Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 102 - Chapter 32

Chapter 102 - Chapter 32

MAINIT ang ulo ni Charlie hanggang makauwi sa Bachelor's Pad. Pagkatapos siyang layasan ni Jane ay binalikan niya si Vanessa at kinompronta. Noong una ay ayaw magsalita ng babae ngunit napilit din niya ito. Nalaman niya kung ano ang mga sinabi ni Vanessa kay Jane. Galit na galit siya at nawalan na ng pakialam kahit na maraming tao sa paligid. Kaya naman pala labis ang sama ng loob ni Jane. Kaya pala ganoon ang mga nasabi ng dalaga. Kagagawang lahat ni Vanessa. At ano ang ginawa niya? Sinabayan niya ang galit ni Jane na hindi alam kung ano ang tunay na sinabi ni Vanessa. At nasaktan niya si Jane.

He told Vanessa he did not want to see her anymore. Nang ipanakot nito sa kanya na hindi na tutulong sa pagtatayo ng law firm ay walang pagdadalawang-isip niyang sinabi na wala siyang pakialam. Dahil nang mga sandaling iyon, wala siyang ibang iniisip kundi si Jane. His sweet Jane, whose eyes were filled with so much pain it made him ache, too.

Marahas na nasabunutan ni Charlie ang sarili bago dumeretso sa common area, patungo sa bar counter at nagsalin ng alak. Kailangan niyang kalmahin ang sarili. Umupo siya sa stool at uminom. Humagod sa kanyang sikmura ang init na dulot ng alak subalit hindi pa rin nawala ang sakit sa kanyang dibdib.

"Ano pa ba ang puwede kong gawin para tumatak sa `yo na mahal na mahal kita?! Ano pa ba ang puwede kong gawin para mahalin mo rin ako?"

Nagsikip ang lalamunan ni Charlie nang maalala ang sinabing iyon ni Jane. Hindi siya agad nakapagsalita dahil masyado siyang naapektuhan ng sakit na kalakip ng tinig ng dalaga. Kahit pa gusto niyang sabihin dito ang katotohanan. That he loved her. Umpisa pa lang ay unti-unti nang umusbong ang pag-ibig sa kanyang puso. But it was only when they went to his rest house that he acknowledged his feelings. Plano ni Charlie na sabihin sa dalaga ang nararamdaman sa susunod na linggo kaya siniguro niyang malilibre siya. He wanted to take her back to the rest house and stay there with her for a week. Subalit ngayon ay nasira na ang kanyang mga plano.

Tumunog ang cell phone ni Charlie at napaungol siya nang makita na ang lolo niya ang tumatawag. Pabuntong-hiningang sinagot niya ang tawag. "Lolo—"

"Ano ang ginawa mo kay Jane, Charlie?! Tumawag siya sa akin para sabihing umaatras na siya sa kasal at huwag kitang sisihin dahil wala kang kasalanan," galit na bungad ng abuelo.

Nabitawan ni Charlie ang hawak na baso at malakas na bumagsak iyon sa bar counter subalit hindi nabasag. Pakiramdam niya ay may sumuntok sa kanyang sikmura. "W-what?" Halos hindi lumabas sa kanyang lalamunan ang tanong na iyon.

"Ako ang dapat nagtatanong sa `yong bata ka. Akala naming lahat, okay na kayong dalawa. We were even secretly planning your engagement party. Pagkatapos, nalaman ko na lang na ayaw ninyong magpakasal? Sinabi pa niya sa akin na ibigay ko na sa `yo ang mana mo dahil importante `yon sa `yo. Why did you have to hurt the poor girl? Wala nang ibang babae ang magmamahal sa `yo na kagaya ni Jane, Charlie," panenermon ni Lolo Carlos.

Marahas na tumayo si Charlie. "I have to go, Lolo." Mukhang may sasabihin pa ito pero tinapos na niya ang tawag. Kailangan niyang makita si Jane. Kailangan nilang mag-usap. Hindi niya hahayaang basta siya iwan ng dalaga.

