Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 84 - Chapter 14

Chapter 84 - Chapter 14

SA LOOB ng ilang araw, napagtanto ni Jane na hindi lang pala gawa-gawa ng mga nobelista at manunulat ng mga pelikula ang tungkol sa kakaibang pakiramdam na dulot ng pag-ibig. Mula nang gabing hinalikan siya ni Charlie, pakiramdam niya ay may nagbago sa paligid. Para bang kay tingkad ng kulay ng mga bagay-bagay. Ang mga trabaho sa production at distribution na dati ay nagiging dahilan ng kanyang stress, ngayon ay walang kahirap-hirap na nagagawa. Para bang walang kahit anong makakasira ng kanyang araw. Bukod doon, okupado rin siya sa pag-iisip kung saan niya dadalhin si Charlie para sa kanilang susunod na date.

Dumating ang sagot, tatlong araw matapos ang gabing nagkita sila ni Charlie. Kararating lamang ni Jane sa opisina mula sa kanilang branch sa Powerplant Mall nang salubungin siya ng isa sa kanyang admin assistant.

"Ma'am Jane, may mga dumating kayong sulat. Inilagay ko ho sa mesa ninyo."

Ngumiti siya. "Okay. Thank you."

Pagpasok sa opisina ay umupo muna si Jane sa swivel chair bago binalingan ang mga sulat. Isa roon ang agad na nakakuha ng atensiyon niya kaya dinampot agad. Hindi kasi iyon mukhang business letter. Glossy white ang envelope at mas malaki kaysa karaniwan. "Wedding invitation?" naiusal niya sa sarili. Mabilis niyang binuksan at binasa ang card na nasa loob. Napakunot-noo siya nang makita ang pamilyar na pangalan ng kaklase niya noong high school. Galing ang wedding invitation kay Farah. Ang hindi maintindihan ni Jane ay kung bakit siya pinadalhan ng babae ng imbitasyon sa kasal nito.

Sa loob ng apat na taon nilang pagiging magkaklase ay hindi sila naging magkaibigan ni Farah. Sa katunayan, sigurado si Jane na hindi siya gusto ng babae. Higit na mas maganda, mayaman, at may kompiyansa si Farah kaysa sa kanya noong mga bata pa sila. Sa grades lang siya nakalalamang. Pero sa kung anong dahilan, palaging nakikipagkompetensiya sa kanya ang babae sa lahat ng bagay. Kaya bakit gusto ni Farah na dumalo siya sa kasal nito?

Biglang tumunog ang cell phone ni Jane. Nang makita ang pangalan ni Cherry sa screen ay nagkaroon siya ng kutob na nakatanggap din ang kaibigan ng imbitasyon. Nakumpirma niya iyon nang sagutin niya ang tawag.

"That bitch is getting married!" patiling sabi ni Cherry.

Napangiwi si Jane. Kung sila ni Farah ay hindi magkasundo, mortal enemies naman sina Cherry at Farah. "Binigyan ka rin niya ng invitation?" tanong niya.

"Yes. Wait, pinadalhan ka rin niya?" manghang bulalas ni Cherry.

Muli niyang tiningnan ang imbitasyon. "Oo. Kababasa ko lang. Hindi ko nga alam kung bakit niya ako binigyan nito. I mean, the last time na nagkita kami ay high school graduation. At hindi naman tayo close sa kanya."

"My thoughts exactly. Lalo na ako, ilang beses kaming nagkabangayan noon, hindi ba? `Tapos bigla niya akong pinadalhan ng wedding invitation. Kaya tinawagan ko ang ibang kaibigan natin noong high school na may contact pa rin ako. It turns out, inimbitahan ni Farah ang lahat ng mga kaklase natin noon. Nalaman ko rin na big-time businessman ang mapapangasawa niya at en grande ang kasal. Marami raw bisita at sa isang five-star hotel gaganapin ang reception. I'm sure she invited us just to show off! God, nakakagigil talaga ang babaeng `yon," litanya ni Cherry.

Napabuntong-hininga si Jane. "Kung gano'n, hindi na lang ako dadalo."

"What? Hindi puwede. Kailangan nating dumalo at maipakita sa kanya na hindi tayo naiinggit sa kanya. That we are happy with our own lives. Ah… pero kailangan natin ng date," frustrated na usal ni Cherry.

Date. Natigilan si Jane at biglang naalala si Charlie. Sumikdo ang kanyang puso nang may maisip na ideya. "Cherry, sa tingin mo papayag si Charlie kung yayain ko siyang maging date sa kasal ni Farah?"

