Chereads / Kaharian ng Haraya / Chapter 6 - UNANG BUKANG-LIWAYWAY SA HARAYA

Chapter 6 - UNANG BUKANG-LIWAYWAY SA HARAYA

Habang tulog pa ang mga bayani ay sumilip sa isang malaking ulap ang araw. Unti-unting naaninag ang sinag nito hanggang sa tuluyang niyakap ng liwanag nito ang kapaligiran ng Haraya.

Ginising ng sinag ng araw na humalik sa kanyang mukha si Ella, na noon natutulog ang kanyang silid. Ito ang kanyang ikalawang araw sa Haraya, gayundin sina Tino, Patrick at Joel.

Binuksan ni Ella, na nakasuot ng puting saya na gaya sa mga pantulog ng mga babaeng taga-Haraya, ang bintana sa kanyang kuwarto at dumungaw siya mula roon. Nakita niya na may mga nilalang na rin na nasa labas ngunit tila may mga kaluluwang walang liwanag na kasingganda ng sinag ng araw. Paglingon niya sa kanan ay may pamilyang nagsisigawan. Ang ina ay sinasaktan ang anak, at ang bata naman ay gumanti sa kanyang ina. Sinampal naman ng tatay ang mag-ina at sinabing, "Hoy, kayong dalawa. 'Wag kayong magulo!"

Paglingon niya naman sa kaliwa, ang nakita niya ay isang binatang may sinasaktan na dalawang aso. Iilan pa lamang ang mga nasa labas ng mga oras na 'yon sapagkat katatapos pa lamang ng bukang-liwayway subalit kay aga-aga ay may kasamaan na agad siyang nasaksihan.

Bumalik si Ella sa kanyang kama at umupo. Hanggang sa napansin niya na may papel at lapis sa mesa. Umupo siya sa isa sa apat na upuan na katabi ng mesa at hinawakan ang lapis gamit ang kaliwang kamay, kamay na ginagamit niya sa pagsusulat.

Pumikit si Ella. Bagaman ang nakita niyang Haraya nang siya ay dumungaw sa bintana ay walang pagmamahalan, iba ang naging histura ng kaharian sa kanyang imahinasyon. Ang nakita niya ang pagsapit ng bukang-liwayway at dahil sa liwanag nito ay unti-unti nasilayan ang luntiang Haraya na tila dinedekorasyunan ng makukulay na bulaklak, puno, mga tahanan, mga kasuotan ng mga mahikero at iba't ibang klase ng hayop. Ibang iba ang Harayang nasilayan ni Ella sa kanyang pagpikit.

Nang siya ay dumilat, kinuha niya ang papel at isinulat:

"Bukang-liwayway na naman

Dito sa'ting kaharian

Sinag ng araw ay liliwanagan

Ang kapaligirang luntian

Karaagan mong kinulayan

Ng iba't ibang nilalang"

Halos isang oras ay nasa kanyang silid lamang si Ella upang makasulat ng mas mahaba pang tula. Tila hindi siya nakararamdam ng gutom.

Maya-maya ay may kumatok sa kanyang silid. Biglang naisip ni Ella ang kanyang ina na siyang kumakatok sa kanyang kuwarto tuwing umaga upang tawagin siya papuntang hapag-kainan kung saan nakahain ang almusal.

Nagunita niya ang boses ng inang si Sally na sinasabing, "Ella, anak! Gising na, ready na ang breakfast." Ngunit batid ni Ella na hindi ang ina niya ang kumakatok dahil alam niyang nasa ibang lupalop ng mundo siya.

Pinatungan ni Ella ng plorera na nasa mesa rin ang papel na kayang sinulatan. Pagkatapos, tumayo siya patungo sa pintuan upang buksan ito.

"Good morning, Ate Ella!" malakas na sinabi ni Patrick na noon ay nakapantulog na pang-itaas at pang-ibabang mga damit na tulad naman sa mga isinusuot ng mga lalaking taga-Haraya.

"Oh, Patrick. Good morning din."

"'Te, kagigising mo lang?" tanong ni Patrick sa dalaga.

"Kanina pa rin ako nagising. May ginawa lang ako," sagot ni Ella.

"Ang busy mo naman, 'Te,"

"Hindi naman. May naisip lang akong isulat bigla. Anyway, nag-breakfast na ba kayo?"

"Hindi pa nga e. Gutom much na rin ako."

"Nasaan ang kuya mo saka si Kuya Joel?"

"Ayun oh, akala mo mga tambay," itinuro ni Patrick sina Tino at Joel na noon ay nakaupo lamang sa tuktok na baitang ng hagdan sa ikaapat na palapag.

Tumingin si Ella sa direksiyon na itinuturo ng kanang hintuturo ni Patrick at nakita sina Tino at Joel na kapwa tahimik lamang. Kagaya ni Patrick ang suot na pantulog ng dalawa.

Lumabas sa kanyang silid si Ella at isinara ang pinto nito. Nagtungo sila ni Patrick kung saan naroroon ang dalawang lalaki.

