Chereads / Ang kababalaghan sa boarding house / Chapter 2 - Ang kababalaghan sa boarding house 2

Chapter 2 - Ang kababalaghan sa boarding house 2

Wala pang araw at kahit hirap sa paglalakad si Sir Del ay nagwawalis na sa paligid ng bahay. Masipag ang matanda.

"Maligo na kayo at maaga kayong pumasok sa eskwelahan nyo", nakangiti nyang sigaw sa aming nasa kusina habang abala kami sa pagsaing ng kanin at ulam sa agahan.

Sa kwarto namin, napag-usapan naming hati-hati na lang sa isang linggong badyet ng agahan at hapunan. Hindi na namin isinama sa badyet ang tanghalian dahil ako at si kuya Noel ay hindi nakakauwi ng tanghali sa boarding house. Ako ang nakatokang magluto ng agahan namin sapagkat maluwag ang schedule ko ng umaga, alas nuebe pa ang pasok ko, si Gener at Hemerson naman ang sa hapunan.

May kanya kanya kaming kalan at walang agawan ng puwesto ng pagluluto, problema nga lamang at medyo mahirap magsiga ng baga dahil uling ang gamit namin. Ang mga babae ay may sariling lutuan sa loob ng bahay at nakahiwalay ang kanilang kusina.

Pagkatapos kung maluto ang itlog at hotdog, tinawag ko na silang tatlo, nakapaligo at nakabihis na ang magpinsan samantalang si Kuya Noel ay tulog pa. Sinabi nyang tirhan na lang namin sya ng ulam nya.

Habang kumakain, pabulong kong tinanong ang dalawa kung napansin ba nilang lumabas si Kuya Noel kagabi.

"Hindi tol, nakatulog kasi ako agad", sabi ni Gener habang nagkakamay kumain.

"Pero siguro noong mga bandang alas tres naalimpungatan ako kasi bumukas ang pinto natin, si Kuya Noel siguro yung pumasok", dagdag na sabi ni Hemerson.

Napatango-tango na lang ako sa tinuran ng dalawa.

Habang kumakain kami, lumapit ang matanda sa amin at may inilapag sa mesa.

"O, heto ang noodle soup, mainit init pa yan, sa inyo na yan at wala ng kakain nyan kasi nag-agahan na ako", alok ni Sir Del sa amin.

Nagtinginan kaming tatlo at halos sabay sabay sa pagpapasalamat.

Pagkaligpit ng pinagkainan ay inayos ko na rin ang mga gamit ko at naligo na. Kailangan pang mag-igib sa poso para may panligo sa banyo sapagkat walang linya ng tubig sa loob. Pagkabihis ko at papasok na, tulog na tulog pa rin si Kuya Noel sa higaan nya, inisip ko na lang na baka wala pa syang klase ng araw na iyon.

Madali akong naka-adjust sa klase dahil tatlo sa mga kaklase ko noong high school ay ka-block section ko rin sa kinukuha kong kurso. Ala-singko ang labasan at nilalakad ko na lang ang pag-uwi sa boarding house, mga apat na kanto ang layo, may dalawang private school na madaraanan, sa dulo ng kanto bago ang papasok sa kalsada sa aming boarding house ay ang pampublikong sementeryo.

Ang hindi pa ako masyadong sanay ay ang pakiramdam na nangungulila sa mga magulang ko at sa aming bahay. Mabuti na lang at masayang kasama sina Gener at Hemerson. Nakakakuwentuhan ko na rin ang mga lalaking nasa kabilang kwarto samantalang ang mga lady boarders ni Sir Del ay hindi ko pa masyadong nakakausap.

Nawaglit na sa isipan ko ang nangyari noong unang gabing lumabas ng kwarto namin si Kuya Noel. Gabi ng Biyernes kung saan mangilan-ngilan na lang kaming naiwan sa boarding house dahil ang mga iba ay nagsiuwian muna sa kani-kanilang bayan. Sina Gener at Hemerson ay umuwi na rin maliban kay Kuya Noel. Ako naman ay maaga ng Sabado na lang uuwi.

