NAPAMULAT ako ng aking mga mata, mukhang tapos na ang fireworks tapos ko na rin alalahanin ang nakaraan. Malinaw na ngayon ang lahat!
"Master!" Isang sigaw ang umalingawngaw sa tahimik na kapaligiran. Habol-hininga siya nang makarating sa kinaroroonan ko. Napalingon ako nang may luha sa mga mata.
"Ayokong mawala ka! Ayokong umalis ka at iwan akong nag-iisa!" bulalas kong sigaw na nagpaingay sa kinatatayuan naming dalawa.
"Kung gano'n naaalala mo na, Master?" Tumango ako bilang sagot.
Natahimik siya at nagpalit sa tunay niyang anyo. Nabalutan ng puting usok ang paligid namin, dahan-dahan siyang lumapit sa akin at nais akong hawakan. Tinalikuran ko siya, lumunod saka tinakpan ang dalawang tainga ko dahil ayokong marinig ang kahit na ano'ng sasabihin niya.
"Hinding-hindi ko babanggitin ang pangalan mo! Ang sabi mo, palagi ka lang nasa tabi ko 'di ba? Hindi mo ko iiwan 'di ba? Ayokong umalis ka!" malakas kong sigaw habang tinatakpan ng kamay ko ang mgakabilang tainga.
Isang mahigpit na yakap ang naramdaman ko mula sa aking likod. Nakapatong ang dalawang braso niya na yumayakap sa katawan ko habang nakaluhod ako sa lupa. Marahan niya akong itinayo at iniharap sa harapan niya. Pinahiran niya ang mga luha kong ayaw paawat sa pagpatak. Kumikinang ang mga mata niya, nangungusap ito na parang sinasabi niya na huwag akong matakot mawala siya sa aking tabi.
"Hindi mo kailanganga umiyak, Master. Katulad ng sinabi ko palagi lang akong nasa tabi mo, magkaugnay ang mga puso natin. Naniniwala akong magkikita pa tayong muli, hindi man ngayon, hindi man bukas… maaaring sa ibang pagkakataon, sa ibang panahon. Ikaw ang pinakamagandang babaeng nakilala ko, ikaw ang pinakamabuting master na nag-summoned sa akin. Ang mga sandaling kapiling kita ay babaunin kong lahat sa espiritual na mundo. Kaya huwag kang matakot… mahal na mahal kita, Master."
Inilagay niya ang hintuturo sa ilalim ng aking baba saka mabilis na pumikit. Nagulat ako sa biglaan niyang paghalik sa labi ko hindi ako naging handa sa ginawa niyang iyon. Hanggang sa naramdaman kong unti-unting pumipikit ang mga mata ko, dinama ang malambot at mainit niyang halik na nagpapainit sa aking buong katawan. Iginapos niya ako sa kanyang mga bisig kasabay nito ang pagsabog ng mga butil ng liwang sa kalangitan. Napamulat kaming dalawa pero, hindi pa rin namin magawang alisin ang pagkakalapat ng aming mga labi. Ayokong matapos ang sandaling ito! Ayoko siyang maglaho!
Kumikislap ang mga mumunting liwanag na lumilitaw sa kanyang katawan. Inialis niya ang labi niya sa pagkakahalik sa labi ko. Unti-unting tinatangay ng liwanag ang katawan niya patungo sa langit.
Naglalaho na siya dahil sa ginawa kong pagbulong sa pangalan niya. Magkahawak ang aming mga kamay nararamdaman ko ang lamig na bumabalot sa aming dalawa. Muli na namang umagos ang mga luha ko sa aking mga mata. Hangang sa tumingala siya sa bilog at maliwanag na buwan, sa huling sandali ng aming pagsasama muli niya akong niyakap sa pagkakatong ito wala na akong maramdamang init mula sa kanya.
"Maraming salamat, pinakamamahal kong, Master Ellena!" malambing niyang sambit.
"Sa bisa ng aking kapangyarihan,
Sa katapusan ng ating sumpaan.
Dalangin ko ang iyong katahimikan,
Bumalik ka na sa iyong pinanggalingan!"
"Paalam mahal din kita, Hikari!!!" masigla kong tawag sa pangalan niya habang pilit na inaabot ang kamay niya na unti-unting naglalaho at nagiging butil ng liwanag.
Hanggang sa tuluyan na siyang maglaho sa aking harapan. Siya ang nine-tailed fox na pinangalanan kong Hikari, na ang ibig sabihin ay Liwanag. Dahil siya ang nagsilbing liwanag na nagbibigay kinang sa mundo kong binalot ng kadiliman. Hinding-hindi ko siya malilimutan habang ako ay nabubuhay. Itatanim ko sa puso ang pangalan niya, hinding-hindi ko na ito kakalimutan.
