MAPAIT ang ngiting sumilay sa mga labi ni Louis habang nakatitig sa malaking screen ng TV sa kaniyang kwarto. Hindi siya mahilig sa mga love stories pero nakakatawang isiping dahil sa matinding sakit na nararamdaman niya iyon ang pinanonood niya ngayon. At iyon ang regalong DVD sa kaniya ni Jade sa kanilang first monthsary.
"para ngang mas masarap manood ng ganiyang movie pag kasama kita eh. Mas romantic"
Mabilis na nag-init ang kaniyang mga mata sa alaalang iyon. Mula nang makipaghiwalay ito sa kaniya isang linggo ang nakalipas ay nawalan na siya ng gana sa buhay niya. Hindi narin siya pumasok dahil hindi niya kayang makita ito. Alam niyang oras na mangyari iyon ay pilit niyang hahabulin ang dalaga, mas matindi pa siguro sa ginawa niyang paghahabol noon dito bago sila naging magkaibigan.
Naiiling pa siyang mapait na napangiti nang maalala ang naging pagtatalo nila ni Carol dalawang araw matapos ang birthday niya.
"Louis, kumain ka muna hijo, ilang araw ka ng hindi lumalabas ng kwarto. Baka magkasakit ka sa sobrang depresyon."
Nanunumbat ang mga titig na tinitigan lang niya si Carol saka ibinalik ang tingin sa malaking TV screen. "Iwanan ninyo ako" matigas niyang tugon.
Nakita niyang inilapag ni Carol sa side table ang dala nitong tray ng pagkain saka naupo sa gilid ng kaniyang kama. "Please, baka magkasakit ka, hindi naman ang Jade na iyon ang mawawalan kung sakali. Ako" anitong binigyang diin ang mga huling tinuran.
"Tigilan ninyo si Jade, wala siyang ginagawang masama sa inyo kaya huwag ninyo siyang pagsalitaan ng kung anu-ano!"
"So you really love her, kaya pala nagkakaganiyan ka nanaman."
Matalim niyang sinulyapan ang ina. "Ang dali naman ninyong nakalimot sa kung ano kayo noon para pagsalitaan ninyo si Jade at pagbintangan na parang napakasama at napakababa niyang tao! I love her more than anyone. At kung ako lang ang masusunod, I wanna die right now!"
Hindi nagsalita si Carol sa sinabi niyang iyon kaya nagpatuloy siya.
"Ginawa ninyong miserable ang buhay ko, dahil doon para narin ninyo akong ipinagtulakan palayo sa inyo. I love her so much, sa kanya ko lang naramdaman ang totoong kaligayahan pero anong ginawa ninyo?" noon tuluyang humulagpos ang lahat ng emosyong kinikimkim niya.
"She's my happiness, my life, my everything" aniya sa pagitan ng pagluha.
"I miss you so much Jade" aniya saka mabilis na pinahid ang kaniyang mga luha nang makarinig ng mahihinang katok sa pinto.
"L-Louis?" boses iyon ni Lauren, hindi niya ito nilingon at sa halip ay pinanatili ang atensyon sa pinapanood.
Sinulyapan lang niya ang dalaga pagkatapos ay ibinalik ang tingin sa TV. "Anong kailangan mo?"
"Babalik na kami sa States ni Mommy, mamayang gabi na ang flight namin" pagbabalita nito sa mababang tono ng boses.
Hindi siya sumagot kaya nagpatuloy sa pagsasalita si Lauren.
"Listen, gusto kong malaman mong hindi ko intensyong siraan si Jade sa mama mo. Ginawa ko lang iyon para marealized niyang masaya ka na sa girlfriend mo kaya hindi tamang ipilit nila tayo."
"Really?"
Narinig niya ang buntong-hiningang pinakawalan ni Lauren bago nagpatuloy sa pagpapaliwanag. "May boyfriend ako sa States, si Andrew" sa narinig ay nagulat niyang nilingon ang kausap.
"May boyfriend ka?"
Tumango lang ito. "Hindi alam ni Mommy ang tungkol sa amin, natakot akong ipagtapat sa kanya. Simula palang kasi inunahan na niya akong iba ang gusto niyang lalaki para sa akin. Hindi mahirap si Andrew, pero kung ikukumpara sa buhay na mayroon ako sa States may pakiramdam akong hindi siya papasa kay Mommy. Until this year, nakakatuwang sinuwerte ang itinayo niyang convinience store at kumikita na ng malaki. By next year baka magpakasal na kami, at kahit pa humadlang si Mommy, alam ko kaya kong ipaglaban si Andrew."