"Dito na kayo kumain sa loob Ed kasi sobra yung ulam na nailuto ko, sabihin mo kay Noel pagdating nya" alok ni Sir Del sa akin habang nagbabanlaw ako ang mga damitan ko sa may poso ala-sais ng gabi. Tumango lang ako na parang may alinlangan.

Naglalaba din ng mga oras na iyon sina Ate Rose at Ate Fel. Kalapit bayan ko lang sila at dalawang beses sa isang buwan lang daw sila kung umuuwi sa kanila. Binibiro pa nila ako na huwag ko daw hayaan ang sarili ko na mag-isa sa boarding house kasi may nagpaparamdam daw sabay tawa nila. Hindi ko alam kung may katotohanan ang nabanggit ng dalawa o biro lang.

Nakasampay na ako saka naman ang dating si Kuya Noel.

"Kuya sabi ni Sir Del, dun na daw tayo maghapunan sa loob", bungad ko sa kanya habang nagbibihis sya ng uniporme nya.

"Ganun ba, tara na at baka magbago pa ang isip ng matanda", agad na sinabi ni Kuya Noel.

Dumaan kami sa may kusina at nadatnan namin si Sir Del nakaupo sa may kabisera ng parihabang mesa na umiinom ng tsaa.

"Magsandok ka na dyan Noel para makakain na kayong dalawa, alam ko gutom na gutom na rin kayo, upo ka na dito Ed at nang makakain ka na", anyaya ng nakangiting si Sir Del.

Kumakain din sa dulo ng mesa sina Beatrice at Nica, nakangiti silang dalawa at inaalok akong sumabay nang kumain sa kanila.

"Sige lang", sabi ko sa dalawa.

Habang kumakain kami, napansin kong kampante kung kumain si Kuya Noel samantalang ako ay halos walang ingay na nililikha habang pasimpleng nginunguya ang adobong manok.

Kinukumusta ako ni Sir Del sa unang linggo ko sa unibersidad.

"Ok naman po sir, so far so good po ang start ng klase namin", naangiti kong tugon.

"Mamaya kapag wala na kayong gagawin, akyat kayo sa taas kasi may ipapabuhat lang akong gamit sa inyong dalawa", biglang nasabi ni Sir Del.

Tinignan ko si Kuya Noel, tuloy tuloy lang ang kain nya saka ako tumingin sa matanda at sumang-ayon sa aking pagtango sa kanya.

Pagkatapos naming kumain at naghugas ng pinagkainan, nauna akong sumaglit sa kwarto namin. Inayos ko ang bag ko at mga dadalhin sa byahe kinabukasan.

"Ed tara na, akyat tayo sa taas", si Kuya Noel tinatawag nya ako habang nasa dirty kitchen sya.

Madilim ang hagdanan paakyat na mayroong sampung baitang sa aking pagkakabilang. Sa ikalawang palapag ng bahay nabungaran namin ang isang bukas na kwarto, sa isip ko dun siguro ang kwarto ni Sir Del.

"Halikayo, buhatin nyo nga itong dalawang speaker at ilipat natin sa kabilang kwarto", paanyaya at utos ni Sir Del sa amin.

Tumalima naman kami agad ni Kuya Noel. Sa mabilisang sipat ko sa loob ng kwarto ni Sir Del, nakabukas ang may 29" na telebisyon na nakaharap sa maliit na sopang pangdalawahan. Sa gawing kaliwa ay may pinto papuntang banyo. Malaki sa karaniwan ang kama na may bulaklaking sapin at kumot. Gumagaralgal ang ikot ng isang electric fan sa sulok. Ang sahig na kahoy ay makintab sa tama ng fluorescent lamp sa kisame. May isa pang umiikot na electric fan sa taas.

