Dahil sa tinuran ng misteryosong boses sa speaker ay nagkatinginan ang mga estudyante sa isa't-isa na punong-puno ng pagdududa. Pero ang mas kapansin-pansin ay ang mga titig nilang ipinukol kay Eliza at Rioka. Sapagkat sa kanilang lahat, silang dalawa ang may mga pera talaga na pwedeng kumuha ng mga tagapagsilbi at may kakayahan na pumatay ng tao dahil sa kanilang mga masasamang ugali.
"H-hoy anong tinitingin-tingin n-ninyo d'yan?! W-wala akong p-pinatay ano!" nanginginig na turan ni Rioka sabay hawak sa braso ni Eliza.
"Lalo naman ako, no!" ani ni Eliza sabay alis sa kamay ni Rioka na nasa kanyang braso. Umatras siya ng tatlong beses habang iniiling-iling ang kanyang ulo pakaliwa't pakanan. Matapos nito ay bigla na lamang siyang nawalan ng malay.
Mabuti na lamang at agad itong nasalo ni Agustus. Agad naman siyang tinulungan ni Rixxtan upang dalhin si Eliza sa infirmary upang makapagpahinga.
Tumahimik na ulit ang loob ng computer lab maliban sa iba't-ibang mga tunog na nanggagaling sa mga speaker ng mga kompyuter.
Ang dahilan kung bakit talaga nangilabot ang mga estudyante ay dahil sa mga naka-play na mga bidyo sa iba't-ibang mga kompyuter.
Sa unang kompyuter ay makikita ang senaryo kung paano pinatay si Gian. Hindi kita ang mukha ng pumatay ngunit kitang-kita naman kung paano inundayan ng saksak sa tiyan at dibdib ang binata sa loob ng kanilang silid-aralan. Dahil dito ay nagkiskisan ang mga ngipin ni Kian. Para sa kanya ay nararapat lamang na mapatay ang kanyang kakambal—na tanging paborito ng kanyang mga magulang—ngunit ayon sa kanya, dapat hindi na umabot sa ganito ang lahat. Hindi niya tuloy mapigilang maisip ang kanyang sariling kamatayan sapagkat parehong-pareho sila ng mukha ni Gian. Ang panonood lamang sa kamatayan ng kanyang kakambal ay tila ba pagsulyap na rin sa sarili niyang katapusan.
Sa pangalawang kompyuter naman ay kung paano pinatay sina Vanessa at Krystall. Kung paano nagtago ang misteryosong pigura ng killer—na pilit na itinatago ng kamera ang pagkakakilanlan—upang tuluyang mapatay ang dalawa. Makikita rin kung paano nagkatinginan at nag-usap ang killer at si Vanessa. Ang mga mata ni Vanessa na puno ng paghanga sa kanyang kausap ay bigla na lamang napuno ng takot at pagkabigla nang bigla na lang itong pagsasaksakin ng killer. Kitang-kita rin ang mismong paghiwalay ng ulo ni Krystall sa kanyang katawan at ang paggulong nito sa lokasyon ng pinagbagsakan ng bangkay ni Vanessa na dilat na dilat ang mga mata.
Mapapanood naman sa pangatlong kompyuter ang pagliligo ni Katheria ng nakahubad. Hindi tuloy napigilan ng ilang mga kalalakihan na tigasan dahil sa napanood, dagdagan pa ng malamig na temperatura ng silid. Detalyadong-detalyado kung paano sinira ng killer ang gripo ng restroom, at kung paano nagsimulang malunod ang dalaga dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig.
Sa ika-apat naman na kompyuter ay makikita kung paano pinatay ng misteryosong pigura si Hugh sa loob ng kubeta dahilan upang manginig ang ilan sa kanila. Hindi nila tuloy mapigilang isipin kung patay na rin si Miko—na inatasang sunduin pabalik si Hugh.
