Natapos ang pag-awit ni Jean. Kinamayan siya ng groom habang nagpapasalamat at niyakap naman siya ng bride. Puri nila, napakaganda ng boses niya. Mas lalong naging solemn ang kasal dahil sa malamig niyang boses.
Gusto sana niyang mag joke na 'dahilan lang siguro ng bigla akong manlamig sa boyfriend ko' sabay halakhak. Pero siyempre, sa isip lang iyon ni Jean.
Nagpasalamat din siya at binati ang newlyweds na mapapansin talagang in-love sa isa't-isa. Napakasuwerte naman ni bride, kanina pa kasi ang dalawa 'di maawat sa kasweetan.
Nagpapicture silang tatlo ayon na rin ni groom upang mairecommend daw siya sa mga kakilala nito. Sa katunayan, galing sa politikong pamilya si groom kaya maraming kilalang tao na bisita sa kasal. Natuwa naman si Jean kaya expect na niya ang maraming raket sa susunod na pagkakataon.
Lumabas si Jean sa Reception Hall at lumapit sa nobyong nag-aantay.
"Hi! Pasensiya na kung ngayon lang ako dumating," paumanhin ni Rex sa kaniya sabay gawad ng kiss sa pisngi niya.
"May emergency kasi, biglaan hindi ako makatanggi. Kaya nag half-day muna ako. Ano? Tayo na?" aya ni Rex sa kaniya pagkatapos magdahilan kung bakit ito late dumating sa pangakong, manonood ito sa pagkanta niya sa may simbahan.
"Saan mo nga pala ako dadalhin?" tanong niya dito. Kagabi kasi, nagtext ang nobyo na may pupuntahan daw sila pagkatapos ng raket niya
"Ah, tungkol sa bagay na iyon? Okay lang ba kung bumalik na lang tayo sa Butuan City? Kinansel ko na rin kasi yung reservation ko. Tsaka, hapon naman 'di ba? Manood na lang kaya tayo ng sine?" suhestiyon nito pagkatapos magdahilan na naman.
"Okay. Sige, may maganda ngang palabas ngayon." Hindi na lang nagsalita si Jean at pumayag bumalik sa Butuan.
Inalalayan siya ni Rex makapasok sa kaniyang kotse. Inalapat ni Jean ang likod sa upuan at ipinikit ang mga mata.
"Mukhang pagod ka na. Matulog ka na lang muna sa byahi, gigisingin na lang kita kapag papasok na tayo sa siyudad."
"Sige," tugon niya at hindi na pinansin ang nobyo.
Pagdaan ng mahigit isang oras, papasok na ang kotse ni Rex sa siyudad kaya ginising niya si Jean. Umungol lamang si Jean at hindi binuksan ang mata.
"Mukhang na pagod ka masiyado sa performance mo kanina. Tutoy pa ba tayo?" tanong ni Rex.
"Ikaw," pabalang na sagot niya dito.
Napakamot ng ulo si Rex dahil hindi siya sigurado kung anong gusto ni Jean. "Kung gusto mong magpahinga, ihahatid na lang kita sa boarding house mo. Doon na lang tayo tumambay, tapos mag dinner na lang tayo mamayang gabi." aya nito sa kaniya.
"Ihatid mo na lang ako, at puwede ka na ring umuwi."
Naguguluhan man, diretso ang takbo ni Rex patungong boarding house ni Jean. Parang matamlay ang nobya kaya hindi na lamang siya nag-usisa rito.
"Gusto mo mag stop sa may 7/11? Magkape na lang kaya tayo?" sinubukan ni Rex aliwin ang nobya.
"Mas gusto kong matulog," sagot niya.
"Okay. Sige... kung iyan ang gusto mo. Magpahinga ka na lang," sabi ni Rex sa nobya.
"Ikaw din, mukhang masiyado kang napagod kagabi." makahulugang salita ni Jean kay Rex, na siya namang nagpagulo sa isip nito.
"Hah? Ako? Ah, hindi. Ayos lang ako. Gusto nga kitang samahan eh..."
Hindi umimik si Jean hanggang nakarating na sila ng boarding house. Agad siyang bumaba at hindi na inantay na pagbuksan siya ng nobyo.
"Ah, Jean! Sandali lang!" Hinabol siya ni Rex at pinigilan pumasok sa may gate ng bahay. "Tulongan na kita sa mga gamit mo. Tsaka, baka puwede na rin magkape sa loob." nakangiti ito habang nagsasalita.
Napairap lamang si Jean dito. Sa totoo lang, napakaguwapo talaga ng boyfriend niya. Matangkad ito, moreno, matikas, may stable na trabaho kaya daming nahuhumaling dito at masuwerte siyang niligawan nito at tumagal naman ng halos tatlong taon ang relasyon nila.
"Sabi ko nga gusto kong magpahinga. Ba't ang kulit mong humirit magkape?" masungit niyang trato sa nobyo na ikinagulat naman nito.
"May problema ba, Jean?"
Mariing nakapinid ang mga labi, ayaw ng magsalita ni Jean. "Pagod lang ako. Diyan ka na." Sabi na lamang niya at iniwan ito sa labas ng gate.
"Sandali Jean! Mayroon ka ba ngayon? Gusto mo bilhan kita ng chocolate cake?" pangungulit nito.
Mababaliw yata siya kung hindi pa siya umalis sa tinatayuan. Akalain mo? Paghinalaan pang may dalaw siya dahil sa pagsusungit niya?
At may balak yata siyang patabain nito eh sinusubukan nga niyang mag diet ng kaunti. Huminga ng malalim si Jean at nagpatuloy sa pagpasok sa loob bahay. Iniwan na niya sa labas ang nobyo at hindi na pinansin.
Pagdating niya sa loob ng kaniyang kuwarto, agad na ibinagsak ni Jean ang dalang bag sa sahig, tsaka itinapon ang phone niya sa dingding na siya namang ikinagulat ni Monina habang naghahanda ito sa panggabing shift.
Ka share niya ito sa room mula ng magtrabaho siya dito sa Butuan City.
"Hoy, anong nangyari sa'yo? Nag-away ba kayo ni Rex?" patda nitong tanong sa kaniya. Nagulat na lang din ito ng magsimula siyang umiyak ng malakas.
"P*t*ng emergency yan!" sigaw niya habang tulala naman si Monina sa pakikinig sa kaniya.
"Ano bang nangyari? At anong emergency? 'Di ba day off mo ngayon? Naku, sayang naman tong phone mo! Di ba birthday gift 'to ni Rex sa'yo?" sabi ni Monina habang pinupulot ang cellphone ni Jean at sinipat kung nabasag ba ang screen nito.
"Susmaryosep! Saan mo 'to nakuha?" gulat na tanong ni Monina ng mapagmasdan ang picture sa screen.