Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 78 - Chapter 8

Chapter 78 - Chapter 8

LATE na nakabalik sa trabaho si Jane matapos ang lunch date kasama si Charlie. Hindi sila masyadong nag-usap dahil kahit pa sinabi ng binata na libre ito ay ilang beses na may tumawag sa cell phone nito kaya halos nakababad din sa telepono. Pero hindi naman siya nainip dahil inabala niya ang sarili sa pagtitig kay Charlie.

Napansin niya na kapag kliyente ang kausap nito ay nag-iiba ang ekspresyon sa mukha. Nagiging intense at passionate. At tuwing napapatingin ang binata sa kanya habang may kausap, pakiramdam ni Jane ay may kuryenteng kumakalat sa kanyang buong katawan. Ganoon katindi ang epekto ng mga mata ni Charlie sa kanya. Paano pa kaya kung talagang para sa kanya lang ang intensidad at passion na iyon?

Na medyo hindi pa posibleng mangyari. Napahugot si Jane ng malalim na hininga bago binuksan ang pinto ng kanyang opisina. Napahinto siya nang makitang may tao roon. "Cherry?" manghang bulalas niya.

Tumayo mula sa pagkakaupo sa couch ang kaibigan niya. "Ang tagal mo naman!"

Kumunot ang kanyang noo. "Bakit nandito ka?" nagtatakang tanong niya.

Ngumisi si Cherry. "Kukumustahin kita. Balita ko, sumipot daw sa wakas si Kuya Charlie sa dinner date ninyo kagabi. Nagpunta siya sa bahay pagkatapos n'on although hindi ko alam kasi tulog na kami ng anak ko kaya hindi ko alam ang pinag-usapan nila. So, how was it?"

Nanlaki ang mga mata ni Jane at mabilis na isinara ang pinto ng opisina. Pagkatapos ay mabilis siyang lumapit sa kaibigan. "Umpisa pa lang ay alam mo na ang binabalak ni Don Carlos, hindi ba? Bakit hindi mo sinabi sa akin?"

"Dahil matataranta ka bago pa man kayo magkita kung sinabi ko sa `yo ang totoo," katwiran ni Cherry.

Hindi nakapagsalita si Jane dahil tama ang kaibigan niya. Napaupo na lang din siya sa isa pang couch.

Umupo uli si Cherry sa katapat na couch at ngumiti na. "So, kumusta ang naging pag-uusap ninyo? At saan ka galing? Bakit ngayon ka lang bumalik sa opisina mo?"

Nang maalala ang mga nangyari ay nag-init ang mukha ni Jane. Napahawak siya sa magkabilang pisngi at sinabi kay Cherry ang lahat hanggang sa napagkasunduan nila ni Charlie. Nang matapos siya ay namimilog na ang mga mata ng kaibigan at nakaawang ang mga labi sa pagkamangha. Nakaramdam tuloy siya ng pagkapahiya. "S-sobrang kapal ba ng mukha kong ipilit na i-date niya ako?" kinakabahang tanong niya.

"Ha? Hindi `yan ang nakakagulat. Mas nagulat akong pumayag si Kuya Charlie sa two-months-dating na isinuhestiyon mo. Kilala ko ang lalaking `yon, kapag hindi niya gusto ang isang bagay ay walang makakapilit sa kanya. Getting married, for example. Even dating, he used to say it was troublesome. Pero pumayag siyang makipag-date sa `yo ng dalawang buwan? Wow!" mangha pa ring bulalas ni Cherry.

Sa totoo lang, ikinagulat din iyon ni Jane noong una. Pero katanggap-tanggap naman ang dahilan ni Charlie. "Ayaw lang niyang kulitin pa siya ni Lolo Carlos kaya pagbibigyan niya ang dalawang buwang palugit sa kanya. Sa totoo lang, hindi ko pa alam kung paano ko mapagbabago ang isip niya at kung paano siya mahuhulog sa akin sa loob ng dalawang buwan. But I want to try, Cherry. Because I… I love him," mahinang usal ni Jane. Nag-init ang kanyang mukha dahil iyon ang unang beses na isinatinig niya ang damdamin para sa binata.

Lumambot ang ekspresyon sa mukha ni Cherry. "Kahit hindi ko maintindihan kung ano ang nakikita mo kay Kuya Charlie, matagal ko nang alam na may gusto ka sa kanya, Jane. Noong high school pa tayo, kapag nasa bahay ka namin, yabag pa lang ni Kuya, parang hindi ka na mapakali. Kahit ni hindi siya tumitingin sa direksiyon natin kapag nasa bahay siya, nakikita ko kung paano mo siya sundan ng tingin. Kahit noong college, namumula ang mukha mo kapag napapadaan tayo sa tambayan ng fraternity nila at nando'n sila ng mga kaibigan niya." May lungkot na sumilay sa ngiti ni Cherry habang nakatingin sa kanya. "Kaya minsan, nalulungkot ako na wala akong magawa para matulungan ka sa nararamdaman mo para kay Kuya Charlie. Kaya nang sabihin sa amin ni Lolo ang plano niya, sumang-ayon ako. Ito na kasi ang pagkakataon mo, Jane."

Nag-init ang mga mata ni Jane. Nabagbag ang damdamin niya sa sinabi ni Cherry. "Salamat, Cherry," usal niya.

Lumuwang ang ngiti ng kaibigan niya, saka biglang tumayo. "Kaya tutulungan kitang mag-isip ng mga date ninyo ni Kuya. Hmm, kung next week, ano kaya kung manood kayo ng stage play sa Resort's World? Mahilig ka sa plays, `di ba? Para malaman din niya ang mga hilig mo. Pagkatapos, puwede kayong mag-dinner somewhere," suhestiyon ni Cherry.

Napangiti na rin si Jane. "Magandang ideya `yan. Sige, gano'n na lang. Ang sabi niya, dapat daw ay tawagan ko siya agad para maayos niya ang schedule niya."

Umasim ang mukha ni Cherry. "My God, pati ba naman pakikipag-date, dapat isingit sa schedule niya? Hindi ko talaga maintindihan kung bakit palaging parang may hinahabol ang kapatid kong `yon."

Lumambot ang ngiti sa mga labi ni Jane. "Pero isa `yon sa mga dahilan kung bakit gustong-gusto ko si Charlie. Because he's ambitious at ginagawa niya ang lahat para makuha ang gusto niya na hindi nang-aapak ng ibang tao. Hanga ako sa passion at determination niya." At palagi siyang napapaisip kung ano kaya ang pakiramdam na maging sentro ng passion at determination na iyon ni Charlie.

Napatitig si Cherry sa kanya at saka napailing. "Personally, ayoko ng gano'ng lalaki. But oh, well, ganyan nga yata kapag in love ka sa isang tao. Ah! How about a makeover? Para magulat siya kapag nagkita uli kayo," masiglang sabi nito.

Kumabog ang dibdib ni Jane. Magandang ideya ang makeover. Since she had decided to change from the inside, wala namang masama kung pati ang kanyang panlabas ay magbago kahit paano. Sa thirty one years ng kanyang buhay, ngayon lang niya naisip na gawin iyon. Tumamis ang kanyang ngiti. "Let's do it."