Chereads / PINOY HORROR STORIES / Chapter 3 - Laruang Bungo

Chapter 3 - Laruang Bungo

Ang kwentong ito ay nangyari sa kapatid nang room mate ko nung nag-aaral pa ako, tawagin nalang natin syang si Jino.

Mahilig si Jino mangulekta nang mga laruan, naka display ang mga ito sa kanyang kwarto. Walang sino man ang pwedeng gumalaw nang mga ito kundi sya lang. Dahil dito laging naka kandado ang kanyang kwarto para hindi ito mapasok nang mga pamangkin nya. Medyo Introvert si Jino at mas gusto nitong laging mag-isa, kahit sa trabaho kilalang loner ito. Bawat sweldo at pumupunta sya sa toy store para bumili nang laruang kokolektahin.

Sweldo nun at gaya nang dati ay nagpunta si Jino sa toy store kung saan madalas syang bumibili nang mga laruan nya. Magsasara na sana ang may-ari pero dahil sa suki na nya si Jino ay hinintay nya ito habang nakikipag kwentohan dito. Abalang-abala si Jino kakapili nang laruang bibilhin nang napansin nya ang isang laruang bungo. Naisip nyang bagay ang laruang yun na pang display sa Halloween kaya inabot nya ito at nagtungo na sa counter. Nagtaka ang may-ari nang toy store dahil wala naman daw silang binibentang laruang bungo, wala ring price tag na nakalagay dito. Maaring naiwan ito nang isa sa kanyang mga costumers at malamang ito ay babalikan nang may-ari kinabukasan. Sinabi nya kay Jino na hindi iyon binibenta pero nagpumilit ang lalake na bilhin iyon, ayaw sanang ibenta nang may-ari ang laruan pero kalaunan ay pumayag ito dahil sa ka kulitan ni Jino. Sinabi nitong ibebenta nya ito kay Jino pero pag binalikan ito nang may-ari ay dapat na ibalik agad ni Jino ito. Pumayag naman sa kasunduan si Jino kaya masayang nabili nya ito sa halagang singkwenta pesos.

Pagdating ni Jino sa kanyang kahay ay pinagmasdan nyang maigi ang nabiling laruan. Halatang mamahalin ang laruan na yun kung titingnan ay parang antigo na rin ito. Matapos nitong pagmasdan ay dinisplay niya ito sa bakanteng puwang nang kanyang display cabinet.

Normal lang ang mga sumunod na araw, gumigising siya nang 5:30am para maghanda para sa trabaho, 8:00am ang pasok nya kaya 7:30 ay papunta na siya sa kanyang opisina. Umuuwi siya nang 12nn para kumain at mag "siesta" bago bumalik sa opisina nang 12:45pm. Nakasanayan na ni Jino ito araw-araw, ika nga nila ay "routine" na ito nang buhay niya.

Biernes iyon, nagising si Jino nang mas maaga, 3am pa pinilit niyang matulog uli pero hindi na talaga siya makabalik sa pagtulog kaya bumangon nalang ito at pinagmasdan ang kanyang mga laruan. Mula sa mga laruang Robot, mga scale models nang eroplano at mga barko hanggang sa mga kutsilyo na hango sa mga video games na nilalaro niya na pinapagawa pa niya sa isang sikat na "modern" panday na si Jokan.

Tuwang tuwa siya sa kanyang kuleksyon, masilayan lang niya ang mga ito ay masaya na siya. Hindi niya naisip na humanap nang nobya oh gumawa nang sariling pamilya, nasa isipan lang niya lagi ang kanyang kuleksyon.

Napansin ni Jino na nawawala ang nabili niyang Bungo, galit na galit itong lumabas nang kwarto para tanungin ang kasambahay nila na siya lang ang nakakapasok sa kwarto niya para maglinis. Sa galit niya, hindi niya napansin ang paligid pagkalabas niya nang kwarto. Dumeretso siya sa kwarto nang kasambahay ngunit wala ito. Nagtaka siya kung bakit walang katao-tao sa bahay nila gayong umaga pa naman. Pagkalingon niya sa kanyang likuran ay may nasagap ang kanyang mga mata na nakaitim na pumasok sa kwarto nang kanyang mga magulang. Sinundan niya ito ngunit nang sinilip niya ang kwarto ay wala namang tao. Inisip niyang baka malikmata lang ang nakita nya, ngunit muli siyang nakakita nang nakaitim na pumasok naman ngayon sa kusina. Muli niya itong sinundan ngunit gaya nung una ay wala siyang nakitang tao. Medyo natatakot na si Jino sa mga oras na iyon, nagmadali siyang lumabas nang bahay ngunit pagkabukas niya nang pinto ay wala siyang makita, kadiliman lang ang nasa likod nang pinto.

