Chereads / Ang kababalaghan sa boarding house / Chapter 13 - Ang kababalaghan sa boarding house 13

Chapter 13 - Ang kababalaghan sa boarding house 13

Habang naglalakad kami pauwi ni Beatrice ay kinuwento ko sa kanya ang mga nangyari kagabi at noong umaga.

"Siguro ikaw talaga nagtago nun ano?!", sabay pingot nya sa akin.

"Hindi ah, hindi naman ako yung tipong manyakis at ma-el", sabay layo ng konti sa kanya, baka kasi madisgrasya na naman ako sa mga matatalim nyang kuko.

May gusto pa sana akong ikuwento kay Beatrice tungkol sa pinatikim sa akin na usok nina Hemerson noon pero baka lumayo ang loob nya sa akin. Saka na lang.

Pagdating na pagdating nina Hemerson kinahapunan ay sinabi ko sa kanila ang nangyari noong umaga.

"Tol bakit naman nasa unan ko yung magasin, alam nyo bang pumasok si Sir Del dito at siya mismo ang nakadiskubre ng kalokohan nyo!"

Nagkatinginan ang dalawa, nagtatanungan ang mga mata nila ng kung paano nangyari ang lahat.

"Tol, siniksik ko yun sa mga maruruming damit ko kagabi bago ako natulog."

"Bakit sabi nya nasa higaan ko daw?"

"Promise tol, hindi ka namin pinagtripan, hayaan mo kapag kinausap tayo ni Sir Del ay sasabihin namin ang totoo."

"Sabi nga nya tol, kausapin daw nya tayo mamaya pagkatapos nating kumain."

Habang abala kaming nagluluto sa kusina, lumapit si Ren sa amin.

"Tol, nahuli ka daw ni Sir Del na may malaswang magasin sa unan mo,totoo ba yun?"

"Ogag, itong dalawa kasi eh, antatakaw ng mata. Teka di ba sayo galing yun? Binigay ni Sir Del sayo?"

"Oo tol binigay nya sa akin, nakaipit yun sa basketball magazine, hindi ko agad napansin. Nagulat nga ako nang mabuklat ko tapos nakita nga nila Hemerson, ayun hiniram nila. Panigurado magagalit si Sir Del sa akin."

"Grabe talaga yang landlord natin ano? Ako ngayon ang sinisisi nyang nagtago ng magasin na yun. Di bale, malinis naman ang konsensya ko, hindi talaga ako nagbasa at ang huling humawak nun. Kaya kayong dalawa, lagot kayo kay Sir Del mamaya", turo ko sa dalawang tukmol at natatawa lang silang umiiling.

Pagkatapos naming kumain ay magkakasama na kaming tatlong umakyat sa taas kasunod ng bilin sa amin ni Kuya Noel na pinapatawag na daw kami ni Sir Del.

Nasa bungad pa lang kami ng pinto nya ay naroon na sya, nakabilot ang magasin sa isa nyang kamay.

"Halikayo dito, pasok kayo sa loob", seryosong sabi ng matanda. Nauna akong pumasok at umupo sa sofa. Maaliwalas ang hangin ng silid, amoy pabangong pambabaeng hindi matapang sa ilong.

Nakapatay ang TV ngunit may sumasahimpapawid na awitin ng mga lumang kantang nanggagaling sa mini-component na nasa tabi ng higaan.

"Kumain na ba kayo", panimula ng matanda.

"Opo sir", sabay sabay naming sagot.

Binuklat nya ang nakabilot na magasin. Iniisa-isa ang mga pahina nito. Umupo sya sa tabi ko.

"Sino sa inyo ang talagang nagtago ng magasin na ito at kanino galing?"

Tahimik kaming tatlo, nagtitinginan kung sino ang unang magsasalita.

"A..a..ako po sir..", halos hindi makabigkas ng salita si Hemerson.

"Nakita po namin sa kabilang room ng mga lalaki, kinuha ko po doon."

"At Ed, bakit nasa unan mo ito?"

"Sir peksman po hindi ko po tinignan yan at hinding hindi po ako magtatago ng ganyang klaseng magasin."

"Totoo po yun Sir, sa katunayan, itinago ko po yan sa labahan ko", pagsang-ayon ni Gener.

"Ang babata nyo pa, ito na ang alam nyo imbes na libro ang binubuklat nyo. Gusto nyo bang paalisin ko kayo dito sa boarding house?"

"Hindi po sir, hindi na po mauulit", sabay sabay naming tinuran.

"Talagang hindi na ito mauulit, dahil kapag may nakita pa akong kakaiba sa room nyo na ipinagbabawal ko, mananagot kayo sa akin."

Nagtatalo ang pagkainis at pagkatuwa sa isipan ko. Gusto ko sanang sabihin na sa kanya mismo nanggaling ang babasahing iyon. Ano kaya ang magiging reaksyon nya?

"Ito sinasabi ko na ha, isa pa uling gagawa kayo ng kalokohan, agad agad papaalisin ko kayo dito sa bahay ko."

"Opo sir."

"Hala sige na, Gener at Hemerson, mauna na kayong bumaba."

Heto na nga ang kinatatakutan ko. Ang mapag-isa sa loob ng kwarto ni Sir Del.

