Chereads / Minaru's Quest / Chapter 3 - Vol. 1 Quest Two: "Black Prince"

Chapter 3 - Vol. 1 Quest Two: "Black Prince"

Ako si Minaru Nagato, isang simpleng dalaga na nakatira sa Hokkaido. Oo, galing pa ako sa isang malayong probinsya, at nagpunta ako rito sa Tokyo para makasama ang taong unang nagpatibok sa puso ko, ang aking Prince Charming...si Yuri Aikawa.

'Yon nga lang, hindi naging madali para sa akin ang magpapansin sa taong gusto ko, lalo na't taglay ko ang pambihirang lakas at liksi na lagpas sa normal na kakayahan ng isang normal na teen ager. Pero hindi ko sinasabing mutant ako o 'di naman kaya ay isang nilalang na galing sa ibang planeta tulad ng mga napapanood ninyo sa mga sikat na manga at anime. Isa 'yong "NO! NO!"

Opo, gaya ninyo, normal ako noong ipinanganak. Gifted lang ako ng kakaibang lakas. Kaya naman magmula pagkabata, hindi na ako basta-basta naaapi ng kung sinu-sinong mga pabidang lalaki o nang kahit na sino. 'Yon nga lang, 'yong giftedness, minsan may side effect.

Gaya ng normal na teen ager, dumaraan din ako sa stage kung saan nagkaka-crush ako. Kaso nga lang, dahil sa taglay kong lakas at tapang kaya 'yong mga nagiging crush ko, biglang lumalayo. Sa madaling sabi, natatakot sila sa akin. At dahil din doon kaya ni minsan, walang nagtangka na magkagusto sa akin dahil madalas nilang ikatwiran, "Eh mas lalaki ka pa nga sa lalaki eh!"

Pinilit kong magbago! Sinubukan kong hindi na makigulo sa tuwing may mga pasaway na gustong manggulo. Sinubukan ko rin na bawasan ang pagiging palaban. 'Yon nga lang, dahil ayaw kong nakakakita ng mga inaapi kaya sa bandang huli, hayun! Mas lalo pa akong pinangilagan ng mga lalaki at naging crush ng bayan ng mga babae.

Pero nililinaw ko lang, HINDI AKO TOMBOY!

At heto na nga ang kasalukuyan kong sitwasyon. Ginawa akong substitute Peace Officer ng Student Council at kalaunan ay naging permanente ko nang posisyon.

At ngayon, ang latest---

******

Plak! Plak!

"Congrats MINA!!!!"

Ginawa nila akong presidente ng Peace and Order Brigade

--A.K.A-- POB.

"Lalaking lalaki ka d'yan sa picture mo ah! Ang ganda ng pose!" Binanatan agad ni Kei ng isang matinding pang-asar si Minaru sa isinagawa nilang maikling pagpupulong na ginanap sa kanilang opisina.

"Nang-aasar ka talaga no, Kei?" Iritadong tanong ni Minaru na anumang oras ay handa nang suntukin ang binata sa mukha.

"Huwag mo na lang pansinin 'yang si Kei, Mina. Tiwala kami na kayang kaya mo ang posisyon na 'yan. Malaki ang tiwala sa iyo ni Yuri. Hindi mo ba alam? Matagal nang pangarap ni Yuri na mabuo ang POB? At nagawa mong tuparin ang matagal na niyang pangarap..." Ito naman ang naging pambawi ni Yuuna sa kaniya para palakasin ang kaniyang loob.

"Talaga? Pangarap ito ni...Yuri?"

"Kaya nga huwag ka nang ma-depressed okay? Kung may kailangan ka, magsabi ka lang sa amin."

Agad naman na napanatag ang loob ni Minaru sa mga sinabi ni Yuuna.

"Salamat Yuuna."

"S'ya nga pala Ms. Amazona, naghihintay nga pala sa office n'yo ang mga miyembro mo sa brigade."

"M-miyembro? T-teka! Paano?"

Kaya naman pagkatapos ng maikling pagpupulong ay agad na pinuntahan ni Minaru ang POB Office. At laking gulat niya nang bigla siyang sinurpresa ng mga confetti at maiingay na torotot ng 'di umano'y kaniyang mga miyembro.

"Welcome Boss!"

