat n'ya ako sa Black Prince na iyon? At 'yong paraan ng pagkakasabi n'ya, kakaiba. Parang...may alam si Yuri tungkol sa halimaw na iyon na dapat kong malaman."

Minabuti na lang ni Minaru na maglakad papauwi upang magawa pa niyang makapag-isip ng mabuti tungkol sa mga nangyari sa kaniya ngayon araw. Ang hindi niya alam, mula sa isang madilim na sulok ay pinagmamasdan siya ng mga matatalim na mata ng binatang si Dan at nagawa nitong masaksihan at marinig ang mga babala ng binatang si Yuri sa dalagang si Minaru.

"Walang kuwenta."

At mula sa madilim nitong pinagtataguan ay unti-unting naglaho ang binatang si Dan hanggang sa tuluyan na siyang kinain ng kadiliman.

END OF CHAPTER FOUR