Hindi naman kami nahirapan sa pagbubuhat, ginabayan kami ni Sir Del patungo sa nakasarang kwarto. Sinusian nya ito at binuksan. Pagkabukas nya ng ilaw, tumambad sa amin ang isang kwartong punong puno ng mga balikbayan box. May mga nabuksan na, mayroon ding hindi pa at halata dahil sa hindi pa nagagalaw ang mga seal nito.

"Ito ang kwarto ng nag-iisa naming anak, kada anim na buwan, nagpapadala sya sa akin ng box, naipon na lahat dito kasi hindi ko rin naman napapakinabangan ang iba. Ayoko namang basta basta ipamigay o ibenta na lang", pahayag ni Sir Del.

Pagkalapag ng mga binuhat naming gamit lumabas na kami ng kwarto.

"Huwag muna kayong bumaba, manood muna kayo dun sa kwarto ko, di bale Byernes naman ngayon at walang pasok bukas", pahabol na sabi ni Sir Del habang pababa na sana kami ng hagdan.

"Sige na, magbubukas ako ng imported na chocolate, bibigyan ko kayong dalawa", dagdag hikayat nya.

Mag-aalas nuebe na ng gabi at pagdungaw ko sa bintanang nakaharap sa likuran ng bahay, naaaninag ko sa may poso ang paglalaba ng dalawang lady boarder. Tumuloy kami sa kwarto ni Sir Del, umupo kami sa sofa ni Kuya Noel. Action movie ang nakasalang sa VHS na sa tantya ko ay nasa kalagitnaan na ang mga eksena.

Binuksan ni Sir Del ang cabinet, may kinuha sya dito. Tumabi sya ng upo kay Kuya Noel. Iniabot nya sa amin ang tig-isang bara ng toblerone. Nagpasalamat agad ako, wala akong planong kainin iyon kaya ibinulsa ko muna samantalang si Kuya Noel ay nilantakan ito agad.

Habang nanonood kami ay hindi ko maiwasang lumingon sa katabi ko, tumaas ang balahibo ko hindi dahil sa palabas sa tv kundi dahil sa posisyon ni Sir Del sa tabi ni Kuya Noel. Nakayakap sya sa katawan ni Kuya Noel, nakadantay ang hita nya sa binti nito at nakahilig ang ulo sa balikat ni Kuya Noel. Tahimik lang si Kuya Noel, nakapako ang tingin sa tv. Sa sulok ng aking mata papunta sa kaibuturan ko, nakadama ako ng nginig at naaalibadbaran sa posisyon ng dalawa. Lumingon ako sa pintuan, sarado ito. Parang nalagyan ng sili ang puwetan ko na biglang hindi ako mapakali sa kinauupuan ko.

Nang matapos na ang palabas saka ako tumayo.

" Kuya Noel baba na tayo", alok ko.

"Sige na Ed, mauna ka ng bumaba", ang matanda ang tumugon sa tinuran ko. Si kuya Noel ay parang wala lang na may nakayakap sa kanya, hindi ko alam kong ano ang tumatakbo sa isip nya.

Dali dali kong tinungo ang pinto.

"Ed pakisara ang pinto pagkalabas mo", pahabol ni Sir Del. Hindi na ako lumingon pa. Pagkahila ko ng pinto ay halos liparin ko ang pagbaba sa hagdan.

Patay na ang ilaw sa sala, paglabas ko ng kusina dumiretso agad ako ng kwarto namin. Ang lakas ng tambol sa dibdib, naupo ako sa higaan ni Hemerson.

Malinaw pa sa isipan ko ang nasaksihan ko kanina. Nakadama ako ng kaba, ng pagkabahala, ng takot at kung ano ano pa. Hirap pang iproseso ng utak ko kung paano ko mauunawaan ang nasaksihan ko kanina.

Si Sir Ed ba ang kumatok sa pintuan namin noong unang gabing ko dito? May relasyon ba sila ni Kuya Noel? Anong merong lihim si Sir Del? Ano ang bumabalot na misteryo sa pagkatao nya?

Tinapat ko sa ilaw ang braso ko, oo, nagtataasan ang mga balahibo nito.

(itutuloy)

image credits: clipart.email