"I'm happy for you" totoo iyon sa loob niya, saka ngumiti pagkatapos.
Ngumiti rin si Lauren. "I like Jade, at kung nagkaroon lang siguro kami ng pagkakataong magkasama ng matagal, malaki ang chance na magkasundo kami" anitong sa TV narin nakatingin. "minsan iniisip natin na destiny ang nagde-decide kung sino ang dapat nating makasama habang buhay. But kung iisipin lang natin, it's our choice. Lalo kung alam nating pareho tayo ng nararamdaman at ang kailangan lang nating gawin ay manindigan at maging matapang."
Naiwan siyang matagal na naglaro sa isip niya ang sinabing iyon ng dalaga.
"JADE may naghahanap sayo" boses iyon ni Rhea.
Nagulat pa siya nang makilala kung sino ang sinasabi ng kaibigan, walang iba kundi si Carol. Mabilis na nilukob ng matinding takot ang kaniyang dibdib. Pero naglaho din naman ang lahat ng iyon nang ngitian siya nito ng hindi niya inaasahan.
"Excuse me lang po" ani Rhea saka siya pasimpleng tinanguan lang.
Ilang sandaling binalot ng matinding katahimikan ang buong waiting room. Sa totoo lang hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin gustuhin man niyang magsalita. Pero malaki ang paniniwala niyang si Louis ang dahilan kung bakit siya gustong makausap ni Carol.
Agad niyang naramdaman ang matinding sakit sa dibdib nang maalala ang binata. Isang linggo narin mula nang makipaghiwalay siya dito pero kahit kaunti ay walang nagbago sakit na nararamdaman niya.
"I'm sorry kung naabala kita, nagugutom ako hija, pwede mo ba akong samahang kumain? Kahit sa canteen nalang" si Carol saka alanganing ngumiti muli sa kaniya.
Kulang ang salitang nagulat para ilarawan ang naramdaman niya sa narinig na sinabi ng ginang. Pero gayon pa man ay nagpaunlak siya.
"Ang ganda ng mga daliri mo hija, siguro kung kasing edad lang kita maiingit ako sa mga daliri mo. Malamang hindi ka naglalaba ano?" nasorpresa pa siya sa sinabing iyon ng ginang nang simulan niyang kainin ang inorder niyang pansit palabok.
"Naku hindi po! Sa katunayan magaling po akong maglaba, ang sabi kasi ng nanay ko hindi daw maganda sa babae ang walang alam sa mga gawaing bahay."
Natawa ito ng mahina sa sinabi niya. "Tama ang nanay mo, sa katunayan, alam mo bang gaya mo rin ako noon bago ko nakilala ang Papa ni Louis. Sa maniwala ka man o sa hindi magaling akong magtanim ng palay!"
Noon nabitin sa ere ang tinidor na hawak niya.
"Nagulat ka ano? Hindi mo kasi naitatanong, galing din ako sa hirap."
Hindi makapaniwalang tinitigan niya ng matagal ang magandang nitong mukha. Pagkatapos ay nagyuko siya ng ulo at tahimik na ipinagpatuloy ang pagkain.
"Kumusta na po si L-Louis?" nang hindi makatiis ay naitanong niya.
"Siguro nagtataka ka kung bakit ako nandito" ang sa halip ay narinig niyang sagot.
"Tatapatin na kita hija, gusto ko sanang humingi ng paumanhin sa lahat ng nagawa ko" anito sa mababang tinig. "alam kong hindi ganoon kadaling kalimutan ang lahat. Masyado kitang hinusgahan at pinag-isipan ng masama, iyong tipong pati ang pinanggalingan ko at kung ano ako noon, nagawa kong kalimutan" pagpapatuloy pa nito.
"A-ano pong ibig ninyong sabihin?" naguguluhan niyang tanong.
"Bumalik kana sa anak ko hija, alam mo kasi gusto ko lang siyang protektahan, iyon lang. Natatakot kasi akong baka mangyari ulit sa kaniya ang ginawa noon ni Rhiza. Ayoko ng makita siyang malungkot, mag-isa at nagkukulong sa kwarto. Hindi kumakain ng maayos, baka magkasakit siya sa sobrang depresyon and worst baka kung ano pa ang maisipan niyang gawin sa sarili niya pag nagkataon. Hindi malayong gawin ni Louis iyon, lalo at ako mismo nakikita ko kung gaano ka niya kamahal" nasa boses ni Carol ang pagpapakumbaba at matinding pagsusumamo.