Bawat sulyap ng mga estudyante sa bawat kompyuter ay lalong mas nadadagdagan ang takot na lumulukob sa kanilang mga katawan. Hindi nila maatim na simula pa lang ay sinubaybayan na sila ng killer.
["Ehem. Akala n'yo ba na diyan lang nagtatapos ang lahat?"] biglang nagsalita ang killer sa speaker.
"Ano pa bang kulang ha?" Sa wakas ay hindi na nakapagtimpi si Winter sa lahat ng nangyayari sa kanyang paligid at tuluyan na itong nagsalita. "Ano pa bang kulang bukod sa sekreto mo pa lang i-vini-video ang mga pagpatay mo sa mga kaklase ko?!"
Nabigla ang ilan sa kanyang mga kaklase sa biglang inasal ng binata. Kilala kasi ang presidente nila na tahimik at parang walang pake sa paligid. Ngunit ngayon ay tila ba nag-iba ang ihip ng hangin.
["Sekretong pag-video? D'yan ka nagkakamali, Mr. President dahil ang lahat ng ito'y hindi lamang nagtatapos sa simpleng mga video,"] sambit ng tinig dahilan upang magtaka sila lahat.
"A-anong ibig mong sabihin?" sambit ni Lawrence.
["Sapagkat ang lahat ng ito'y live na napapanood ng iba't-ibang mga tao sa buong mundo. Pero hindi ito pinapanood sa national tv, gaya ng inaasahan ninyo. Sa deep web lamang ito makikita. Pinapanood ito ng libo-libong mga sindikato at makapangyarihang mga tao sa iba't-ibang panig ng mundo. Katunayan nga ilan sa mga viewer nito ay ang mga presidente ng North Korea, Reyna ng United Kingdom, at maging ang prime minister ng Canada,"] mahabang pagsasalaysay ng tinig na sinabayan pa ng mahinang tawa sa huli.
["D-deep web? Ano 'yon?!"]
["T-tagong website 'yon kung saan lahat ng masasamang gawain ay n-nandoon!"]
["Napakasama mo!"]
["Demonyo ka!"]
["Malalaman rin 'to ng kapulisa—"]
["Oops—nakalimutan kong sabihin na maging si President Duterte ay walang kaalam-alam dito! Bwahahahah!"]
["Demonyo ka talaga!"]
["Malaki-laki rin ang kikitain namin dahil sa iba't-ibang mga hinihingi at pabor ng mga viewer. Kung gusto nilang ipatusok ang mata ninyo ay gagawin ng 'sugo' ko para lamang sa mga pera ng mga taong iyon na halang na halang ang mga bituka na makasubaybay ng mga pagpatay!"] Kasabay nito ay agad na pinalabas ang ginawang pagpatay kay Hugh habang tinutusok ang mata nito gamit ng kutsilyo.
Agad nanlaki ang mga mata ng estudyante ng makitang ang kutsilyong ginamit sa pagpatay kay Hugh ay ang mismong pocket knife na pagmamay-ari ni Xyryl—na kasalukuyang naroon kay Winter. Napako ang kanilang mapanuring mga tingin kay Winter dahil dito.
"W-wala sa akin kutsilyo! Maniwala kayo sa akin! Bigla na lamang itong nawala sa bulsa ko!" pagdedepensa nito sa kanyang sarili sabay pakita ng kanyang bulsa ng kanyang suot na pantalon na... butas pala!
["Hayy... napakamakakalimutin ko talaga. Nakalimutan kong sabihin na 'patay na kayo'! Bumili ako ng mga bangkay ng tao sa mga punenarya. 'Yong mga bangkay na walang kumukuha miski na kamag-anak at gumawa kami ng bus accident kung saan sinasabing 'nag-field trip ang buong Academia de Adler at sa kasamaang palad ang buong section Euclid ay nahulog sa isang bangin' at boom! Lahat sila'y na-double dead! Bwahahah!"] sambit ng tinig sabay naglaro sa mga monitor ang 'aksidente' na kanyang sinasabi.
