Chapter 2 - 1

NAKAHINGA ng maluwag si Myla nang sa wakas ay matapos ang meeting niya kasama ang isang kliyente ng kanilang kompanya. May kahirapang kausap ang kliyenteng iyon ngunit bilang Operations Director ng kompanya ng pamilya nila ay hindi niya hinayaang hindi ma-close ang deal sa pagitan nila ng kliyente kaya naman ginawa niya ang buong makakaya niya para makumbinsi ito. Ayun nga lamang ay hindi na niya nagawang makakain ng matino kahit pa sabihing luncheon meeting naman ang ginawa nila ng kliyente. Ganoon kasi siya. She cannot eat unless she had finished the task at hand. Kaya naman ngayong nakawala na siya sa paningin ng kliyente niya ay naramdaman na niya ang gutom.

Bumalik siya sa lamesang inokupa nila ng kliyente kanina at saka umorder ng pagkain para sa sarili. Sa araw na iyon ay magpapakabusog siya. She had just sealed a deal for the company. Her Kuya Lenard would be proud of her.

Masaya pa siyang hinihintay ang pagkain nang mamataan niya ang kakapasok pa lamang sa lugar na iyon. Malayo pa man ay kilala na niya ang pigura ng lalaking iyon. At awtomatikong sumama ang timpla niya. Bakit ba sa dinami-dami ng lugar ay doon pa napadpad ang bakulaw na iyon?

Nakasimangot niyang sinundan ng tingin si Darwin at ang kasama nitong babaeng hindi yata alam ang pagkakaiba ng damit sa tapis lang. Iyon na yata ang dress na pinakakinapos sa tela na nakita niya sa tanang buhay niya. At mukhang hindi man lang nag-aalala ang lalaking kasama nito sa itsura ng babae.

Eh paanong maba-bother? Mukhang nag-eenjoy pa nga!

Napaismid siya. Oo nga pala. Numero unong babaero nga pala ang Darwin Lawrence Buenavista na iyon. Nagtataka nga siya kung bakit hanggang ngayon ay wala pang nag-eeskandalong babaeng nabuntis nito samantalang mukha namang nagpapakalat na ito ng lahi sa buong mundo?

"Okay, Myla. Ignore him." Bulong niya sa sarili saka huminga ng malalim at iniiwas na lamang ang tingin rito. Ang dapat niyang asikasuhin ay ang kalam ng tiyan. Nasaan na ba ang waitress na iyon? Magrereklamo na ba siya sa manager dahil ang kupad dumating ng order niya?

"Alone?"

"Ay palaka!" gulat na naibulalas niya saka tinignan ng masama ang lalaking ni hindi niya napansing nasa tabi na pala niya. Ngali-ngaling kalmutin niya ang gwapong mukha nito nang bumungad sa kanya ang nakakalokong ngiti nito.

"Ang guwapo ko naman yatang palaka." Balik pa nito sa kanya.

"Walang gwapong palaka." Nakaismid na pambabara niya rito.

"Meron, ako." Confident pang sagot nito.

Binigyan niya ito ng ngiting halata namang peke.

"Sa pananaw mo lang 'yon." Sarcastic na sabi niya at iwinasiwas ang kamay rito. "Shoo! Panira ka sa araw ko. Hindi pa ko nakakakain kaya ayokong mawalan ng gana."

Sa inis niya ay tumawa lang ito. Bakit ba hindi ito kailanman napipikon sa pambabara niya rito?

"You want to join us?" sabi nito nang tumigil sa pagtawa. "Malungkot ang nag-iisa."

"Mas malungkot ang makasabay ka, salamat na lang. Baka hindi ako matunawan." Inis na balik niya rito. Bakit ba parang ipinapamukha pa nitong may kasama itong babae samantalang siya ay mag-isa lamang sa lamesa niya. "And please do me a favor and throw some clothes on your date. Ang yaman-yaman mong nilalang, hindi mo mabilhan ng sapat na tela 'yang girlfriend mo."

Ang intensiyon niya ay inisin ito ngunit lalo lamang siyang napasimangot nang tumawa ito nang malakas. Sinong matinong lalaki ang nakakatawa pa nang ganoon kapag nilait-lait na ang girlfriend nito? Kung hindi ba naman talaga baliw...

"What? She looks cute." Sabi nito nang mahimasmasan sa pagtawa.

"Cute sa paningin ng mga may sa manyak na gaya mo."

"Paninirang puri na iyan ah." Akusa nito bagaman nagsasayaw pa rin ang mga mata nito.

"Wala nang sisirain dahil matagal nang sira."

"You never fail to make me laugh." Natatawang napailing-iling na lamang ito. "I'll just see you around, again." Sabi nito saka naglakad nang paalis.