Chereads / The Book of Fantasy Tales (Tagalog Fantasy Anthology) / Chapter 3 - Forgotten Familiar: 1.3

Chapter 3 - Forgotten Familiar: 1.3

SUMAPIT ang huling gabi ng piyesta, ang 'Bañamos Festival' na ginaganap tuwing buwan ng Setyembre rito sa Los Baños, Laguna. Ang lahat ng mga tao ay nasa sentro ng bayan upang makisaya. Nasa loob pa ako ng bahay sinusuklayan ni lola ang mahaba kong buhok habang nakaupo at nakatingin sa malaking salamin.

"Dalagang-dalaga ka na talaga, Apo." Natuon ang tingin ni Lola sa salamin kung saan kitang-kita ang repleksiyon ko. Nakangiti lang ako nang bigla akong yakapin ni lola nang mahigpit. Nagulat ako sa ginawa niya pero, hindi na ako nagtanong pa. Damang-dama ko ang pagkalinga ni lola, ang pagmamahal niya ay walang katulad.

"Hangad ko ang kaligayahan mo ngayong gabi, Ellena." Isang matamis na ngiti ang ipinabaon sa akin ni lola bago ako tuluyang umalis ng bahay.

Kasabay kong lumabas ng bahay ang nine-tailed fox. Habang naglalakad kaming dalawa hindi maalis sa isip ko si lola, medyo kakaiba ang mga ikinikilos niya. Isang malalim na buntong-hininga ang ginawa ko na napansin naman kaagad ng katabi ko.

"Master, ayos ka lang? Nilalamig ka ba? Gusto mo yakapin kita?"

"Hindi noh! Umayos ka nga!" Umatras ako bahagya nang idikit niya ang balikat niya sa balikat ko.

Ayan na naman siya sa pagiging flirty niya, inirapan ko lang siya saka nagpatuloy sa paglalakad. Kakaiba ang pakiramdam ko ngayong gabi, parang may something na magaganap? Hay! Iniisip ko lang siguro ito. Kaagad kong nakita sina Anna at ang iba pa. Ayos sa porma, pinaghandaan talaga nila ang gabing ito. Maliban kasi sa fireworks may sayawang bayan pang magaganap. Siyempre gusto nila maging maganda sa harap ng mga boys lalo na si Anna. Simple lang ang suot ko casual pink dress, ganoon din ang fox spirit kong naka jeans, t-shirt na pinapatungan ng blue vest. Kahit ano naman ang isuot niya maporma pa rin ang dating, kahit siguro basahan ang ipasuot sa kanya magmumukha pa rin siyang prinsipe.

"Ellena, ang cute n'yo talagang dalawa, make sure na magiging kayo pagkatapos ng gabing ito, okay!" tukso ni Anna sabay akbay. Sinasabi ko na may pinaplano na naman itong si Anna. Ngumisi lang ako at sinakyan lang ang trip niya.

MASAYANG nagsasayawan ang mga tao sa sentro ng bayan. Ang buong plaza ay ginayakan ng iba't ibang ilaw at palamuti. Naiwan kami ng familiar ko sa isang tabi habang pinagmamasdan ang mga sumasayaw.

"Gusto mo bang sumayaw, Master?" paanyaya ng aking familiar.

Hindi ako nakaimik nahihiya akong sumagot ni hindi ko siya magawang tingnan nang tuwid. Mayamaya bigla niyang hinawakan ang kamay ko saka hinatak papunta sa gitna ng sayawan. Rinig ko ang mapanuksong hiyawan nina Anna sa tabi namin na nakikipag sayaw sa mga partner nila.

Bigla akong nakuryente nang ilapat niya ang isang kamay sa likod ko bandang baywang habang ang isa naman ay nakahawak sa isa kong kamay.

