Chereads / The Book of Fantasy Tales (Tagalog Fantasy Anthology) / Chapter 9 - 31 Days With Angelica: 2.5

Chapter 9 - 31 Days With Angelica: 2.5

SAMANTALA narinig naman ng anghel sa kalangitan ang boses ni Romeo na tinatawag ang kanyang pangalan. Nakatayo si Angelica sa harap ng Panginoon at handa na siyang basbasan upang maging isang ganap na anghel at patuluyin sa bukas na pintuan patungo sa kaharian.

Napahawak sa balikat ni Angelica ang Panginoon saka nagwika. "Ano ang iyong nais? Sabihin mo't ibibigay ko ang tunay na nilalaman ng iyong puso!"

"Panginoon, patawad po! H-hindi pa po ako handang pumasok sa inyong tahanan!" buong loob na sagot ni Angelica.

"Nararamdaman ko ang nararamdaman mo, hayaan mo… ngayon din ay ibabalik kita sa mga taong minamahal mo!"

Sa ika-31 days ni Angelica, ibinalik ng panginoon ang kaluluwa niya sa lupa kung nasaan ang katawan nitong matagal nang natutulog. Ang batang iniligtas noon ni Romeo ay walang iba kundi ang anghel na nakasama niya. Ang anghel na binigyan ng misyon upang lubos na maunawaan ni Romeo ang kahulugan ng buhay.

***

IKA-31 araw nang milagrong magkamalay si Angelica, tuwang-tuwa ang mga magulang niya nang imulat ng dalaga ang mga mata nito. Subalit ang pag-iisip niya'y nasa estado ng sampung taong gulang na bata. Ang kilos at pananalita nito'y hindi ayon sa pandalagang hitsura nito dahil sa nangyaring pagka-commatose. Kaagad ipinatawag ng mag-asawa si Romeo upang ibalita ang nangyaring paggising ni Angelica.

Hindi makapaniwala si Romeo sa kanyang nakita, nakaupo sa sahig at naglalaro ng manika ang isip batang si Angelica. Isinara ni Romeo ang pintuan at silang dalawa na lamang ang naiwan sa loob. Takang-taka ang isip bata kung sino ang lalaking pumasok sa kuwarto niya.

"Mister, sino po kayo?"

"A-Angelica? A-Ako 'to si Romeo," mahinahon niyang pakilala.

"Mister?"

Napangisi si Romeo. "Sinabi nang huwag mo 'kong tawaging mister, may pangalan ako."

Parang balewala lang si Romeo sa bata, patuloy lang ito sa paglalaro. Napaluhod si Romeo't bigla niyang niyakap si Angelica. Sa hindi malamang dahilan, ipinagtapat nito ang kanyang tunay na nararamdaman.

"Mahal kita, Angelica! Gusto ko lang malaman mo kung gaano ako nagpapasalamat na duamting ka sa buhay ko. Maraming salamat sa lahat! Dahil sa 'yo, natutunan kong patawarin ang sarili ko, nagawa kong maging malakas at matatag. Hindi sulosyon ang pagkitil sa sariling buhay para takasan ang sakit ng nakaraan! Angelica, masaya ko't bumalik ka na! Kahit hindi mo ako maalala, hinding-hindi kita iiwan! Nandito lang ako para sa 'yo!"

Unti-unting tumulo ang mga luha ni Romeo, sa kailaliman ng puso niya alam niyang hindi na babalik ang anghel na nakasama niya. Ang Angelica na nasa harap niya ay ang batang Angelica na iniligtas niya. Yakap-yakap niya ito sa kanyang bisig magkapareho sila ng init at amoy. Hanggang sa maramdaman ni Romeo ang mainit na palad ni Angelica. Natigilan si Romeo nang marinig ang pamilyar na tinig na bumulong sa tainga niya.

"Romeo, mahal din kita! Narinig ko ang tinig mo mula sa langit kaya ako bumalik! Maraming salamat dahil sa 'yo naalala ko na ang lahat…"

Hawak ni Angelica ang puting balahibo sa kanyang kamay. Nahulog ito mula sa langit. Ito ang pakpak ni Angelica na naglalaman ng kanyang mga alaala bilang anghel. Nang hawakan ito ni Angelica bumalik ang lahat ng mga napagdaan nila bilang isang cute na anghel sa tabi ni Romeo.

"Ang balahibong ito'y regalo ng Panginoon. Magkakasama na tayo hindi lang sa loob ng 31 days kundi maging sa hinaharap!" Nakatitig si Angelica sa mukha ni Romeo.

Itinapat ni Angelica ang piraso ng pakpak sa pilat ni Romeo, lumiwanag ito hanggang sa mapapikit ang binata't sa pagmulat niya ipinakita ni Angelica sa salamin ang makinis nitong mukha. Isang milagrong hindi maipaliwanag na tanging Diyos lamang ang may kakayahang gumawa.

"Magsisimula tayong muli, Romeo."

"Salamat at tinawag mo na ako sa pangalan ko!" biro niya kay Angelica.

"Palagi na kitang tatawagin sa pangalan mo, Romeo." Isang mahigpit na yakap ang nagpainit sa kanilang nanabik na damdamin.

Nabalutan nang masayang tawanan ang loob ng kuwarto. Natapos ang araw na iyon nang masaya at puno ng pagmamahal sa puso nila. Panibagong araw, panibagong buhay, magpapatuloy sila na magkasama sa bawat pagsubok na darating sa buhay nila. Ang nakaraan ay kanilang tatanggapin, kasalukuyan ay kanilang mamahalin at ang kinabuksan ay kanila itong pagyayamanin.

***Wakas***