Chapter 16 - Gina

Pagpasok ni Gina sa The Coffee Club ay namataan niya kaagad si Joshua Ignacio. Nang makita din siya nito ay kaagad itong napatayo. Ngunit bukod sa binata, naghihintay din doon ang kaibigan nitong si Margareth "Garee" Gonzalez. Napasimangot si Gina.

Iba ang uniform ng dalawa dahil sa School of Physical Sciences kabilang ang mga ito. Engineering kasi ang course ng dalawa. Short-sleeved ang polo ni Joshua na naka-tuck in sa grey pants nito. Grey din ang pants ni Garee, pero green short-sleeved naman ang blouse nito na hanggang waist at mandarin ang collar.

Maligayang-maligaya si Joshua pagkakita nito kay Gina. "Hi Gina! Upo ka." Iniabang nito ang upuan sa tabi nito.

"I'm sorry pero I just came here to tell you na tigilan mo na ako."

Halatang nagulat si Joshua sa sinabi niya. Maging si Garee na cool na cool lang na umiinom ng kape sa tabi ay napatingin sa kanya.

Aapela pa sana si Joshua. "But... Gina-"

"Huwag mo na akong ligawan." Naaawa rin naman siya kay Joshua, pero meron na kasi siyang ibang gusto. "Meron na akong boyfriend."

"Ha?" Lalong nagulat si Joshua.

"Si Bryan de Vera, may mutual understanding na kami."

"Bryan de Vera..." Napaisip si Joshua.

"Eh mutual understanding pa lang naman pala," ang sabi naman ni Garee.

"At ano'ng ibig mong sabihin?"

"Nagtapat na ba siya sa iyo?" ani Garee. "Tinanong ka na ba niya na 'Can you be my girlfriend?' Sinagot mo na ba siya?"

Napaka-mahadera talaga nitong si Garee. Lalong nag-init ang ulo ni Gina. "You have nothing to do with my business at hindi porke't kayo ang may-ari ng The Coffee Club ay kaya mo nang magmalaki sa akin." Tsaka niya hinarap si Joshua. "I'm sorry, but it's over, Joshua. Good riddance."

Tinalikuran na ni Gina ang dalawa. In-ignore na lamang niya ang tinginan ng ilang mga customer. Ang ilan sa mga iyon ay mga estudyante pa ng CPRU at malamang na kilala siya ng mga ito. Sikat siya sa nasabing paaralan at itinuturing siya na isa sa mga crush ng bayan doon.

Papunta siya sa kanyang kotse sa may parking lot nang mapatigil sa paglalakad. Nakita niya ulit si Richard, hindi pa pala ito nakakaalis. But this time, hindi na lang ito mag-isa. May kausap itong isang babae. Pamilyar sa kanya ang babaeng ito at sigurado siyang kilala niya iyon.

"Alexandra Martinez."

Kapatid pala iyon ni Angel Martinez, ang isa pang babaeng kinaiinisan niya. Pareho ang dahilan ng pagkainis niya kay Angel sa pagkainis niya kay Garee. Hindi siya nito gusto. Kaya hindi na rin niya ito gusto.

Si Angel ang problema kaya hindi sila magkasundong dalawa. Ito kaya ang walang kaibigan at hindi siya. Wala rin itong boyfriend dahil walang magkalakas-loob na manligaw sa kanya. Masungit nga kasi ang dating nito.

Pero iba pala ang kapatid nitong si Alex. Ang alam niya, first year college pa lang ito. Pero daig pa nito ang ate nito dahil may boyfriend na ito kaagad, o kung hindi man, manliligaw. At sigurado siyang love life ni Alex si Richard base na rin sa nakikita niyang tinginan at pakikitungo ng dalawa sa isa't isa.

Napangisi si Gina. Meron na naman kasi siyang maitutukso kay Angel kapag tinarayan siya nito. Bigla tuloy siyang na-excite na pasukan ang subject niya bukas kung saan kaklase niya ang Ice Queen ng Business School na si Angelica Martinez.

🚗🚗🚗

Halos araw-araw ay may mga quizzes si Angel. Malapit na kasi ang kanilang mid-term exams. Tulad na lamang sa klase nilang iyon. Noong isang araw ay kaku-quiz pa lamang nila. Tapos ngayon ay may quiz na naman sila.

Katatapos lamang ng quiz nila. Accounting subject iyon at iyong professor nila ay iyong teacher na panay ang parinig sa kanya. Ang sabi ng mommy niya, inis daw ang professor na iyon sa kanya dahil rival daw nito iyon noong college sila. At dahil anak siya ng mommy niya, sa kanya ngayong nabubunton ang galit ng professor na iyon.

Pagkatapos maipasa ang mga papel nila para sa exam na iyon ay ibinigay naman ng kanilang professor ang resulta ng kanilang quiz noong nakaraan.

