Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung bakit noong nakita ko 'yong ginawa niya na cake na inabanduna niya sa H.E Room ay bigla ko na lang na naisip na bitbitin 'yon at ibalik sa kaniya....
-----
"Huh?! Aalis ka na agad? Ang akala ko pa naman ay pupunta tayo sa karaoke bar?!"
Ito agad ang naging tanong ni Mikan kay Minaru matapos nitong magpaalam sa kaibigan na may mahalaga itong pupuntahan. May nauna na kasi silang usapan na dalawa ni Mikan na pupunta sa Karaoke Bar pagkatapos ng kanilang klase.
'Yon nga lang...
"Pasesnya na talaga, pass muna ako. Mayroon pa kasi akong ihahatid na cake." At saka nito ipinakita sa kaibigan ang bitbit nitong kahon na naglalaman ng isang chocolate cake.
"Ihahatid? Kanino? Teka, 'yan ba 'yong cake na gawa n'yo ni Yuri? Weh! 'Di nga?! O.M.G! O.M.G!!! Wait! Ibig sabihin lang n'yan....tunay na may HIMALA!!!! Tingnan mo nga naman ang nagagawa ng pag-ibig oh! Kahit ang isang tulad mo na hindi marunong sa kusina, nagawang magluto!"
"Tsk! Ang dami mo namang sinabi! Hindi sa amin 'to!"
"Eh kanino 'yan? Nag-iba ka narin ba ng career ngayon? Hindi ka na isang Delinquent Hunter? Delivery Girl ka na rin ngayon?"
"Hay nako..."
Sasagot pa sana si Minaru nang bigla niyang namataan ang binatang si Dan na papalabas na ng gate ng kanilang eskwelahan. Isang pagkakataon iyon para kay Minaru na maiabot niya ang cake na iniwan ng binata sa kanilang baking class.
Black Prince...
Kaya naman agad nang pinutol ni Minaru ang usapan nila ni Mikan at...
"Ang alam ko kasi nagmamadali ako. Buti pa, bukas na lang natin ipagpatuloy ang kuwentuhan natin, okay? Promise, bukas tayo magka-karaoke. Sige! Bye!"
At tuluyan na ngang iniwan ni Minaru ang kaniyang kaibigan na nag-iisa...
"Tingnan mo 'yong babaeng 'yon? Basta-basta na lang nang-iiwan sa usapan! Haist, ano na naman kaya ang naiisip niyang kabaliwan na gagawin?"
Walang kaalam-alam si Mikan na ito ang eksaktong iniisip ng kaniyang kaibigan...
Bigla ko kasing naisip noong mga sandaling iyon na..."Wala ba siyang pasasalubungan ng ginawa niya na cake sa kanila?
Kaya naman dali-dali na lumabas ng paaralan ang dalagang si Minaru para magawa pa niyang maabutan ang binata. Subalit nang makalabas na siya ay para namang multo na bigla na lang nawala ang binata na kaniyang sinusundan.
"T---teka, nasaan na s'ya?"
Inilibot ng dalaga ang kaniyang paningin hanggang sa namataan niya ang binatang si Dan na papaliko na sa isang kanto. Agad na sumunod si Minaru at bumuntot lamang ng bumuntot hanggang sa makarating sila sa isang train station kung saan napakarami nang tao na magmamadaling makauwi sa kani-kanilang mga tahanan.
"Ano ba 'yan, ang daming tao!"
Dahil sa dami ng tao kaya nakawala sa paningin ni Minaru ang anino ng binatang kaniyang sinusundan.
"Ano ba 'yan!" Daing ng dalaga na nanghuhula na ng daan na dapat niyang tahakin. "Para naman siyang multo na ang bilis mawala!"
Hindi nagtagal ay nakita niya si Dan na pumasok sa nakahintong tren. At dahil sabay-sabay ang mga tao na papasok at palabas ng tren kaya hindi na nito nagawang makalapit. Ngunit hindi parin siya nagpaawat. Sumakay din siya sa tren na sinakyan ni Dan at balak niya ito na harangin paghinto ng tren sa estasyong bababaan ng binata.