"Hindi ko hinihinging patawarin mo ako kaagad, sa parteng iyon you can take all the time you want. Hanggang sa matutunan mo akong tanggaping muli at makitang pinagsisisihan ko ang lahat ng nagawa ko sayo. Bumalik ka na kay Louis, mahal na mahal ka niya at alam kong ikaw lang ang makapagbabalik ng mga ngiti niya" anitong tinitigan siya ng tuwid sa kaniyang mga mata.
Mabilis na nag-init ang mga mata niya. Ang isiping wala ng sinuman ang hadlang sa pagmamahalan nila ng binata ang totoong nagdulot ng nag-uumapaw na kaligayahan sa puso niya.
"Mahal na mahal ko rin po ang anak ninyo, salamat po at binigyan ninyo ako ng second chance para maipakita kung gaano ko siya kamahal. Siguro po kahit nangyaring nagkabaligtad ang sitwasyon namin sa buhay ay mamahalin ko parin siya, ng buong puso" sumisinghot niyang saad.
Nakita niya ang isang mabait na ngiti sa mga labi ni Carol. Pagkatapos niyon ay ang pagkislap ng luha sa mga mata nito. Parang may kung anong mainit na emosyong humaplos sa dibdib niya.
"Ako ang dapat na magpasalamat sayo, at least ngayon alam ko ng nakita na ni Louis ang babaing tunay na nagmamahal sa kaniya."
Hindi niya maipaliwanag pero sa isang iglap parang kay dagling naglaho sa puso niya ang lahat ng hinanakit niya kay Carol. Feeling pa niya ay parang matagal na niya itong kilala. Iba ang sincerity na nakita at naramdaman niya dito at kay Cindy. Siguro dahil ina ito ng lalaking minamahal niya ng buong puso, nang mas higit sa buhay niya.
Sa loob ng mahabang sandali ay pareho lang silang nanatiling nakatitig sa isa't-isa. Dahil doon ay nakita niya sa mga mata nito ang tunay at mabuti nitong pagkatao. Sa mga mata nito, naroroon ang mga ngiti ni Louis, dahilang sapat na kaya nagawa niyang iwaksi ang lahat ng hinanakit at tuluyan itong patawarin.
"NAKU Tita nagtext po si Pauline, pinapapunta niya ako sa gym importante daw. Mauna na ho kayo susunod nalang ako sa bahay ninyo after class" aniya nang makalabas na sila ni Carol sa canteen.
"Walang problema hija, magpapahanda ako ng masarap na hapunan para sayo" nangingislap ang mga mata ni Carol habang nakatitig sa kanya.
Nahihiya siyang napayuko. "Sige po."
Nang maihatid sa parking lot si Carol ay nagmamadali naman siyang nagpunta ng gym. Pagbungad palang niya sa may entrance ay tumunog na ang kaniyang cellphone. Iba na ang gamit niyang number dahil ibinalik niya kay Louis ang mamahaling cellphone na galing dito.
"Pau, nandiyan na ano ba kasi iyan at sobrang inaapura mo ako?"
"May nagpapabigay sayo ate" nagulat pa siya nang lapitan siya ng isang binatilyo na nakasuot ng high school uniform saka siya inabutan ng isang tangkay ng kulay pulang rosas.
Nangunot ang noo niya, baka may gusto lang manligaw sa kaniya.
Pagpasok niya sa entrance ay nasorpresa naman siya sa nagkalat na rose petals sa sahig. Natawa siya dahil sa mga pelikula lang niya nakikita ang ganoon.
"Hello ate, flowers for you" dalawang pulang rosas naman ang iniabot sa kaniya ng isang binatilyo ulit.
"Kanino galing?"
Kibit lang ng balikat ang nakuha niyang sagot kaya ipinagpatuloy niya ang palalakad sa lobby hanggang sa matanawan niya ang hagdan paakyat sa gym.
Maraming tao pero busy ang lahat sa kanya-kanyang gawain. May ilang sumasayaw, at karamihan ay nagka-klase. Naglalakad na siya sa pinakagitnang sahig ng gymnasium nang biglang pumailanlang ang isang pamilyar na awitin, ang If You're Not The One. Agad niyang naalala si Louis, parang sa isang iglap ay gusto niyang sugurin ang operator ng sound system at awayin ito ng awayin dahil pinarinig nito sa kaniya ang kantang iyon.
