Chereads / Wild Blood / Chapter 15 - Flashback

Chapter 15 - Flashback

"M-maawa po k-kayo..." Ikinagulat nila ang biglang pagsalita ng binata sapagkat ang akala nila ay hindi talaga nakakapagsalita ang binata.

Nang makabalik sa tamang wisyo ay agad na pinakiusapan ni Lawrence si Rioka na tawagin si Miss Alexa. Saglit na nagkatinginan sina Rioka at Xyryl. Hindi sana niya gagawin ang iniutos ng binata ngunit siya lang naman kasi ang pinakamalapit kay Miss Alexa, "M-miss, tawag ka ni Lawrence...."

Tumango si Miss Alexa bilang tugon. Saglit niya pang sinuri ang ekspresyon sa mukha ng dalaga sapagkat alam niyang umiiwas ito sa kanya ngayon. Tanto niyang namumuhi na sa kanya ang isa sa mga paborito niyang estudyante.

"What happened?" ani Miss Alexa habang lumalanghab ito, simbolo na patulog na sana ito kung hindi sana ito tinawag ni Rioka.

"Nagsalita si Theo, Miss!" halos pabulong na na sambit ni Lawrence sa kanilang guro. Kumunot ang noo ni Miss Alexa sa pag-aakalang nagbibiro lamang ang binata ngunit nang makitang pati si Xyryl ay gano'n din ang sinabi ay agad siyang naniwala.

"Gigisingin sana namin siya kanina kasi binabangungot siya. Galaw lang nang galaw ang kanyang ulo... when he suddenly spoke," pagsasalaysay ni Agustus.

"At ang mas nakakatakot pa, nagmamakaawa siya," sambit ni Lawrence dahilan upang magtaka si Miss Alexa.

"Siguro, traumatized na si Theo... siguro hindi natin 'yon alam dahil hindi naman siya nagsasalita," utal ni Zaira na noong mga panahong iyon ay kanina pa pala sila pinagmamasdan.

"Sabi nila, hindi lahat ng pipi ay pinanganak na ganyan. May mga kaso na dahil sa isang kalunos-lunos nga pangyayari o 'di kaya'y trahedya dahilan upang tuluyan nang hindi makapagsalita ang isang tao. Posible na noong bata pa si Theo ay naabuso ito o nakaranas ito ng isang malagim na pangyayari," paliwanag ni Miss Alexa. Sa katunayan, nalaman niya ito sapagkat ang kanyang nobyo ay nag-aaral pa na maging isang propesyonal na doktor.

"So posible na baka bukas o sa makalawa... bigla na lamang magsasalita si Theo?" tanong ni Zaira sa guro.

"Posible pero pakiusap huwag n'yo munang itong ipagsabi sa iba o sa kanya... dahil baka tuluyan na siyang hindi makapagsalita," paalala ni Miss Alexa sabay lapit sa gawi ni Theo at hinaplos ang ulo ng binata.

Kung tumingin sana sila sa kanilang gawing kanan ay makikita ang pares ng mga mata na punong-puno ng galak dahil sa nalaman.

["Exciting!"]

•••••

[Taong 2009 (10 taon sa nakaraan)]

["Sino sa inyo ang pumatay sa asawa ko!" nanggalaiting sigaw ng isang lalaki habang may hawak itong itak sa kanyang kanang kamay, samantalang hawak-hawak naman niya sa kabilang braso si Doña Feliciana.]

["M-mahal k-ko..." pagmamakaawa ng doña dahil sa mahigpit na hawak sa kanya ng lalaki sa leeg.]

["Pakawalan mo na ang asawa kong hayop ka dahil hindi namin alam ang pinagsasabi mo!" pagsisinungaling ni Don Rodrigo habang nananatili pa ring kalmado.]

