"ALAM ninyo ang tungkol sa engagement namin ni Charlie Mariano?" manghang bulalas ni Jane nang kausapin nang masinsinan ang mga magulang pag-uwi niya ng bahay.
Nagkatinginan ang mga ito at sabay na tumango.
"Nakausap na kami ni Don Carlos tungkol doon at wala kaming nakikitang rason para tumanggi sa alok niya," sabi ng kanyang ama.
Napasandal sa sofa si Jane at nakaawang pa rin ang mga labing napatingin sa kanyang mga magulang. "Pero bakit hindi ninyo sinabi sa akin?" Nagmukha tuloy siyang katawa-tawa sa harap ni Charlie kanina. No wonder he thought she was dumb. Mukha talaga siyang tanga kanina dahil hindi niya alam kung ano ang kanilang pinag-uusapan.
"Gusto ni Don Carlos na sorpresahin ka," sabi naman ng kanyang ina.
Napailing si Jane. "Well, nasorpresa talaga ako. Pero bakit kayo nagdesisyong ipakasal ako kay Charlie na hindi muna hiningi ang opinyon ko?"
"Pumayag kami sa kasal na alok nila dahil alam namin na mahal mo si Charlie," sagot ng kanyang mama.
Natigilan siya at nanlalaki ang mga matang napatitig sa mga magulang. "A-ano?"
"Sa tingin mo, hindi namin alam na matagal ka nang may pagtingin sa panganay na apo ni Don Carlos? Hindi ka madaling magtago ng nararamdaman mo, Jane," sabi ng kanyang ina na nagpainit ng mukha niya.
"Aware din ang mga Mariano sa damdamin mo. Bukod sa noon pa ay gusto ka na nila. Kaya ikaw ang napili nilang mapangasawa ni Charlie," sabi naman ng kanyang ama.
Pakiramdam ni Jane ay nahulog ang kanyang puso sa rebelasyong iyon. Naitakip niya ang mga kamay sa mukha sa labis na pagkapahiya. Akala niya, walang nakakaalam ng kanyang nararamdaman; na nagawa niyang itago nang halos dalawang dekada ang damdamin para kay Charlie. Iyon pala, alam ng lahat ng tao sa paligid nila ang tungkol doon. Worse, matapos ang pagkikita nila ng binata kanina, alam niya na maging si Charlie ay aware na rin sa kanyang damdamin.
"Kahit mahal ko siya, ayokong itali si Charlie sa isang engagement na hindi niya gusto. Hindi niya ako mahal."
"Ano ba ang sinasabi mo, Jane? Pagkakataon mo na ito para makasama ang lalaking mahal mo pero basta mo lang pakakawalan? Kahit noong bata ka pa, mabilis mong i-give up ang gusto mo. Sa totoo lang, pinag-aalala mo kami ng papa mo. Kapag hindi mo pinakasalan si Charlie, tatanda kang dalaga. Thirty-one ka na. This might be your last chance to get married. Hindi ako papayag na umatras ka sa kasal," matatag na sabi ng kanyang ina.
Hindi nakahuma si Jane dahil iyon ang unang beses na naging ganoon kadeterminado ang mama niya. Maging ang kanyang papa ay seryoso na rin ang ekspresyon sa mukha.
"At huwag mong kalimutan na kapag naging isa kang Mariano, magiging iyo na rin ang pagawaan. Matutupad na ang pangarap natin na makapag-expand pa ang Ruiz Ladies' Shoes dahil mababawas sa expenses natin ang ibinabayad natin sa pagawaan ng mga Mariano. Kahit saan mo tingnan, walang mawawala sa `yo, Jane. Kaya hindi rin ako papayag na umatras ka sa kasal," sabi ng kanyang ama.
Ibinuka ni Jane ang mga labi subalit walang salitang lumabas doon. Napabuntong-hininga siya at napayuko. Katulad ng dati, hindi na naman niya magawang makipag-argumento. Isa pa, tumagos sa kanyang puso ang sinabi ng mama niya.
"Pagkakataon mo na ito para makasama ang lalaking mahal mo pero basta mo lang pakakawalan? Kahit noong bata ka pa, mabilis mong i-give up ang gusto mo."
Buong buhay ni Jane ay passive siya. Siguro nga, panahon na para subukan naman niyang manindigan para sa sariling kaligayahan. Maybe it was time for her to be bold and reach for something she wanted. Isang malaking pagkakataon ang ibinigay sa kanya ng Diyos at ng pamilya niya para makasama ang nag-iisang lalaking minahal niya buong buhay. Alam ni Jane na hindi siya mahal ni Charlie, pero kailangan niyang gawin ang makakaya para lumambot ang puso nito.
