Nakakaramdam naman ng awa ang supervisor pero paano naman ang waitress kung hahayaan ko lang makaalis sila ng ganun ganun lang.
Kahit hindi magsalita ang supervisor na si Dexter naintindihan naman ni Bea ang iniisip nito.
Kinuha nya ang wallet at iniabot lahat ng laman nuon.
"Eto po, Sir! Eto lang ang pera ko! Alam kong hindi po ito sapat pero ito lang po ang pera ko! Please po huwag nyo po akong ipakulong kung gusto nyong dahil sa presinto ang asawa ko, bahala po kayo!"
Nasa 10K ang iniabot ni Bea, pambayad nya sana sa credit card na overdue na pero pikit mata nyang iniabot makaalis lang sya sa gusot na ito. Bahala na ang credit card bukas na lang nya proproblemahin.
"Pero kulang pa po ito, Mam!"
Sabi ni Dexter.
"Eto po ang susi ng kotse ko, Sir! Iiwan ko po sa inyo ang kotse ko, paalis nyo lang ako at pabalikin sa ospital!"
Pagmamakaawa ni Bea.
Ngayon lang sya nakaramdam ng ganitong kahihiyaan sa buong buhay nya at dahil pa sa kagagawan ng bwisit nyang asawa na nakatanga lang at walang planong gumawa ng paraan na makaalis sa gusot na ito.
'Marunong gumawa ng gusot hindi naman marunong lumudot!'
'Bakit ba hindi sya kumilos at gumawa ng paraan? Parang hindi lalaki! Hmp!'
Hindi naman alam ni bisor ang gagawin nya sa susi ng kotse.
"Mam Doctora, pasensya na po pero hindi ko po matatanggap itong susi, hindi po ako marunong mag drive at may car na rin po ang mga boss ko, saka hindi naman po pwedeng pang deliver ang kotse nyo! Pwede po bang cash na lang po ang ibigay nyo?"
Ibinalik nya ang susi ng kotse ni Bea. Napakagat na lang sya sa labi at nagdasal.
'Jusko anong gagawin ko?'
'Pangako makaalis lang ako sa gusot na ito iiwas na ako kay Eunice! Alam ko na po ngayon na hindi ko sya kaya!'
Wala ng nagawa si Bea kundi tawagan ang mga in-laws nya, kahit ayaw ng asawa nya. Alam nyang hindi sila makakaalis sa gusot na ito kung hindi sya kikilos, hindi naman nya maasahang kumilos ang asawa nya na saksakan ng gunggong!
"Mama, si Bea po ito, may nangyari po kasi!"
"BEA! Ibaba mo ang phone!"
Sigaw ni Jeremy.
Biglang sumikdo ang dugo nya ng madinig na tinawagan ng asawa nya ang Mama nya.
"Anong gusto mong gawin ko, Jeremy? Ayaw kong makulong! May mga pasyente pa akong naghihintay sa akin sa ospital at hindi pwedeng masira ang pangalan ko, ayaw kong mawala ang tanging trabaho na bumubuhay sa atin! Saan tayo kukuha ng kakainin araw araw pag nawalan ako ng trabaho dahil sa gusot na pinasukan mo?"
"Pero bakit kailangan mong tawagan ang Mama ko? May sakit sya alam mo yun!"
Sa kabilang linya, natataranta naman si Elsa sa naririnig na bangayan ng dalawa.
"Wala akong planong makulong Jeremy kaya huwag mo akong hilahin pababa! Kailangan natin ng tulong ng pamilya mo kung ayaw mong matulog sa presinto!"
Namatay na ang phone dahil inagaw ito ni Jeremy at pinatay. Hindi na narinig ni Elsa kung nasaan sila.
"Officer, nagsasabi ako ng totoo, si Eunice ang nagutos sa akin na orderin lahat ng gusto namin kaya bakit ako ang makukulong!"
Lumakas ang loob ni Jeremy na magsalita pero pinagdiinan nya pa rin na inosente sya at si Eunice ang may pakana ng lahat.