[Ang lalaking nagngangalang Uno (38 anyos) ay matipuno ang katawan, moreno ang balat, at medyo may kahabaan ang buhok. Nakahubad ito pang-itaas nang bigla sumugod ito sa mansyon ng mga Rosario. Si Doña Feliciana (35 anyos ng mga panahong iyon) naman ay simple lang manamit ngunit makikitang napakaganda pa rin nito kahit na medyo may edad na ito. Maputi ito na medyo may kasingkitan ang mata sapagkat may lahi itong Intsik. Samantalang, si Don Rodrigo ay matipuno rin ang katawan. Moreno na matikas ang tindig. May serpente na tattoo ito sa kanang balikat. Malalim ang mga mata nito na parang hinihigop ang mga mata ng kung sino man na makikipagtitigan.]

["Anong walang alam?! Kitang-kita ko na mga tauhan mo ang nagtapon sa bangkay ng asawa ko na wala nang balat!" ani ni Uno. "Maging ang mga mata at kuko niya ay hindi n'yo pinalampas! Mga demonyo!" puno ng diin na dagdag pa nito.]

["Tauhan ko lang sila. Pakialam ko ba kung may iba na pala silang ginagawa maliban sa mga utos ko!" sigaw sa kanya pabalik ng don.]

["Ano?! Aamin ka ba o gigilitan ko sa leeg itong pinakamamahal na asawa mo!" malakas na utal ni Uno at saka mas hinigpitan pa ang kapit niya sa leeg ni Doña Feliciana dahilan upang magkumahog sa paghawak ginang sa braso ng lalaki.]

[Malawak ang tirahan ng mga Rosario. May mga guwardya ito at mga tagapasilbi ngunit ng mga panahong iyon ay araw ng Linggo kung kaya ay nasa kanilang mga tirahan ang mga ito. Limang guwardya lang ang kasalukuyang nasa trabaho ngunit patay na ang lahat ng mga ito nang nilason ni Uno ang mga ito gamit ang inumin na pangpalasing. Malayo ang kinaroroonan ng Villa Rosario sapagkat ang lokasyon nito ay nasa Santa Monica—mahigit-kumulang 90 na metro ang layo nito mula sa sentro ng siyudad ng Casablanca—dahilan upang imposibleng may dumating na tulong sa kanila.]

[Ang natitira na lamang nilang tauhan ay si Olympia (43 anyos) na kasalukuyang nagtatago sa kalapit na kwarto habang yakap-yakap ang batang si Theodore (7 anyos). Nakaupo sila sa sahig sa isang sulok ng kwarto malapit sa pintuan. Ang nakakatanda naman nitong kapatid na si Ivan (8 anyos) ay nakaupo lamang sa kama habang pinapanood sila na nagyayakapan dahil sa takot.]

[Malalaking butil ng pinaghalong luha at pawis ang kasalukuyang makikita sa takot na takot na mukha ni Olympia. Nasa sala lang kasi ang isa sa mga hardinero ng mga Rosario na mismong pumapatay ngayon.]

["Ano?! Aamin ka ba o gigilitan ko sa leeg itong pinakamamahal na asawa mo!" Nagitla ang yaya sa biglang pagsigaw ni Uno bagay na ikinataka ng batang si Theodore.]

["Yaya? Ano pong nangyayari? Bakit may sumisigaw na mama sa labas?" inosenteng tanong ng bata.]

["W-wala iyon... Nanonood lang ng tv ang mama at papa mo," pagpapaliwanag pa ni Olympia ngunit tila ba hindi siya pinaniniwalaan ng bata.]

["Eh, bakit po nagtatago tayo dito? 'Di ba dapat po sabay tayong nanonood kasama sila?" ani ng bata sabay baling nito sa kinaroroonan ng kanyang kapatid. "'Di ba kuya?"]

[Tumango lang ang batang si Ivan sabay humiga ito ulit at saka gumulong pakanan habang kumakanta ng paborito nitong awitin—ang 'Twinkle, Twinkle Little Star."]

[Biglang lumukso ang dibdib ni Olympia nang bigla na lamang marinig ang pagpalahaw ni Doña Feliciana. Pati ang batang si Theodore ay nagulantang din.]

["Si Mama!" Huli na nang namalayan ni Olympia na nakatakas na pala ang bata patungo sa mga magulang nito na nasa sala lamang. Hindi pala niya na-i-lock ang pintuan kaya nabuksan ito ng bata.]

