Chapter 3 - Proposal?

Habang inaantay nina Jean at Rex ang kanilang order, masayang nagkuwentohan ang mag kasintahan.

Nagtanong si Rex tungkol sa kanyang trabaho. Hindi na lamang binanggit ni Jean ang tungkol sa masungit na doktora kundi ibinahagi na lamang niya kung gaano kakulit ng mga kasama na siyang nakakawala ng stress.

"Tumigil ka na lang kayang magtrabaho at ako lang ang alagaan mo?" sabi ni Rex sa kaniya.

Napaabot bigla si Jean sa baso ng tubig sa harapan niya. Ano yun? Indirect proposal? Teka, hindi naman siguro surprise proposal ito na biglang may magsayawan o kaya mag mag-a-Act sa paligid nila? Tulad 'nung napapanood niya sa YouTube.

Tumikhim si Jean at bahagyang lumingon sa paligid. Mukha namang walang kakaiba o may nagbago sa lugar. Ang ibang mga customer ay masaya lamang na nagkukuwentuhan sa mga kasama nila.

"Jean?" pukaw ni Rex sa kaniya.

"Hah? Ano... sandali, seryoso ka ba? I mean, parang ang bilis naman di ba? Alam mo namang nag-iipon ako pang-college ni Lena." sagot niya dito.

"Kaya nga hindi mo na kailangang gawin iyon," inabot ni Rex ang kamay niya. "Kapag magkasama na tayo, wala ka na dapat alalahanin pa sa mga bagay na iyon."

Parang isang pangako iyon sa kanya ni Rex. Pero may mali eh. Salitang 'magkasama' at hindi 'kasal' ang sinabi ni Rex sa kanya.

Ano 'to? Live-in proposal lang? Parang nagsimulang maalibadbaran si Jean sa mga sinasabi ni Rex. Tumahimik siya upang pagtimbangin ang mga bagay-bagay.

"Jean? Ano? I promised, hindi kita pababayaan. Pati na rin si Lena, siyempre isa tayong pamilya." sabi ni Rex sa kaniya sabay pisil sa kaniyang kamay.

Pilit na ngiti ang iginawad niya kay Rex. Masarap pakinggan 'isang pamilya' pero salita lang iyon, dahil ni hindi nga nito binanggit ang simpleng 'magpakasal na tayo'. Baka hindi na siya nag-iisip ng ganito.

"Pag-iisipan ko muna, hah? Alam mo naman sa amin, kunting galaw lang star ka na ng bayan." Isang pilit na halakhak ang pinakawalan ni Jean. Bigla yata siyang disappointed.

Hindi naman kailangang bonggang proposal ang ini-expect niya eh. Yung salitang iyon lang. Pero hindi niya narinig kay Rex. Ang pangakong sa simbahan siya nito dadalhin.

Sa wakas, natapos ng maayos ang kanilang dinner date. Iwinaglit muna ni Jean ang mga alalahanin upang maging maganda ang takbo ng kanilang date ni Rex. Minsan nga lang sila magkasama ni Rex, dahil palagi itong nagsusurvey sa ibang lugar na demand sa kaniyang trabaho.

Inihinto ni Rex ang sasakyan sa tapat ng kanyang boarding house.

"Sige, maraming salamat sa pag sundo, masarap na dinner, at paghatid sa akin." sabi niya kay Rex bago bumaba sa kotse nito.

"Syempre, girlfriend kita. At soon, palagi na tayong magkakasama at magagawa ang mga bagay na ito." ngumiti si Rex na para bang isang 'positive reply' ang maaasahan nito mula sa kaniya.

"Tama. Kapag magkasama na tayo." Makahulugang pahayag niya. "Sige. Mag-iingat ka sa pagdrive, ha? Maaga ka pang babyahi papuntang Cagayan de Oro." paalala niya sa nobyo.

"Uu. Magkita na lang tayo sa Biyernes. Aasahan ko sagot mo, okay?" anito na parang confident talaga na papayag siya sa gusto nitong mangyari.

"Huwag mo na lang akong sunduin dito... sa Gingoog City na lang tayo magkita para hindi ka na babyahi ng malayo."

"Sige. Mas maganda nga iyon. Ah, Jean!"

Hinalikan ni Rex ang pisngi niya. Nakalimutan niya tuloy mag goodnight kiss dito. Bigla kasi naging malabo ang lahat sa kaniya. Hindi niya mapigilang hindi ma disappointed dito.

"Sige, ingat ka." sabi na lamang niya dito bago bumaba sa kotse.

Inantay ni Rex na makapasok siya sa gate ng boarding house niya. Kumaway siya dito bago pumasok ng bahay. Inantay na rin ni Jean na makaalis si Rex bago niya nilock ang pinto.

Tsaka na lang niya pinakawalan ang isang napakalalim na buntong-hiningang pinipigilan na lamang niya mula pa kanina.

So, ganoon lang ang mangyayari sa kanila ni Rex? Kahit nga sabihing mahigit two years na silang magkasintahan, ngunit hindi sapat iyon para sa kaniya.

Gaano ba katagal ang kinakailangan upang makilala ang isang tao na siya na talaga ang forever mo?