DAMN, I'm late. Napailing si Charlie at inalis ang tingin sa kanyang wristwatch bago pumasok sa restaurant kung saan sila magkikita ni Jane Ruiz. Alam na niya ang buong pangalan ng kanyang so-called fiancée dahil mabilis magtrabaho ang inupahang imbestigador. Nalaman din niya na tama si Lolo Carlos, matagal na siyang may koneksiyon kay Jane dahil matalik pala itong kaibigan ni Cherry mula pa noong high school. Hindi lang niya nakilala ang dalaga dahil hindi naman niya natatandaan ang mukha ng mga kaibigan ng mga kapatid niya.
Iginala ni Charlie ang tingin sa loob ng restaurant hanggang matagpuan ang dalaga sa dulong bahagi, malapit sa glass wall. Nakatingin si Jane sa labas ng restaurant, nakapangalumbaba, at nakangiti na para bang naaaliw sa kung ano mang tinitingnan. Habang naglalakad palapit sa dalaga ay napasunod ang tingin niya sa tinitingnan nito. Sa labas ay may parke para sa mga residente ng condominium buildings na nasa paligid ng restaurant. May maliliit na batang naglalaro doon habang nakaupo sa bench ang mga nanay o yaya.
Muling ibinalik ni Charlie ang tingin sa mukha ni Jane. He suddenly felt uncomfortable. She was not imagining those kids being theirs, right? Dahil kung oo, ibig sabihin ay talagang gusto na nitong magpakasal. At mas mahihirapan siyang kumbinsihin ang dalaga na umatras sa kasal.
Tuluyang lumapit si Charlie sa mesa at napunta sa kanya ang atensiyon ni Jane. May sumilay na alanganing ngiti sa mga labi nito. "Nandito ka na."
Umupo siya sa katapat na silya bago nagsalita. "Yeah. Humaba ang usapan namin ng isa kong kliyente kaya na-late ako. Shall we order?" Kinuha niya ang atensiyon ng isang waiter na agad namang lumapit. Pinagmasdan niya ang dalaga habang namimili ng pagkain sa menu. Iyon ang unang pagkakataon na tinitigan niya ito nang mabuti. Simple lang ang hitsura ni Jane, hindi pangit pero hindi rin naman ganoon kaganda. Mahaba ang tuwid na buhok na nakalugay lamang. Manipis ang makeup at hindi umaalingasaw sa amoy ng pabango na gaya ng mga babaeng nakakasalamuha niya. Kahit ang suot nito ay simpleng slacks at blouse lamang. Sa unang tingin, walang mag-iisip na anak-mayaman si Jane. But somehow he found her pleasant to look at.
Gayunpaman, hindi pa rin nagbabago ang desisyon ni Charlie na kausapin ito upang umatras sa kasal.
Tapos nang um-order si Jane at mukhang naramdaman na ang seryosong pagtitig niya dahil bigla itong tumingin sa kanya. "Hindi ka pa ba o-order?" nagtatakang tanong nito.
Bahagyang umangat ang isang kilay ni Charlie dahil napansing mas composed na si Jane ngayon kaysa noong una silang nagkita. Bumaling siya sa waiter. "Just coffee."
"Coffee? Mabubusog ka ba sa kape?" nagtatakang tanong ng dalaga.
"Hindi rin naman ako magtatagal. May meeting ako one hour from now."
Kumunot ang noo ni Jane. "Makakakain ka in one hour." Bumaling ito sa waiter. "Just give him something na mabilis kainin, please. A sandwich, perhaps?"
"Yes, Ma'am."
Nang umalis ang waiter ay muling humarap si Jane sa kanya. "Ang awkward kung ako lang ang kumakain at nagugutom na ako. Ikaw rin, kahit gaano ka kaabala, hindi mo dapat kinakalimutang kumain."
Napatitig si Charlie sa dalaga. Walang halong panenermon o pag-uutos sa tinig nito. There was nothing in it but concern. Ebidensiya ang ekspresyon sa mga mata ng dalaga. Subalit sa mundo ng criminal law, nasanay na siya sa mga taong hindi madaling malaman kung nagsasabi ng totoo o hindi. He had developed a habit of reading between the lines and trying to uncover what lay beneath the surface.
Kaya iyon din ang ginagawa niya ngayon kay Jane. Umaarte lang ba ang dalaga na inosente at mukhang harmless kahit ang totoo ay may pinaplano ito? Totoo bang hindi nito alam ang engagement nila o nagkunwari lang na walang alam para makuha ang kanyang simpatya?
Hanggang dumating ang mga order nilang pagkain ay hindi pa nakuha ni Charlie ang sagot sa mga tanong na iyon. Sa katunayan, si Jane pa nga ang naunang magsalita nang umalis na uli ang waiter.
"Nagulat ako na tinawagan mo ako. Hindi ba ang sabi mo ay may pag-uusapan tayo?"
Sumimsim muna siya ng kape bago iyon inilapag sa mesa at seryosong tiningnan ang dalaga. "Yes. Tungkol sa engagement natin na sinang-ayunan ng mga pamilya natin." Nakatitig siya sa mukha ni Jane kaya nakita niya nang bahagyang tumingkad ang kulay ng mga pisngi nito. Nagbaba ito ng tingin na tila nahiya.
"Sa totoo lang, hindi ko alam na alam ng mga magulang ko ang tungkol do'n. Ang sabi raw ni Don Carlos, gusto raw niya akong sorpresahin kaya hindi nila sinabi sa akin."
"Hindi na iyon ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang desisyon nating dalawa," sabi ni Charlie. Nang mag-angat ng tingin ang dalaga ay saka lang siya muling nagsalita. "Gusto kong malaman mo na ayoko pang magpakasal. Wala itong kinalaman sa `yo. Kahit na sino pang babae ang ipilit sa akin ng pamilya ko, gano'n pa rin ang desisyon ko. I have my priorities and ambitions, and marriage is not one of them. Gusto kong maintindihan mo iyon."
Hindi nakapagsalita si Jane. Nakatitig lang ito sa kanyang mukha at bahagyang nakaawang ang mga labi. She had suddenly grown pale. At ang ekspresyon sa mga mata ay para bang pisikal niya itong sinaktan.
Sa kung anong dahilan ay may bumikig sa lalamunan ni Charlie at natigilan siya. May nakapa siyang sundot ng guilt sa dibdib na hindi pa niya naramdaman kahit kailan, kahit sa harap pa ng mga umiiyak na witness sa witness stand o iyong mga biktima diumano ng kanyang mga kliyente.
Nagbaba ng tingin si Jane at napansin ni Charlie na bahagyang lumuwag ang hawak ng dalaga sa mga kubyertos. Naikuyom niya ang mga kamay at inalis doon ang tingin. Agad na pinalis niya ang simpatyang gustong kumawala sa kanyang dibdib. Wala rin namang silbi iyon. Buo na ang kanyang desisyon noon pa.
"So, aatras ka sa kasal," mayamaya ay usal ni Jane.
Napahugot ng malalim na hininga si Charlie. "Iyan ang dahilan kung bakit gusto kitang makausap. Hindi ako puwedeng umatras sa kasal."
Natigilan ang dalaga at muling tumingin sa kanya. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
Sinalubong niya ang mga mata nito bago muling nagsalita. "You must be the one to call off the engagement."