Matapos makilala nina Ella, Tino, Patrick, at Joel ang mga prinsesa at prinsipe na nasa kastilyo, inihatid na ni Prinsesa Masining ang apat sa kanilang magiging mga silid sa ikaapat na palapag. Doon ay may apat na silid na karaniwang ginagamit kapag may mga bisita sa kastilyo.
Gayunpaman, kahit may kanya-kanya silang mga kuwarto, hindi sila napapakali sa pag-iisip sa kung ano ba ang kanilang magiging kapalaran sa Haraya. Kaya nagtipon-tipon ang apat sa labas ng kanilang mga kuwarto, nag-usap-usap at nagplano.
"Tino, nasaan pala yung cellphone mo? Baka pwede i-open mo ulit 'yong link. Malay mo makabalik na tayo sa atin gamit 'yon. Parang hindi ko kayang tumagal sa weird na lugar na ito," sinabini Joel kay Tino.
"Kung hawak ko ang cellphone ko, kanina ko pa rin ginawa 'yan," sagot naman ni Tino.
"Hindi niyo ba narinig ang sinabi ni Prinsesa Masining? Kailangan nating tapusin ang misyon natin dito sa kingdom nila," sabi ni Patrick.
"Ikaw kasi e, kung ano-anong website ang binubuksan mo," sisi ni Joel kay Patrick.
"Kuya Joel, hindi ko rin naman ginusto ito e," tugon naman ni Tino.
"Mabuti pa Kuya Joel, 'wag mo nang sisihin si Kuya Tino. Isipin niyo na lang adventure 'to," pagtatanggol naman ni Patrick sa kanyang kuya.
"Sorry talaga, Kuya Joel. Kung may choice nga lang ako na wag na kayong madamay ni Patrick sa gulo na ito, 'yon ang mas gugustuhin ko," pagtatanggol naman ni Tino sa sarili.
"Aysus, ang kuya ko. Parang gusto mo lang masolo si Ate Ella e," pang-aasar ni Patrick sa nakatatandang kapatid.
"Loko!" tugon ni Tino na bahagyang namula ang pisngi. Napatingin si Tino kay Ella at tinanong siya, "Bakit parang wala kang imik?"
"Naisip ko lang, paano kung mag-fail tayo sa misyon na 'yan? Saan tayo pupulutin?" tanong ni Ella habang ipinapaling ang tingin kina Tino, Patrick at Joel.
"Oo nga ano? Hindi natin naitanong sa prinsesa 'yan," sabi ni Tino.
Maya-maya, isang maliit na liwanag ang lumitaw sa pader malapit sa kanilang kinatatayuan. Gumagalaw ang maliit na liwanag na para bang may isinusulat na pangungusap. Nang tumigil ang paggalaw ng liwanag, binasa nila ang naukit sa pader na ang sabi:
Burahin lahat ng gulo, kundi tanghala'y guguho kasama ang mga pinili ko.
"Teka, anong ibig sabihin niyan?" tanong ni Joel.
"Hmm, 'burahin lahat ng gulo.' Baka kailangan mabura natin sa isip ng mga nilalang ditto 'yong kasaman. Alam mo na, dahil doon kaya nagkakagulo sila sa labas," hula ni Tino.
"E ito, 'kundi tanghala'y guguho.' Baka guguho ang stage na nasa labas," hula naman ni Patrick.
"Maaaring ang itinutukoy sa tanghalan ay itong Haraya, in general? Anong sa tingin niyo?" tanong ni Ella sa mga kasama.
"Maybe. E itong last, 'Te. Guguho raw kasama ang mga pinili niya. Ano kayang pinili 'yan? Piniling espada? Piniling hayop? Piniling pagkain? Piniling oufit? Kaloka," panghuhula naman ni Patrick.
"Hindi kaya piniling mga bayani?" spekulasyon ni Ella.
Sumagot naman si Patrick, "'Wag naman, uy! Tayo 'yon e. Ibig sabihin kapag nag-fail tayo, tegi tayo?"
Hanggang sa nagsiakyatan patungo sa kanila ang mga aso, mga kuneho, mga ibon at mga paru-paro. Tila itinutulak ng mga ito sina Ella, Tino, Patrick at Joel pababa. Hanggang sa napunta sila sa unang palapag. Idinaan sila sa gilid na lagusan papuntang hapag kainan.
Nang nakarating sila, niyaya sila ni Prinsesa Rosida, "Kumain muna kayo mga bayani. Sariwa ang mga gulay na 'yan galing sa mga halamang aking pinausbong."
"Ay, vegetarian ka pala dapat dito, 'Te," bulong ni Patrick kay Ella.
Nagsalu-salo ang apat sa pagkain kasama ang mga prinsesa at prinsipe.
Mga isang oras pagkatapos nilang magkainan. Sinimulan na nila ang pagtatalaga ng mga gagawin para sa isasagawa nilang pagtatanghal. Hindi lamang ang apat ang sasali sa gagawing pagtatanghal. Pati na rin ang mga mahikerong nasa loob ng kastilyo kasama na rin ang mga uri ng hayop na napapasunod ni Prinsipe Marahuyo.
"Sa umpisa, siyempre kailangang makabuo tayo ng mga awiting ating patutugtugin sa pagtatanghal," sabi ni Prinsesa Masining.
"Okay, okay. Kami na ni Ella," ani Tino. Napatingin si Tino kay Ella. Tumingin din naman si Ella kay Tino. May mga ilang segundo silang nagkatitigan kaya unti-unting namula ang mga maputing mukha ni Ella. Hanggang sa may isang nagsalita at binasag ang katahimikan.
"What? Kayo na agad," malisyosong tanong ni Patrick.