Laking gulat ni Minaru na ang bumungad sa kaniya ay ang tatlong lalaking hinuli niya kahapon dahil sa tangkang pananakit ng mga ito sa isang babae. Kaya naman agad na pumorma si Minaru na parang anumang sandali ay lalaban ito at...

"Aba't! Gusto n'yo pa siguro ng black eye ano?!"

"Wag boss!" Mabilis na awat ng tatlo nang sabay-sabay. "H-hindi kami lalaban! Promise!"

"Oo nga!"

Dahan-dahan na ibababa ni Minaru ang kaniyang mga kamay para bigyan ng pagkakataon ang mga lalaki na magpaliwanag.

"Kayo? Kayong...tatlo ang..."

"Volunteers kami!" Bulalas ng nag-iisang kalbo sa tatlo. "Ako si Genzo Hanabi."

"Ako naman si Keichi Asano." Pakilala naman ng isapa sa tatlo na may kapayatan ang katawan at saksakan ng tangkad.

"Ako naman si Teito Genpo. Hehe, pwede akong maging cook ng brigade kung gusto mo boss!" Sabat naman ng mataba at maliit na lalaki na kasama ng naunang dalawa na nagpakilala kay Minaru.

"Pasensya kana sa amin Boss. Dala lang kasi ng kalasingan namin kaya nagawa namin 'yon kahapon! Tiniwalag na kasi kami sa dati naming grupo at nagkasundo kaming tatlo na bumuo na lang ng grupo namin. Kaso, bigla mo kaming binugbog, at ang lakas mo talaga! Totoo!" Sabik na ipinaliwanag ni Genzo sa dalaga ang rason ng kanilang pag-anib sa Peace and Order Brigade.

"Hanggang ngayon nga ramdam ko parin 'yong bali sa tadyang ko eh." Dagdag pa ni Keichi sa mga sinabi ng kasamahan.

"At nag-usap narin kaming tatlo, at napagkasunduan namin na IKAW na ang maging bagong boss namin!"

"At susunod kami sa mga utos mo! Totoo!"

Hindi malaman ni Minaru ang kaniyang sasabihin at hindi rin niya alam kung paano sasagot sa pakiusap ng tatlo na pag-anib sa kaniyang bagong tayo na grupo na mamamahala sa kaayusa ng paaralan.

"Pumayag ka na, Boss! Tanggapin mo sana kami sa Brigade!"

At saka yumuko ang tatlo nang sabay-sabay bilang pagpapakita ng kanilang sinseridad at paggalang. Dahil doon kaya napag-isip-isip ni Minaru na bigyan ng isa pang pagkakataon ang tatlo na magbago kaya naman...

"Nangangako ba kayong tatlo na hindi na magpapasaway?"

Agad naman na nagpakita ng nag-aalab na enthusiasm ang tatlo at sabay-sabay na sumagot.

"Opo Boss!"

Napangiti naman si Minaru sa naging pagtugon ng tatlo sa kaniya kaya naman hindi na siya nagdalawang-isip pa na tanggapin sila bilang opisyal na miyembro ng brigada.

"Good! Welcome sa Brigade!"

"Yehey!!!Whoooohhhh!"

At sa gitna ng kasiyahan ay may isa pang hindi inaasahan na miyembro ang biglang nagpakita sa eksena.

"Hoy, hoy, Ako rin kaya!"

Pamilyar ang boses nang nagsalita, kaya naman agad na bumaling si Minaru sa pinagmumulan ng boses at...

"M---Mikan?! Ikaw din?!"

"Bakit? Ayaw mo? It's my way of giving you my support. Eh kung ayaw mo naman e 'di----"

"Teka! Teka!" Awat ni Minaru kay Mikan. "Hindi naman sa ayaw ko, pero alam mo naman na bakbakan ang trabaho rito, 'di ba?"

"Bakit? Sinabi ko ba na lalaban din ako? Manonood lang ako sa iyo no! Handang-handa na kaya ang camera ko, see?" At saka ipinakita ni Mikan ang kaniyang kamera. Bahagya naman na nadismaya si Minaru sa kakatuwang rason kung bakit nakibahagi sa kaniyang grupo ang kaibigan. Ngunit kahiy ganoon ay tinanggap parin niya ang ibinigay na suporta ni Mikan sa pamamagitan ng pagpayag niya na sumalinito sa kaniyang brigada.