"Heto na si Ate Ella," sabi Patrick habang papalapit kina Tino at Joel.

"Good morning," pagbati ni Ella sa dalawa.

"Good morning," nakangiting binanggit ni Tino sa dalaga.

"Anong good sa morning?" tanong ni Joel nang nakasalubong ang mga kilay.

"Kuya, 'wag mo naman sungitan si Ella. Parang bumabati lang e," sinabi ni Tino kay Joel.

"Ayi, ang kuya ko concern sa iyo," bulong ni Patrick kay Ella.

"Edi sorry. Badtrip kasi e. Baka hinahanap na ako ng asawa't anak ko," paliwanag ni Joel.

"Ayos lang, naiintindihan ko," tugon naman ni Ella.

"O siya, siya, siya! Bumaba na tayo sa dining area. Nagwo-world war three na kasi ang mga bulate ko sa tiyan," sabi naman ni Tino habang naglalakad pababa ng hagdan.

Nang nakarating sa hapag-kainan ang apat, nakita nila na naroon na ang mga prinsesa at prinsipe na silang naghahanda ng mga kakainin sa almusal. Si Prinsesa Rosida ay bitbit ang salad ng sariwang mga gulay, kanin naman ang inilalapag ni Prinsipe Klasiko sa hapag, inaayos naman ni Prinsesa Masining ang mesa habang hawak ni Prinsesa Kakaniyahan ang mga plato. Si Prinsipe Marahuyo naman ay pinakakain ang kanyang mga alagang hayop sa isang gilid.

Nang matapos sila sa paghahanda ng hapag, pinaupo na nila sina Ella, Tino, Patrick at Joel upang kumain. Nagsiupuan na rin ang mga prinsesa at mga prinsipe.

"Halina't mag-agahan na tayo," anyaya ni Prinsesa Kakaniyahan.

Bago magsimulang kumain ay nagpasalamat ang mga mahikero sa Dakilang Bathala.

"Mahabagin at Dakilang Bathala, maraming salamat muli sa masaganang hapag," ani Prinsesa Kakaniyahan.

Mga ilang minuto, pagkatapos nilang nagsikain, tumayo si Ella at sinabi, "Paumanhin po, kailangan ko na pong bumalik sa aking silid. May tinatapos lang po ako."

Umakyat si Ella at naiwan sa hapag-kainan ang mga prinsesa at prinsipe kasama sina Tino, Patrick at Joel.

"Ano kayang nangyari 'don?" sabi ni Tino na nagtataka kung bakit biglang ginustong umakyat ni Ella.

"Sabi niya kanina may sinusulat siya," wika naman ni Patrick.

"Ganun ba?" ani Tino. Maya-maya, tumingin si Tino kay Prinsesa Masining at humiling na bigyan siya ng gitara, "Prinsesa Masining, pwede niyo po ba akong bigyan ng gitara?"

"Ano ang gitara. Paumanhin, Tino. Bagaman nanggaling ako sa mundo ninyo, sadyang hindi ko pa rin alam ang tawag ninyo sa inyong mga kagamitan," sabi ng prinsesa.

"Musical instrument po 'yon. Ginagamit sa pagtugtog," tugon ni Tino.

"Ginagamit sa pagtugtog? Sandali lamang." Ikinumpas ni Prinsesa Masining ang kanyang kamay. Matapos noon ay isang plawta ang lumitaw sa mesa.

"Nyek, flute?" tumawang banggit ni Patrick.

"Bakit ka tumatawa. Hindi ba't ginagamit 'yan sa pagtugtog?" tanong ng prinsesa kay Patrick.

"Prinsesa Masining, bigyan mo po ako ang papel at lapis," utos naman ni Joel sa prinsesa.

Sa pamamagitan ng kanyang mahika, nabigyan agad ni Prinsesa Masining ng papel at lapis si Joel. Mabilis namang gumuhit ng isang gitara si Joel at ipinakita ito sa prinsesa.

"Ganito po ang hitsura ng gitara, nakakita na po ba kayo niyan?" tanong ni Joel kay Prinsesa Masining.

Naalala naman ni Prinsesa Masining ang gitarang minsan niyang nakita sa mundo ng mga tao. Nang mapagtanto niya kung ano ang gitara, pinatayo ng prinsesa si Tino, "Sige, Tino. Tumayo ka riyan."

Ikinumpas ng prinsesa ang kanyang kamay. Ilang saglit lang, isang gitara ang lumitaw. Ang strap ng gitara ay nakasabit kay Tino.

"Ayos 'to," komento ni Tino sa gitarang kulay kamagong. "Maraming salamat, Prinsesa Masining. Kuya Joel, thank you rin sa pag-drawing ah. Puntahan ko lang si Ella ah. Diba nagsusulat na siya? Try ko nang gawan ng tono."

"Excited siya puntahan si Ate Ella, oh," bulong ni Patrick kay Joel.