Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 77 - Chapter 7

Chapter 77 - Chapter 7

HINDI pa nakaka-recover si Jane sa pagkirot ng kanyang puso dahil sa hayagang pagsasabi ni Charlie na wala itong intensiyon na pakasalan siya. At ngayon, gusto ng binata na siya ang umatras sa kasal? Katulad ng dati, siya na naman ang bibitaw sa bagay na gusto niya? Kahit pa sinabi na niya sa sarili na magbabago na siya at susubukang abutin ang kaligayahan. Even though she knew Charlie was aware that she was in love with him.

"Bakit ako?" mahinang tanong ni Jane dahil baka kapag nilakasan niya ang boses ay manginig iyon. Baka malaman ng binata na malapit na siyang maiyak sa itinatakbo ng kanilang usapan.

Nag-iwas ng tingin si Charlie na para bang hindi kinayang makipagtitigan sa kanya. Nakagat niya ang ibabang labi dahil kahit ang simpleng kilos na iyon ay nagdulot ng sakit sa kanyang puso. Hanggang doon na lamang ba ang magiging ugnayan nila ng lalaking ito na halos dalawang dekada niyang minahal?

"Hindi papayag si Lolo na ako ang umatras sa kasal. Nakausap ko na siya at kapag nagmatigas ako, hindi ko makukuha ang mana ko sa kanya. And I need that inheritance badly. Sinabi niya sa akin na bibigyan niya tayo ng dalawang buwan para kilalanin ang isa't isa bago ang engagement party. His plans are all for your sake. Maging ang pag-atras sa kasal, sa `yo niya ibinibigay ang desisyon. Kapag taos daw sa puso mo ang pag-atras ay saka lang niya iaatras ang kasal natin." Ibinalik ni Charlie ang tingin sa kanya. "Kaya nasa `yo ang huling salita."

Kung ganoon, kaya pala nakipagkita sa kanya ang binata ay dahil gusto nitong kumbinsihin siyang umatras sa kasunduan ng kanilang mga pamilya. Pasimpleng huminga nang malalim si Jane. Ganoon na lang ba talaga iyon? Susuko na lang ba siya at papayag sa gusto ni Charlie?

Hindi. Nagdesisyon na si Jane na kukunin ang oportunidad para mapalapit sa binata. Hindi siya basta aatras sa kasal. Pagkatapos ay biglang tumimo sa kanya ang isa sa mga sinabi ni Charlie. Binibigyan daw sila ni Don Carlos ng dalawang buwan para kilalanin ang isa't isa bago ianunsiyo ang kanilang engagement. Maiksing panahon pero panghahawakan na niya kaysa ang araw na iyon na ang huling sandaling magkakasama sila ng binata.

Determinadong huminga nang malalim si Jane bago sinalubong ang mga mata ni Charlie. "Bakit hindi muna natin subukang gawin ang suhestiyon ni Don Carlos na kilalanin ang isa't isa sa loob ng dalawang buwan?"

Halatang hindi inaasahan ni Charlie na iyon ang kanyang sasabihin. Nagpatuloy siya sa pagsasalita bago pa lukubin ng hiya at mawala ang lakas ng loob. "For two months, let's… date. Kapag lumipas ang dalawang buwan at talagang hindi pa rin nagbabago ang isip mo, kapag kahit kaunti ay hindi mo ako nagustuhan, then I will not force you to marry me. Ako ang kakausap sa mga pamilya natin na huwag ituloy ang kasal."

Naging seryoso ang titig ni Charlie sa kanya. Malakas na kumabog ang kanyang dibdib at halos gusto na niyang magbaba ng tingin. Ramdam din niya ang matinding pag-iinit ng mukha. Kung alam lang ng binata kung gaano katinding lakas ng loob ang ginamit niya para lamang masabi ang mga iyon.

"Okay. We will go out for two months. Pagkatapos n'on, kapag sinabi kong hindi nagbago ang desisyon ko, tutuparin mo ang sinabi mo, gano'n ba?" sa wakas ay sabi ng binata.

Lumunok si Jane at seryosong tumango. Napakurap siya nang biglang umangat ang gilid ng mga labi ni Charlie at may kumislap na amusement sa mga mata.

"Hindi ko naisip na makikipag-bargain ka sa akin ng ganito. I underestimated you. Pero sa tingin ko, may punto naman ang suhestiyon mo kaya payag ako. Sa ganitong paraan, hindi rin ako kukulitin nang husto ni Lolo."

He's smiling! Ang unang ngiti niya na para lang sa akin. Naramdaman ni Jane ang tila pagliliparan ng mga paruparo sa kanyang sikmura habang nakatitig sa mukha ng kanyang fiancé.

Sumandal si Charlie sa kinauupuan at muling dinampot ang tasa ng kape. Mukhang relaxed na ang binata. "So, ano ang gagawin natin sa loob ng dalawang buwan?"

Napakurap siya sa tanong na iyon ng binata. "Huh?"

"These two months of dating, ano ang gagawin natin para masabing nagde-date tayo?"

"Hindi mo alam ang gagawin? But I'm sure you've dated many women before," kunot-noong sabi ni Jane. Hindi ba dapat si Charlie ang mas nakakaalam kung ano ang kanilang gagawin? Siguradong mas maraming karanasan ang binata kaysa sa kanya na dalawang beses lang yatang nakipag-date at kaswal pa, hindi nauwi sa seryosong relasyon.