[Agad na sinundan ito ng batang si Ivan kaya nataranta ang nanginginig na si Olympia at agad na sinundan ang dalawa.]

["Kung hindi ka talaga aamin ay mabuting mawala na itong pinakamamahal mong asawa!" Hindi na nakapalag ang mag-asawang Rosario nang bigla na lamang iwinasiwas ng lalaki ang itak sa leeg ng ginang. Napakalalim ng hiwa na idinulot nito sa leeg ng ginang dahilan upang manghina ito at saka mawalan ng hininga. Sa puntong iyon rin ay kararating lamang ng mga bata sa sala kung kaya ay kitang-kita nila kung paano kinitil ng kanilang hardinero ang kanilang ina.]

["Maawa po kayo sa mama ko..."]

[Agad na pumalahaw si Theodore nang mapagtantong patay na ang kanyang ina at saka lumapit ito sa kinaroroonan ng ginang. Samantalang ang bata namang si Ivan ay nanatiling walang kibo at lumapit sa kanyang ama na nagsisimula na ring manginig.]

["Ama, nalaman na ba niya ang tungkol sa koleksyon ko?" tanong nito sa kanyang ama.]

[Umiling lang ng umiling ang ginoo na tila ba nababaliw habang si Olympia naman ay nagtatago lamang sa likod ng isang sofa.]

["O, ano? Aamin ka na ba?" sambit ni Uno na may bahid ng pag-iinsulto.]

[Noong mga panahong iyon ay tila ba wala na wisyo si Don Rodrigo at ang gusto na lamang niya ay wakasan ang kanyang sariling buhay. Walang anu-ano'y lumapit siya kay Uno at aagawin sana nito ang hawak nitong itak. Sa pag-aakalang aagawin ng don ang itak upang patayin siya ay agad na itinarak ni Uno ang hawak na itak sa tiyan ng ginoo. Bumulwak ang masagang dugo nito mula sa kanyang tiyan, maging ang dugo na lumabas sa bibig nito ay itim—singkulay ng kanyang budhi at kasakiman.]

["P-putangina mo..." Mga huling salita na binitawan ng ginoo bago ito tuluyang malagutan ng hininga.]

[Mas lalong lumakas ang pagpalahaw ni Theodore na miski si Ivan ay umiyak na rin dahil sa nakitang pagpatay sa kanyang ama.]

["Nakakairita! Pwede bang tumigil kayo sa kakangawa kung hindi kayo ang isusunod ko!" nagpupuyos sa inis na sambit ni Uno habang pinupunasan ang kanyang mga kamay na nabahiran ng dugo ng dalawa.]

["Akala ko good boy ka bakit mo pinatay sina mama at papa?!" Tumayo ang batang si Theodore at saka pinaghahampas sa binti si Uno.]

[Mabait naman talaga si Uno. Siya ang naatasang mag-alaga ng malawak na hardin ng pamilya. Sa tuwing pumupunta siya sa mansyon upang magtanim o diligan ang mga halaman ay palagi itong may dalang chicharon na paboritong-paborito naman ng bata. Napamahal na siya sa bata kung kaya ay hindi niya maatim na saktan ito ngayon.]

["Pamilya kasi kayo ng mga demonyo!" galit na sigaw ni Uno dahilan upang lalong maiyak ang bata. Takot kasi ito sa mga demonyo. "Nasaan ang mamamatay-tao mong kapatid?!"]

[Nang makitang tumakbo na pala nang matulin ang bata na karga-karga ni Olympia ay napangisi siya sa galak. Mayamaya ay dahan-dahan siyang tumawa.]

["Sige tumakbo ka, bata. Pero hahanapin pa rin kita sa abot ng aking makakaya, ngayon pa na magiging mayaman na ako," determinadong turan ng lalaki. "At ikaw ang tutulong sa akin no'n, Theodore..." misteryosong dagdag pa nito at saka bigla na lamang hinimatay ang batang si Theodore.]