"K-kaya pala walang pulis na tumulong sa atin dahil akala nila p-patay na tayo! H-hindi maaari ito!" nauutal na sabi ni Hazel.
"Ayoko na! Gusto ko nang magpakamatay!" sigaw ni Rioka dahilan upang mabigla ang lahat.
["Kung gusto niyong pigilan si Rioka, sige gawin ninyo! Pero alam niyo namang diyan din ang patutunguhan niyo!"] biglang sabat ng tinig dahilan upang maupo at 'yong iba naman ay napaluhod sa sahig.
•••••
KASALUKUYANG kumakain ng tahimik ang mga estudyante ng Euclid at si Miss Alexa sa loob ng infirmary. Kanina kasi bago pa sila makapasok dito ay may mga balot ng pagkain na nakalagay sa harapan ng tarangkahan ng infirmary. Hindi sana nila ito kakainin sa pag-aakalang may lason ito ngunit nang makitang pagkain ito ng isa sa mga sikat na fastfood chain sa bansa ay hindi na sila nagdalawang-isip pa.
Kung ang iba ay kumakain, ang iba naman ay nakatulala lang na nakatitig sa kawalan—tila ba nasisiraan ng bait. Sino ba naman kasing hindi masisira ang ulo sa mga impormasyong kanilang nakita't narinig sa loob lamang ng isang oras na pagpasok nila sa computer lab. Samantalang may iba ring walang ganang kumain dahil sa kanilang mga nakakadiring mga napanood kanina.
"Ang alam ko lang kasi may sindikato na nasa likod ng pagpatay sa lahat ng tao na nandito," biglang basag ni Miss Alexa sa katahimikan. "Hindi ko alam na frame up lang pala ito lahat...."
"Planado talaga ang lahat. Maging ang pagiging [temporary closed] ng AdA dahil sa nangyaring aksidente ay sinamantala nila!" nanlulumong turan ni Zaira.
"Teka, paano mo nalaman na temporary closed pala ang AdA?" puno ng duda na tanong ni Lawrence sa dalaga.
"S-sinabi ng k-killer kanina! 'D-di mo ba narinig?!"
Nagkipit-balikat na lamang si Lawrence sapagkat baka hindi talaga niya narinig ang lahat ng sinabi ng killer kanina.
KINAGABIHAN. Mahimbing na na natutulog sina Theo, Rixxtan, Kian, Eliza, at Chynna. Napili nilang dito na lamang matulog sa loob ng infirmary sapagkat sapat naman ang espasyo sa loob upang makatulog silang lahat. May anim na mga kama sa loob at may mga sofa rin na pwedeng pagpahingahan. Habang ang iba naman ay hindi pa rin makatulog dahil sa kakaisip sa kung paano sila makakatakas sa kalbaryong nangyayari sa kanila.
Nagitla si Xyryl nang makita ang paggalaw ng ulo ng kanyang katabi sa higaan na si Theo. Agad niya itong tinulak sapagkat inuukupa na nito ang buong espasyo ng kama.
"Nananaginip yata." Lumapit sa kanilang kinaroroonan si Agustus nang makita na kanina pa gumagalaw ang ulo ni Theo at halatang naninigas ang katawan nito.
Lumapit naman ang katabi ni Agustus na si Lawrence at agad na idinampi ang likuran ng kanyang kanang palad sa noo ng binata. Ngunit patuloy pa rin ang gumagalaw ang ulo nito habang nakapikit pa rin ang mga mata nito.
"Tawagin ko lang si Miss Al—" Napatigil si Agustus sa pagsasalita nang bigla na lamang nagsalita si Theo habang binabangungot pa rin ito.
"M-maawa po k-kayo..." Ikinagulat nila ang biglang pagsalita ng binata sapagkat ang akala nila ay hindi talaga nakakapagsalita ang si Theo.