Nagkibit-balikat si Charlie at ang sandwich naman ang sinimulang kainin. Pagkatapos ay muli itong tumingin sa kanya. "Hindi sila tumatagal ng two months. And I only had sex with them. Gusto mo ba na gano'n lang ang gawin natin for two months?"

Nag-init ang mukha ni Jane at marahas na umiling. Muli, nakita niyang kumislap sa amusement ang mga mata ni Charlie at sa pagkamangha niya ay bahagya pang tumawa. "Ayaw mo talaga? That's such a shame. Magsisisi ka kapag hindi natin sinubukan iyon kahit isang beses lang sa dalawang buwang relasyon natin."

Lalong tumindi ang pag-iinit ng kanyang mukha. Halos mabingi rin siya sa kabog ng kanyang dibdib. It was not that she did not want to sleep with Charlie. Ipokrita siya kung sasabihing hindi niya naisip iyon kahit isang beses lang. After all, Charlie was the epitome of a sexy man. Siguradong lahat ng babaeng makakita sa binata ay gusto itong makasama sa kama. Lalo na siya na matagal na itong minamahal.

"Kung… kung sa loob ng dalawang buwan ay dumating ang araw na may maramdaman kang atraksiyon sa akin kahit kaunti, then… maybe we can… do it," mahinang usal ni Jane.

Natigilan si Charlie at napatitig sa kanya. Tila may bumikig sa lalamunan ni Jane nang mawala ang amusement sa mga mata ng binata at mapalitan ng emosyong nagdulot ng kakaibang hagod ng init sa buong katawan niya. Ni sa panaginip ay hindi niya naisip na titingnan siya ni Charlie nang ganoon. His gaze was so hot it was making her giddy. Subalit nang kumurap ang binata ay nawala na ang kislap sa mga mata nito. Bumalik na sa normal. O mas tamang sabihin na bumalik ang kontrol ni Charlie sa sarili.

"Then why don't we do it like this, magkikita tayo every week. Next week, ikaw ang bahalang pumili kung saan mo gusto pumunta. Basta sabihin mo lang sa akin agad para maayos ko ang schedule ko. Sa susunod na linggo, ako naman ang pipili ng pupuntahan natin at sasama ka sa akin, and then the week after that ay ikaw naman, and so on hanggang matapos ang dalawang buwan," pahayag ng binata.

Napatitig si Jane kay Charlie na mukhang napansin ng binata dahil umangat ang isang kilay nito. "What? You don't agree?"

Tumikhim siya. "Hindi sa gano'n. Nagulat lang ako na magsa-suggest ka nang ganyan. Akala ko, ikaw ang tipo ng lalaking mas gustong siya lang ang nagdedesisyon." Bahagya siyang ngumiti. "Pero mukhang mali ako. Sige, ganyan ang gawin natin."

Umiling si Charlie. "Don't misunderstand. Wala lang akong oras na linggo-linggong magplano ng gagawin. I never dated anyone before because it was troublesome. Ang propesyon ko ang number one priority ko. Pero dahil dalawang buwan lang naman ang magiging relasyon natin kaya pumayag na ako."

Nasaktan si Jane sa sinabi ng binata pero binale-wala na lang niya. After all, isa sa hinahangaan niya kay Charlie ay ang pagiging dedicated sa trabaho. Noon pa man, passionate na ito sa mga bagay na napagdedesisyunang gawin. Hindi tulad niya noon na sumusunod lang sa agos. Kaya nga ngayong nagkaroon siya ng pagkakataong makuha ang gusto, nagdesisyon siyang ibigay ang lahat ng makakaya. Bumuntong-hininga siya at ngumiti. "Naiintindihan ko."

Natigilan si Charlie at napatitig na naman sa kanya. Bahagyang kumunot ang kanyang noo. "Bakit?"

Binawi nito ang tingin. "Nothing. Kumain ka na."

Bumaba ang tingin ni Jane sa pagkain niya na noon lang uli naalala. "Ah, oo nga pala." Nakailang subo na siya nang muling mag-angat ng tingin at mapansing nakamasid lang sa kanya si Charlie habang inuubos ang kape. Para bang binabasa siya nito na hindi mawari. Mayamaya ay bigla siyang may naalala. "Teka lang, may meeting ka `kamo, hindi ba? Baka late ka na."

Mukhang noon lang din naalala ng binata ang oras at tumingin sa wristwatch nito. Subalit sa halip na tumayo ay dinukot ni Charlie ang cell phone nito at may tinawagan. "It's me. Could you reschedule my meeting today at gawing bukas ng tanghali?... Great. Thank you." Iyon lang at muli na nitong isinuksok ang cell phone sa loob ng coat. "I might as well eat something more than a sandwich ngayong hindi na ako nagmamadali." Tumawag ito ng waiter.

Napamaang si Jane. "Hindi ka na aalis?"

Tiningnan siya ni Charlie. "Oo. Hindi natuloy ang dinner mo kagabi dahil sa akin. Ayokong iwan ka uli rito habang kumakain ka nang mag-isa."

May init na humaplos sa kanyang puso. Matamis tuloy siyang napangiti. "Thank you."

Napatitig na naman ang binata sa kanyang mukha at sandaling may kumislap na kung ano sa mga mata bago nagkibit-balikat at nag-iwas ng tingin. "It's nothing. We're dating, after all."

Subalit kahit ganoon ay hindi pa rin nawala ang ngiti ni Jane. Masaya siya at nais na panghawakan ang kasiyahan na iyon hanggang kaya niya.