Chereads / Kaharian ng Haraya / Chapter 4 - PIGHATI NG REYNA

Chapter 4 - PIGHATI NG REYNA

"Excuse me. Kanina pa ako nabibigla sa mundo niyo. Kung sino-sino na lang ang sumusulpot saka kung ano-anong kahiwagaan ang mga ipinapakita niyo sa'min e. 'Wag na ulit kayong mang-surprise ah. Pwedeng pakipaliwanag niyo na sa amin kung ano ang nasa loob ng mga kuwartong yan?" tanong ni Joel sa mga prinsesa at prinsipe.

"Halikayo," utos ni Prinsesa Kakaniyahan na naglakad patungo sa unang kwarto sa kanan. Binuksan ng prinsesa ang pinto at ang nakita nila ay isang silid-tulugan.

"Ito ang aking silid," wika ni Prinsesa Kakaniyahan. Nasa loob ng kuwarto ay isang kama, mga aklat, isang maliit na mesa at dalawang upuan. Mayroon ding mesa sa tabi ng kama at kapansin-pansin ang isang litrato ng pamilya – isang ina, ama, at batang lalaki sa gitna ng dalawa.

"Ikaw ba ito Prinsipe Pogi," tanong ni Patrick kay Prinsipe Klasiko habang itiuturo ang batang lalaki sa larawan.

"Oo, at ang lalaking iyan ay ang aking ama. Si Prinsipe Peregrino," sagot ni Prinsipe Klasiko. "Subalit walong taon pa lang ako nang kunin siya ni Bathala. Pumanaw si dahil sa isang sakit."

"Gayunpaman, kahit maaga siyang nawalay sa aking piling, di matatawaran ang ligayang inihatid niya sa akin. Bukod sa binigyan niya ako ng napakamagpagmahal na anak, maraming beses niya rin ako inilakbay sa himpapawid. Ilang beses niya akong dinala sa langit," dugtong ni Prinsesa Kakaniyahan.

"Dinala sa langit? Ay ganyan talaga ang mga mag-asawa, dinadala ang isa't isa sa langit," nakangiting sinasabi ni Joel.

"Hindi. Hindi lahat ng mga nilalang dito sa Haraya ay may kakayahang lumipad," sagot naman ni Prinsesa Kakaniyahan kay Joel.

"Okay. So literal ka palang dinala sa langit. Gets gets gets, next topic na lang," ani Joel.

"Puro ka talaga kalokohan, Kuya," bulong ni Tino kay Joel.

Sunod nilang pinuntahan ang katabing kuwarto, ang silid ni Prinsipe Marahuyo. Isang kama ang nasa loob ng silid at may malaking espasyo sa loob para sa mga alagang hayop ng batang prinsipe. Ang huling silid naman na nasa kanan ay ang silid sina Prinsipe Klasiko at Prinsesa Rosida. Kapansin-pansin naman sa loob nito ang mga bulaklak at mga bonsai.

Pinuntahan din nila ang silid ni Prinsesa Masining na nasa kaliwa naman ng bulwagan. Mapapansin naman sa loob ng kanyang kwarto ang mga babasahain at mga espada.

"Bagaman siya ay babae, namana ng aking pamangkin ang husay sa pakikipaglaban ni Haring Kahalangdon," ipinagmayabang ni Prinsesa Kakaniyahan ang pamangkin.

"Ay, bet ko 'yan. Gusto ko ring maging magaling sa espadahan," nasasabik na sinabi ni Patricia.

"Hoy, Patrick! Ang bata mo pa ah. Anong espadahan 'yang pinagsasabi mo diyan?" tanong ni Tino sa kapatid.

"Kuya, Patricia is my name. Saka gusto ko lang matutong gumamit ng espada. Ang isang dilag na tulad ko ay dapat marunong ding ipagtanggol ang sarili," sagot naman ni Patrick sa kanyang kuya.

"Kung gusto mo maaari kitang turuan minsan," wika ni Prinsesa Masining kay Patrick.

"Oh tignan mo, Kuya. Tuturuan daw ako ni Prinsesa Ganda," sabi ni Patrick kay Tino nang may mapang-asar na tono. "Thank you, madam," aniya kay Prinsesa Masining.

"Tuturuan kita kapag may oras. Sa ngayon, ang kailangan muna nating isipin ay ang pagtatanghal," tugon ng prinsesa.

Huli nilang pinuntahan ang pinakamalaking kuwarto sa palapag na iyon. Kinatok ni Prinsesa Masining ang pinto ng silid ngunit walang nagbubukas ng nakasarang silid.

Matapos ang halos isang minutong pagkatok, sa pamamagitan ng kanyang mahika ay lumikha si Prinsesa Masining ng susi. "Tila kailangan ko nang gamitin ito," aniya.

Binuksan ni Prinsesa Masining ang silid sa pamamagitan ng susing iyon. Bumungad sa kanila ang isang babaeng tulala habang nakaupo sa isang silya. Sa kanyang mesa ay may mga pagkaing walang pang kabawas-bawas.

"Ina, bakit hindi pa rin po kayo kumakain," tanong ni Prinsesa Masining sa babae habang papalapit sa kanya. Sinubuan pakaunti-unti ng prinsesa ang tulalang babae ng mga nakahaing mga gulay at mga prutas.

Tinanong ni Ella si Prinsesa Kakaniyahan na nasa kanyang tabi, "Siya po ba ang reyna?"

"Oo, Ella. Siya si Reyna Kasiki," tugon ni Prinsesa Kakaniyahan na hawak ang apong si Prinsipe Marahuyo. "Mula nang pumanaw si Haring Kahalangdon, nagkaganyan na siya. Laging na lamang tulala. Madalas naman ay iyak lamang nang iyak."

"Kawawa naman," mahinang binanggit ni Ella.

"Nauunawaan ko ang kanyang pinagdaraanan. Talagang napakasakit mawalan ng kabiyak," dagdag pa ni Prinsesa Kakaniyahan.

"Kailan kaya natin ulit mapakikinggan ang kanyang makapangyarihang tining. Sana ay marinig nating muli ang kanyang pag-awit na pupukaw sa atensiyon ng kahit na sino," malungkot na sinabi Prinsesa Rosida.

"So may magical singing voice pala si 'Queen Tulaley'," sabi naman ni Patrick sa sarili.

"Masarap siguro siyang ka-jamming," wika ni Toni.

Samantala, nagpapatuloy lang sa pagpapakain si Prinsesa Masining sa kanyang ina habang ang iba sa kanyang likuran ay nag-uusap-usap.