Pero sa kabilang banda, nakapagtatakang binuksan ang sound system ng gym gayong marami ang nagkaklase doon. Sinuyod niya ng tingin ang lahat ng bleachers, pero hindi niya nakita doon si Pauline.
Habang patuloy ang naka-ereng kanta ay siyang gulat niya nang mapansin ang mahabang pila ng mga lalaking high school students palapit sa kinatatayuan niya ng may dalang rosas na kagaya ng tatlong hawak niya.
Naguguluhan man ay nakangiti parin niyang isa-isang tinanggap ang mga iyon. Pakiramdam pa nga niya ay parang napaaga ang debut niya dahil sa tagpong iyon. Habang ang lahat ng pares ng mata sa gym ay sa kaniya na nakatingin. Kung hindi siya nagkamali ay umabot ng labinlima ang mga bulaklak kasama ang tatlong hawak pa niya. Hindi niya napigilan ang sariling haplusin ng tingin ang mga iyon. At dahil nga nakayuko ay hindi na niya napuna ang lalaking naglalakad palapit sa kaniya. Nakuha lang nito ang atensyon niya nang magsigawan ang lahat ng naroroon.
"Louis!"
"Napanood ko na iyong movie, tama ka. Maganda, and aside kay Lauren ito rin ang nagbigay ng lakas ng loob sa akin para ayusin ang lahat ng mayroon tayo" nang makalapit ito sa kaniya hawak ang isang dosenang rosas.
Hindi siya nagsalita kaya nagpatuloy ang binata. "Isang linggong wala ka sa buhay ko was purely hell! It was the time na napatunayan kong you are the only one that I can't replace."
Hindi na niya napigilan ang maiyak dahil doon. Pareho lang naman sila, pero sa nakikita niyang anyo nito ngayon, nanlalalim ang mga mata at nangingitim ang mga eyebags, at mukhang pumayat pa ito ay walang dudang mas ininda ng binata ang nangyari sa kanila. Isama mo pa ang isang linggong pagliban nito sa klase sa kagustuhan lang na iwasan siya.
"Look, I can list all the million things that I really like about you. Pero sa kabuuan isa lang ang magiging kahulugan nila,that I don't want to live each day of my life without you" dugtong pa ni Louis.
Noon umangat ang kamay niya saka hinaplos ang mukha ni Louis. "I love you, let's give it a try, again? But this time wala nang kontrabida dahil nag-usap na kami ng Mama mo. Infact pupuntahan dapat kita sa inyo mamaya."
Hindi makapaniwalang kinabig siya ni Louis payakap dito. "This time, it will be forever" pagkasabi niyon ay buong pananabik siya nitong siniil ng halik.
At katulad ng mga eksena sa pelikula, dinig na dinig ni Jade ang malakas na hiyawan at palakpakan sa buong gym. Pakiwari niya ay may laro ng basketball dahil sa sobrang ingay.
"Siguro naman this time pwede na tayong maging legal sa pamilya mo? Para hindi na tayo nagtatago" nang pakawalan ni Louis ang mga labi niya ay nakangiti nitong turan.
"Strange, wala akong sinabi sa kanila pero alam nilang boyfriend kita, ganoon ba talaga ka-obvious ang pagmamahalan natin?"
"Talaga? Siguro nga napapansin nila pero sa pagkakatanda ko minsan akong na-corner ng tatay mo, kaya ayun napa-amin niya ako ng wala sa oras, pero hindi pa tayo during that time."
Tumango-tango siya." So may aminan palang nangyari na hindi ko alam? But anyway, for now halikan mo pa ako ng mas matagal. Namiss kita ng sobra eh."
Lumapad ang pagkakangiti doon ng binata. "Ah diyan naman tayo magkakasundo" anitong muli siyang maalab na hinalikan pagkatapos.
Pinakawalan ni Louis ang mga labi niya kasabay ng pagtatapos ng naka-ereng kanta. Mahigpit niyang niyakap ang binata habang sa isip niya, it's not a happy ending but a happily ever after instead. Dahil kahit alam niyang malayo pa ang tatahakin nila ni Louis, isa lang ang dapat nilang panghawakan. At iyon ay ang katotohanang hindi magbabago ang pagmamahal na mayroon sila para sa isa't-isa at iyon ang kahulugan ng happily ever after para sa kaniya.
To stay in love with each other no matter what, because true love is simply irreplaceable.