"O siya, sige na. Payag na ako. Grabe, na-appreciate ko talaga ang support mo."

Sa kasalukuyan, lima ang opisyal na miyembro ng Peace and Order Brigade. At lahat sila ay tulung-tulong sa pagpapanatili ng katahimikan sa paaralan. Hindi paman nakaka-isang linggo ang Brigade ay nagawa nilang ibaba sa 65% ang violation at bullying rate ng eskwelahan, at nabawasan din ng 50% ang mga taga-labas na dumarayo ng away sa kanilang paaralan.

Isa iyong malinaw na tagumpay para sa grupo ni Minaru at sa bumubuo ng Student Council.

Kaya naman....

"Hurray!"

Agad na nagdiwang ang buong POB members sa kanilang tagumpay na masugpo ang karahasan sa kanilang paaralan.

"Ang galing natin Boss Mina!"

"Oo nga, ang galing-galing natin bossing!"

"Hehe, hindi naman magiging posible ito kung wala ang tulong n'yo guys! Salamat!"

At habang kasalukuyan silang nagsasaya sa kanilang opisina ay bigla namang may kumatok sa pintuan.

Mukhang mayroon pang makikisaya sa kanilang pagdiriwang.

"Ako na lang!"

Agad na nagprisinta si Minaru para salubungin at tanggapin ang bagong dating nila na bisita. Pagbukas niya ng pinto, hindi niya inasahan na ang taong bubungad sa kaniya ay walang iba kundi ang kaniyang prinsipe na si Yuri Aikawa.

"Hi Mina, kumusta?"

"Y---Y--Yuri!"

"Nagulat ba kita? Pasensya na, sinabi kasi sa akin ni Mikan na may party kayo kaya heto, nagdala ako ng kaunting maiinom."

At saka ipinakita ng binata ang mga dala niyang inumin na nakalagay sa isang supot.

"H---ha?"

Hindi makapagsabi ng anuman si Minaru. Nasa harapan na niya ngayon ang taong kaniyang napupusuan, at wala siyang nagawa kundi ang matulala habang nakatitig sa napakaamong mukha ng binata.

Grabe, pwede kaya akong himatayin ngayon?

"Ah, pwede ba?"

"H--ha?"

"Pwede na ba akong pumasok?"

"Oh! Oo! Oo naman! Tuloy ka!"

Pinapasok ni Minaru ang binata upang makisama sa kanilang munting selebrasyon.

"Uy! Nandito pala si Mr. President!" Agad na kumuha si Genzo ng isa pang soda at iniabot niya ito kay Yuri. "Tara! Nagsisimula pa lang kami!"

"Wow! Buti pala at naabutan ko pa ang pagsisimula ng party."

Masayang-masaya naman si Minaru. Kumpletong kumpleto na ang lahat at mas lalo pa itong naging perpekto dahil sa pagdating ni Yuri.

Wala nang mahihiling pa si Minaru noong mga oras na iyon.

Subalit ang hindi niya alam ay nag-uumpisa pa lang ang tunay na unos na susubok sa tibay ng kaniyang brigada.

*****

"Bumalik na naman siya..."

"Hindi na naman matatahimik ang paaralang ito, diyos ko!"

"Tapos na ba ang suspensyon sa binatang iyon? Bakit pa ba s'ya tinatanggap sa eskwelahang ito! Akala ko ba gumawa na ng paraan ang principal na patalsikin sya?!"

"Alam naman natin na maski ang principal ay walang magagawa sa oras na mag-umpisa nang manlisik ang mga mata ng taong iyon! Wala na tayong magagawa, umpisa na naman ng kalbaryo sa paaralang ito!"

"Whuah! Gusto ko nang mag-resign!"

Ito ang namutakting usapan ng mga natirang faculty members sa loob ng faculty room ng Gangawa High School. Nakasara ang lahat ng pinto at binata, at wala ni isa sa kanila ang lumilikha ang ingay na aagaw ng atensyon, lalo na nang binatang kanina pa nila pinag-uusapan. Balot sila ng matinding takot na bakas sa kanilang mga mukha. Mayamaya pa'y may narinig silang tunog, ingay na likha ng isang kinakaladkad na bakal sa sahig. Mayamaya pa'y narinig nila ang sunud-sunod na yapag ng mga paa na papaalpas sa faculty room. Wala ni isa man sa kanila ang nagtangka na sumilip sa mga blind curtains. Lahat sila ay tila nananalangin pa nga habang pinakikiramdaman ang pag-alpas ng maitim na unos sa kanilang hall way.

