"ANO yan pare? Pauso mo?"
Hinawakan ni Ridge ang gilid ng labi na tinutukoy ni Alexis saka napadaing. Hanep na babae. Piningasan pa nito ang mukha niya.
"Alexis, what are you doing here?" baling niya sa kaibigan na naabutan niya sa kuwarto niya. Ugali na talaga nitong maglabas-masok sa bahay at sa kuwarto niya, naroon man siya o wala. He should really change his pad's lock combination.
"Nagpapahinga.." sabi nito saka humilata sa kama niya.
"May sarili kang bahay, doon ka mamahinga." Sabi niya bago sinimulang magbihis.
"Hoy! Mahiya ka naman sa akin. Virgin pa ang mga mata ko, bakit naghuhubad ka sa harap ko--- aw!" reklamo nito nang ihagis niya ang hinubad na pang-itaas dito. "Kadiri ka naman tsong! Panay pawis mo na 'to eh." Sabi ni Alexis saka inihagis sa laundry bin niya ang damit.
"Bakit ka ba kasi dito nagpapakalat-kalat?" hinarap niya ito nang makapagbihis na siya.
"Saludo na talaga ako kay Rhea! Akala ko talaga, patay na patay sa'yo 'yon. Akalain mong kaya pala niyang pingasan ang perpektong labi mo." Tatawa-tawa pang sabi ni Alexis.
"Hindi si Rhea ang may gawa nito." Sabi niya saka humarap sa salamin. Napailing siya. Anong klaseng babae ang kayang manapak nang ganoon kalakas? Naalala niya ang mukha ng babaeng iyon. She was wearing clothes that were not feminine at all pero alam niyang babae ang nasa ilalim ng mga damit na iyon. Isang cute na babaeng umaapaw ang angst sa katawan. Naaalala pa niya ang itsura nito pagkatapos ng halik na iyon.
I wonder if it was her first kiss. Napangiti siya sa isiping iyon. Kaya siguro ganoon na lamang ang reaksiyon nito sa ginawa niya.
"Alam mo pare, ikaw lang ang nasapak na, nakakangiti pa ng ganyan." Wika ng kaibigan na nagpabalik sa lumilipad na niyang isip. "Magandang babae ba? Ipakilala mo naman sa akin. Single ako ngayon---" Itinulak niya ang mukha nito gamit ang palad niya. Kinuha niya ang wallet niya at naglabas ng tatlong libong papel.
"Ito lang ang cash ko. Magkano ba ang uutangin mo at magwi-withdraw ako nang makalayas ka na sa harap ko?"
"Ang sakit mo namang magsalita bestfriend. Ganyan ba kababa ang tingin mo sa akin?" umakto pa itong parang nasaktan sa sinabi niya.
Iwinagayway niya ang pera.
"Ayaw mo?"
"Pero hindi talaga ako tumatanggi sa kawang-gawa eh" nakangising sabi ni Alexis saka hinablot ang hawak niyang pera. Napailing siya. "Pero pare, hindi talaga ito ang pakay ko sa'yo."
"Magkano pa ba ang dapat kong i-withdraw?"
"Pare hindi talaga pera ang pakay ko eh kaya saka ka na mag-withdraw." Inakbayan siya nito. "I need your charms this time, pare."