KASALUKUYANG PANAHON…
KASALUKUYAN kong nililibot ang lumang bahay ni Lola Amara. Pumasok ako sa loob at ninamnam ang mga alaala noong nabubuhay pa siya. Matapos bumalik ni Hikari sa mundo niya nabura ang alaala ng mga taong nakasalamuha niya maliban sa akin at kay lola. Batid ni lola na tatalab na ang bisa ng potion nang gabi ng fiesta. Umiyak ako nang umiyak sa bisig ni lola pagkauwi ko. Naging malungkot ang mga nagdaang araw ko pero, dahil kay lola at sa mga kaibigan ko naging matatag ako. Alam kong iyon din ang gusto ni Hikari para sa akin.
Ilang taon ang lumipas binawian ng buhay si Lola Amara dahil sa katandaan. Hindi na siya nagpadala sa ospital, taimtim niyang dinama ang aking mga kamay bago tuluyang bawian ng hininga. Bumuhos ang luha ko sa nangyaring iyon, pinilit kong maging mas matatag na dalaga. Sa tulong ni Uncle Ryuzuke nakapagtapos ako ng pag-aaral sa lungsod ng Maynila. Kahit mag-isa lang ako tinapos ko ang pag-aaral ko dahil gano'n talaga ang buhay. Kailangan maging matatag.
Bumaba ako sa sekretong silid sa ilalim ng bahay. Mas lalong kumapal ang alikabok sa paligid. Nagtakip ako ng panyo para hindi ko malanghap ang kakaibang amoy. Narito pa rin ang mga kasangkapan ni lola maging ang aklat na matagal nang hindi nagagamit. Hindi pa rin nawawala ang espirituwal na kapangyarihan ko at patuloy pa rin akong nakakakita ng mga nilalang na hindi nakikita ng ordinaryong tao.
Nilisan ko ang sekretong silid saka bumalik sa itaas, pagkarating ko sa labas muli kong pinagmasdan ang bahay ni Lola Amara. Sadyang mahalaga ang mga alaala ng tao, masasaya, malulungkot o kahit ano pang klase ng alaala iyan. Nararapat lamang na ating bigyang halaga at huwag kalilimutan. Kahit maliit na alaala lang ang mawala malaki ang maidudulot nitong kakulangan sa ating pagkatao. Kaya nga, bubuhayin kong muli ang bahay ni lola upang hindi tuluyang mabura ang mga alaala niya at ng aking nakaraan.
"Uhm… excuse me? Taga-rito ka ba? Diyan ka ba nakatira?" Isang boses lalaki ang narinig kong nagsalita sa likod.
Umihip ang mainit na hangin sa tanghali, ramdam ko ang pagbabago sa presensiya ng paligid. Lumukso ang puso ko sa kaba, dahan-dahan ko siyang nilingon nang may ngiti sa labi.
"Oo! Dito ako nakatira," kinakabahan kong sagot.
"Bigla kasi akong naligaw maaari mo ba akong tulungan pumunta sa bayan?"
"Walang problema siya nga pala ako si Ellena Kobayashi, mukhang pareho tayong half Japanese?"
Tumawa siya. "Oo nga, noh?"
Nilapitan ko siya at sinabayan sa pagbaba patungo sa main road. Hindi ko maiwasang ikumpara ang hitsura niya kay Hikari. Pareho silang may maamo't masayahing awra, pareho sila ng katawan at istilo ng buhok. Maiksi nga lang ang buhok nitong kasabay ko't maporma manamit. Syempre naman hindi siya isang fox spirit. Bigla tuloy akong napangisi't bahagyang natawa.
"Anong nakakatawa?" pagtataka niyang tanong. Umiling lang ako't nagpatuloy sa paglalakad.
"Ellena, alam mo parang pamilyar ka, nagkita na ba tayo noon?" tanong niya sabay hinto sa paglalakad habang nasa likuran ko siya.
"Siguro, malay mo… sa panaginip?" biro ko. "Ano nga palang pangalang mo?" sabay tanong.
Hindi pa rin mawala sa labi ko ang ngiti, alam kong hindi na kami magkikita ni Hikari. Pakiramdam ko lang na… nabigyan muli ako ng panibagong liwanag.
Ngumiti siya't magiliw na nagpakilala, "Ako nga pala si…"
Kita ko ang pagbuka ng kanyang bibig nang biglang dumaan ang nagmamadaling ambulansya, mukhang may lamang pasyente sa loob. Nabaling dito ang pansin ko't hindi ko narinig ang pangalan niya.
"Nice to meet you!" bati pa niya.
Nangiti lang ako at nakipagkamay sa estrangherong lalaki. Nagpatuloy kami sa paglalakad. Nagkakuwentuhan at nagkakilanlan.
Sadyang mahiwaga ang ating mundo, may mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng agham at teknolohiya. Tulad ng aking familiar na nagbigay sa buhay ko ng magicial experience na hinding-hindi ko malilimutan. Alam kong masaya na siya't tahimik sa mundo kung sana siya nararapat.
***WAKAS***