Ang kaso, hindi naman ganun kadaling maniwala ang mga pulis.
"Mister na gustong magpa impress sa misis nya, may ebidensya ka ba na magpapatunay na inutos nga ito sa'yo ng sinasabi mong Eunice? Eh kahit ako pwede akong umorder dito at sabihing inutusan mo ako!
Saka, kung sakali mang totoo ang sinasabi mo, may sinabi ba naman si Ms. Eunice na sya ang magbabayad ng inorder nyo?"
Sunod sunod na tanong ng pulis.
Muling nataranta si Jeremy. Hindi nya alam ang isasagot. Umiral ang kaduwagan nya kaya nauuna sa kanya ang takot at mabagal syang magisip pag takot.
"Sir, ano na pong balak nyo?"
Tanong ng pulis sa bisor.
Medyo nakapag isip isip na si Dexter. Sa kanya ito binilin ng boss nya, kaya kailangan nyang magdesisyon ng maayos.
"Mamang pulis, since nagbigay naman ng pera si Mam Doc, kahit kulang ito tatanggapin ko, pero hindi ko na po kukunin ang susi ng car nya dahil hindi naman po namin yan magagamit at hindi rin naman namin maibebenta yan para maging pera. Saka duktor po sya kaya sa tingin ko mas need nya yan sa work nya!"
Paliwanag ni Dexter.
Tila naawa ang bisor kay Bea ng marinig na duktor pala sya at sya lang ang bumubuhay sa kanila.
'Kawawa naman sya, mahirap talaga magkaron ng mister na palamunin.'
Nahimasmasan naman si Bea at hindi na sya madadamay sa ginawang kalokohan ng asawa.
"Salamat! Salamat!"
Sincere na sabi ni Bea.
Pati si Jeremy ay nahimasmasan din dahil feeling nya may pagasa pang makaalis sa gusot na ito.
Pero ....
"Yung mister na lang po ni Doctora ang isama nyo sa presinto, tutal sya naman talaga ang umorder ng lahat ng nito, kaya huwag nyo na pong isama si Mam Doc, Mamang pulis!"
Sabi ni Dexter.
Tila huminto ang pagtibok ng puso ni Jeremy, nahirapan syang huminga ng madinig ang sinabi ng bisor. Kitang kita ang pamumutla nya.
Pero may kundisyon lang po sana ako kay Mam Doc!"
Pahabol ni Dexter.
"Ano yun? Kahit anong kundisyon tatanggapin ko, basta huwag nyo lang akong isama sa presinto!"
"Sayang naman po kasi ang mga inorder nyo, pakidala na lang lahat ng iyon, tutal itatapon lang namin iyon!"
Walang nagawa si Bea kungdi tumango at napuno pagkain ang sasakyan nya ng pabalik na sya ng ospital.
Amoy ulam tuloy ang buong kotse nya pati sya.
Nanggigigil sa inis si Bea sa asawa habang pinipilit na pigilang malaglag ang mga ulam sa likod nya, ni halos hindi na nya makapa ang kambyo at hindi na nya makita ang side mirror sa kanan at pati ilalim ng kinauupuan nya puno din ng ulam.
"Bwisit ka talaga Jeremy! Bahala ka dyan, mabulok ka sa bilangguan! Hmp!"
Tumunog ang phone nya at nakitang ang biyenan nyang si Elsa ang tumatawag.
"Hello po Mama!"
"S-Si Jeremy anong nangyari sa anak ko?!"
"Andun po sa TAMBAYAN restaurant sa malapit sa school nila! Ayaw po syang paalisin ng supervisor at naroon na rin po ang mga pulis!"
Bakit ba ano bang nangyari?"
"Si Jeremy po kasi inaya akong magcelebrate dahil natanggap sya sa trabaho, madaming inorder pero di nya mabayaran! Nagbigay na po ako ng 10K pero kulang pa rin daw po! Ayaw po syang paalisin duon kaya pwede po ba puntahan nyo sya, ang tigas po kasi ng ulo ng anak nyo eh!"