"I mean kami na ni Ella ang asahan ninyo sa paggawa ng kanta. Siya susulat ng lyrics, ako naman ang bahala sa tono," paglilinaw ni Tino.
"E ako mag-drawing lang naman ang kaya kong gawin. Tatuan ko na lang kayo isa-isa. Alangan namang mag-ala bank teller ako rito," pamimilosopong tanong ni Joel.
"Iguhit mo anuman ang maisip mong makatutulong sa pagtatanghal na ito, at gagawin ko ang mga iyon na pisikal," sabi ni Prinsesa Masining kay Joel.
"Ayos 'yon. Kuya Joel. Pwede mo akong ipag-drawing ng gitara, piano, ano pa ba? Mic na rin siguro," suhestiyon ni Tino kay Joel.
"Gawin mong medyo upbeat, Kuya Tino. Para ako ang sasayaw," sabi ni Patrick habang bahagyang ikinekendeng ang mga balakang.
"Maaari rin kaming sumayaw ng mahal kong asawa. Ipakikita namin mga galaw ng pagmamahalan." wika ni Prinsipe Klasiko.
"Sige na nga, di na ako magiging bitter sa inyong dalawa, Prinsipe Pogi. Just dance with love. Diba nagmamahalan naman ang mga nilalang dito sa Haraya. So, 'yon ang ipakita ninyo," ani Patrick sa prinsipe.
"Tayo rin lola, sumayaw din tayo!" pag-anyaya ni Prinsipe Marahuyo kay Prinsesa Kakaniyahan.
"Sige ba, apo," tugon ni Prinsesa Kakaniyahan.
"Everyone can join. Kahit 'yang mga pets mo na 'yan. Basta ako na ang bahala sa choreography. 'Wag kayong mag-alala, sisimplehan ko lang ang steps para makasunod kayo.
Maya-maya, ikinumpas ni Prinsesa Masining ang kanyang kamay. Sa pader sa sa likod ng trono ay lumikha siya ng didyital na kalendaryo at orasan. Ang nakasulat ng mga oras na iyon ay:
3:51 PM
02/01/2020
"Nakakita ako ng kagaya niyan sa mundo ninyo kaya naisip kong lumikha rin nito para sa inyo. Upang may batayan kayo sa araw at oras habang pinaghahandaan ang nakatakdang araw ng pagtatanghal," paliwanag ni Prinsesa Masining.
"Speaking of dates, maitanong ko lang po. Bakit po niyo naisip na Pebrero 29 ang itinakdang panahon? May nakita rin po ba kayong naukit sa pader?" tanong ni Ella sa prinsesa.
"Ganoon na nga. Tingnan ninyo ito," utos ng prinsesa.
Nagsunuran sila kay Prinsesa Masining Patungo sa kanang pader ng bulwagan. Itinuro ng prinsesa ang nakaukit na mga pangungusap na ang sabi:
"Sa dulo ng itinakdang buwan, ipaalala sa kanila ang pinagmulan. Kasamaang nagmula sa tanghalan, doon din wawakasan."
"Kanina pa ako nan-nosebleed sa inyo ah," ani Patrick matapos basahin ang nakaukit.
"Sa dulo ng itinakdang buwan? Katapusan ng February?" interpretasyon ni Ella sa uang linya.
"Tama ka," sagot ni Prinsesa Masining.
"Paano naman ninyo nalaman na 'yon ang itinakdang buwan?" tanong ni Tino sa prinsesa.
Sinagot naman ni Prinsipe Klasiko ang tanong ni Ella na makailang beses nilakbay noon ang mundo ng mga tao kasama si Prinsesa Masining upang kanila itong maobserbahan.
"Hindi kagaya ng mundo ninyo ang Kaharian ng Haraya. Wala kaming tinatawag na buwan bilang batayan ng panahon. Ang bawat taon ay binibilang lamang namin batay sa kung ilang beses sumisikat ang araw. Sa isang taon, 365 beses sumisikat ang araw dito sa amin," paliwanag ng prinsipe.
"Buwan ng Pebrero, ang inyong Pambansang Buwan ng mga Sining. Sa buwan na ito ipaaalala natin sa mga taga-Haraya ang tunay nilang pinagmulan. Hindi ang Haraya na dinungisan ni Heneral Baligho," dugtong ni Prinsesa Masining.
"Ah, okay! National Arts Month," wika ni Joel.
"Kasamaang nagmula sa tanghalan, doon din wawakasan," malakas na pagbasa ni Prinsesa Masining. Ipinaliwanag niya na ang kasamaang itinutukoy ay ang pagpatay sa kanyang ama na nangyari sa tanghalan sa harap ng kastilyo. At wawakasan nila ang kasamaan sa pamamagitan ng pagtatanghal na gagawin nila sa tinutukoy na tanghalan kung saan noon ay masisiglang mga pagtatanghal lamang ang napapanood – walang nangyayaring kasamaan, kasakiman at patayan.
Dahil sa kanilang nalaman, napagtanto nina Ella, Tino, Patrick at Joel ang kahalagahan ng kalendaryong nilikha ng prinsesa. Upang may gabay sila sa oras at petsa habang papalapit ang itinakdang pahanon, ang ika-29 ng Pebrero.
Natapos ang unang araw ng apat na bayani sa kaharian ng Haraya nang may kaunting kalinawan sa kanilang mga isip kung ano nga ba ang kanilang misyon. Gayunpaman, hindi pa lingid sa kanilang kaalaman na mas marami pa silang matutuklasang kahiwagaan sa loob ng kaharian. Maraming katanungan din ang mabibigyan pa lamang ng kasagutan sa mga susunod na araw at kanila itong magagamit hindi lamang sa pagiging mga bayani ng Haraya, kundi pati na rin sa kani-kanilang mga personal na misyon sa buhay.