"Bukod sa aming tatlo, may iba pang mga mahikero at iba't ibang uri ng hayop ang nasa loob ng kastilyong ito. Huwag kayong mag-alala, magiging katuwang ninyo kami sa gaganaping pagtatanghal," ani Prisipe Klasiko.
"Ganoon ba? Prinsipe Pogi, mag-partner tayo sa sayaw ah. Ako na ang bahala sa choreography," masiglang sinabi ni Patrick.
"Hoy, ikaw Patrick, 'wag mong dalhin sa sitwasyon na ito 'yang kalandian mo ah," sabi ni Tino sa kapatid.
"Ang KJ naman nito," mahinang sinabi ni Patrick.
"Anyway, nasaan 'yong iba niyo pang kasama rito sa kastilyo?" tanong ni Ella kay Prinsesa Masining.
"Halikayo, sundan niyo kami," sagot ni Prinsesa Masining.
Sinundan nina Ella, Tino, Patrick at Joel ang dalawang prinsesa at isang prinsipe na papaakyat sa ikalawang palapag ng kastilyo. Nasa gawing kanan ng kastilyo ang hagnanan na may pakubra sa korte paitaas. Habang sila ay paakyat, tinatanaw ng apat na nilalang mula sa mundo ng mga tao ang itaas na pinaliliwanag din ng magagandang mga ilaw.
Nang makarating sila sa ikalawang palapag ng kastilyo, natatanaw pa rin nila ang unang palapag ng kastilyo. Kita pa rin doon ang bakanteng trono ng tagapamuno ng Haraya. Sa ikalawang palapag kadalasan ay nakadungaw ang mga mahikero sa tuwing may kaganapan sa bulwagan sa unang palapag ng kastilyo. Sa mga pader nito ay nakaguhit na parang mga kartun ang larawan ng mga nilalang na tila gumagawa ng mahika dahil mayroong nagliliwanag sa kanilang mga kamay.
Nilibot nina Prinsesa Masining, Prinsipe Klasiko at Prinsesa Kakaniyahan ang apat sa ikalawang palapag. Naaliw sina Ella, Tino, Patrick at Joel dahil sa tuwing dadaan sila sa harap ng mga nakapintang larawan ay awtomatikong gumalaw ang mga nakaguhit sa pader.
"Astig! Para akong nanonood ng mga animation. Cool!" sabi ni Joel habang pinapanood ang gumagalaw na larawan sa kanyang harapan. Larawan ng isang babaeng nagpapalutang ng mga kasangkapang panluto.
Napadaan naman si Patrick sa isang nakaguhit na lalaki na isa-isang pinalaho mga libro, plorera, mesang kinalalagyan ng mga ito, at isang upuan.
"Ito ang totoong magic. Walang magic tricks," komento ni Patrick sa nakita.
Maraming iba't ibang klase ng mahika ang kanilang nakita base sa mga nakaguhit sa mga pader na gumagalaw sa tuwing daraan sila sa harapan ng mga ito. May nakapagpapagalaw ng mga gamit, nakapagpapaliit ng mga bagay, nakapagpapalutang, nakapagpapasayaw ng mga hayop at marami pang iba.
"Inilalarawan ng mga nakaguhit sa mga pader na iyon ang aming kaharian, ang tunay na Haraya. Lahat kami rito sa kastilyo ay nais nang maibalik ang Haraya na aming nakagisnan. Ang Haraya na bagaman bawat isa ay may angking kapangyarihan, lahat ay nagtutulungan pa rin, nagbibigayan at nagmamahalan. Halos araw-araw ay ngiti ang makikita mo sa kanilang mga labi. Ang buong kaharian ay laging masigla at masaya," salaysay ni Prinsipe Klasiko.
Maya-maya, isang puting kunehong tumatakbo ang kanilang napansin. Nanggaling ang kuneho sa itaas na palapag kung saan sila naroroon, bumaba ito sa hagdan at nagtatakbo papalapit sa kanila.
"Rimo, tigil!" sigaw ng isang batang lalaki na tila wala pang sampung taon.
Tumigil ang kuneho sa pagtatakbo nito matapos sumigaw ang bata. Tumakbo naman ang bata papalapit sa kuneho at binuhat ito.
"Rimo, doon lang tayo sa kwarto ko maglaro," sabi ng bata sa koneho.
Tumahimik ang bata ng mga ilang segundo at pagkatapos ay nagsalita.
"Mga bisita?" tanong ng bata habang nakatingin sa kuneho.
Tumingin ang bata kay Prinsipe Klasiko at sinabing, "Ama, sabi ni Rimo may mga bisita daw tayo."
"Anak mo?" tanong ni Joel kay Prinsipe Klasiko.
"Oo. Siya si Prinsipe Marahuyo, ang aking anak. Siyam na taong gulang lamang siya. May kakayahan siyang basahin ang iniisip ng anumang hayop. Dahil doon, napapaamo niya at napapasunod ang mga ito," sagot naman ni Prinsipe Klasiko.