Hindi pa man nakakalabas ang dalawa ay tumayo na ako at akmang susunod sa kanila.

"Ed saglit lang may sasabihin ako sayo."

Lumingon sa akin si Gener saka ngumising parang nakaloko. Bumalik ako sa upuan. Tumayo si Sir Del at isinara ang pinto, narinig ko ang lagitik ng lock nito. Lagot na talaga ako. Pinagdikit kong maigi ang dalawang tuhod ko sabay krus sa mga braso at ipinatong sa mga binti ko. Mahirap na.

Naramdaman ko ang mga kamay niya sa balikat ko, mabigat. Dahan dahan ay nakakaramdam ako ng pasirkong galaw na tila minamasahe niya ang balikat, batok at likod ko.

"Ed, wala ka bang naririnig na mga kwento sa akin sa baba, kay Kuya Noel mo ganun, wala ba silang sinasabi tungkol sa akin?"

"Wa..wala naman po sir, bakit po", pagkakaila ko.

"Huwag kang maniwala kung anuman ang naririnig mo sa baba dahil walang katotohanan iyon."

Kinilabutan ako sa mga sinasabi nya dahil taliwas naman sa kilos ng mga kamay nya. Patuloy ang paghagod nito sa likod ko. Gusto kong magtanong sa kanya ngunit nauunahan na naman ako ng dagan sa bibig. Gusto kong takbuhin ang pinto at kumaripas palayo sa kanya.

Sa wakas at inalis na nya ang kamay nya sa katawan ko. Tumabi sya sa akin, kinuha nya ang remote control sa lamesita at binuksan ang tv. Hindi pa rin nakapatay ang radyo. Nag-aagawan ang ingay ng tv at radyo sa loob ng kwarto.

Kinuha nya ang magasin sa kabilang upuan at iniharap sa akin.

"Alam mo Ed, marami akong magasing ganito, gustong gusto mo pala ang mga ganito hindi mo sinasabi sa akin." Inilatag nya ang kanyang braso sa sofa, sa likurang bahagi ko. Humawak ang isang kamay nya sa hita ko.

Nawindang ang utak ko sa tinuran ng matanda. Hindi ko malaman ang gagawin ko. Nakatingin lang ako sa tv at ang matanda naman ay nakatitig sa akin. Namamanhid ang balat ko sa tuwing naiikutan ako ng electric fan at ramdam kong nagsitayuan ang mga balahibo ko sa katawan.

"Sir hindi po talaga ako nagbabasa ng ganyan."

"Normal yan Ed, lalong lalo na sa mga nagbibinatang katulad mo. Saka alam mo Ed, sa lahat ng mga naging boarders ko dito sa bahay, ikaw yung nakita kong pinakamabait sa kanila. Hindi ka lang mabait kundi may malakas ang dating."

Nangalahati na ang kamay nya sa binti ko, palapit sa nakatiklop kong braso, sumisiksik pailalim doon. Nilalabanan ko ang panghihimasok nya ng pwersado kong diin ng mga kamay ko, hinaharang ang kanyang pagtatangka. Hindi ko rin namalayan na nakaakbay na sya sa akin. Nagtataka pa rin ako sa sarili ko kung bakit hindi ko maimutawi sa bibig ko na ayoko ang ginagawa nya sa akin. Naunahan ako ng takot.

Umusog ako ng upo palayo sa kanya ngunit mas maliksi ang pag-usog nya palapit sa akin.

" Relaks ka lang Ed, huwag kang matakot kasi hindi naman tayo gagawa ng masama."

Nanghilakbot ako sa sinabi nya.

Sinusuklay na nya ng kanyang kamay ang buhok ko. Para pa rin akong estatwang kahit lumindol yata ay hindi gumagalaw.

Doon na ako napaigtad ng tangkain nyang halikan ako sa leeg. Napatayo ako sa takot.

"Sir mali po ito. Hindi na po tama ang ginagawa nyo." Nakataas ang dalawa kong kamay paharap sa kanya.

Nakangiti lang sya, tuluyan nyang inihiga ang kanyang katawan sa sofa.

"Well hindi kita mapipilit Ed. Pero sana huwag kang magsasalita kung anuman ang nangyari."

Nahimasmasan ang takot ko.

"Sir puwede na po ba akong lumabas?"

"Oo naman Ed. Papuntahin mo nga dito sa taas si Ren pagdating mo sa baba, sabihin mo kausapin ko sya."

"Sige po sir."

"Okey ka lang Ed?"

"Okey lang po sir."

Maliksi kong tinungo ang pinto at wala pang isang segundo yata ay nasa sala na ako.

Naroon sina Nica at Beatrice sa sala at may ginagawang activity. Nagkatitigan kami ni Beatrice. Maasim ang kanyang mukha, may banggaan ang mga kilay. Umismid sya akin, tumayo at walang sali-salitang pumasok sa kwarto nila sabay tulak sa pinto ng may kalakasan. Wala man lang akong nasabi sa kanya.

"Ahem, may world war 4 atang mangyayari, hehehe!" Si Nica, naiwan sa sala at tila nang-aasar sa akin.

(itutuloy)

Related Books

Popular novel hashtag