Naisip niyang baka nananaginip lamang siya kaya pinisil niya ang sarili, hindi iyon panaginip. Sinigaw niya ang pangalan nang kanyang mga magulang, kapatid at kasambahay ngunit walang sumasagot. Tumakbo siya papuntang kwarto nang nanindig ang kanyang balahibo, nakita niya sa sala ang mga taong nakaitim at nakaputi na nakatayo at nakaupo sa sala. Malabo ang mga mukha nito, hindi niya mawari kung lalake o babae ang mga ito, hugis tao lang sila pero malabo ang mga mukha. Multo? Engkanto? walang nakakaalam, kumaripas siya nang takbo papasok sa kwarto niya at nag lock nang pinto. Ilang sandali pa'y narinig niya ang mga taong nagbubulongan, marami silang sabay na nagbubulongan at hindi niya maintindihan ang mga binubulong na naririnig niya. Nilapat niya ang kanyang tenga sa pinto para mas marinig ang mga bulong nang nagulantang siya sa malakas na katok mula sa labas. Sa takot niya ay napatakbo at napasiksik siya sa ilalim nang kama. Palakas nang palakas ang mga katok, tila masisira ang pinto sa lakas. Kahit hindi niya gawain ay nagdasal siya, pikit matang nagdasal si Jino na sana ay magising siya at panaginip lamang ang mga ito. Laking tuwa niya nang marinig niya ang boses nang kanyang mga magulang, tinatawag nila ang pangalan ni Jino, tila umiiyak ang mga ito at nag-aalala. Dali-daling sumagot si Jino at tinawag ang pangalan nang kanyang ina ngunit walang boses na lumalabas sa kanyang bibig. Pinilit niyang sumigaw ngunit tanging ungol lang ang nagagawa niya.

Binuksan niya ang pinto ngunit wala siyang nakita sa labas, wala ang mga magulang niya wala rin ang mga nakaitim at nakaputing nilalang. Paglingon niya sa loob nang kanyang kwarto nakita niya ang kanyang mga magulang at mga kapatid pati ang kanilang kasambahay, umiiyak ang mga ito habang nakapalibot sa kanyang kama. Nagtataka man ay nasiyahan siya na makita ang kanyang pamilya, lumapit siya sa mga ito at nagtanong kung ano ang problema. Ngunit walang boses na lumalabas sa kanyang bibig, gulat na gulat rin siya nang makita ang sarili niya na nakahiga sa kama habang iniiyakan nang mga magulang at kapatid. Biglang lumitaw ang mga nilalang na nakaitim at nakaputi at pilit na hinihila si Jino papalayo sa kanyang mga magulang. Nagpupumiglas siya ngunit wala siyang magawa sa mga ito, masyado silang marami na humihila sa kanya. Patay na ba siya at sinusundo na nang mga nilalang na iyon ang kanyang kaluluwa? Gusto pa sana niyang magpaalam sa kanyang pamilya sa huling pagkakataon ngunit wala na siyang magawa. Tumigil na siya sa pagpupumiglas at hinayaan nalang niya ang mga nilalang na hilain siya. Tanggap na niya ang kanyang kapalaran, tanggap na niyang patay na siya. Narinig niya ang kanyang ama na sinabing hindi na niya maramdaman ang pulso ni Jino, humagulgol sa pag-iyak ang kanyang ina at kapatid. Hindi niya napansin ang kanyang kasambahay, ito pala ay nakatingin sa kanya na parang nakikita niya si Jino at ang mga nilalang na nakaitim at nakaputi. Parang gustong lumabas nang kasambahay ngunit naka tayo sa pintuan ang mga nilalang, sumenyas ang kasambahay sa kanya, parang ninasabi nito na maghintay muna. Kaya muling nagpumiglas si Jino, binuhos niya ang lahat nang kanyang lakas para mahila niya papalayo sa pinto ang mga nilalang. Nang wala nang nakaharang sa pinto ay dali-daling lumabas ang kasambahay, pumunta ito sa likod nang bahay at kinuha ang bungo na nabili ni Jino.

Itinapon pala nang kasambahay ang bungo nang maramdaman nang kasambahay ang panganib nito. May matalas na pakiramdam ang kasambahay at may alam din ito sa ukultismo. Galing sa pamilya nang mga manggagamot ang kasambahay at ginamit niya ang mga natutunan niya para tulongan si Jino. Dinasalan, at sinunog nang kasambahay ang ang bungo. Ibinaon nito ang natitirang abo at diniligan nang langis na may halong mga parte nang halaman. Pagkatapos ay kinuha nito ang basang lupa na nabuhusan nang langis at dali-daling ipinahid sa katawan ni Jino na nakahiga sa kama. Pinagalitan nang mga magulang ni Jino ang kasambahay, wala raw itong respeto sa bangkay nang kanilang anak. Itinulak nang kapatid ni Jino ang kasambahay palabas nang kwarto, nakangiting lumabas naman nang kwarto ang kasambahay na lalong ikinagalit nang pamilya ni Jino. Tinadyakan nang kapatid ni Jino ang kasambahay na dahilan upang ito ay masubsob sa sahig at tumama ang mukha nito mesa, putok ang mga labi at punit ang kilay nito na tumayo at lumabas nang bahay.

