Nang mawala sa paningin nila si Eunice at AJ saka lang sila bumalik sa pagkain.
"Teka Miss, saan pupunta yun dalawa?"
Tanong ni Jeremy sa waitress na nagdala ng pagkain nila.
"Sa private room po sa itaas Sir, Mam!"
"Ahhh!"
'Akala ko aalis na!'
"Sir, Mam, andito na po lahat ng order nyo, enjoy your meal!"
At iniwan na sila ng waitress.
Natuwa naman ang dalawa ng makita ang napakaraming pagkain na nasa mesa.
"Tama, Bebe Bea ko, let's enjoy our meal! Huwag na natin isipin pa si Eunice Bebe Bea ko!"
Nangiti naman si Bea ng makita ang mga paborito nyang sugpo sa harapan nya at inumpisahan na nyang kainin ito.
Hindi naman lumaki sa marangyang buhay si Bea, mga factory worker ang mga magulang nya kaya hindi nya ito natikman nuon bata pa. Pero ng minsan makain nya ito nagustuhan nya ng husto, kaya naglalaway sya sa tuwing makakakita ng sugpo lalo na pagniluto sa butter.
Kaya masaya nilang inenjoy ang nakahain sa kanila na halos hindi nila alam kung ano ang uunahin sa dami ng pagkaing nakahain sa kanila.
Sa kalagitnaan ng pagkain may naalala si Bea.
"Teka Jeremy, sinong sinabi mong magbabayad ng lahat ng inorder mo sa waitress?"
Nagaalalang tanong ni Bea.
Alam nyang walang pambayad ang asawa nyang si Jeremy at wala syang planong bayaran ang lahat ng ito.
"Relax Bebe ko, diba sinabi ko sa waitress kanina na si Eunice ang umorder nito hindi tayo? Kaya huwag kang magalala, sa pangalan nya nakalagay ang order, therefore sya ang sisingilin nung waitress! Sa tingin mo ba kasing laki na ng bill na binayaran ko sa exclusive restaurant na yun ang mga inorder natin ngayon?"
"Sa tingin ko lagpas pa! Inorder mo kaya yung buong menu at hindi lang isang buong litson baboy ang inorder mo pati litsong baka at manok! Sama mo pa yang mga lobster! Grabe ang laki at ang sarap nito!"
Tuwang tuwa silang tinikman lahat ng nakahain sa mesa.
Pagkatapos kumain, tumayo na ang dalawa at masayang umalis, iniwan na nila ang mga natirang pagkain. Pero hinarang sila ng waitress na nagasikaso sa kanila.
"Teka po, Sir, Mam, bill nyo po!"
"Bill? Bakit mo sa amin inaabot yang bill? Nakalimutan mo ba ang sinabi ko kanina? Si Eunice ang umorder lahat ng yon!"
Sagot ni Jeremy sa waitress.
"Sir, pasensya na pero hindi po kayo pwedeng basta na lang umalis! Ang dami nyo pong inorder Sir!"
"Sinabi ko na nga sa'yo inutusan ako ni Eunice na orderin lahat ng iyon, kaya bakit ako ang sinisingil mo hindi sya?!"
Napipikong sabi ni Jeremy at medyo tumataas na rin ang boses nito.
Marami ng nakarinig sa pagtatalo ng waitress at ni Jeremy kaya kinalabit na ito ni Bea.
"Pinagtitinginan na tayo, Jeremy, ano ba? Nakakahiya na!"
Pabulong na sabi ni Bea sa asawa.
Pakiramdam nya katulad na naman ito sa nangyari sa kanila duon sa exclusive na restaurant na pinuntahan nila sa pasig at ayaw na nyang maulit ang nakakahiyang pangyayaring iyon.
"Excuse me, anong problema dito?"
Tanong ng lumapit na supervisor.
Napansin nya kasi na tila nagkakainitan ang waitress nya at ang customer.
"Ikaw ba ang manager?"
Tanong ni Jeremy.
"Ako po ang supervisor dito sa restaurant Sir, ano po bang problem?"
"Kasi itong waitress nyo, sinisingil ako sa bill, eh hindi naman ako ang umorder ng mga yun!"
Tiningnan nito ang waitress para pakinggan ang paliwanag.
"Sir, sila po yung umorder ng madaming dish tapos ayaw nilang magbayad!"
Naiiyak na ang waitress. Sa dami kasi ng inorder nila, malamang sya ang pagbayarin kapag hindi nya nasingil ito. Natatakot sya.
"Hindi nga ako ang umorder nun, si Eunice! Inutusan nya lang ako!"
Muling tiningnan ng bisor ang waitress para iconfirm na ang tinutukoy nyang Eunice ay ang kilala nilang Eunice.
Tumango ang waitress.
"Si Ms. Eunice Perdigoñez po ba ang tinutukoy nyo Sir?"
"YES!"
"Sir, pwede po bang sa office na natin i settle ito, kasi madami na pong nakatingin!"
Tumanggi si Jeremy at Bea, pero wala silang nagawa kungdi sumama sa office dahil dinala sila duon ng security.
Kinakabahan na ang dalawa.
Mauulit ba ulit ang nangyari?
"Ngayon po Sir, pakipaliwanag nga po kung paano napasama si Ms. Eunice dito?"
Tanong agad ng bisor ng makitang nakaupo na ng maayos ang dalawa.
"Magkakilala kami ni Eunice, in fact kababata ko sya at magkapit bahay pa sa province! Nandito kami para magcelebrate dahil natanggap na ako sa bago kong work! Kaya sinabi nyang umorder lang ako ng gusto ko!"
Paliwanag ni Jeremy.
Muli tahimik lang si Bea. Masama na ang pakiramdam nya sa mangyayari at hindi nya alam kung paano sya makakaalis sa gusot na ito.
Hindi kasi tulad ni Jeremy, may iniingatan syang pangalan, isa syang duktor at makakasira sa reputasyon nya paglumabas ito. Nakakahiya.
"Tim, nakausap mo ba si Ms. Eunice? May binilin ba sya with regards to this?"
"Wala po Sir! Sinabi lang po nila na si Ms. Eunice ang nagpapaorder ng lahat ng iyon pero wala pong sinasabi si Ms. Eunice sa akin, ni hindi nga po nagsasalita si Ms. Eunice nag ta type lang! Hindi rin po sila kinakausap!"
Sagot nya.
Lalong kinabahan si Bea.
'Bakit parang kilalang kilala nila si Eunice?'
Napansin nya kung paano nila respetuhin si Eunice.
'Juskolord, hindi kaya si Eunice ang may ari ng restaurant na ito?'
Naintindihan naman ng supervisor ang ibig sabihin ng waitress na si Tim.
Alam ng lahat ng empleyado ng restaurant na may tinatapos si Eunice na mahalagang project sa trabaho nya kaya hindi ito pwedeng istorbohin, maliban na lang kung manghingi ito ng kape.
At ang mesa kung saan sya laging nakapwesto ay ang paborito nyang TAMBAYAN kaya naka reserve ito para lang sa kanya kaya nagulat ang waitress sa kanila ng makiupo ang magasawang ito sa mesang kinauupuan ni Eunice.