"Nalulugod akong makita kayo, mga bayani ng aming kaharian." dagdag ng babae na nakagayak ng napakakulay na kasuotan.
"Bayani?" ani Ella.
"Oo, mga bayani. Sapagkat kayo ang mga pinili upang ibalik ang sigla sa aming kaharian."
"Kaloka! E wala nga kaming kaalam-alam kung nasaan kami tapos tatawagin mo kaming superheroes niyo? Saka ano ba ang nangyayari rito? Ang hitsura sa labas ang gulo-gulo, halos lahat black or dark colors lang. Tapos ikaw napakakulay ng suot mo, pang-Pride Parade. Sino ka ba?" sunud-sunod na tanong ni Patrick.
"Hayaan mo akong sagutin ang iyong mga katanungan. Ako si Masining, ang prinsesa ng Kaharian ng Haraya. Anak ni Haring Kahalangdon. Noon ay napakasaya sa aming kaharian. Lahat ay nagmamahalan, nagbibigayan, nagtutulungan, at iba pang magagandang katangian."
"Ang lahat ng magagagandang katangian ng aming kaharian ay nawala nang hinangad ni Heneral Baligho na pagharian ito at magpakasasa sa lahat ng yamang likas ng Haraya. Mahigit 300 na pagsikat ng araw na ang nakalilipas nang iyan ay mangyari. Nasa tusong heneral din ngayon ang korona ng aking ama. Sinumang magsuot ng koronang iyon ay magkakaroon ng kakaibang katalinuhan upang mapanatili ang kaayusan sa Haraya. Ngunit si Heneral Baligho, ang ipinapatupad niya ay ang kabaligtaran upang masarili niya ang karangyaan sa aming kaharian."
"O tapos? Paano kami magiging superheroes ng kingdom ninyo?" tanong ni Patrick.
"Kung mapapansin ninyo, protektado ang aming kastilyo. Ang panangga na ito ay gawa ng aking Amang Hari bago pa man makuha ni Heneral Baligho ang kanyang korona. Dito niya ibinuhos ang natitira niyang lakas nang siya ay kalabanin ng tusong heneral sa harap ng aming kastilyo at nalagutan ng hininga sa entabladong iyon," sabay itinuro ni Prisensa Masining ang entabladong tanaw mula sa kanilang kinatatayuan.
Halos 20 hakbang lamang mula sa tarangkahan ng kastilyo ang layo ng entabladong nababalot din ng mahiwagang panangga.
"Kitang kita ko ang ginawa ni Heneral Baligho sa aking ama noong gabing iyon nang napasilip ako sa balkonahe. Napakabilis ng pangyayari. Nakita ko na lang na napakarami nang dugo sa harapan ng kastilyo. Iyon pala ay pinagpapatay na ni Heneral Baligho ang iba pang mga bantay ng hari. At naaktuhan ng aking mga mata ang paulit-ulit na pagsaksak ng heneral sa aking amang-hari," tumatangis na salaysay ni Prinsesa Masining.
"Napabagsak ang aking ama sa ibabaw ng entabladong iyon matapos ang pagsasaksak sa kanya. Kinuha ni Heneral Baligho ang korona mula sa ulo ng aking ama at bumaba siya sa entablado nang suot niya ang iyon. Maya-maya, may liwanag na bumalot sa kastilyo na umabot hanggang sa entablado. Tapos, bigla na lang naglaho ang kanyang katawan," kwento ng prinsesa.
"Ito ang nagpoprotekta sa amin sa mga kaguluhan sa labas," tinutukoy ng prinsesa ang panangga. "Kasabay ng pag-protekta niya sa aming kastilyo ay ang pag-iwan niya ng mga palaisipan na magliligtas sa aming kaharian. Ang mga iyon ay nakaukit sa mga pader ng kastilyong ito at bigla-bigla na lamang lalabas at magliliwanag kapag kinakailangan."
"Mga bayani ay matatagpuan mo, sa mundo kung saan ang ngalan mo'y naghihingalo."
"Iyan ang isa sa mga palaisipang iniwan ng aking ama," itinuro ng prinsesa ang nakaukit na palaisipan sa pader ng kastilyo. "Kayo ang mga bayaning nagmula sa mundo kung saan ang ngalan ko, ang pagiging 'masining', ay tila naghihingalo sa mga tao sa paligid ninyo. Ngunit may tapang kayo na ipagpatuloy ang isinigaw ng inyong mga puso na ipagpatuloy ang inyong pagmamahal na sining – at ito ang pangunahing kailangan namin upang mabawi ang sigla sa aming kaharian."
"Sandali, paano nga pala kami nakarating sa kaharian ninyo?" tanong ni Joel.
Isang lalaki ang sumagot sa tanong ni Joel na naglalakad pababa sa hagdanan sa loob ng kastilyo.
"Naglakbay ako sa iba't ibang panahon at iba't ibang mundo. Hanggang sa nakita ko ang mga katangian at hitsura ng mga nilalang sa mundo ninyo na halos kawangis ng sa amin," sabi ng lalaki.
