Chereads / Ang kababalaghan sa boarding house / Chapter 7 - Ang kababalaghan sa boarding house 7

Chapter 7 - Ang kababalaghan sa boarding house 7

"Bangon na diyan Ed, alas 9 na ng umaga at wala na ang mga ka-kwarto mo dito. Wala ka bang gagawin ngayon?"

Tumagilid ako agad at bumaba sa aking kinahihigaan sabay kusot sa mata kong inaantok pa.

"Wala po sir," nakatingin ako sa kanyang suot na sapatos, bagong bago at halatang presko pa mula sa shoebox. "Bakit po sir?"

"Samahan mo muna ako sa downtown, ipapaayos ko itong reading glass ko. Sige maligo ka na at tanghali na. Hihintayin kita sa terrace."

Hindi ko naisip agad kung bakit umoo ako sa tinuran nya. Tinignan ko ang higaan ng mga kasama ko sa kwarto, wala na nga sila at hindi ko alam kung saan sila pumunta. Lumabas na sa kwarto si Sir Del. Madali lang akong naligo at nagsepilyo sabay bihis na rin.

Sa pagsakay namin ng jeep, umiwas ako ng upo sa tabi nya, doon ako pumuwesto sa tapat nya. Natatakot kasi ako baka kung saan saan na naman mapunta ang kamay nya sa akin.

Hindi rin napaayos ni Sir Del ang salamin nya kaya bumili na lang sya ng kapalit, bago kami umuwi ay kumain muna kami sa isang kilalang fastfood chain. Habang kumakain kami ay nagkukuwento sya tungkol sa mga dati nyang mga boarders sa bahay. Sampung taon na pala syang nagpaparenta sa kanilang bahay magbuhat ng nakapag-abroad ang kanyang kaisa-isang anak. Gusto na syang kunin ng anak nya doon sa Amerika ngunit mas pinili nyang manatili dito.

"Anong gagawin ko doon, hindi ko kakayanin ang lamig at lungkot. Mas masaya at kontento ako dito", aniya habang ngumunguya ng hamburger.

Patango-tango lang ako. Sa kabila ng tinatagong lihim na pagkatao ni Sir Del, nakikita ko pa rin sa kanya na mabuti at mabait sya. Hindi mo mapagkakamalang may ginagawa syang kababalaghan sa boarding house. Ganun na lang siguro talaga na may mga sekretong hindi na kailangang ilahad at ungkatin pa.

Alas-tres ng hapon nakabalik na kami sa bahay, dumiretso agad ako sa sa kwarto at nagbihis, wala pa rin ang mga kasama ko sa kwarto. Nahiga ako at hindi maalis sa isip ko na baka ako na ang isusunod ni Sir Del kay Kuya Noel. Hindi ko namalayan na naidlip ako. Naalimpungatan ako sa maingay na kuwentuhan at tawanan sa gawing kusina.

"Anong meron?" Tanong ko sa mga abalang naghahanda ng mga rekado, may nakita akong hindi pa nalutong pansit at bihon sa mesa. Naroon din si Sir Del, nakaupo sa tabi ni Ren.

"Birthday ko 'tol", si Jundell ang sumagot. "Ang bait talaga ni Sir Del, siya ang bumili nitong iluluto naming pansit, kain tayo 'tol maya maya lang."

"Happy Birthday 'tol!"

Si Jundell din kaya ang isusunod ni Sir Del sa mga pantasya nya? Hindi kaya lahat ng mga libreng ibinibigay nya sa amin ay may kapalit din na baka hindi namin mahihindian at tuluyan kaming mapatibong sa kanyang laro?

Nagbuhos ako sa banyo saglit dahil nanlalagkit ako at para na rin maalis ang mga bumabagabag sa isipan ko. Tinapos ko na rin ang mga pinauwing activity sa mga subject namin. Maya maya ay nagtawag na si Jundell.

"Tol halika na kain na tayo."

Nasa hapag kainan din sina Ate Sheila at Ate Mae. Simple lang naman ang handa ni Jundell, pansit at isang roll cake na sa malamang ay pinabili din ni Sir Del. Bale yun na ang magiging hapunan ko para makatipid tipid.

Ang buhay kolehiyo talaga ay isang malaking hamon at pagsubok. Ang pagbabadyet sa oras at allowance ay nangangailangan ng matinding disiplina sa sarili. Kung hindi ka alisto at wais, mahihirapan kang makibagay sa takbo ng buhay kolehiyo.

Pumasok na sa loob sina Ate Mae at naiwan kaming apat sa kusina, si Ren, Jundell at Sir Del, wala sina Gerald at Alex dahil umuwi.