Ano ba itong ginagawa ko? Pakiramdam ko tuloy stalker ako!
Hindi inalis ni Minaru ang kaniyang mga mata sa binatang si Dan na nakatayo sa kabilang bagon at nakatanaw sa labas mula sa bintana ng tren
Hmmm, ano kaya ang iniisip ng mokong na iyan?
Mayamaya pa ay huminto na ang tren sa unang estasyon. Hindi inalis ni Minaru ang paningin niya kay Dan kung sakali man na lalabas na ito ng tren. Pero hindi parin ito lumabas. Bahagyang nabawasan ang mga tao sa puwesto ng dalaga kaya naman mas mapapansin na siya ni Dan anumang oras.
Patay! Hindi niya ako puwedeng makita!
Kaya naman dali-dali na tumalikod ang dalaga.
Tug-Tug! Tug-Tug!
Kumakabog ang dibdib ni Minaru dahil sa kaba...
Teka! Teka! Bakit ba ako kinakabahan!
Hindi na puwedeng humarap si Minaru dahil maaari siyang makita ni Dan. Ngunit mahirapan naman siyang mamatyagan ang binata kung nakatalikod siya.
Naman!!!! Ano kaya kung pumunta na lang ako sa kaniya ngayon at iabot na ito sa kaniya para matapos na! Para hindi ako nagmumukhang ulaga rito na panay ang buntot sa kaniya! Oo, tama!
At kung kailan naman nakapagpasya na si Minaru na harapin na ang binata ay saka naman ito nakawala sa paningin niya.
"A---anong! Nasaan na siya?!"
Dali-dali na nilibot ng dalaga ang kaniyang paningin at suwerte parin naman na nakita niya ito na nasa labas na ng tren at malayo na. ang nilakad.
"P---paanong!"
Agad na lumabas ng tren ang dalaga kung saan kamuntikan pa siyang masarahan ng pinto. Patakbo siyang sumunod sa daang tinatahak ni Dan. Patuloy lang siya sa pagsunod na parang wala nang katapusan...
"Haaaah....haaaah....malayo pa ba ang bahay ng mokong na ito?!"
Hanggang sa hindi namalayan ng dalaga na wala na pala sila sa syudad, na wala na halos tao sa kaniyang paligid, na nasa isang abandunadong lugar na pala siya na may napakaraming eskinita, mga naglipanang ligaw na aso at pusa, at maraming nagkalat na basura.
"Teka, nasaan ako?"
Sa gitna ng kaniyang pagtataka ay nakita niya si Dan na lumiko papasok sa isang madilim na eskinita. Bagamat naroon ang kaba, minabuti parin ni Minaru na sundan ang binata. At bago paman niya nagawang makalapit kay Dan ay saka siya biglang napaatras nang may narinig siyang nagsalita mula sa kung saan gamit ang isang galit na tinig.
"Akala mo ba palalagpasin ko ang ginawa mo sa mga tauhan ko huh, Black Prince ng Gangawa?!"
Pagkarinig ni Minaru ng gayong uri ng pananalita ay mabilis siyang nagtago sa isang tabi at sinilip mula roon ang mga mangyayari.
"Teka, a-anong?!"
Nakaharang sa daraanan ni Dan ang sampung mga kalalakihan na may bitbit na mga bakal na tubo, patalim at ice pick. Nakasuot sila ng uniporme mula sa isang paaralan na malapit lamang din sa Gangawa. Galit ang kanilang mga mukha at may pangigigil na saktan na ang binatang si Dan.
"Pwe!"
Dumura ang binatang si Dan sa lupa at tumitig ng matalas sa mga nanghaharang sa kaniya.
"Hindi pa ba kuntento 'yang mga tauhan mo sa mga natanggap nilang sakit ng katawan mula sa akin? Ganoon ba iyon kasarap para balik-balikan n'yo ako?"
