Sumapit ang Biyernes...
Maagang gumayak patungong Gingoog City si Jean na siya ang magiging wedding singer sa okasyong iyon.
Biyernes dahil tumapat ito sa petsang may otso. Pamahiin kasi ng mga pinoy na masuwerte raw magpakasal o mag negosyo sa ganoong araw. Ngunit hindi naniniwala si Jean sa bagay na iyan.
Sa kadahilanang, ang kaniyang mga magulang ay hindi naman nagpakasal sa petsang may otso, ngunit saksi siya sa pagmamahalan ng mga ito. Bagkus, may forever pa nga ang dalawa, dahil kahit sa kamatayan ay magka-hawak ng kamay ang mga ito.
Dagdag pa, magkasabay na pumanaw ang mga ito, ibig sabihin, magkasamang naglakbay sa kabilang buhay ang mga magulang.
May pagkakataong naisip ni Jean, na sana, sabay din niyang pumanaw ang kaniyang forever. Siyempre, hindi naman agad-agad. Pangarap pa naman niyang tumanda kasama nito. Ngunit, anong klaseng forever ang naghihintay sa kaniya?
Nasa gilid si Jean, sa may unahan ng simbahan upang kantahin ang favorite songs ng ikinasal sa araw na iyon. Ang ganda ng bride habang ginagawa nito ang wedding march. Ganoon din naman ang groom, guwapo ito at bagay na bagay silang dalawa.
Napaka-bongga talaga 'nung gown ng bride, nakakainggit sa pakiramdam. Habang kumakanta, naiinis tuloy si Jean dahil para siyang maiiyak.
Paano ba naman, pinangarap niyang ikasal sa simbahan. Pero anong proposal ang natanggap niya?
Live-in Proposal...
Kaya super disappointed siya sa nobyo. Hindi niya inaakala, na hindi sumagi sa isip nito na pakasalan siya isang araw. Akala niya, seryoso ito sa kaniya. Mabait at maalalahanin kasi ito, kahit noong una nilang pagkikita.
Paano nga ba niya nakilala ang nobyo?
Isa itong Engineer. Habang nagsu-survey sa bayan nila, nagtagpo ang kanilang landas sa may sapa habang naglalaba siya.
Kasama ito ni Kapitan Isko at inilibot sa kabuuan ng Barrio Sapang Bato. Pa kanta-kanta si Jean habang naglalaba ng dumaan ang mga ito sa tapat niya.
Sabi ni Rex sa kaniya, na in-love ito sa boses niya. Noong una, hindi niya ito pinapansin, ngunit maraming beses nagtagpo ang kanilang tadhana.
Sa Davao City University siya nag-aral at doon niya nakita ulit si Rex. Sinuyo siya nito at palaging dinadalaw sa kaniyang unibersidad at boarding house. Inaayang mag date, kumain sa labas o manood ng sine kasama ang mga kaklase na meron ding boyfriend. Hanggang hindi na niya ito matanggihan at sinagot si Rex.
Masaya naman siya noong naging kasintahan si Rex. Mabait ito at nakikita naman niya kung gaano siya nito nirerespeto. Noong nabubuhay ang kaniyang mga magulang, palagiang dumadalaw si Rex sa kanilang tahanan upang maka-bonding ang mga ito. Magalang naman ito sa kaniyang mga magulang, isa sa dahilan kung bakit minahal niya ang nobyo.
At sa mga panahong matinding pagdadalamhati ang kanilang pinagdaanan ni Lena, nasa tabi niya ang kasintahan. Buong inaakala niya, si Rex na ang forever niya. Pero biglang naging malabo ang lahat sa kaniya.
Ngayon lamang niya napagtanto, wala pala sa isip nito na iharap siya sa altar. Dahil mas nauna pa siyang ayain nitong magsama kesa magpakasal muna.
Pinilit tapusin ni Jean ng maayos ang pagkanta sa buong seremonya ng kasal. Mamaya sa reception, kakanta pa ulit siya hanggang matapos ang okasyon. Dapat mag mukha siyang masaya at hindi bitter maka saksi ng dalawang taong nagpapalitan ng 'I Do' sa harapan niya.
Paano ba naman, nagtext kasi si Rex na darating siya ng maaga. Nagpaalam daw itong mag day-off ngayong araw Gusto sana niyang makita ni Rex kung gaano ka sarap ikasal, pero hanggang ngayon wala pa ito. Sinadya kaya ng nobyo na huwag dumating sa oras ng kasal at sa Reception na ito tutungo?
Naiinis man, pinipilit ni Jean ngumiti habang inaawit ang special na kantang request ng groom para sa kaniyang bride na ngayon ay umiiyak sa tuwa. Bahagyang pinunasan ng groom ang mga luha ni bride, dahan dahan na hindi masira ang make-up nito. Napaka-sweet naman. Sana all.
Natapos ang seremonyas ng kasal na walang Rex ang dumating. Buntong hiningang malalim ang siya lamang pinakawalan ni Jean habang malungkot na lumabas sa simbahan.
Patapos na ang pag-awit niya sa may reception ng dumating ito. Sa totoo lang, wala na sa mood si Jean pero kailangan niyang maging masigla sa harapan ng boyfriend. Kumaway si Rex sa kaniya at tumango naman siya rito.
Sana ma realize ni Rex na maganda pa rin ang magpakasal bago magsama ang dalawang taong nagmamahalan...