Chereads / Kaharian ng Haraya / Chapter 8 - SA TANGHALAN

Chapter 8 - SA TANGHALAN

Samantala, sina Joel at patrick na naiwan sa unang palapag ay kasama lamang ang mga mga prinsesa at mga prinsipe. Doon ay unti-unti silang bumubuo ng kanilang mga plano para sa gagawing pagtatanghal.

Nakatayo sila sa may bulwagan kung saan tanaw ang entablado sa bukas na tarangkahan ng kastilyo. Naglakad papunta sa entabladong iyon si Joel kaya nagsisunuran din ang iba.

Sa pamamagitan ng kanyang mahika ay gagawa si Prinsesa Masining ng malaking panakip sa paligid upang hindi makita ng mga nilalang sa labas ang pag-uusap ng mga prinsesa, mga prinsipe, ni Patrick, at ni Joel.

"Anong mga klaseng performances ba ang nagaganap sa entabladong 'to?" tanong ni Joel sa mga prinsesa at prinsipe.

"Performances? Anong salita 'yon?" tanong ng batang prinsipe na si Prisipe Marahuyo.

"Performances," nag-isip naman si Joel ng salitang mas mauunawaan ng mga mahikero sa kanyang harapan. "Mga pagtatanghal, gan'on."

"Mga masisigla at nakaaaliw na mga pagtatanghal. May mga grupo ng mga mahikerong nagtatanghal dito tuwing ika-60 na sikat ng araw. Iyon ang isa sa mga masasayang tradisyon namin dito sa Haraya," sagot ni Prinsesa Kakaniyahan.

"Laging kay sarap panoorin ng mga nagiging palabas dito ng mga mahikero. Awitang tungkol sa pag-iibigan at pagbabayanihan ng mga nilalang dito sa aming kaharian. Idagdag mo pa ang kanilang mabisang paggalaw at pagsayaw," dugtong ni Prinsesa Rosida.

"Gusto ko rin ang mga makukulay na dekorasyon. Kay sayang panoorin!" may masayang tonong binanggit ng batang prinsipe.

"S'ya nga pala, Joel. Ipagpaumanhin ninyo ni Tino kung hindi ko agad nabatid ang tinutukoy ninyong gitara. Mga plawta at tambol lang kasi ang karaniwang ginagamit ng mga musikero dito sa aming kaharian," wika ni Prinsesa Masining kay Joel na gumuhit pa ng larawan ng gitara upang malaman ng prinsesa ang hitsura nito.

"Ayos lang 'yon. Kayo ho bang mga prinsesa at mga prinsipe? Naranasan niyo na bang magtanghal dito?"

"Ako!" masiglang sinabi ni Prinsesa Rosida. "Noong ako ay dalaga pa, naranasan kong makiisa sa tradisyon naming pagtatanghal. Kasama ko roon ang aking pamilya pati mga kamag-anak."

"Doon ako unang nabighani sa iyo, mahal ko. Kay husay mong sumayaw. At kahit sabay-sabay kayong nagsisikantahan ay tila tinig mo lamang ang aking naririnig," malumalay na sinabi ni Prinsipe Klasiko sa kanyang asawa.

"Naalala ko pa noon, ipinakita ng aking ama at ina ang kanilang pagliliwagan. Habang kaming magkapatid at magpipinsan ay nagsisayawan nang ipinapakita namin ang aming pagkakaibigan, pagtatawanan at pagtutulungan," dagdag pa ni Prinsesa Rosida.

"E kayo po, other princesses and princes? Nakasali na ba kayo?" tanong ni Patrick habang mabilis tiningnan isa-isa sina Prinsesa Kakaniyahan, Prinsesa Masining, Prinsipe Klasiko at Prinsipe Marahuyo.

"Kaming mga may dugong bughaw ay hindi pa kailanman nakaranas na magtanghal. Ito ay dahil kapag narito ka sa kastilyo ay magiging punong abala ka na sa paglilingkod sa iyong kaharian. Wala kaming sapat na panahon para mag-ensayo kung sakaling makikiisa nga kami sa pagtatanghal," paliwanag ni Prinsesa Kakaniyahan.

"Nagiging handog na rin ng aming nasasakupan ang mga pagtatanghal bilang pasasalamat nila sa aming mga narito sa kastilyo sa tapat naming paglilingkod sa kanila," dagdag ni Prinsipe Klasiko.

"Ngunit ang aking ina, si Reyna Kasiki, minsan niyang ibinahagi sa akin na nakibahagi na rin siya sa pagtatanghal. Ito ay noong hindi pa niya asawa ang aking ama at isang ordinaryong mahikero pa lamang siya. Gustong gusto daw umano ng mga manonood ang kanyang kaaya-aya at makapangyarihang tining. Sayang lamang at hanggang ngayon ay nagkukulong pa rin siya sa kanyang silid at patuloy na nagluluksa sa pagkamatay ng aking ama. Kung masigla sana siya ngayon, malaki ang magiging bahagi niya sa ating pagtatanghal," salaysay naman ni Prinsesa Masining.