"Aba't gago ka pala eh!" Ang bulyaw ng lalaki na nasa harapan na siyang namumuno sa kanila. "Ang akala mo ba natatakot kami sa iyo?! Hindi kami natatakot maski sa mga usap-usapan tungkol sa iyo! Bakit? mapapatay ba kami ng mga titig na 'yan!"
Biglang nagsalubong ang itim at makapal na mga kilay ni Dan at sinabing...
"Kung gusto n'yo talaga ng sakit ng katawan...sige, pagbibigyan ko kayo." Walang anu-ano'y inihagis ni Dan sa isang tabi ang kaniyang bag at pumorma na makikipag-suntukan. "Sugod na!"
Pero nang sinabi iyon ni Dan ay wala naman maski isa sa kanila ang kumilos para sugurin ang binata.
"B--Boss, s-susugod na ba kami?"
"Mga tanga ba kayo?! Sugod! Patayin n'yo sa bugbog ang taong 'yan!"
Dahil doon kaya sabay-sabay sila na sumugod gamit ang kani-kanilanh bitbit na armas.
"Hyaaaahhhhh!!!"
Isang ice pick ang agad na umamba kay Dan. Ngunit walang kahirap-hirap itong naiwasan ng binata. Nahablot pa niya ang braso ng sana'y sasaksak sa kaniya mula sa likuran at agad niya itong pinilipit hanggang sa marinig ng lahat kung gaano kalutong ang mga nadurog nitong buto sa braso't balikat.
"AHHH!!!"
Maski si Minaru na nanonood lamang mula sa kaniyang puwesto ay bahagyang natakot.
"Ang bilis nya! At ang lakas din!"
Hindi pa nagpaawat ang iba at sila rin ay sumugod gamit ang kanilang mga armas. Nakakita si Dan ng isang makapal na kahoy at iyon ang ginamit niya para makipaglaban sa mga kalaban. Hataw doon, hataw roon...
"AHHHH!!!"
Walang nagawa ang mga kalalakihan kundi ang huminto sa pagsugod. Wala manlang ni isa sa kanila ang nakahawak sa binata o nakapagbigay manlang ng kaunting galos sa binata.
"Ano? Sugod pa!" Ang nanghahamon na sabi ni Dan sa mga humamon sa kaniya. Dahil malabo silang manalo kay Dan gamit lang ang pisikal na lakas, inilabas na ng pinuno ang kaniyang huling alas--isang baril na agad niyang ikinasa at itinutok kay Dan.
"Sige! Tingnan lang natin kung magawa mo pang makaiwas sa bala! HALIMAW!"
Nang makita ni Minaru na naglabas na ng baril ang kalaban ni Dan ay agad siyang nakaramdam ng takot at pag-aalala sa kaligtasan ng binata.
Tanga ka ba Black Prince! Baril na 'yan! Bakit nakatayo ka lang!
Pero hindi nagpatinag si Dan sa pananakot ng kalaban at imbis na matakot ay napatawa pa ito, isang tawa na halatang nang-iinsulto.
"A-anong nakakatawa huh?!"
"Kayo...kayo ang nakakatawa. Akala n'yo ba matatakot ako sa pipitsugin n'yong laruan?! Sige, iputok mo!"
Nagulat silang lahat sa hamon ng binata.
"B--baliw na talaga ang taong 'yan!"
"B-buti pa umurong na lang tayo!"
Pero hindi nagpapigil ang kanilang pinuno at ambang kakalabitin na nito ang gatilyo.
"Gusto mo nang mamatay?! Sige! Pagbibigyan kita!"
Nakahanda na si Dan na sumugod kahit na sasalubungin nito ang mga bala mula sa kalaban, nang biglang...
"Itigil n'yo 'yan!"
Lumabas si Minaru mula sa kaniyang pinagtataguan at muling itong nagsalita sa isang matapang at walang inuurungan na postura.
"Ibaba mo ang baril na iyan, NGAYUN DIN!"
