"Jeremy, ano ba? Hindi mo pwedeng basta takasan ito, gumawa ka ng paraan, tawagan mo ang family mo!"
Natatakot na si Bea, natatakot sya sa eskandalo.
Pero ayaw tawagan ni Jeremy ang pamilya nya, nahihiya sya. Katatapos lang nilang bayaran ang bill nya dati sa exclusive restaurant na kinasangkutan nya dati tapos eto na naman sya. Inabot pa naman ng halos anim na buwan ang pagbabayad nila duon.
"Pero Bea, alam mo ang ginawa sa akin ni Eunice, hindi tamang maulit ito!"
Singhal ni Jeremy sa asawa
Habang nagtatalo ang mag asawa nakatawag na ng pulis ang isa sa mga naroon sa utos ni Dexter.
'Anong klaseng tao ba itong lalaking ito? Sobrang yabang!'
'Hindi kami makaintindi ha, tingnan natin pagdating ng mga pulis! Hmp!'
Madali naman nakarating ang mga pulis na ikinagulat ng magasawa.
Nanginig ang mga tuhod ni Jeremy ng makita ang mga naka unipormeng pulis at nataranta naman si Bea.
"Mamang pulis, hulihin nyo po ang dalawang iyan! Umorder sila ng pagkarami rami pero wala namang pambayad! Tapos gusto pang ipasingil sa iba ang inorder nila!"
Utos ng Dexter sa mga dumating na pulis.
Agad naman tumalima ang mga pulis at nilapitan ang dalawa.
"Teka, teka! Sandali lang po! Nagkakamali kayo! Wala akong kinalalaman dito! Sya lang!"
Sabay turo ni Bea sa asawang si Jeremy.
"Ang asawa ko ang nagimbita sa akin para kumain dito, malay ko bang mangyayari ito!"
Paliwanag ni Bea sa mga pulis na lumapit sa kanya. Kailangan nyang linisin ang pangalan nya sa mga ito.
Totoo naman ang sinabi nya, kinulit lang talaga sya ni Jeremy na mag celebrate. Ayaw nya talaga dahil alam nyang sa credit card na naman nya babagsak ito.
Lalong nadagdagan ang kaba ni Jeremy ng marinig nyang nililinis ni Bea ang sarili nya at mukhang idinidiin pa sya ng asawa.
Butil butil na ang pawis nito at halos ma ihi na sa salawal sa takot na baka nga sya makulong, nakadagdag pa sa takot nya ang presensya ng mga pulis na tumabi pa sa kanya.
"Officer, maniwala kayo, isa akong duktor, so please, nakikiusap ako..."
Pinakita ni Bea ang ID nya.
Hindi sya pwedeng madala sa presinto at mas lalong hindi sya pwedeng makulong dahil lang sa kagagawan ng gunggong nyang asawa.
"Kung duktor kayo, bakit hindi nyo bayaran ang inorder ng asawa nyo?"
"Officer, ang laki po ng bill, hindi ko po kaya!"
Tiningnan nila ang bill na lampas 100K dahil sa patuloy nitong pag order ng seafood lalo na ang sugpo at lobster.
Nang makita kasi ni Jeremy na gustong gusto ito ng asawa, umorder sya ng umorder.
"Kung ganun, bakit kayo umorder ng madami tapos hindi nyo pala kayang bayaran?"
"Hindi po ako ang umorder, officer, maniwala po kayo! Narito lang po ako dahil pinilit ako ng asawa kong magcelebrate! Kahit tanungin nyo pa po ang waitress, wala po akong inoorder!"
Paliwanag ni Bea.
Desidido syang patunayan sa mga pulis na inosente sya at nadamay lang.
"Totoo ba ito Miss?"
Baling ng pulis sa waitress.
"Yes po Mamang pulis, yung asawa lang po nya, si Sir, ang umorder ng umorder, tubig lang po ang hiningi sa amin ni Mam!"
"Kung ganun Mister, bakit ka umorder ng madami tapos hindi mo naman pala kayang bayaran? Nagpapa impress ka ba sa asawa mo kahit wala ka naman pa lang pera?"
Hindi nakasagot si Jeremy, naupo lang. Nanghihina sya sa sobrang kaba dahil lumapit pa sa mukha nya ang pulis na nagtatanong.
"Bakit hindi ka makasagot dyan? Wala ka bang dila?"
Pangungulit ng pulis.
Paano ba naman sya magsasalita, feeling nya, umuurong ang dila nya at tila wala syang maisip na isasagot sa tanong ng pulis.
"Mamang pulis, ang isa pa po kasing problema ay gustong pabayaran nyang si Sir lahat ng inorder nila kay Ms. Eunice!"
"Sino naman yung Ms. Eunice?"
"Guest po namin sya, si Ms. Eunice Perdigoñez po! Ang sabi po ng waitress ng makita nila si Eunice, pinilit nilang maupo duon sa table ni Ms. Eunice!"
Sabi ng supervisor.
"Opo Sir, Mamang pulis! Sabi po rin nya kababata nya raw po si Ms. Eunice at inutusan daw po syang orderin lahat ng nasa menu at dalhin sa table ni Ms. Eunice!"
Hirit pa ng waitress.
"Yes tama po, Mamang pulis! Nabanggit nga po ni Sir na kakilala at kababata nga raw po nya si Ms. Eunice, pero tinanong ko na po ang boss ko with regards to that, at ang sabi po sa akin eh huwag daw po akong maniwala sa sinasabi nila dahil wala daw pong kinalalaman si Ms. Eunice sa kanila!"
Paliwanag ng bisor.
"At isa pa po Mamang pulis, kung talagang si Ms. Eunice ang umorder nyan bakit wala naman syang sinabi sa amin? Ni hindi nga po sila kinakausap o tinitingnan man lang ni Ms. Eunice, kanina!"
Pahabol pa ng waitress.
"So ibig nyong sabihin walang alam yung tinutukoy nyong Ms. Eunice sa pinaggagawa ng customer na ito?"
"Opo Sir!"
Unti unti ng lumilinaw sa mga pulis ang lahat.
"So ibig sabihin nagmayabang si Mister para maimpress si misis tapos ipasasagot sa iba ang lahat!
Ano po ang desisyon nyo ngayon? Ipapakulong nyo po ba sila?"
Tanong ng pulis.
Natakot ang dalawa lalo na si Bea.
'Hindi maari ito, hindi ako ang nagplano nito kundi ang gunggong kong asawa!'
"Teka please, nakikiusap po ako, hindi ako pwedeng makulong!
Ang dami ko pang pasyenteng naghihintay sa akin sa ospital, sumaglit lang po ako para mag lunch break, so please, please po, nagmamakaawa po ako! Kailangan ko pong bumalik sa ospital at isa pa hindi po pwedeng masira ang pangalan ko, ayaw kong mawala ang trabaho ko! Dito lang po ako umaasa!"
Umiiyak na nagapakumbabang pakiusap ni Bea.