Chapter 11 - Nalilito

"Dios Mio, Jean!" Hindi malaman ni Antonio kung dapat ba niyang sawayin si Jean o tulongan ito?

Aba'y pinutol ni Jean ang lahat ng halaman niya sa bukuran. Hindi matantiya ni Antonio kung ano bang tumatakbo sa isip ni Jean sa ngayon.

'Ano bang nangyari dito at biglang gustong maglinis ng buong bakuran?' tanong nito sa sarili.

Kagigising lang din ni Rex at nagulat din ito sa nakita. Bigla itong nahimasmasan sa kaniyang hangover. Masiyado itong lasing kagabi at hindi maalala ang ibang nangyari. Mabilis siyang lumapit sa kasintahan na ngayon ay fiancee na niya sa ngayon.

"Jean, bakit mo pinutol itong mga bulaklak? Hindi ba't paborito mo itong mga roses?"

Hindi sumagot si Jean. Sa katunayan, ang gusto niyang putulin sa simula pa lamang ay ang pagkalalaki ng gagong lalaki sa harapan niya. At nais niya sanang itama ang maling pag-aakala nito na roses ang paborito niyang bulaklak.

Kaya lang naman niya itinanim ang mga ito kasi rosas ang kadalasang regalo ni Rex sa kanya noong nanliligaw pa ito. Pero sa totoo lang, wala siyang amor sa bulaklak na ito. Naging roses lang ang paningin niya noong mga panahong akala niyang siya lang ang babae sa buhay nito.

Huminga ng malalim si Jean bago sumagot. "Naisip ko lang magtanim ng mga organic vegetables. Masiyado ng ma-fertilizer iyong mga tindang gulay sa palengke. Mas healthy pa kung sariling tanim meron kami."

"Ganoon ba? Sana sinabi mo sa akin at ako na ang naglinis. Simula ngayon responsibilidad ko na ang mga gawaing ganito. Kaya sabihin mo lang kung may ipapagawa ka sa akin."

Tumingala siya dito. Noon, ang guwapo nito sa kanyang paningin. Ngayon, isang demonyong manloloko ang nakikita niya. Mabuti na lang at artistahin siya kaya ngumiti siya kay Rex ng pagkatamis-tamis sabay tango.

"Mag-almusal na tayo. Ipagtitimpla kita ng kape." 'At hindi mo malalaman na nilagyan ko ito ng muriatic acid.' Dugtong no Jean sa isipan.

Clap! Clap! Clap! Akalain mo iyon? Ang lambing ng boses niya! Parang hindi siya nanggagalaiti sa galit.

Sa kabilang banda, matamis na ngiti ang iginawad ni Rex sa kaniya sabay sabing, "Salamat, Jean. Ang suwerte ko talaga kapag ikaw ang magiging asawa ko! Kaya hindi talaga kita pakakawalan. Hinding-hindi kita iiwan."

Inakbayan ni Rex si Jean. Ngunit napapitlag siys sa hawak nito. Pakiramdam niya, tumayo lahat ng mga balahibo niya sa katawan. Hindi niya mapigilang makaramdam ng panlalamig at pandidiri.

Maisip lang niya na may ka-s*x si Rex na ibang babae, nakakaramdam siya agad ng pandidiri. Ngunit, hindi lamang sa kadahilanang iyon, kundi nasaktan din siya ng lubos.

"Huwag ka munang dumikit sa akin, ang pawis ko," dahilan niya.

"Eh, amoy alak nga rin ako, oh?"

"Maligo ka na lang kaya muna habang hinahanda ko almusal natin."

"Sige." Masiglang sang-ayon ni Rex at nagtungo ito sa may maliit na batis sa gitna ng palayan. Gamay na nito ang simpleng buhay. May kaya ang pamilya ni Rex pero natutunan nitong mamuhay tulad sa bukid.

Siguro dahil sa trabaho nitong field Engineer at lagi itong sa bundok namamalagi. Tama, lagi itong nasa bundok. Baka isa sa dahilan kaya nagawa nitong magloko sa relasyon nila. Kung sa kaniya hihilingin ni Rex ang bagay na iyon, ay hindi niya maibigay dahil konserbatibo siyang babae at naniniwala siyang dapat sa gabi pagkatapos ng kanilang kasal eh saka lamang niya isusuko ang Bataan.

Bago pa umagos ang kaniyang mga luha dali-daling tumakbo siya papuntang banyo. Naligo na rin siya habang walang tigil ang agos nang kaniyang mga luha.

Wala siyang makitang guilt mula kay Rex. Isang bagay na mas nagpapasikip sa kaniyang dibdib.

Bakit ba ganoon ang mga manlolokong lalaki? Pinapakita nilang in love sila sa kanilang mga girlfriend pero nasa loob ang kulo?

Paano na lamang kung malapit na silang ikasal ni Rex? Ganito na lang ba lagi? Iyong mga sakit at galit ay itatago na lamang ba niya?

Naguguluhan pa rin siya. Dahil mahal din naman niya di Rex.