Nanginginig ang kamay ko nang ipatong ko ito sa balikat niya, damang-dama ko ang buto niya sa balikat. Ang bilis nang tibok ng puso ko, sobrang bilis at ayaw nitong paawat. Para akong napapaihi na ewan. Pakiramdam ko walang ibang tao sa paligid kundi kaming dalawa lang. Pasulyap-sulyap ako sa mukha niya kada tingin ko tumatama ito sa mga mata niya na nakatitig sa akin. Nakakainis! Wala ba siyang ibang titingnan kundi ako?

"A-ang init," mahina kong bulong.

Lalo pang nag-init ang pakiramdam ko nang bigla niya akong kabigin papalapit sa dibdib niya. Nararamdaman ko ang pawis sa noo ko na dahan-dahang gumagapang sa mukha ko. Parang numinipis ang hanging nilalanghap ko sa paligid, huminga ako nang malalim saka nagsalita.

"M-magpahinga muna tayo," nauutal kong pag-aaya sa kanya.

Nahinto kami sa pagsasayaw nang biglang tumakbo sa gitna namin ang isang bata. Na-out of balance ang bata't muntik na itong madapa nang bigla siyang hawakan ng aking familiar sa braso.

"Ayos ka lang ba bata?" mabilis na tanong ng aking familiar.

"A-ayos lang po ako," tipid na sagot ng bata.

Mayamaya isang ginang ang nag-aalalang lumapit sa amin saka nilapitan ang bata. Kaagad niyang hinawakan sa kamay ang bata saka nagpasalamat sa pagtulong na ginawa ng akin familiar.

"Salamat, hijo! Pasensya na kung naabala kayo nitong anak ko," paumanhin ng ginang.

"Naku! Wala po 'yon!" Ibinaling ng fox spirit ang tingin niya sa batang karga ng nanay niya saka muling nagsalita, "Sa susunod huwag ka nang tatakbo, okay?"

Tumango ang bata bilang sagot, kinuskos ng familiar ko ang buhok ng bata at magiliw itong ngitian. Lumapit sa akin ang ginang saka masayang nagpaalam. Bago tuluyang umalis hinawakan ng bata ang buhok ko kaya napalingon ako sa kanya.

"Teka, Akira huwag mong galawin ang buhok ni ate," saway ng ginang sa anak.

Parang lumukso ang puso ko nang marinig ko ang pangalan ng bata. Para bang may kakaiba akong naramdamang init sa pangalang iyon. Tinanggal ng ginang ang kamay ng bata sa buhok ko saka muling nagpaalam at tuluyan nang umalis. Naiwan akong tulala habang pinagmamasdan ang pag-alis ng mag-ina.

Isang nakakapanghinang presensiya ang naramdaman ko, nangatog bigla ang mga tuhod ko. Naririnig ko ang mga tao sa paligid pero, hindi ako makatugon sa kanila. Nanlalabo ang paningin ko at para bang umaalon ang bawat maaninag ng mga mata ko. Hanggang sa maramdaman kong gusto nang lumuhod ng mga binti ko sa lupa. Hanggang sa hindi ko na kayanin pa…

"Master!" sigaw ng aking familiar.

Natauhan ako nang mapansin kong nakaalalay ang dalawang kamay niya sa baywang at balikat ko. Nilapitan ako ni Anna, alalang-alala silang lahat sa akin sumenyas ako na okay lang ako. Dinala nila ako sa isang tabi at pinaupo, kumuha ng tubig ang kaklase ko upang ibigay sa akin.

"Bes, ano bang nangyari sa 'yo? Nahihilo ka ba?" nag-aalalang tanong ni Anna.

"Oo, bigla akong nahilo hindi ko alam kung bakit. Siya nga pala salamat sa pag-alalay mo sa akin." Itinuon ko ang tingin sa aking familiar.

Nang sumakit bigla ang ulo ko, parang pinupokpok ng martilyo sa sobrang sakit. Napatayo ako mula sa pagkakaupo nang sumagi sa isip ko ang pangalan ng bata. Akira… Paulit-ulit itong umaalingawngaw sa utak ko. Ano'ng mayroon sa pangalan niya na parang pamilyar sa akin?