Not now, not ever.

GABI na subalit nasa opisina pa rin si Jane. Ayaw niyang umuwi dahil baka mapansin ng kanyang ina na namumugto ang kanyang mga mata. Tinawagan niya si Lolo Carlos upang sabihing ayaw niyang magpakasal kay Charlie. Sa tingin niya, oras na para sumuko siya na may pag-asang magkatuluyan sila ng binata. Naisip niya na ituon na lamang ang buong atensiyon sa trabaho at sa pagtupad sa kanyang pangarap na maging shoe designer. Dahil mukhang tatanda naman siyang dalaga, baka mag-enroll na lamang siya sa design courses. Dahil sa tingin niya, imposibleng may pumalit kay Charlie sa kanyang puso. But she had to let him go.

Humugot ng malalim na hininga si Jane at nagdesisyong i-off na ang laptop. Ginagawa niya ang Powerpoint presentation para sa kanyang design proposal. Kanina pa niya iyon natapos, bago pa tawagan si Lolo Carlos. Kung tutuusin, wala naman na siyang gagawin sa opisina.

"Kailangan ko nang umuwi," kausap niya sa sarili.

Mabilis na nagligpit ng gamit si Jane bago lumabas ng opisina at naglakad sa hallway na napakatahimik hanggang makalabas siya ng gusali. Sumikdo ang kanyang puso at namilog ang mga mata nang makita ang pamilyar na sasakyang nakaparada sa mismong harap ng gusali. Lalo na ang lalaking nakatayo roon at deretsong nakatitig sa kanya. Sa kabila ng bahagyang dilim ay malinaw na nakikita ni Jane ang kislap ng determinasyon sa mga mata ni Charlie. At nang magsimulang maglakad ang binata palapit sa kanya ay parang may humalukay sa kanyang sikmura at napahigpit ang hawak niya sa shoulder bag.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" halos pabulong na tanong ni Jane nang nasa harap na siya ni Charlie.

"Tumawag ka kay Lolo para sabihing ayaw mo nang magpakasal sa akin kahit hindi pa tapos ang dalawang buwang usapan natin. Sa tingin mo ba, hindi kita hahagilapin pagkatapos kong marinig `yon? Sa tingin mo ba, hindi ako matataranta kung pagdating ko sa bahay ninyo ay malaman kong hindi ka pa umuuwi?"

Napalunok si Jane. Kalmado ang boses ni Charlie ngunit may edge sa tono nito. May frustration at kung ano pang emosyon na hindi niya alam kung paniniwalaan ba niya o hindi. Nagtaas siya ng noo. "Nagpunta ka lang ba rito para diyan? Puwede naman nating pag-usapan `yan bukas." Akmang maglalakad siya upang lampasan ang binata ngunit mabilis na nahawakan siya nito sa magkabilang balikat.

"Why are you leaving me? Wala pang dalawang buwan!" sigaw na ni Charlie.

"Bakit kailangan pa nating maghintay ng dalawang buwan? Maghihiwalay rin naman tayo, hindi ba? I've just made it easier for you. Alam nating pareho na hindi mo naman ako mahal, kaya bakit pa natin patatagalin? I want to move on with my life as soon as possible," sagot ni Jane na nasa tinig ang frustration.

Napasinghap siya nang bahagyang alugin ni Charlie na para bang gigil na gigil sa kanya. "You're the last person I think about before I fall asleep and the first person I think about when I wake up. Of course, I love you!"

Bumikig sa lalamunan ni Jane ang iba pa sanang sasabihin at napamaang lang kay Charlie. Nabingi lang ba siya? Nagkamali ng dinig? Pero hindi, isinigaw ng binata ang mga kataga kaya imposibleng gawa lamang iyon ng kanyang imahinasyon. He told her that he loved her. At sa kabila ng lahat, tila ointment ang mga katagang iyon na humaplos sa kanyang puso, nagpahilom sa sakit na kanina lamang ay naroon.

Related Books

Popular novel hashtag