Nanlaki ang mga mata ni Dan sa biglang paglitaw ng dalagang si Minaru sa gitna ng delikadong sitwasyon na kaniyang kinasasadlakan.
"A---anong! Ba't ka nandito?!" Ito agad ang naibulalas ni Dan sa dalaga.
"Labag sa school rules ang after school fight! Kaya may karapatan ako na hulihin kayo!" Ang matapang na pahayag ng dalaga na matapos marinig ng mga lalaki ay agad silang nagtawanan.
"Hahahaha! Anong sabi n'ya?! Labag daw?! hahahaha! Mukhang may matapang na nagpupulis-pulisan dito na huhuli sa atin ah?!"
"Hahahaha!"
Dahil sa ginagawang pagtawa ng mga lalaki kaya nakaramdam ng pagkahiya ang dalaga na makikita sa pamumula ng kaniyang mukha.
"Argr!!! Hindi ako nakikipagbiruan sa inyo! Mga BUGOK!"
Agad na ikinapikon ng pinuno ng grupo ang sinabi ng dalaga at mabilis na itinutok sa kaniya ang baril nito na hawak.
"Masyado kang matapang babae! Eh kung ikaw kaya ang unahin ko bago ang mayabang na Black Prince na ito, huh?!"
Hindi naman agad nakakilos si Minaru matapos itutok sa kaniya ang baril.
"Tama! Mauna ka na!"
Kakalabitin na sana ng lalaki ang gatilyo ng baril nang biglang tumuhog sa kamay niya ang isang icepick na hindi manlang nila napansin dahil sa sobrang bilis.
"AAAHHH!!!"
Tumagas ang napakaraming dugo sa kamay ng lalaki at nabitawan nito ang hawak nitong baril.
"B--boss!!!"
Maski si Minaru ay nagulat dahil sa bilis ng mga pangyayari.
A--anong!
At habang nasa kalagitnaan siya ng kaniyang pagkagulat ay bigla na lang niyang naramdaman na may humawak sa kaniyang kamay at hinatak siya ng mabilis papalayo sa lugar.
"T---tumatakas sila! Habulin n'yo! HABULIN N'YO!
Halos kaladkarin na ni Dan ang dalagang si Minaru noong mga sandaling iyon.
"A--aray naman!" Nasasaktan na ng bahagya ang dalaga dahil sa higpit ng pagkakahawak ni Dan sa kamay niya. "Dahan-dahan naman!"
"Huwag kang babagal-bagal d'yan! Bilisan mo!"
Pakiramdam ni Minaru noong mga sandaling iyon ay wala nang katapusan ang ginagawa nilang pagtakbo. At ang kanila namang mga kalaban ay hindi sila tinatantanan. Hanggang sa bigla nilang narinig ang isang putok ng baril kung saan ang bala ay tumama malapit sa paanan ng dalagang si Minaru. Dahil doon kaya napalundag ang dalaga at hindi nito sinasadyang nabitawan ang hawak nitong kahon na may laman na cake.
"Y---yung cake!"
Tinanka ng dalaga na pulitin ang cake, subalit nahablot agad siya ni Dan kasabay ng pagbulyaw nito.
"Magpapakamatay ka ba?!"
Hindi nagpaawat si Minaru at sapilitang inalis ang kamay ni Dan sa kaniya. Dali-dali niyang kinuha ang kahon na nasa sahig, subalit...
Bang!
Bigla na lang bumaon ang bala sa simento malapit sa dalaga na agad na nagpaupo sa kaniya.
"Huwag kayong gagalaw! O kung hindi, sa mga ulo n'yo na tatama ang bala ko!"
Kapwa hindi kumilos sina Minaru at Dan habang papalapit sa kanila ang mga kalaban.
"Akala n'yo ba palalagpasin ko ang ginawa mo Black Prince!" Itinutok ng duguang lalaki ang kaniyang baril sa binata. "Papatayin kita! Dito mismo! Halimaw ka!"