Isang kidlat ang nagpanginig sa kalamnan ko dumaloy ito at kumalat sa buong ugat ng katawan ko. Napahawak ako sa aking bibig nangingilid ang luha sa mga mata nang tingnan ko sa mukha ang aking familiar. Bahagya akong napaatras kumuha ng buwelo saka tumakbo pasulong. Nasagi ko ang balikat niya, napatingin lang ako sa kanya saka nagpatuloy sa pagtakbo palayo sa kinaroroonan nila.

TUMATAKBO ako nang tumatakbo, hindi ko alam kung saan ako patungo ang tanging nais ko lang ay makalayo sa aking familiar. Mukhang umepekto na nga ang 'Memory Potion' ni lola. Habang tumatakbo nakarating ako sa mataas na bahagi ng kalupaan, daan ito papunta sa kakahuyan. Medyo masukal ang paligid dahil sa nagtataasang mga damo at ligaw na halaman. Sa isang matayog na puno ng mangga ako nahinto, hinihingal at nakahawak sa dalawang tuhod.

Nang marinig ko ang pagputok ng fireworks sa langit. Natingala ako saka tinanaw ito mula sa kinaroroonan ko. Sa pagsabog ng butil ng liwanag sa madilim na kalangitan, unti-unti kong naaalala ang nakaraan. Bigla akong napapikit at napasandal sa puno ng mangga habang isa-isa ko itong ginugunita. Ang pangala ng bata at pangalan niya ay halos magkapareho ang kahulugan.

(Flash back)

Anim na taon ako nang itakas ko ang mahiwagang aklat ni mama. Batid kong may ginagawa si mama na kakaibang ritwal gamit ang aklat na iyon. Dinala ni mama ang aklat na pagmamay-ari ni lola. Ang sabi ni mama hindi na raw dapat gamitin ang aklat na iyon kaya itinakas niya nang pumunta kami sa Japan para manirahan.

No'ng gabing itinakas ko ang aklat nagtungo ako sa isang shrine na malapit sa aming bahay. Gabing-gabi na noon at walang bantay sa shrine nang pasukin ko ito. Isang maliit na templo ang bumungad sa aking harapan, nadapa ako at nabitawan ang aklat. Nabuklat ito sa bandang likod, nang lapitan ko ito nakaramdam ako ng sakit.

Dumudugo pala ang tuhod ko dahil sa pagkakadapa. Pinunasan ko ang dugo gamit ang palad ko saka ko hinawak ang aklat, nabahiran ng dugo ang pahina ng aklat na iyon. Nang tingnan ko ito nagbago ang mga sulat, mula sa kakaiba at hindi maintindihan na mga salita bigla ko na itong nababasa. Sa edad kong anim na taong gulang marunong ako bumasa at sumulat sa Filipino dahil lumaki ako sa Pilipinas bago pa kami pumunta rito sa Japan. Sa tingin ko umaayon ang mga letra sa kakayahan ng tao kung ano ang naiintindihan nitong basahin.

Sinimulan ko itong basahin nang walang ibang iniisip, gusto ko lang malaman kung ano ang mangyayari kapag binasa ko ito.

"Isang patak ng dugo para sa puso,

Apdo ng tupa at sampung salaginto.

Samahan ng buntot ng butiki para sa anino,

Pinatuyong balat ng bayawak, alay sa ninuno.

Liwanag ng buwan ako ay iyong gabayan,

Kahilingan ko nawa'y iyong pakinggan.

Tinatawag ko ang nilalang na walang pangalan,

Makipagkasundo ka sa akin at ako'y iyong sundan!"

Matapos ko itong basahin, parang wala namang nangyari. Isang sandali pa nang biglang humangin nang malakas. Isang liwanag ang lumitaw mula sa aklat napapikit ako sa sobrang liwanag. Nang malaho ang liwanag saka ko iminulat ang aking mga mata at doon ko siya unang nasilayan.

