Chereads / Ang kababalaghan sa boarding house / Chapter 6 - Ang kababalaghan sa boarding house 6

Chapter 6 - Ang kababalaghan sa boarding house 6

Nakaramdam ako ng pagbabago sa katinuan ko. Parang nakalunok ako ng nalamukos na papel at nakabara sa lalamunan ko. Kinurot ko ang braso ko, wala akong naramdamang kirot.

"Hayaan mo lang,wag mong kontrahin ang nasa isip mo", mahinang boses ni Hemerson ang narinig ko.

Humiga ako ngunit hindi pumikit, basa pa man din ang buhok ko. Naaaninag ko ang mga vandalism sa ilalim ng higaan, gumagalaw ang mga guhit, lumilipad ang mga letra. Dinuduyan ang paningin ko na hindi maintindihan.

"Tol nasa alapaap ka na ba?" Si Hemerson nakatingin sa kinahihigaan ko.

"Tol anong nangyayari sa akin?". Para akong nasa panaginip na hindi ko mawari. Kumalas yata ang tuhod at paa sa katawan ko. Parang nagkaroon ng tikom sa ingay ng paligid, pero nakakarinig ako ng mga anas at bulong sa likod ng tainga ko. Iratiko ang tibok ng puso ko, may pagkakataong bumibilis at may pagkakataong bumabagal na sumasabay sa pabigla-biglang buntong hininga. Ramdam ko na ang epekto ng nalunok na usok sa katawan ko. Pumikit ako at sa kadiliman ng lahat ay tila nahuhulog ako sa walang katapusang bangin. Kalmado ang paligid, naririnig ko ang huni ng hangin habang patuloy akong bumubulusok sa kawalan. Di ko namalayan ang oras na nahimbing na ako sa pagkatulog.

Nagising ako sa lagaslas ng tubig sa lababo. Tuyong tuyo ang lalamunan ko at nauhaw. Lumabas ako ng kwarto para uminom ng tubig.

"Tol aga mo namang nagising, alas kwatro pa lang ng madaling araw", si Gener habang naghihilamas sa lababo. Lumapit ako sa kanya at may ibinulong.

"Tol saan galing yung dala nyo ni Hemerson?" Nakatatlong baso na ako ng tubig sa sobrang uhaw.

"Shhhh, wag kang maingay dyan, hindi ko alam kung kanino galing, si Hemerson ang may alam", iling na sabi ni Gener. Sya namang labas ni Kuya Noel mula sa loob ng bahay. Nagulat din sya , nagtaka marahil kung bakit ang aga aga naming nagising ni Gener.

"Uuwi ba kayo mamaya Ed?"

"Hindi ako uuwi ngayon Kuya baka sa pagkatapos na lang ng Midterm namin." Sumunod akong naghilamos kay Gener. Mabigat ang ulo kong gumising. Nalalasahan ko pa sa dila ko ang usok na hinitit ko kagabi. Nagmumog ako ng paulit ulit, muntik ko nang ipahid ang sabon sa dila ko kung hindi pa talaga ito matatanggal maging sa mga daliri ko.

Bumalik ako sa higaan ko sa double deck. Muli akong pumikit. Nagkaroon ng takot sa isipan ko, sari-saring mga tanong ang nasa utak ko kung tama ba ang ginawa ko, magiging adik na ba ako, kailangan ko bang isumbong ang nangyari, kanino ako magsusumbong, titikim ba ako uli, iiwas ba ako sa dalawa, at marami pang mga katanungan na hindi ko alam ang sagot.

Nagising ako sa yugyog sa akin. May nakahawak sa binti ko ng mahigpit. Napabalikwas ako ng bangon.

Si Sir Del, namimilog ang kanyang mga mata sa pang-ibabang suot ko. Nakangisi na di ko mawari.

(itutuloy)