"Gawin mo!" Ang nanghahamon pang sabi ng binata na hindi manlamang makikitaan ni katiting na takot sa mukha nito. Dahil doon kaya agad na nagre-reak si Minaru at walang anu-ano'y nakisali na sa usapan ng dalawa.
"Baliw ka ba Black Prince!"
Agad naman na pinanlisikan ng mga mata ni Dan ang dalaga at sinabing...
"Isa ka pa! Manahimik ka d'yan na aso ka! Kasalanan mo ito, pahamak ka!"
Dahil doon kaya mas lalo lamang nag-init ang ulo ng dalaga na makipagtalo at...
"HOY! Huwag mo nga ako matawag-tawag na ASO d'yan! At saka bakit ako ang sinisisi mo eh ikaw itong may atraso sa kanila! Dinamay mo lang ako!"
At dahil nalilito narin ang kanilang kalaban sa ginagawang pagtatalo ng dalawa sa kanila pa mismong harapan kaya para tumigil sila ay agad siyang nagpaputok sa taas bilang babala sa dalawa.
Bang!
"At may gana pa talaga kayong dalawa na magtalo sa kalagayan n'yo ngayon?! Buti pa, paparehasin ko na kayong dalawa! At uunahin ko na ang pinakamadali—IKAW!"
Itinutok ng lalaki ang baril niya kay Minaru. Kakalabitin na sana nito ang gatilyo nang biglang may mabilis na bagay na agad na bumulaga sa kaniyang harapan. At laking gulat niya nang makita niya si Dan na nasa kaniya nang harapan na nakatitig sa kaniya ng matalim habang pinipiga nito ang kaniyang kamay na nakahawak sa baril.
"A-anong!"
"Mali ka ng taong tututukan ng baril na 'yan..."
At sa isang iglap ay nagawang baliin ni Dan ang kamay ng lalaki sa isang galaw lang.
"A---ahhh!!!"
Hindi pa nakuntento si Dan at agad niyang sinikmuraan ang lalaki. At habang namimilipit ito dahil sa matinding sakit ay pinulot naman ni Dan ang baril sa sahig at saka niya ito ikinasa. Agad na nagsiatrasan ang mga tauhan ng lalaki dahil sa labis na takot. Daig pa nila ang nakakita ng isang demonyo na handanf kunin ang kanilang mga kaluluwa para dalhin sa impyerno.
"Sinabi ko na sa iyo na sa akin mo iputok ang baril na ito, hindi ba?"
Hinablot ni Dan ang buhok ng lalaki at sapilitan niya itong pinatingala para maipasok niya sa bibig nito ang bunganga ng baril.
"May pagpipilian ka naman kung saan mo gustong lumabas ang bala sa katawan mo. Sa bibig mo, o d'yan sa ga-munggo mong utak!"
Dahil sa labis na takot kaya agad na hinimatay ang lalaki habang ang kaniyang mga mata ay nakadilat. Lumagpak ang mukha nito sa paanan ni Dan na tumutulo pa ang laway sa bibig. Sinundan naman ng malakas na sipa sa mukha ang lalaki palayo sa kaniyang paanan at saka niya sinabi sa mga nakatulalang mga lalaki na...
"Bitbitin n'yo na ang boss n'yo at huwag na huwag na kayong magpapakita sa akin, KAHIT NA KAILAN!"
Dali-dali naman na hinatak ng mga lalaki ang kanilang walang-malay na pinuno at agad na lumayo sa lugar. Pagkatapos ng mga nangyari ay katahimikan ang agad na mamayani sa paligid kung saan walang nagawa ang dalagang si Minaru kundi ang titigan ang binatang si Dan habang hawak parin nito ang baril.
P—parang hindi siya tao. Ni hindi ko nga nakita agad na nakalapit siya ng ganoon kabilis sa harapan no'ng lalaki. At hindi ko manlang nakita sa mukha niya ang matakot, maliban sa...sa matinding galit na makikita sa mga mata niya...
At sa gitna ng kaniyang malalim na pag-iisip ay saka naman niya naalalang pulutin ang cake malapit sa kaniyang tabi.