Isipin pa lang na kailangan niyang mapaibig si Charlie ay parang gusto nang umatras ni Jane. Sa likod ng isip niya, may munting tinig na gumigiit na imposibleng mahalin siya ng isang lalaking katulad ni Charlie. Subalit kung hindi siya magbabago, kung hindi niya susubukan na maging matapang at agresibo, mangyayari talaga ang sinabi ng kanyang ina na tatanda siyang dalaga.
Ikinuyom ni Jane ang mga kamay at huminga nang malalim. Pagkatapos ay saka siya nag-angat ng mukha upang tingnan ang mga magulang na nakamasid sa kanya. "Sige na nga. Hindi ako aatras sa kasal kahit ano'ng mangyari," matatag na sabi niya.
Napangiti na ang kanyang mga magulang at mukhang mga nakahinga nang maluwag. Lumapit pa ang kanyang mama at niyakap siya.
"Oh, Jane, that's great! Sa wakas, magkakatotoo na ang pangarap namin ng papa mo na makita kang maglakad patungo sa altar. I am so happy!" bulalas nito.
Biglang nag-init ang mga mata ni Jane. Lalo na at gumitaw sa isip ang sarili na nakasuot ng wedding gown habang naghihintay sa harap ng altar si Charlie, ang kanyang groom. Sa totoo lang, palaging laman ng mga daydream niya noong bata pa ang eksenang iyon. Subalit kahit kailan, hindi niya naisip na magkakaroon iyon ng katuparan. Noon pa man, para kay Jane ay isang bituin na hindi maabot si Charlie. Subalit ngayon, fiancé na niya ang binata. Her dreams had come true.
May init na lumukob sa kanyang puso, kasabay ang matinding determinasyon na hindi pa niya naramdaman noon. Determinasyon na mapaibig si Charlie. Determinasyong matuloy ang kanilang kasal.
MADALING isipin pero mahirap gawin. Iyon ang magdamag na nasa isip ni Jane kaya halos hindi siya nakatulog. Pakiramdam tuloy niya ay haggard nang pumasok sa opisina ng Ruiz Ladies' Shoes kinabukasan. Dahil nakapagdesisyon na siyang manatiling engaged kay Charlie, pilit siyang nag-isip kung paano mapapalapit sa binata para magawa rin siya nitong mahalin. Subalit wala siyang naisip na paraan. Ni hindi nga niya alam kahit ang cell phone number ni Charlie. Mukhang kahit nakakahiya, kailangan niyang hingin kay Cherry ang cell phone number ng kuya nito.
Pagsapit ng tanghali ay tatawagan na sana ni Jane si Cherry nang biglang tumunog ang kanyang cell phone. Numero lang ang nasa screen pero sa hindi maipaliwanag na dahilan ay sumikdo ang kanyang puso. Huminga siya nang malalim bago sinagot ang tawag.
"Hello?" bantulot na usal ni Jane.
"It's me," sagot ng baritonong tinig na nagdulot ng kilabot sa kanyang buong katawan.
Mariin siyang napapikit. Si Charlie. Paano niya nalaman ang cell phone number ko? At bakit siya tinatawagan ng binata? Higit sa lahat, bakit kung umasta si Charlie ay para bang inaasahang makikilala kaagad niya ang boses nito? Na totoo naman. But still…
"Bakit mo naman naisip na makikilala kaagad kita kahit hindi ka magpakilala?" tanong ni Jane.
"Pero nakilala mo ako, hindi ba?" balik-tanong ni Charlie.
Napabuntong-hininga siya. She was about to knuckle under and give in when she remembered the decision she made last night. Hindi siya magugustuhan ni Charlie kung mananatili siyang boring. Pero nag-iisip pa lang siya ng maaaring sabihin ay naunahan na siya ng binata.
"Never mind. We need to talk. Meet me for lunch." Sinabi ni Charlie ang pangalan ng restaurant na pagkikitaan nila mamayang tanghalian. Ni hindi hinintay ng binata ang kanyang pagpayag. "I have to go. May mga kailangan pa akong tawagang kliyente bago ako makaalis ng law firm. Save this number and contact me kapag dumating ka sa restaurant na wala pa ako." Iyon lang at tinapos na nito ang tawag.
Nakaawang ang mga labing napatitig na lang si Jane sa kanyang cell phone. Bakit ba ganoon si Charlie? Parang hangin na biglang dumarating at mabilis ding nawawala. Kahit sa pagtawag sa cell phone ay ganoon ang binata. Para bang palaging nagmamadali na hindi mawari.
"Pero gusto niya akong makasama sa lunch," naiusal niya sa sarili. Kahit paano ay may nakapa siyang tuwa sa puso sa isiping iyon. Maybe this engagement might work out after all.
Napahugot si Jane ng malalim na hininga at tumayo na mula sa swivel chair. Kailangan niyang mag-retouch bago magtungo sa restaurant. Hindi man stunning ang kanyang ganda, gusto pa rin niyang maging presentable kapag nagkita sila ng kanyang fiancé.