KUMUNOT ang noo ni Charlie nang pagpasok niya sa common area ng Bachelor's Pad ay napansin na may kulang sa mga dati ay regular na residenteng tumatambay roon kapag ganoong weekend night.
"Nasaan sina Rob at Ross?" tanong niya nang makalapit kina Jay at Ryan na nasa bar counter.
Napailing ang dalawa at inalok siya ng alak.
"Si Rob, may dinner date daw sa pamilya ng fiancée niya," sagot ni Ryan na himalang walang bitbit na laptop sa gabing iyon.
Tuwing nakikita kasi ni Charlie si Ryan Decena, palaging nakatutok ang lalaki sa laptop at abala sa pagbabasa ng mga artikulo para sa sports magazine ng kompanya nito. Sa katunayan, mukhang pagod si Ryan na hindi mawari.
"At si Ross, nagpunta uli sa Cebu para puntahan ang girlfriend niya," sabi naman ni Jay at saka umiling. "Hindi ako makapaniwalang nasilo ng isang babae si Ross. Hindi ako sanay na hindi siya kasama kapag nagpupunta sa club. Kahit iyong mga babaeng naroon ay hinahanap siya sa akin."
Napailing din si Charlie. Hindi rin kasi siya makapaniwala na na-in love si Ross sa isang babae. At hindi lang basta babae, kundi anak pa sa labas ng isa ring abogado sa kanilang law firm.
Umupo si Charlie sa isang stool sa bar at kumuha ng maiinom. Hindi pa man niya naiinom ang alak nang tumunog ang kanyang cell phone. Agad niyang dinukot iyon sa coat pocket dahil baka kliyente niya ang tumatawag. Subalit nalukot ang kanyang mukha nang makita na ang lolo niya ang tumatawag.
Muling tumayo si Charlie. "Excuse me, sasagutin ko lang ito." Mabilis na lumabas siya ng common area. Mas tahimik kasi sa lobby.
"Where are you?!" Iyon kaagad ang bungad ng kanyang lolo nang sagutin niya ang tawag.
"Why?" seryosong tanong niya.
"Anong why? You're supposed to meet your fiancée tonight!" pasigaw na bulalas ng abuelo. Patunay na napipikon na ito sa kanya.
Ilang beses na kasing hindi sumisipot si Charlie sa mga "date" na isine-set ni Lolo Carlos para sa kanya.
"I don't want a fiancée," nagtatagis ang mga bagang na sagot niya. Hindi ba naisip ng kanyang lolo na masyado nang moderno ang panahon ngayon para sa arranged marriage?
"Well, I want you to have one. Mabait na bata si Jane. Magiging mabuti siyang asawa sa `yo."
Unti-unti nang nakakaramdam ng galit si Charlie. Bakit ba kung gaano kagalante ang lolo niya ay ganoon din katindi ang pagiging manipulative nito? "I don't know anything about her, Lolo. Hindi ko nga alam kung ano ang hitsura niya."
"Ano'ng sinasabi mo? Magkakilala na kayo ni Jane mga bata pa lang kayo. You even attended the same schools until college. Huwag mo nga akong iniisahan. Basta magpunta ka rito ngayon din. Kung hindi, kalimutan mo na ang mana mo sa akin." Iyon lang at tinapos na ng abuelo ang tawag.
Kunot-noong napatitig si Charlie sa kanyang cell phone. Kilala niya ang napiling fiancée ni Lolo Carlos para sa kanya. Subalit kahit anong isip ang gawin, wala siyang matandaang mukha na maaaring idikit sa pangalang "Jane." Even her name sounded so plain.
Sa katunayan, mas tumatak sa isip niya ang pananakot ng kanyang lolo na aalisan siya ng mana. Hindi niya mapapayagan iyon. Sa kanyang mana nakasalalay ang pangarap niyang magkaroon ng sariling law firm balang-araw. Napabuga siya ng hangin. Maybe it was time to finally meet his fiancée.
•••WAKAS•••
author's note: thank you for reading. if you enjoyed this story please, please do leave a good rating and review. it will be a big help for me. next volume coming up!