Ngunit...
"A—aray!"
Agad niyang naramdaman ang kirot sa kaniyang kanang paa. Nang tiningnan niya ito ay doon lamang niya nalaman na nasugatan pala siya nang tumama malapit sa paanan niya ang bala kanina. Marahil dahil iyon sa tumalsik na simentong dumaplis sa kaniyang paa.
"Nasugatan ka?"
Ito agad ang tanong ni Dan matapos niyang marinig na dumaing ang dalaga.
"A-ayos lang ako..."
Pinilit parin ni Minaru na tumayo bitbit ang kahon. Subalit dahil sa kaniyang naging pinsala kaya hindi naging madali para sa kaniya ang tumayo ng matagal.
"A...aray, ang sakit!"
Agad naman na lumapit sa kaniya si Dan. Naroon parin ang mga nalilisik na mata ng binata na para bang anumang oras ay handa itong sumila ng sinuman sa kaniyang paligid. Hawak parin nito ang baril, kaya ang buong akala ni Minaru ay siya naman ang pagbubuntungan ng binata. Nang biglang...
"Sumampa ka sa likod ko."
Lumuhod ang binata na nakatalikod sa dalaga.
"H—ha?"
"Bingi ka ba o nagbibingi-bingihan lang? Sumampa ka sa likod ko."
"A—ayoko nga!" Agad na sabi ni Minaru na bahagyang namumula dahil sa hiya. "B—bakit naman ako sasampa sa iyo! Kaya kong maglakad no!"
"E 'di sige..."
Tumayo ang binata at naglakad papalayo sa dalaga.
"H—hoy! Black Prince! Saan ka pupunta?!"
"Uuwi na ako."
Agad na isinukbit ni Dan ang hawak niyang baril sa kaniyang tagiliran at tinakluban lang niya ito ng kaniyang mahabang itim na polo upang hindi ito mapansin ng sinoman.
"I—iiwan mo ako rito? Nang ganun-ganon lang?!"
"Ang sabi mo kaya mo hindi ba? Maglakad kang mag-isa."
Pagkatapos na sabihin ito ng binata ay agad na lumobo ang pisngi ng dalaga dahil sa matinding yamot at...
"Ang sama talaga ng ugali mo!" Bulyaw niya sa binata. "Pagkatapos kong mag-efort na dalhin sa iyo itong cake na ginawa mo? Pagkatapos kong madamay sa mga kalokohan mo, ganito lang ang gagawin mo sa akin?!"
At doon na nga napansin ni Dan ang kanina pa bitbit ni Minaru na kahon.
"Cake?"
"Oo! Itong cake! Iniwan mo lang ito kanina pagkatapos ng baking class! Iniisip ko paman din na baka nalimutan mo lang talaga na iuwi ito, na baka may mga kapatid ka o pamilya ka na naghihintay ng pasalubong mo at---"
Biglang natigilan si Minaru sa kaniyang pagsasalita nang mabilis siyang nilapitan ni Dan na may galit na mga mata at kulang na lang ay lamunin siya nang buhay.
"Akala mo ba magpapasalamat ako sa iyo na dinala mo sa akin 'yang walang kuwentang cake na 'yan?! HINDI! Isa kang malaking BALIW! Alam mo ba 'yon?! Hindi ka lang pala maingay, pakealamera ka pa!"
Dahil sa mga sinabi ni Dan sa kaniya kaya agad na natahimik ang dalaga kasabay ng mga ganitong kataga sa kaniyang isipan.
Ang akala ko, kapag nakita niya itong cake, kahit papaano magpapasalamat manlang siya sa akin. Nagkamali pala ako.
Bigla na lang namuo sa gilid ng mga mata ni Minaru ang luha, ngunit matigas parin itong nagsabi sa kausap na binata na...
