Pagkaluto ng Lechon agad nang nagsimula ang kasiyahan. Hindi man inaasahan ngunit hinayaan na lamang ni Jean na ipaghanda siya ni Rex sa kaniyang kaarawan.
Masasabi niyang bongga ang selebrasyon sa araw na ito. Maiging nagsabit ng kung anu-anong dekorasyon si Antonio sa palibot ng kanilang bakuran na para bang may ikakasal.
Nagulat din siya nang biglang dumating ang mga magulang ni Rex. Ang alam niya, nasa America ang mga ito. Hindi niya inaasahan na dumating na pala ang mga ito. Ang jologs pa naman ng dating niya, hindi man lang siya nakapaghanda at nakapagpaganda.
Eh di sana nagpaparlor siya at nagpakulay ng buhok.
Gusto niyang sapakin si Rex. Bakit bigla itong naghakot ng mga kamag-anak? Mamamanhikan ba ang mga ito? Tanong niya sa sarili habang pilit na ngumiti sa harapan nang mga magulang ni Rex.
Bakit ngayon pa? Kung kailan ay heartbroken siya? Ano ba ang ibig ipahiwatig nito?
Super hurt pa rin siya, pero ipagpaliban muna niya ang pagtirik ng kandila para sa kaniyang naghihingalong puso. Kahit man gusto niyang sumabog sa galit at inis kay Rex, ay pinigilan niya ang kaniyang emosyon.
Dahil ayaw naman niyang gumawa ng eskandalo kapag kinumpronta niya si Rex sa araw nang kaarawan niya.
Masayang nagsalo-salo ng tanghalian ang kaniyang kamag-anak at pamilya ni Rex. Maya't-maya pa ay dumating din ang halos lahat ng taga-baryo nila. Mula sa kanilang punong barangay hanggang ka constituents nito, sa mga baranggay tanod at kapitbahay hanggang sa kasulok-dulo ng palayan sa kalapit baryo.
Nagsayawan at nagkantahan, kasunod nung pag dating ng ang isang truck nang Red Horse na ikina-shock ni Jean.
"Ano ba!" Tinampal niya sa balikat si Rex at sinadiya niyang lakasan ang paghampas. "Balak mo bang patayin sa kalasingan ang buong sambayanan?" tanong niya dito.
"Birthday mo naman. Tsaka paminsan-minsan lang ito," ngumit ito na bahagya na ding nakainom.
Aba, ginawa pang dahilan ang kaarawan niya? At sino bang nag-utos dito na gawin ang mga bagay na ito? Mas nais pa ni Jean na mag-isa sa araw na ito at magmukmok panandalian pagkatapos mag emote mag-isa.
Ngunit nandito na ang lahat wala na siyang magagawa.
Nagpatuloy ang kasiyahan at nirequest nang lahat na kumanta siya. Ngumiti si Jean at pinindot ang numero nung kanta ng Aegies na Halik. Kinanta niya ito ng buong puso. Natuwa ang lahat ngunit hindi alam ng mga ito na inaawit niya ang kantang ito para sa kaniyang naglalamay na puso.
Kasunod nito ay ang isang English na kantang may title na Total Eclipse of My Heart at marami pang heartbroken songs ang kaniyang kinanta. At ang lahat, ni hindi man lang napansin na may pinapahiwatig ang kaniyang mga awitin.
Tumigil si Jean sa pagkanta at uminom ng tubig bago pa siya maiyak. Hinayaan na niya ang iba na kumanta din at nagsayawan ang lahat.
Nakaupo siya sa may sulok at masayang pinagmasdan ang lahat. At least, ang daming sumaya sa kaniyang kaarawan kahit sa likod nito ay ang kaniyang pusong nagdurugo.
Bakit ba ipinipakita ni Rex na mahalaga siya sa buhay nito kung meron naman itong ibang girlfriend?
Ano bang gustong mangyari ni Rex sa kanilang relasyon? Ito ba iyong sinasabi nilang, ang mga lalaki, naghahanap ng perfect wife na kanilang ipagmamayabang sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak. Ngunit ayon pala, may ibang putahing naka reserve kapag nagsawa sa araw-araw na nakahain sa harapan nila.
Simula nang malaman niyang may ibang babae si Rex, naging maliwanag ang lahat sa kaniya. Hindi perpekto ang kanilang relasyon.
Kung ito ang nakikita ni Rex habang magnobyo pa lamang sila, paano na kaya kapag mag-asawa na sila?
Anong paliwanag kaya ang ibibigay ni Rex sa kaniya? Kung sakali mang tatanongin niya ito tungkol sa natuklasan?
Naguguluhan din siya kung anong dapat gawin. Siguro mas maiging timbangin muna niya ang mga bagay-bagay bago siya mag desisyon ng tapos.
Sa gitna nang kaniyang pagmumuni-muni, tinawag ni Antonio ang kaniyang pangalan. Nagulat man at nagtataka, tumayo si Jean sa pagkakaupo at lumapit sa pinsan.
Gayon din si Rex, lumapit ito sa kaniya at nakangiti ng matamis. Kinuha ni Rex ang kaniyang mga kamay at nagsimula itong mag speech ng kung anu-ano.
Nagtataka man, kinabahan siya sa dulo ng speech ni Rex.
Hindi man sigurado pero parang alam na niya kung bakit nangyayari ang malaking selebrasyon sa kaniyang kaarawan.
Anong gagawin niya, kung sakaling tama siya ng hinala na magpropose si Rex sa kaniya? Tatanggapin kaya niya?