"Ay ang pogi. Sino naman 'yan?" tanong ni Patrick, tinutukoy ang lalaking tumugon.
"Siya si Prinsipe Klasiko, ang aking pinsan. Gaya ko, hindi nalason ni Heneral Baligho ang kanyang isipan dahil narito siya sa loob ng kastilyo nang nakuha ng tusong heneral ang korona ng aking ama," sagot ni Prinsesa Masining.
"Bawat isa sa amin ay may natatanging kapangyarihan. Ang sa akin, kaya kong lumikha ng mga bagay base lamang sa aking nakikita at naiisip."
Pinakitaan ni Prinsesa Masining ng kanyang mahika ang apat sa pamamagitan ng paggayak sa kanila ng mga kasuotang kawangis ng kasuotan nila ng prinsipe – magarbong saya at makukulay na damit panlalaki.
"Wow!" banggit ni Patrick habang tinitingnan ang kasuotan nilang apat. "Parang fairy godmother lang! Sana gown na lang din ang sa akin."
Napatitig naman si Tino kay Ella dahil lalong lumitaw ang taglay niyang ganda sa kanyang kasuotan.
"Samantala, kapangyarihan naman ni Prinsipe Klasiko ang lakbayin ang iba't ibang paanahon at iba't ibang mundo. Nang isinama ako ng prinsipe sa inyong mundo, napansin ko ang pagka-moderno nito. Kaya sa pamamagitan ng aking mahika, gumawa ako ng isang bagay na tinatawag ninyong website dahil napansin naming sa inyong mundo, marami ang nahuhumaling sa tinatawag ninyong internet."
"Ang makapagbubukas lamang ng website na iyon ay ang mga karapat-dapat," dugtong pa ni Prinsipe Klasiko.
"Kung gayon, bakit pati kami ni Patrick ay napasama samantalang sina Ella at Tino lang naman ang naka-access sa website na yan?" tanong ni Joel.
"Ang liwanag mula sa mahikang likha ni Prinsesa Masining ang nagdala sa inyo rito. Hindi kayo dadalhin dito ng liwanag kung wala kayong maiaambag sa aming pagtatanghal," sagot ng prinsipe.
"Pagtatanghal? 'Yan ang nakita kong title ng event. Pwedeng pakilinaw kung ano ba 'yung pagtatanghal na 'yan?" tanong ni Ella.
"Pagtatanghal.com ang website na ginawa ko. Doon nakapaloob ang isang kaganapang masasaksihan ng lahat ng nilalang sa Haraya sa Pebrero 29, petsa sa inyong mundo," paliwanag ni Prinsesa Masining.
"Ano? Isang buwan kaming mawawala sa mundo namin?" tanong ni Tino.
"Lagot tayo kina Mama, Kuya Tino," sabi naman ni Patrick.
"Patay naman ako sa misis ko niyan," wika naman ni Joel.
"Paumanhin lang po, Prinsesa. Wala naman po kaming mga kapangyarihan kagaya ninyo. Pwede bang ibalik niyo na lang kami sa mundo namin?" pakiusap ni Ella.
"Ikaw Ella, magagamit natin ang iyong pagiging makata at katalinuhan sa paggamit ng mga salita upang magamot ang nilason na isipan ng mga nilalang sa aming kaharian," sabi ng isang babae habang pababa sa hagdanan.
"Oh, sino naman 'yan?" banggit ni Joel.
"Ako si Prinsesa Kakaniyahan, kapatid ni Haring Kahalangdon at ina ni Prinsipe Klasiko. Kaya kong basahin ang mahahalagang bahagi ng pagkatao ng sinuman. Pati na rin ang iniisip ng kahit sino, kung nanaisin ko. Ikaw Joel, magagamit namin ang iyong husay sa pagguhit upang matulungan ang Prinsesa Masining sa paggawa ng mga bagay na magagamit ninyo sa pagtatanghal."
"Ikaw naman Tino, ang iyong husay sa musika ang magpapaalala kung paanong mag-ibigang muli ang mga nilalang na ngayon ay nagsasakitan dahil sa kagagawan ni Heneral Baligho. At ang kapatid mong si Patrick, sa kanyang pagsasayaw ay maipapakita niya ang tamang galaw upang magkaroon ng pagkakaisa ang buong kaharian," dagdag pa ni Prinsesa Kakaniyahan.
"We did not sign up for this. Hay naku, ituro niyo sa amin ang daan pabalik sa mundo namin," sabi ni Patrick kay Prinsesa Masining.
"Paumanhin ngunit sa oras na nalutas ang mga ibinibigay na palaisipan ng aking ama, hindi na ito maibabalik. Gaya ng sabi ko kanina, kayo ang sagot sa isa sa mga palaisipan na lumitaw sa pader na iyon. Kayo ang itinutukoy nito na mga bayani," tugon naman ni Prinsesa Masining.
"Badtrip naman!" bulong ni Joel.
Kaya naman upang makabalik sa kanilang mundong pinagmulan, susundin nina Ella, Tino, Patrick, at Joel ang nakaukit sa kanilang kapalaran – ang maging mga bayani ng Kaharian ng Haraya.