"Tinikman ko 'yong cake mo, at nakakainis mang aminin pero MASARAP siya! Kaya inisip ko na baka gumawa ka talaga ng masarap na cake para iuwi sa bahay ninyo at ipasalubong pero nagkamali pala ako kasi nag-effort ako sa isang HALIMAW na katulad mo!" At dumausdos na nang tuluyan ang luha ng dalagang si Minaru dulot ng matinding sama ng loob. Hindi naman makapaniwala si Dan na iiyak ng ganoon sa harapan niya ang dalaga dahil lamang sa isang cake.
B—baliw ba ang taong ito? Umiiyak talaga s'ya?
Hindi malaman ni Dan kung ano ang gagawin. Ni wala siyang ideya kung paano magpatahan ng isang isip-bata na gaya ni Minaru.
Hay, ba't ang babaeng ito pa!
Agad na kinuha ni Dan ang kahon mula sa dalaga at muli itong lumuhod patalikod kay Minaru.
"Sumampa ka na sa likod ko bago pa mag-bago ang isip ko, bilis!"
"Pagkatapos mo akong awayin?! Ayoko nga!"
At dahil ayaw nang madagdagan pa ni Dan ang init ng kaniyang ulo kaya napilitan siyang puwersahin ang dalaga na sumampa sa kaniyang likuran.
"Hoy! Ano ba! Ibaba mo nga ako!" Pilit na nagpumiglas ang dalaga kasabay ng paghampas niya sa ulunan, balikat at likod ng binata.
"Kapag ginawa ko iyon, sinisiguro ko sa iyo na sa Tokyo Bay kita ibabagsak!"
"Argrrr! Ibaba mo ko! Ano ba!"
Sa bandang huli ay walang nagawa ng dalaga kundi ang hayaan ang binata na siya ay pasanin papunta sa lugar kung saan malayo na sa pinanggalingan nila. Doon ay natanaw ng dalaga ang isang lumang simbahan. Walang anu-ano ay pumasok sila doon at agad siyang pinaupo sa isang mahabang upuan na gamit sa nasabing simbahan.
"B-bakit tayo nandito?" Usisa naman agad ni Minaru kay Dan. Ngunit hindi siya sinagot ng binata. Sa halip, abala ito sa pagkuha ng palanggana, mainit na tubig, benda at ilang antiseptic na gamot na nakatago sa mga kabinet. Pinagmamasdan lang ni Minaru ang binata habang tumatakbo sa isip niya ang mga ganitong kataga:
Anong ginagawa niya? Anong ginagawa namin dito?
Lumapit si Dan sa dalaga dala ang palanggana na may maligamgam na tubid, mga benda at gamot.
"Hubarin mo 'yang medyas mo." Ang sabi ng binata.
"E---eh?"
"Bakit? Nahihiya ka ba na magtanggal ng medyas? Pamatay ba ang amoy ng mga paa mo?"
Agad naman na namula sa inis ang dalaga at...
"HOY! Ang kapal mo! Kahit humalik ka pa sa paa ko walang amoy 'yan!"
Agad na tinanggal ng dalaga ang kaniyang medyas. Binuhusan naman ni Dan ng maligamgam na tubig ang kaniyang paa na may pinsala upang linisin ito at saka niya ito nilagyan ng gamot bago binalutan ng benda.
N—nananaginip lang ba ako? Si Black Prince ba talaga itong kaharap ko?
"Tapos na."
Biglang natauhan sa kaniyang sandaling pagninilay ang dalaga nang marinig niya si Dan na magsalita.
"Magpahinga ka d'yan. Bukas ka na lang umuwi sa inyo."
"Teka! Teka!" Agad na udlot ng dalaga "D-dito? Sa simbahan?"
"Bakit? Takot ka ba sa mga simbahan? Sabihin mo lang, meron namang kulungan ng aso sa labas. Puwede ka roon."
Pagkatapos na maitabi ni Dan ang mga ginamit niya sa panggagamot ay agad na itong pumuwesto sa tabi ng bukas na pintuan para maglabas ng sigarilyo upang sindihan.
"Haaa...."
Ang usok ng sigarilyo na kumalat sa hangin ang pansamantalang nakapagpakalma sa binata habang ito ay nakatanaw sa malayo.