"For our quiz last meeting, the highest scorer is Mr. de Vera, Bryan."

Panay ang kantiyawan ng mga kabarkada ni Bryan. Maging si Gina na nagkataong kaklase nila sa subject na iyon ay nagbunyi din sa tagumpay ng binata.

"Para naka-top lang sa exam," naiinis na bulong ni Angel. Siya kaya ang laging nagta-top sa exam nila. Ngayon lang siya sumablay. At alam niya kung bakit.

"O, Miss Martinez? What happened to you?" tanong sa kanya ng professor nila sabay abot ng papel niya.

Hindi naman masama ang score niya. Lima lang naman ang mali niya out of thirty items, at pangatlo siya sa pinakamataas na score. Pero hindi ganoon ang dati niyang performance.

"Mukhang hanggang umpisa ka lang yata, Miss Martinez."

Napatingin si Angel sa nakangisi niyang professor. Alam niyang wala siya sa mood nitong mga nakaraang araw. Pero hindi ibig sabihin noon na tuluyan nang bababa ang mga grades niya. Kapag naayos na ang problema nila ni Alex ay magiging okay din siya. Hindi niya maiwasang mapakunot ang noo at matignan ng hindi maganda ang kanilang guro.

"Yes? Is there something wrong?"

Nakalma naman kaagad ni Angel ang sarili. "None, Ma'am." Bumalik na siya sa kanyang upuan.

"Meron ka bang gustong i-contest? Duda ka ba sa resulta ng exam?"

"Wala po Ma'am." She tried her best to calm herself.

"Eh bakit ganyan ka makatingin sa akin? Are you mocking me?"

Nabigla si Angel sa tanong na iyon.

"Ma'am, baka insecure sa legs ninyo," biglang banat naman ni Gina.

Tawanan ang buong klase. At mukhang nagustuhan naman ng professor nila ang pagsalo ni Gina.

"Siguro nga." Tsaka nito lalong finlaunt ang mga legs nito na litaw sa above the knee nitong pencil cut skirt. In fairness, maganda naman talaga ang legs nito.

Napabuntong hininga si Angel. For the first time ay nagpasalamat siya na nandoon si Gina sa buhay niya. Dahil sa pasaring nitong comment ay nalihis na sa kanya ang usapan. Alam niyang hindi biro ang pasaring nito sa kanya. Napatingin tuloy siya sa sariling legs. Naka-stockings siya kaya hindi litaw ang makinis niyang legs. Iyon kasi ang appropriate corporate attire. Hindi kasi nagsi-stockings si Gina, kagaya ng ibang mga babaeng estudyante na hindi alam ang proper way to wear a corporate attire.

"O, Ms. Aguilar, Gina. Very good, ha? Mataas ang nakuha mo ngayong score." Iniabot ng professor nila ang papel ni Gina.

"Thank you Ma'am. Nakaka-inspire ka kasing magturo, Ma'am."

Muling nainis si Angel sa sinabing iyon ni Gina. Super obvious kasi ang pagiging sipsip nito sa professor nila. At isa iyon sa kinaiinisan ni Angel sa kanya. Kaya lang nga yata ito nakakapasa ay dahil sa pagsisipsip nito sa mga professor nila.

"Tinuruan siguro ni Bryan," bulong ng isang kaklase ni Angel sa katabi nito. Malapit lang ang dalawa sa kanya kaya dinig niya ang usapan ng mga ito.

"Oo nga. Balita ko nung isang araw in-announce daw ni Gina sa The Coffee Club na boyfriend na niya si Bryan."

"Ang swerte talaga niyang si Gina, ano? Biruin mo, si Bryan de Vera ang boyfriend niya? Tapos may gusto din sa kanya yung si Joshua Ignacio ng Engineering."

"Oo nga."

Wala namang pakialam si Angel sa mga affairs ni Gina. Wala siyang paki kung sino man ang maging boyfriend nito, o kung sino mang lalaking magkandarapa dito. High school pa lang sila ay alam na niya ang katotohanang maraming lalaki ang nahuhumaling dito. At wala naman siyang pakialam doon. Hindi siya apektado. At kahit kailan ay hindi niya inabala ang sarili dahil doon.

Pagkatapos ng klase ay pumunta si Angel sa may restroom. Pagkatapos gumamit ng palikuran ay naghugas siya ng kamay at saka inayos ng kaunti ang sarili. Hindi naman siya tulad ng ibang mga estudyante na napakakapal ng makeup. Tama na sa kanya ang face powder at lip gloss. Marunong din naman siyang mag-makeup at nagme-makeup din siya kung kailangan. Pero iyong araw-araw na pagpasok niya sa school ay hindi na siya nagme-makeup pa.