Nang mga oras na iyon ay nasa kanyang silid lamang si Reyna Kasiki, tulala at hindi pa rin ginagalaw ang agahang inihatid sa kanya ng kanyang anak.

"Ayon naman sa aking ama, hindi lamang ang atensiyon niya ang napukaw ng ina kong reyna. Pati na rin ang kanyang puso. At mas lalong inibig ni Ama si Ina nang lubusan niya itong nakilala at nakita ang kanyang ginintuang puso. Kalaunan ay nabihag na rin ng aking ama ang puso ng aking ina. Labis na nag-iibigan ang aking mga magulang. Nasaksihan ko ito habang ako ay lumalaki. Kaya naman nauunawaan ko ang pinagdaraanan ngayon ng reyna. Hindi ko muna nais pilitin siyang makiisa sa atin sa gagawin nating pagtatanghal," paliwanag pa ni Prinsesa Masining.

"Your highness, 'wag kayong mag-alala. Ibibigay namin ang best namin para maging successful ang performance natin," sabi ni Patrick sa prinsesa.

"Oo nga, para makauwi na rin ako sa pamilya ko. Nakakainggit kaya 'tong mag-asawa na 'to," ani Joel sabay itinuro si Prinsipe Klasiko at si Prinsesa Rosida na hawak ang balikat ng anak nilang si Prinsipe Marahuyo.

"I'm sure nagre-ready na rin sina Kuya Tino at Ate Ella," sabi ni Patrick habang tinatango-tango ang kanyang ulo.

Susuriin ni Joel ang entablado. Tinitingnan ang paligid nito habang kinakausap ang kanyang sarili.

"Teka, parang maganda dito ako mag-design ng parang home sweet home. Tapos parang dito banda may tambayan. Okay, okay. Siguro dito banda si Tino kapag tumugtog siya. Sa bandang harap naman ang mga sasayaw," bulong ni Joel sa sarili habang hawak ng kanang kamay ang kanyang baba.

Sige Patrick naman ay tila sinusukat ang entablado sa pamamagitan ng paghabang at konting pagsayaw-sayaw.

"One, two, three, four," binilang ni Patrick kung ilang hakbang ang haba ng entablado. Umabot sa 26 na hakbang ang nagawa niya.

"Malaki na rin pala ang space. Ayos na sa blockings," komento ni Patrick matapos ikutin ang buong entablado.

Matapos ang pag-oobserba sa entablado, humiling ng maraming papel at lapis sa si Joel kay Prinsesa Masining. Sabay naman aakyat sina Joel at Patrick sa ikaapat na palapag upang makapagpulong sila nina Tino at Ella tugkol sa mga magiging plano nila para sa pagtatanghal.

Sa bukas na pintuan ng silid ni Ella, nakita nina Joel at Patrick si Tino at ang dalaga. Si Tino ay tinutugtog sa gitara ang chords na Bb – F – Bb at kumakanta ng "la la la la la" na tila ba nag-iisip ng tono. Si Ella naman ay itinutuktok ang hawak na lapis sa mesa na isinasabay niya sa tiyempo ng tunog ng gitara.

"Excuse lang, mahal na Prinsipe at Prinsesa!" pag-antala ni Patrick sa dalawa.

Napatigil sina Tino at Ella sa kani-kanilang ginagawa at napatingin sa bukas na pintuan kung saan nakatayo sina Joel at Patrick.

"Charot lang! Kuya Tino at Ate Ella pala," sabi pa ni Patrick.

"So mukhang may nasisimulan na rin kayong dalawa," sabi ni Joel habang kapwa silang papalapit ni Patrick sa kinauupuan ng dalawa. "Ituloy-tuloy na natin. Tara, meeting tayo."

Hawak pa rin ni Joel ang mga piraso ng papel at lapis na ibinigay sa kanya ni Prinsesa Masining. Umupo siya sa isa sa mga bakanteng upuan na malapit sa kinauupuan nina Tino at Ella. Nanatili namang nakatayo si Patrick kahit pa may isa pang bakanteng upuan.

"Bilang pinakamatanda sa ating apat, ako na ang magpe-preside ng meeting na ito. Okay, may tututol ba?" tanong ni Joel sa tatlo.

"Ay ikaw ang magiging leader pala namin. Hindi ba pwede na'yong pinakabata, tutal age is just number lang naman e," pagtutol ni Patrick sa sinabi ni Joel.

"Sa akin, Kuya, okay lang," sagot ni Tino.

"Okay lang din sa akin," tugon naman ni Ella.

"Paano ba 'yan, Patrick. Payag silang dalawa. Mag-isa ka lang," sabi naman ni Joel na tila nang-aasar lay Patrick.

"Sige na nga. Ano pa bang magagawa ko?" sabi ng napilitang si Patrick.

Kaya naman sa pangunguna ni Joel na nagkaroon na ng ilang ideya nang nilibot niya ang tanghalan, maghapon na magpupulong ang apat at mabusising gagawa ng plano na magiging kapaki-pakinabang sa isasagawang pagtatanghal.