Chereads / Ang kababalaghan sa boarding house / Chapter 8 - Ang kababalaghan sa boarding house 8

Chapter 8 - Ang kababalaghan sa boarding house 8

Huling klase at exam sa Soc.Sci. 1, sa wakas at matatapos na rin ang Mid-term namin. Nakalahati ang isang semestre. Naiayon ko na ang sarili ko sa mga pangyayaring nagaganap sa buhay kolehiyo.

May magaganap na acquaintance party para sa mga freshmen mamayang gabi. Pinag-iisipan ko pa kung makakapunta ako o hindi. Niyaya ako ng mga blockmates ko na pumunta.

Habang hinihintay ko sa may gate si Beatrice, nasa isip ko na yayain sya ngunit nasabi na nya sa akin dati na hindi sya makakapunta sa party dahil pinapauwi sya ng mama.

"Hindi ka ba talaga aatend mamayang gabi?" Naglalakad na kami pauwi ng boarding house. "Maaga na lang tayong gumising bukas kasi uuwi din ako sa amin."

"Gusto mo ba talaga akong pumunta Ed?" Huminto sya sa paglalakad. "Sabagay first time ko rin aatend sa ganyang party saka tapos na rin naman ang midterm natin. Problema, wala akong maisusuot na semi-formal attire."

"Huwag mo ng problemahin ang susuotin, puwede namang magjeans lang, importante pumunta tayo", hikayat ko sa kanya.

"Payagan kaya tayo ni Sir Del na lumabas ng gabi, alam mo namang bawal na bawal sa kanya yun."

"Ako magpapaalam sa kanya, uuwi naman tayo bago mag-hatinggabi saka sayang ang binayad natin sa ticket kapag hindi tayo pupunta." Dinukot ko sa bag ang ticket na para sa acquaintance party. "Asan na ang ticket mo?"

"Nandito sa bag, si Nica gusto ring pumunta."

"Sige isama mo sya para tatlo tayong pupunta."

Nasa boarding house na kami at naratnan kong nag-iimpake sina Gener at Hemerson, uuwi sila. Tinanong ko kung nasaan si Kuya Noel at sinabi nilang umuwi din daw. Nagbihis ako saglit at hinanap ko si Sir Del, magpapaalam ako na aattend kami nina Beatrice at Nica sa acquaintance party. Nasa kusina sa loob sya at abalang nakaharap sa kalan, nagluluto sya.

"Oh Ed, hindi ka ba uuwi ngayon, kapag hindi, dito ka na muna kumain sa loob", sabi nya ng mabungaran nya akong nasa pintuan.

"Bukas po ako uuwi. Sir magpapaalam po sana kami mamaya na pupunta sa acquaintance party naming mga freshmen. Kasama ko po si Beatrice at Nica", medyo alangan ako sa pagpapaalam.

Hinipan nya ang sabaw sa sandok saka hinigop ito. Nangasim ang mukha nya saka pinihit pasara ang stove. "Sakto ang asim ng sinigang na bangus. Naku Ed kung pupunta kayo mamaya, papayagan ko kayo basta bago maghating gabi ay nakauwi na kayo dito. Maupo ka na muna dyan at magsasandok na ako, sumabay ka nang kumain sa akin."

Ang bait talaga ni Sir Del. Lalabas na sana agad ako ngunit dalawang plato na ang nasa mesa kaya kahit nahihiya man ay umupo na rin ako. Lumabas si Nica at Beatrice sa kwarto nila at sinabi ko na pumayag si Sir Del. Nagpaalam sila saglit na kukunin sa patahian ang pinarepair na uniporme ni Nica. Umuwi rin pala sina Ate Sheila at Ate Mae.

Habang kumakain kami ni Sir Del ay bumukas ang pintuan, sina Gener at Hemerson, magpapaalam din na uuwi.

"Ed, yung susi ng room natin nakasabit sa may pako sa tabi ng pintuan. Sir uwi po muna kami."

"Mag-ingat kayo sa byahe at maggagabi na ha", paalala ni Sir Del sa dalawa.

Masarap man ang inihaing ulam ni Sir Del ay hindi ako makakain ng mabuti dahil siguro sa kasabikang dumalo sa acquaintance party namin. Hinintay ko syang matapos kumain saka ako nagboluntaryong maghugas ng mga pinagkainan namin at hindi naman sya tumanggi.

Habang naghuhugas ako ng pinggan ay bigla akong nailang sa ginawa ni Sir Del. Hindi ko alam kung sinadya nya o wala sa malisya na dinikit nya ang kanyang katawan sa puwitan ko habang may isinilid syang mga rekado sa sisidlan na nasa itaas na bahagi ng lababo. Tumayo ang mga balahibo ko. Minsan ko na lang binanlawan ang mga plato saka ako dali-daling lumabas na.