"Papunta s'ya sa opisina ng principal!"

"Dapat na ba tayong...alam n'yo na, tumawag ng pulis?"

Ilang sandali pa'y huminto ang binata na may dalang bakal na tubo sa pintuan ng Principal's Office. Ngunit hindi siya makapasok dahil naka-lock ang pintuan ng silid.

"Ah, ayaw n'yo akong papasukin huh."

Inangat ng binata ang kaniyang kamay na may hawak na bakal na tubo at ito ang ginamit niya para sirain ang door knob ng opisina. Matapos niyang sirain ito ay agad niyang sinipa ang pinto para ito ay magbukas at pagkatapos ay saka siya pumasok at...

"Hoy..."

Sinindak niya ang principal gamit ang dala niyang bakal na tubo na inihampas niya sa mesa. Nauntog naman dahil sa pagkagulat ang Principal na kanina pa nagtatago sa ilalim ng kaniyang lamesa.

"A---aray!"

"Labas." Utos ng binata sa Principal gamit ang nakasisindak niyang boses na parang isang matalim na tabak.

Nanginginig naman na inilitaw ng Principal ang kaniyang ulo mula sa ilalim ng mesa at nagwika.

"P---pag-usapan natin ito, F-Fujisawa..."

"Tapos na ang suspensyon ko, tama ba?"

Hindi makasagot dahil sa takot ang Punong-Guro.

"SAGOT!" Biglang bulyaw ng binata na ikinasindak ng husto ng Principal.

"Oh---oo! Oo! Tapos na! M---makakabalik k---kana, k-kahit bukas na bukas! P--Pakiusap, huwag mo akong sasaktan!" Takut na takot na pakiusap ng Punong-Guro na halos mautal na sa pagsasalita dahil sa matinding takot.

"Mabuti na 'yong malinaw. May nabalitaan kasi ako na balak na ninyo akong tanggalin eh."

"H--hindi 'yon totoo."

Umarko ang mga labi ng binata pataas at pagkatapos ay saka siya nagpasiya lisanin ang opisina. Ngunit bago pa siya tuluyang nakalabas sa pinto ay inihagis muna niya ang dala niyang bakal na tubo sa isang estanteng salamin, dahilan para mabasag ito.

"Ah, pasensya na. Nadulas ang kamay ko."

At pagkatapos niyon ay saka lamang tuluyang umalis ang binata. Pagkaalis ng binata ay saka lamang nakahinga ng maluwag ang Principal kasabay ng matinding panlalambot ng kaniyang mga tuhod at mga kamay.

"Simula na naman ng mala-impyernong mga araw. Isa itong bangungot...isa itong BANGUNGOT!"

At muling sumapit ang kinabukasan.

Isa na naman iyong mapayapang araw para sa lahat. Ang lahat ay makikitang maayos at mapayapa. Ang lahat ay normal, at hindi mo aakalain na may darating pala na hindi inaasahan...

Isang malakas na unos.

"Lalala...lala..."

Maganda ang mood ni Minaru nang umagang iyon. Dulot ito ng nangyaring kasiyahan kagabi kasama ang pantasya ng kaniyang bubay na si Yuri Aikawa. Pakiramadam pa rin niya ay nasa isang panaginip parin siya at panay ang bungisngis niya kahit mag-isa lang.

"Hoy, baka naman mag-jaw lock ka d'yan huh! Kanina ka pa nakabungisngis, nakakatakot kaya!"

"Walang basagan ng trip, okay?"

At habang sila ay naglalakad papunta sa kanilang building ay napansin agad nila na tila may kakaiba sa awra ng paligid. May ilang mga estudyante ang nagkumpulan sa isang tabi at bakas sa kanilang mga mukha ang takot at pangamba.

"A-anong meron? Parang may paparating na delubyo ah?"

"Ewan. At ako pa talaga ang tinanong mo Mina huh?" Pabalang na sagot ni Mikan. Hindi paman ay narinig nila mula sa 'di kalayuan ang mga ganitong bulung-bulungan.