Nagsusuklay siya ng kanyang super straight long hair nang pumasok sa banyo si Gina kasama ang mga alalay nitong kababaihan.

"Well, well, well! Look who's here! Andito pala si Ice Queen," bungad ni Gina sa kanya.

Sa ilang taon niyang kakilala si Gina, natutunan na ni Angel na deadmahin ang lahat ng pasaring nito. Kaya wala nang epekto sa kanya kahit ano pang sabihin nito sa kanya ngayon.

"Alam mo, naiintindihan ko kung bakit ganyan ka ngayon. Iyong wala kang focus sa studies mo lately."

Hindi pa rin niya ito pinapansin. Patuloy lang siya sa pagsusuklay sa buhok at ngayon nga ay pino-ponytail niya iyon.

Si Gina naman ay naglabas ng kikay kit at nag-retouch ng makeup nito. Patuloy pa rin ito sa panunukso kay Angel.

"Mahirap kasi talaga iyan, eh. Iba rin kasi kapag inggit ang umiral sa inyong magkakapatid. Alam mo iyon? Lalo na kung BFF pa naman kayong magkapatid. Iyong sanay ka na pantay ang turing sa inyo ng mga magulang ninyo. Pero, paano mo nga ba mapanghahawakan ang kapalaran, 'di ba? Hindi mo rin naman maiiwasan na minsan, mas suswertihin ang isa sa inyong dalawa."

Sa wakas ay nakuha ni Gina ang atensiyon ni Angel. Kakaiba kasi ang atake nito sa kanya ngayon. Dati ay hindi naman nito idinadamay ang kapatid niya sa mga pasaring nito. Pero hindi pa rin siya nagpahalatang interesado siya.

"Lalo na kung super swerte ng kapatid mo sa love life tapos ikaw, wala man lang lalaking gustong subukang ligawan ka."

Natawa ang mga kasama ni Gina sa sinabi nito.

"Ikaw naman kasi Girl, super cold and grumpy ka sa mga kalalakihan. Iyan tuloy, naunahan ka na ng kapatid mo. At, hindi lang basta naunahan. In fairness kay Alex, ha? Magaling siya mamili. Hindi basta-basta ang Richard Quinto na iyan. Mabait pa."

"What did you just say?" Sa wakas ay hinarap ni Angel si Gina.

"Relax! Oo, alam kong walang panama sa akin itong si Alex. Pero hindi ko type si Richard. May Bryan na ako. Hindi naman ako nanunuhog ng magpinsan."

Biglang naalarma si Angel. Ang ibig bang sabihin ni Gina, may relasyon sina Alex at Richard?

"Bumili lang siya ng kotse sa akin noong isang araw. Siyempre nga naman, dyahe kung hihiram siya ng kotse kay Bryan kung gusto niyang dalhin sa The Coffee Club iyong si Alex. O kung saan man niya gustong dalhin ang kapatid mo."

Naguguluhan si Angel dahil sa mga narinig. Hindi siya makapaniwala sa mga sinasabi ni Gina. Hindi nga niya alam kung dapat ba niyang pakinggan ang mga sinasabi nito. Pero, paanong hindi siya maniniwala dito? Ilang linggo nang iba ang ikinikilos ni Alex.

"Grabe, Angel! Biruin mo, naunahan ka pa ng kapatid mo? Tsk! Tsk! Tsk! Wake up call na iyan, Girl. Ayusin mo na ang sarili mo. Bawal na ang mood swings."

Hindi na nakatiis pa si Angel. Lumabas na siya ng banyo. Kailangan niyang malaman ang totoo. Kailangan niyang malaman kung totoo ba ang sinasabi ni Gina. Ayaw niyang paniwalaan ito. Si Gina ang pinakahuling taong gusto niyang paniwalaan. Pero base sa mga nangyayari, base sa mga ikinikilos ni Alex, hindi niya maiwasang magduda at maniwala sa sinasabi nito.

Kailangan niyang makasiguro. Kailangan niyang malaman ang totoo. Kaya dali-dali siyang nagpunta sa kabilang bahagi ng first floor ng Business School, kung saan naroon ang male restroom. Doon kasi pumasok ang lalaking gusto niyang kausapin tungkol sa mga bagong impormasyong kanyang natuklasan.

💅🏻👠👗

♥︎♥︎♥︎ 𝚃𝚑𝚎𝚛𝚎 𝚊𝚛𝚎 𝚗𝚘 𝚜𝚎𝚌𝚛𝚎𝚝𝚜 𝚝𝚑𝚊𝚝 𝚝𝚒𝚖𝚎 𝚍𝚘𝚎𝚜 𝚗𝚘𝚝 𝚛𝚎𝚟𝚎𝚊𝚕. - 𝙹𝚎𝚊𝚗 𝚁𝚊𝚌𝚒𝚗𝚎 ♥︎♥︎♥︎