Sa pagkagulat niya ay tumawa ang kaibigan mula sa kabilang linya. "Si Kuya? Sa isang kasal? Imposible. Allergic nga siya sa relationship, kasal pa kaya? No, Jane. I think we need to think of a different tactic."

Napasimangot siya sa naging reaksiyon ni Cherry. "Susubukan kong yayain si Charlie. Kapag hindi siya pumayag, hindi ako pupunta sa kasal."

"What? Pero—"

"Cherry, hindi ako puwedeng magdala ng ibang date do'n, okay? I am going out with your brother," matatag na putol ni Jane sa sasabihin pa nito.

Marahas na bumuga ng hangin si Cherry. "Fine. May point ka naman. Then go and try to invite him. Ako ay maghahanap ng date. Bye!"

Nang mawala na sa kabilang linya ang kaibigan ay napahugot ng malalim na hininga si Jane. Okay. Siya ang nagdesisyon para sa sarili niya sa pagkakataong iyon. Hindi siya nagpadala sa opinyon ni Cherry. Ngayon, ang kailangan na lang niya ay lakas ng loob para yayain si Charlie. Dapat bang tawagan niya ang binata? Huminga siya nang malalim at akmang tatawagan na si Charlie nang muling mag-ring ang kanyang cell phone. Bumilis ang tibok ng kanyang puso nang makita na ang binata ang tumatawag sa kanya. Naunahan siya nitong tumawag.

"Charlie…" Hindi naitago ni Jane ang pagkasabik nang sagutin ang tawag.

"Hey, I've just come from a meeting with a client and I realized na malapit lang ako sa opisina ninyo. Dadaanan kita. Let's have lunch." Base sa ingay sa background ay nasa loob ito ng sasakyan.

Tiningnan niya ang wristwatch at nakitang mag-aalas-dose na pala ng tanghali. Napangiti na siya at nasabik dahil magkikita silang muli ni Charlie. Personal na lang niyang yayayain ang binata sa kasal ni Farah. "Okay. Hihintayin kita sa entrance ng building namin, ha?"

"All right. I'll be there in five minutes," sagot ni Charlie.

Pagkatapos ng tawag ay mabilis na nag-retouch si Jane at nagsuklay ng buhok bago siya muling lumabas ng opisina upang hintayin sa labas ang pagdating ni Charlie. Natanaw na niya ang sasakyan nito nang may mapagtanto siya. Alam ni Charlie kung nasaan ang headquarters ng Ruiz Ladies' Shoes kahit hindi niya iyon nabanggit kahit kailan. Maging ang kanyang cell phone number ay nalaman din ng binata nang hindi hinihingi sa kanya. Paano nalaman ni Charlie ang mga iyon kung sigurado si Jane na imposibleng direktang nagtanong ang binata sa pamilya nito?

Kahit nang humimpil na sa harap niya ang sasakyan ni Charlie ay iyon pa rin ang nasa kanyang isip. Nawaglit lang iyon sa isipan nang bumaba ang salamin sa front passenger door at makita niya si Charlie na nakatingala sa kanya. Nahigit niya ang hininga habang nakatitig sa mukha ng binata. Palagi yatang magiging ganoon ang kanyang reaksiyon tuwing makikita ito.

"Hi…" bati ni Jane na bahagyang nakangiti.

Umangat ang gilid ng mga labi ni Charlie bago dumukwang upang buksan ang pinto ng kotse para sa kanya. "Get in."

Tumalima siya at sumakay sa kotse. Umaandar na uli ang sasakyan nang maalala ang kanina pa niya gustong malaman. Bumaling siya kay Charlie. "Paano mo nalaman kung nasaan ang building namin?"

Sinulyapan siya ng binata at bahagyang lumuwang ang ngiti. "I've done my research. Gusto kong malaman kung anong klaseng babae ang fiancée ko."

Napatitig siya kay Charlie at hindi nakahuma. Iyon kasi ang unang beses na narinig niya ang binata na tinukoy siyang "fiancée." Ang sarap pakinggan. Bahagya tuloy siyang napangiti, na mukhang napansin ni Charlie dahil umangat ang mga kilay nito.

"What?"

Alam ni Jane na kapag sinabi niya kay Charlie ang dahilan kung bakit siya nakangiti ay mas magiging maingat na ang binata at hindi na siya tutukuying "fiancée." Kaya marahan na lang siyang umiling. "Masaya lang akong makita ka," sabi na lamang niya.

Sandaling natigilan si Charlie bago ibinalik ang tingin sa daan. "I see."

Inaasahan na ni Jane na ganoon lang ang magiging reaksiyon ng binata sa sinabi niya kaya nanatili na lang siyang nakangiti at nakatitig sa mukha ni Charlie hanggang makarating sila sa pinakamalapit na restaurant.