"Narinig mo na ba ang balita, bumalik na si Black Prince!"

"Eh?! Tapos na ba ang one year suspension sa kaniya?!"

"Oo, mukha nga."

"Bakit pa ba s'ya tinanggap ng school! Eh napaka obyus naman na halimaw ang taong 'yon! 'Di s'ya nababagay dito!"

"Ano ka ba, parang hindi mo naman alam na takot sa kaniya ang mga teachers. Takot sa kaniya maski ang mga kalapit natin na school dahil marami silang nababalitaan na mga nakakaaway ni Black Prince na hindi na nakakapasok sa kani-kanilang mga school!"

"Oh my, isa talaga s'yang freak! Ay hindi, isa pala s'yang dyablo na ipinatapon dito sa lupa!"

Black...Prince?

Bago sa pandinig ni Minaru ang pangalang bukang-bibig ngayon sa mga usap-usapan. Palibhasa ay transfer student si Minaru noong nakaraang taon lang at malamang na wala na sa Gangawa ang sinasabi nilang Black Prince nang dumating siya sa paaralan.

"Kilala mo 'yong tinatawag nilang Black Prince, Mikan?"

"Ah, si Fujisawa?" Sagot ni Mikan sa kaniya. "Malamang 'yong mga nakatira lang sa outer space ang hindi nakakakilala sa kaniya."

"Hello! Hindi ko kaya kilala 'yang Fujisawa na sinasabi mo! Huwag mong sabihin na alien ako?!"

"Timang ka talaga, syempre hindi mo s'ya kilala kasi last year lang s'yang nawala! Nasuspend s'ya pero hindi ko alam kung ano ang dahilan."

"Bakit daw kaya?"

"Hindi ko rin alam girl."

At naputol bigla ang kanilang usapan nang ang topic ng kanilang usapan ay nagpakita na. Nakasuot ito ng itim na uniporme imbis na prescribe uniform ng paaralan. Bahagya itong nakayuko at nakalisik ang mga mata na nakatitig ng diretso at walang pakialam sa kaniyang paligid. Kapansin-pansin din ang itim na neck band na nakasuot sa leeg ng binata. Lahat ng mga mata ay nakasunod sa binata, mga tingin na puno ng pagkatakot.

Nagkataon naman na papunta sa direksyon nina Minaru ang binata at lumagpas ito sa kanilang harapan. Kitang kita ni Minaru kung paano tumingin ang binata, sobrang talas na gaya ng sa isang patalim at mararamdaman mo rin ang mabigat na awra na tangan-tangan ng binata sa bawat pagyapag ng kaniyang mga paa sa lupa. Pakiramdam ni Minaru nang mga sandaling iyon ay dumaan sa harapan nila si Kamatayan. Miski siya ay nakaramdam ng bahagyang takot, ngunit mas lumamang sa kaniya ang pagkakaroon ng interes na makilala ang kinatatakutan ng lahat na Black Prince na banta sa pinatutupad niyang kaayusan at katahimikan sa buong paaralan.

"Hindi maganda ang pakiramdam ko sa taong 'yan. Hmanda s'ya, hindi ko aalisin ang mga mata ko sa kaniya."

At mas lalo pang nagkaroon ng tensyon nang makapasok na ang dalaga sa kanilang klase. Daig pa niya ang nakapasok sa isang Horror House kung saan ang kaniyang mga kamag-aral ay nanginginig lahat sa takot na nagsisiksikan sa isang sulok ng silid-aralan.

A-anong...meron?!

At habang papunta siya sa kaniyang mesa ay ganito ang mga bulung-bulungan na kaniyang narinig...

"Bakit dito pa! Bakit sa section pa natin!"

"Parang gusto ko na tuloy magpa-transfer ng ibang klase!"

"Ako rin!"

Dahil doon kaya maski si Minaru ay nag-alala na sa kanilang kakaibang sitwasyon.

Ano bang nangyayari dito? Bakit sila takut na takot? Teka, huwag mong sabihin sa akin na...

At ang taong nasa isip ng dalaga ay biglang sumulpot sa kaniyang likuran...

"Nakaharang ka sa daanan ko."

Isang malamig na tinig ang narinig ni Minaru mula sa kaniyang likuran. Maski siya ay kinilabutan at nag-alangan na lumingon matapos niyang makita ang reaksyon ng kaniyang mga kamag-aral na bakas ang matinding takot.