"Ikaw ba ang tumawag sa akin? Ang bago kong, Master?" malamig niyang tanong.

Nakakatakot ang hitsura niya, para siyang mabangis na aso. Nanlilisik ang mga mata at may mahahabang kuko. Lumilitaw ang dalawang pangil niya sa bibig, nakakatakot! Humakbang siya papalapit sa akin napapikit na lamang ako mula sa pagkakasalampak sa lupa. Nang maramdaman ko ang malaki at malapat niyang palad na nakaptong sa ulo ko. Biglang kuminang ang paligid, nawala ang takot na nararamdaman ko nang pasimple siyang ngumiti. Sa mga sandaling iyon pakiramdam ko, matagal ko na siyang kilala.

"A-ano'ng pangalan mo?" tipid kong tanong.

Umiling siya bago nagsalita, "Hindi ko na maaaring gamitin ang mga luma kong pangalan. Bigyan mo ako ng pangalan, Master!"

At doon ko nalaman ang tungkol sa nine-tailed fox na na-summoned ko. ikinuwento niya ang masalimuot niyang nakaraan at ang hinahangad niyang katahimikan. Ang tanging gusto lamang niya ay ang makapagpahinga at makabalik sa mundo ng mga espiritu nang wala nang tatawag pa sa kanya. Panghabang buhay na kalayaan, hindi na niya gustong matawag pang muli at makipagkasundo sa mga tulad naming may taglay na kakayahang tumawag ng espiritu.

Nangako ako sa kanya na sa oras na bigyan ko siya nang pangalan at banggitin ito sa harap niya, kasabay noon ay ang pagpapalaya sa kanya. Katapusan na iyon ng aming kontrata bilang master at familiar.

Kapag ang isang familiar ay pinangakuan ng kalayaan ng kanyang master, panghabang buhay na ito. Wala nang susunod na tao ang makakapag-summon sa kanya.

"Pag-iisipan kong mabuti ang ipapangalan sa 'yo! Gusto ko 'yung nababagay sa liwanag na taglay mo! Hmm… ano kayang maganda?"

"Kahit ano pa 'yan, Master malugod kong tatanggapin. Maraming salamat sa kabutihan mo at handa mo akong palayain."

"Mangako tayo hanggang sa hindi ko pa binabanggit ang pangalan mo, mananatili ka sa tabi ko, promise?" Ginawa namin ang pinky swear tanda ng aming pangako sa isa't isa. Ang dugo kong naipahid sa aklat ang nagsilbing selyo ng aming kontrata. Naging kaibigan ko siya, palagi siyang nakikipaglaro sa akin. Walang araw na hindi kami magkasamang namamasyal sa shrine.

"Ikaw ang matalik kong kaibigan!" Sobrang saya ko dahil sa wakas nakatagpo ako ng tunay na kaibigan.

Hanggang sa dumating ang araw ng aksidente, sampung taon ako nang maganap iyon. Nagising na lamang ako sa loob ng ospital. Nasa harapan ko siya at alalang-alala sa kalagayan ko.

"Master, sa wakas nagkamalay ka na! Patawarin mo ako Master kung hindi ko kayo kaagad natulungan ng mama at papa mo. Master, alalang-alala ako sa—"

"Sino ka?"

"M-Master? A-ako?"

"Oo ikaw, sino ka? Kilala ba kita?" Nang mga oras na iyon, hindi ko alam kung bakit siya umiiyak, kagat-labi at yapos ang sarili. Ang lungkot ng presensya ng buong paligid. Pero blanko ang isip ko ng mga sandaling iyon.

"Master, paalam," bulong niya saka naglaho nang parang bula.

Simula noon, hindi ko na siya nakita hindi na rin siya nagparamdam sa akin. Mahabang panahon ko siyang nakalimutan hanggang ngayon pala… nananatili pa rin siyang walang pangalan.