Naramdaman ni Jino na unti-unting nanghihina ang mga nilalang na humihila sa kanya at siya naman ay palakas nang palakas. Nagawa ni Jino na makalapit sa kanyang katawan, hinawakan niya ito at bigla nalang siyang nagising. Naghahabol hininga siyang nagpumilit bumangon sa harap nang gulat na gulat na pamilya niya. Napayakap ang Ina nito sa kanya, hindi naman nakagalaw ang kanyang ama, sinabi nitong isang milagro ang nangyari. Sa kanilang kasiyahan ay nakalimutan nila ang kasambahay, ni hindi nila inisip na sugatan ito at nahihilong lumabas nang bahay.

Ikinuwento ni Jino ang lahat nang nangyari sa kanya, hindi makapaniwala ang kanyang mga magulang sa sinabi niya. Hinanap nila ang kasambahay para magpasalamat at humingi na rin nang tawad sa nagawa nang kanyang kapatid ngunit hindi na nila ito mahanap. Nagtanong-tanong sila sa mga kapitbahay at may nakapagsabi na nakita daw nila ito na naghugas nang kanyang duguang mukha sa may ilog. Pinuntahan agad nang kanyang ama at kapatid ang ilog habang si Jino at kanyang ina naman ay bumalik ng bahay para makapagpahinga.

Nasa ilog na ang ama at kapatid ni Jino ngunit wala doon ang kasambahay. Tinawag nila ang pangalan nito ngunit walang sumasagot. Tinangkang tumawid nang kapatid ni Jino sa ilog ngunit nagulat ito nang mapansing malalim pala ang gitnang parte nang ilog. Mula sa gitna na kinatatayuan nang kapatid ni Jino ay nakita niya ang isang pares nang sandal na gamit nang kanilang kasambahay. Nilangoy niya ito at nakita ang kanilang kasambahay na nangingisay na sa ilalim nang tubig. Sinisid niya ito at tinangkang sagipin, ngunit tinangay na ito sa mas malalim na parte nang ilog nang malakas na agos nito. Sinigawan niya ang ama para humingi nang tulong na dali-dali namang tumakbo sa kabahayan. Sinisid uli niya ang ilog at pilit ninanap ang kasambahay ngunit wala na ito. Tumawid siya sa kabilang parte nang ilog nang makita niya ang kanilang kasambahay na umahon sa ilog. Natuwa siya at tinawag ang pangalan nito ngunit hindi yata ito narinig, dumiretso ang kasambahay na naglalakad papunta sa kakahuyan. Nagtaka ang kapatid ni Jino sa nakita, wala na itong sugat at hindi basa ang mga damit nito. Sinundan niya ito sa kakahuyan ngunit hindi na niya ito matagpuan. Dumating naman ang mga tanod na tinawag nang ama niya at dali-daling sumisid sa ilog. Sinigawan niya ang mga ito na wala na sa ilog ang kasambahay at nasa kakahuyan na ito, pero hindi na siya narinig nang tanod na sumisid na sa ilalim.

Ilang sandali pa ay umahon ang tanod, humingi ito nang lubid at sumisid pabalik, nagtaka ang kapatid ni Jino kung ano ang ginagawa nang tanod at para saan ang lubid. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang umahon ang tanod na hila-hila ang bangkay nang kasambahay. Pinilit nila itong sagipin ngunit wala na itong buhay. Mababakas sa mukha nang kasambahay na ito ay sugatan, may nakakita din dito na sugatan ito galing sa bahay nila Jino at pasuray-suray na naglakad papunta sa ilog.

Agad na pinaimbistigahan nang barangay ang pamilya ni Jino, dumeretso sila sa kapulisan. Nasa kasadsaran nang pag iimbestiga sila nang tumunog ang selpon nang ama, tumawag ang ina ni Jino ito at umiiyak. Patay na daw si Jino, para raw itong nalulunod sa tubig, hindi makahinga at sumisigaw nang tulong.

Naisalba nga nang kasambahay ang buhay ni Jino mula sa sumpa nang bungo ngunit dahil sa nangyari ay naging magkarugtong ang kanilang buhay. Pati ang paraan nang pagkamatay nila ay magkapareha.

Sa pagkakataong iyon ay inamin na rin nang kapatid ni Jino ang kanyang nagawa sa kasambahay na humantong sa pag-alis nito sa bahay.

Dumaan ang isang linggo, nakaburol sa bahay nila si Jino. Nakakulong naman ang kapatid nito dahil sa nangyari sa kanilang kasambahay.

Sinasabing muling nakita ang laruang bungo sa isang tindahan nang mga laruan. Kung saan? Hindi ko na alam at wala akong balak na alamin, panay kamalasan at masamang pangyayari ang dala nang bungo na iyon.

-WAKAS