N-nasa...likod ko s'ya...?

"Bingi ka ba?" Muling inulit ng binatang nakatayo sa likuran ni Minaru ang sinabi nito at halatanag nag-uumpisa na itong mairita sa sitwasyon. "Ang sabi ko, nakaharang ka sa daraanan ko."

Agad na napalingon ang dalagang si Minaru at tulad ng kaniyang inaasahan ay bumungad sa kaniya ang mga nanlilisik na mata ng binatang binansagan ng lahat na Black Prince. ng Gangawa High.

"Tumabi ka."

Ang mga salitang iyon na lumabas mula sa bibig ng binata ang labis na nakapagpainit sa ulo ng dalagang si Minaru. Kaya naman imbis na paraanin ang binata ay buong tapang pa siya na humarap at pinandilatan pa ng mata ang binata.

"Hoy!" Malakas at mapanghamon ang boses ni Minaru nang sumagot siya. "Ang lawak ng daanan, 'di mo ba nakikita?! At saka huwag mo akong panglilisikan d'yan ng mga mata mo! Akala mo ba natatakot ako sa iyo! Hu! IN YOUR DREAMS!!!"

Pagkasabi ng mga salitang iyon ay mabilis na nagsi-atrasan ang kaniyang mga kamag-aral at nag-ipun-ipon silang lahat sa isang gilid.

"H---hindi mo dapat 'yan sinabi sa kaniya, Nagato!"

"Patay na, katapusan na rin naming lahat!"

Nagtaka naman si Minaru sa sinabi ng kaniyang mga kamag-aral.

"At bakit naman!"

At bigla na lang ginulat ng isang malakas na suntok si Minaru mula sa galit na binata na tumama sa pader at nabutas nang walang kahirap-hirap. Ang mga piraso ng semento na nabasag mula sa pader ay tumalsik at nagbigay kay Minaru ng ilang mga gasgas sa kaniyang pisngi.

Napatingin si Minaru sa nabutas na pader, at miski siya ay nagulat.

T-tao ba...ang isang ito? Paano n'ya...?

"Masyado kang matapang mag-asta..." Ito agad ang naging banat ng nayayamot na binata sa isang mahinahon ngunit nakakatakot na paraan "Akala mo ba hindi kita papatulan, huh ASO!"

Umiksu ng husto ang natitirang pasensya ni Minaru dahil sa ibinansag ng binata sa kaniya.

A-anong itinawag n'ya sa akin, ASO?!

Kaya naman mabilis na nag-init ang ulo ng dalaga at sabay-sabay na umalsa ang mga ugat niya sa sintido at sa kaniyang mga kalamnan.

"Wala kang karapatan na tawagin kong ASO!"

Agad na sinuntok ng dalaga ang binata sa pisngi, na sa lakas ay agad na napaatras ang binata ng isang hakbang. Marami ang nagulat at lahat sila ay nagsiksikan lalo sa isang tabi.

"Katapusan na nating lahat!"

Hindi makapaniwala si Minaru na nasuntok niya ang binata, miski siya ay nagulat sa kaniyang ginawa.

T—teka...anong ginawa ko?

Dahil sa ginawa ni Minaru kaya pumutok ang labi ng binata at ito ay dumugo. Ngunit imbis na magwala dahil sa nangyari ay lalo lamang siyang nagkaroon ng dahilan para patulan ang dalagang si Minaru.

"Ah, ayos" Mahinahon pa ang pagkakasabi ng binata sa kabila ng umuusok na galit sa kaniyang mukha. "Hindi na masama ang suntok na iyon para sa isang babaeng tulad mo. Mukhang nagkamali ako ng estima sa iyo."

Pagkatapos niyon ay bibigyan niya si Minaru ng nakapangingilabot na tingin na tagusan hanggang sa kaluluwa, na naging dahilan para hindi makakilos ang dalaga mula sa kaniyang kinatatayuan.

A-anong nangyayari?! Ang katawan ko, h-hindi ko maigalaw!

At lumapit sa kaniya ang binata, sobrang lapit na halos magdikit na ang kanilang mga mukha.

"Gusto mo ng laban? Doon tayo sa labas..."

END OF CHAPTER TWO