"Mamaya sama kayong tatlo sa taas, may bago akong action film, manood tayo. Di bale at Sabado ngayon wala pang pasok bukas."

Walang kagatol-gatol na sumang-ayon ang dalawa samantalang ako ay hindi umiimik. Alam ko na ang susunod na mangyayari.

Nauna nang umakyat si Sir Del saka sumunod sina Jundell.

"Sama ka ba sa taas Ed?"

"Hindi kayo na lang muna 'tol, tapusin ko muna yung outline ko." Kailangan kong gumawa ng alibi para sa dalawa.

Kinabukasan ko na uli nakita sina Jundell sa kusina.

"Musta 'tol ang pinanood nyo kagabi", usisa ko sa dalawa.

"Tol si Ren ang tanungin mo kasi hindi ko napatapos ang palabas, sumakit ang tyan ko kaya nauna na akong bumaba", nangingising tugon ni Jundell na tila may gustong ipahiwatig.

Pailing-iling lang si Ren habang tumutumpok ng kanin at ulam na toyo. Nagtinginan kami ni Jundell, wala sa hinagap na sabay kaming ngingiti at bubungisngis ng tawa. Nilapitan ni Jundell si Ren at umaktong babaeng umakbay.

"Papa Ren gusto mo pa ba", may landing tanong ni Jundell dito. Iwinaksi ni Ren ang kamay ni Jundell at nakisama na rin sa aming tawanan. Nakikain na rin ako sa kanila.

Bago mananghalian at nasa kwarto ako, narinig ko na may tumatawag sa pangalan ko. Si Beatrice, nasa labas sya ng pinto.

"Ed, Ed, nandyan ka ba sa loob?"

Parang lumukso ang puso ko na di ko mawari, agad agad ay lumabas ako.

"Oh ang aga mo yatang nagbyahe ngayon ah, ano yun?"

"May dala akong pagkain, birthday kasi ni Mama kahapon, halika sabay ka na sa aming kumain, mag-isa mo naman yata dyan sa kwarto nyo?"

Napakamot ako ng ulo. "Ah eh ganun ba, sige sunod na ako sa loob."

"Sumunod ka ha, kapag hindi ka sumunod, lagot ka sa akin", pabiro at naka-ambang suntok sa akin ni Beatrice.

Madaming dalang ulam si Beatrice, may adobo at lechon paksiw.

"Mamayang hapon, punta tayo magsimba", yaya ni Ate Mae habang kumakain kami. "Beatrice, isama mo itong si Ed para naman mabawas-bawasan ang kasalanan nya", sabay siko nito sa akin.

"Alam mo ba kagabi na itong si Ed ay umakyat sa taas sa kwarto ni Sir Del", pabulong at nakangising singit ni Ate Sheila sa usapan.

"Naku Ate, hindi ako umakyat….", hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil eksaktong pababa si Sir Del sa hagdan. Sumenyas si Ate Mae na tumahimik kami.

"Ed ha, hindi mo sinasabi sa akin ha. Totoo ba yung sinabi ni Ate Sheila?" Paanas ang tanong ni Beatrice sa akin sabay kurot sa tagiliran ko.

Uminom muna ako ng tubig, naubos ko ang kabuuan ng laman ng nasa baso. "Beatrice hindi ako umakyat sa taas kagabi, kahit tanungin mo pa sina Ren at Jundell, sila lang ang umakyat kagabi, pinagtritripan ka lang nila Ate Sheila", pabulong din ang paliwanag ko sa kanya.

"Ed sama ka sa akin mamaya, magsisimba ako." Boses ni Sir Del, nasa sala sya at nakaupo sa sofa, pinupunasan nya ang kanyang itim na sapatos. Bigla nahinto ang pagkain ng tatlo at lahat sila nakadilat ang tingin sa akin at parang pinipigilan nilang humalagpak ng tawa. Nasapul ko ang mga mata ni Beatrice. Sa sulok nun ay nakita ko ang pagkabigla na may tila halo ng selos.

"Ah eh, sir, magsisimba rin po kami nina Beatrice mamaya." Wala naman talaga akong planong magsimba sana.

"Sige, ganun ba, oh sya, magkita kita na lang tayo sa simbahan mamaya."

Tumatawa ng walang lumalabas na boses sina Ate Sheila at Ate Mae samantalang si Beatrice ay ginagayang may pagmamalabis ang tinuran ni Sir Del.

Kinurot nya uli ako sa tagiliran. Ang sakit ng mga kurot nya, pero bakit nagkakaroon ako ng tuwa sa inaasal ni Beatrice sa akin. Nagseselos nga ba sya? Ah, hindi ko pa alam basta ang alam ko, sumasaya ako kapag kasama sya.

(itutuloy)