"Hoy...Black Prince!" Muli na namang sita ng dalaga "Hindi mo ba alam na masama sa katawan ang paninigarilyo?!"
Kalmado na sana si Dan kung hindi lang sana siya sinita ni Minaru sa ganoong pananalita.
"Ba't mo ba ako pinapakealaman! Matulog ka d'yan. Ang ingay mo."
Hindi naman nagpaawat sa kaniyang kakulitan ang dalaga at agad na tumayo mula sa kaniyang kinauupuan.
"Uuwi na ako!"
Pero bago paman makahakbang ang dalaga ay mabilis na sinuntok ni Dan ang gilid ng pinto at halos bumaon ang kamao nito sa konkretong bato.
"Subukan mong ihakbang pa ng isang beses ang mga paa mo at sinisigurado ko sa iyo na hindi ka na makakauwi sa inyo, KAHIT NA KAILAN!"
Kaya naman sa bandang huli, walang nagawa ang dalaga kundi ang bumalik sa mahabang upuan at umupo roon habang ang kaniyang nguso ay nakahaba dahil sa matinding yamot.
Kaasar...HALIMAW!
Dahil sa matinding katahimikan ng paligid at sa matinding pagod narin kaya hindi nagtagal ay nakatulog din ang dalagang si Minaru sa kaniyang puwesto. Humahagok pa ito at tila ba nananaginip.
--Ang sama mo, halimaw ka talaga Black Prince...--
Hindi naiwasan ng binata na hindi lingunin ang dalaga na sa palagay niya ay nananaginip tungkol sa kaniya.
Hanggang sa panaginip ba naman ay hindi parin niya ako tinatantanan?
Lumalalim na ang gabi, kaya nagpasiya narin si Dan na magpahinga. Naglatag siya ng sapin sa katabing upuan habang ang kumot naman ay ibinalot niya sa natutulog na dalaga. Sa tabi naman ay nakita niya ang kahon kung saan isinilid ni Minaru ang cake. Pinagmasdan lamang niya ito habang sinasabi sa kaniyang sarili na...
Walang kuwenta. Baliw siya para isipin na may halaga pa para sa akin ang mga maliliit na bagay na gaya ng cake na 'yan...
Minabuti na lang ni Dan na ilapat na nang tuluyan ang kaniyang katawan sa malamig at matigas na upuan upang makapagpahinga.
Kinabukasan ay nagising ang dalagang si Minaru dahil sa sunud-sunod na huni ng ibon malapit sa kaniyang hinihigaan.
Eh? Umaga na ba? Inaantok pa ako eh!
Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata at...
"U-umaga na nga..."
Bumangon mula sa kaniyang pagkakahiga ang dalaga. Napansin niyang hindi na rin masakit ang kaniyang sugat at masasabi niyang masarap naman ang naging tulog niya kahit na nakahiga lang siya sa isang mahabang upuan.
"B—Black Prince?" Si Dan agad ang unang hinanap ni Minaru. Ngunit ang bumati sa kaniya ay isang malaking hiwa ng chocolate cake na may apple toppings na nakapatong sa kaniyang tabi.
"Yung cake na gawa ni Black Prince!"
May nakita siyang maliit na note na nakalagay sa tabi ng cake. Agad niya itong kinuha at binasa:
----
"Late ka na."
Dan
----
Agad na napatingin sa kaniyang relo ang dalaga at....
"BLACK PRINCE! BAKIT HINDI MO MANLANG AKO GINSING!!! Humanda ka sa akin! HUMANDA KA TALAGA!"
----
Sa totoo lang, bigla na lang akong naguluhan kung masama ba o mabuting tao ang kilalang Black Prince ng Gangawa. Gusto ko pa siyang makilala ng husto, gusto kong malaman lahat ng bagay tungkol sa kaniya. Baka sa ganoong paraan, baka lang naman—ay magkaroon ng chance na makita rin ng ibang tao ang mabuting bahagi niya...
END OF CHAPTER SIX