"Ay may anak na. Sayang, mukhang taken na si Prinsipe Pogi," bulong sa sarili ni Patrick.
"Anak, tama si Rimo. May mga bisita tayo. Sina Patrick, Ella, Tino, at Joel," sabi ni Prinsipe Klasiko sa anak habang isa-isang ipinakilala ang apat.
"Hi! Alam mo mga ilang taon pa, magiging kasing-edad mo na rin ang baby girl ko," may lambing na sinabi ni Joel kay Prinsipe Marahuyo. Tinutukoy niya ang kanyang tatlong taong gulang na anak na babae.
Nakatingin lamang nang nakangiti ang batang prinsipe kay Joel habang kinakausap siya nito. Bigla naman natuon ang pansin ni Prinsipe Marahuyo kay Patrick at nilapitan ito.
"Tara, maglaro tayo nina Rimo," sabi ng batang prinsipe kay Patrick. Hinawakan ni Prinsipe Marahuyo ang braso ni Patrick gamit ang kanyang kanang kamay habang ang kanyang kaliwang kamay ay bitbit-bitbit ang kunehong si Rimo.
"Kaloka ka! Dalaga na ako 'no. Di na ko na bet maglaro," sabi naman ni Patrick na 15 taong gulang na kaya di na rin ganoong kaaktibo sa paglalaro.
"Tara na kasi," pangungulit naman ni Prinsipe Marahuyo habang hinahaltak si Patrick paakyat sa ikatlong palapag ng kastilyo. Sumusunod sa kanila sina Tino, Joel, Ella, Prinsesa Masining, Prinsipe Klasiko at Prinsesa Kakaniyahan.
Pagkaakyat nila sa ikatlong palapag, nakita nila ang isang maliit na bulwagan at nasa gilid ay may mga kuwarto. Sa kaliwa ay may dalawang magkatabing kuwarto – isang mas maliit at isa na doble ang laki sa katabi nitong kuwarto. Sa kanan naman ay may tatlong kuwarto na pantay-pantay ang laki.
"May mga bisita tayo!" sigaw ng batang prinsipe.
Maya-maya ay lumabas mula sa gitnang kuwarto sa kanan, ang iba't ibang klase ng hayop. May mga aso, mga ibon, mga kuneho, at mga paru-paro at lahat sila ay papalapit sa batang prinsipe.
"Ahhhh," sigaw ni Patrick na napayakap kay Prinsipe Klasiko dahil sa gulat nang nagsilabasan ang mga hayop.
Tapos, isang babae naman ang lumabas sa katabing kuwarto kung saan nagsilabasan ang mga hayop.
"Sila na ba ang ating mga bayani, mahal ko?" tanong ng babae habang papalapit kay Prinsipe Klasiko.
"Oo, mahal ko," sagot ni Prinsipe Klasiko sabay hawak sa kamay ng magandang babae.
"Mahal ko? What's the meaning of this?" malakas na sinabi Patrick sabay bumitaw sa pagkakayakap sa prinsipe.
"Patrick, siya si Prinsesa Rosida, ang asawa ng aking anak," wika ni Prinsesa Kakaniyahan kay Patrick.
"Ang aking mapagmahal na ina," sabi naman ni Prinsipe Marahuyo bago mapayakap kay Prinsesa Rosida.
"Kamusta, Prinsesa Rosida? Ako po si Joel. Alam niyo po, parang kayo rin po 'yong asawa ko. Napakaganda niya rin," wika ni Joel. "Sila naman ang mga kasama kong napadpad dito, sina Tino, Patrick, saka Ella."
"Napakaganda mo naman po Prinsesa Rosida. Matanong ko lang po, ano po kayang powers niyo?" tanong ni Tino kay Prinsesa Rosida.
"Powers?" tanong ng prinsesa sa binata.
"Powers po. Kapangyarihan," sagot ni Tino.
"Ang aking kapangyarihan?" Buksan mo ang iyong palad," utos ng prinsesa kay Tino.
Binuksan ni Tino ang kanyang kaliwang palad. Ikinumpas ni Prinsesa Rosida ang kanyang kanang hintuturo. Pagkatapos noon ay isang pulang rosas ang bigla na lamang lumitaw sa palad ni Tino.
"Ganyan ang aking kapangyarihan. At para sa akin, hindi lang ito basta-basta kapangyarihan – isa itong misyon. Ang maipakita sa sinuman ang kagandahan ng mga bulaklak, mga halaman at maging mga puno," pahayag ni Prinsesa Rosida.
"Aba, ayos! Dapat pala, Pre, may Prinsesa Rosida rin sa Earth. Para malutas natin ang climate crisis," sabi ni Joel kay Tino.
Tiningnan ni Tino ang rosas na kanyang hawak habang iniisip kung ano ang maaaring gawin sa bulaklak. Hanggang sa napatiningin siya sa kanyang kaliwa kung saan nakatayo si Ella. Ibinigay niya ang rosas kay Ella.
"Uy, may namumuong love team," kantiyaw ni Patrick sa kapatid.