Inayos ko mga gamit ko at inilagay ang mga labahin sa backpack ko na plano kong labhan pag-uwi namin bukas. Ang uniporme ko na lang ang mabilis kong nilabhan at sinampay.

Mag-aalas-otso na at nakabihis na ako. Maong na pantalon, nakatuck-in na pulang polo shirt at wisik ng pabangong nasa lagayan ng gamit ni Kuya Noel ang suot ko. Nilock ko ang kwarto namin saka ibinalik sa sabitan ang susi nito. Pumasok ako umupo sa sala habang hinihintay sina Nica at Beatrice. Naunang lumabas si Nica na naka-itim na slacks, dilaw na tube na damit at manipis na denim jacket.

"San na si Beatrice?"

"Alam mo na ang girl pag magbihis at magmake-up inaabot ng maraming oras", sabay bungisngis ni Nica.

Maya maya ay lumabas na rin si Beatrice. May pahid ng lipstick ang kanyang labi, nakalugay ang kanyang buhok at nakasuot sya ng bestidang may pattern ng itim at puti na lumapat sa kanyang may pigurang katawan.

"Bakit nakanganga ka dyan?" Si Nica, nakapameywang sa akin.

Winaksi ko ang tingin ko kay Beatrice. "Ikaw ba yan Beatrice?" Hindi ako makapaniwala na mas tumingkad ang angking ganda niya kapag nag-ayos sya ng maigi sa sarili.

Tinampal nya ako ng biglaan sa pisngi. "Ako kaya ito, hahaha!" Tinatawanan ako ng dalawa. "Ano na Ed, paalam na tayo kay Sir Del."

Alanganin akong umakyat sa taas ngunit tinutulak ako ng dalawa. Pilit ang mga hakbang ko sa hagdan. Marahan akong kumatok.

"Sir, alis na po kami." Hindi ko na hinintay na bumukas pa ang pinto dahil baka mapahamak na naman ako sa kanya. Bumaba na ako agad. Nasa dulo na ako ng hagdan pababa ng narinig ko ang pagbukas ng pinto nya.

"Ed ingatan mo yang mga kasama mo, umuwi kayo ng maaga ha, yung susi ng gate abutin nyo na lang sa may sabitan."

"Opo sir."

Nagtraysikel na kami papunta sa school. Sa convention hall ng school namin ginanap ang acquaintance party. Nagkanya-kanyang punta muna kami nina Beatrice at Nica sa mga blockmates namin. Napansin ko agad na tila may halo ng alak ang siniserve na drinks sa amin. Tinanong ko ang kaklase ko kung ano ang timpla na yun.

"Punch yan 'tol,super punch na juice na may halo daw ng vodka o gin", lahad nya.

"Ang tapang 'tol, hindi kaya baka malasing tayo dito?"

Ngumiti lang ang kablockmate ko saka niya ako hinila sa gitna kasama ang iba pa naming mga kaklase para sumayaw. Maingay na masaya ang party namin, para kaming nakawala sa matagal na pagkakakulong mula sa dibdibang pag-aaral at samu't-saring pag-uulat at proyekto.

Napalitan ang indayog ng musika sa banayad at romantikong mga awitin. Agad kong inapuhap ang kinalulugaran ni Beatrice sa loob ng convention hall. Palingon lingon sa paligid hanggang sa nakita ko sya. Nakangiti sya, matagal na yata nya akong pinagmamasdan sa kinatatayuan ko. Kinindatan ko sya sabay turo sa gitna na parang anyaya kung puwede ko ba syang isayaw.

Nakita ko sa ekspresyon ng kanyang mukha ang pagsang-ayon. Iniabot nya sa kanyang katabi ang hawak nitong baso saka kaswal na nag-umpisang naglakad papunta sa gitna. Tumalima ako sa kilos nya, binilisan ko ang lakad ko pagitna, pasalubong sa kanya. At doon sa ilalim ng libo-libong lumilibot na ilaw, nagtagpo ang aming mundo. Kusang humawak ang mga kamay ko sa malambot nyang beywang at sya ring dantay ng kanyang mga kamay sa balikat ko.

Inilapit ko ang aking mukha saka ako bumulong sa kanya,"Ang ganda mo Beatrice."

Kumilos ang isang kamay nya sa tenga ko saka nya pinitik ng malakas ito. Aray ang lumabas sa bibig ko. Ahhh, gusto ko uling papitik sa kanya ng paulit-ulit, total yung puso ko sya na yata ang pinipitik.

(itutuloy)

image credits: www.pinterest.com